Myoma: Ano ito at paano nakaka-apekto sa kalusugan ng babae?

Myoma: Ano ito at paano nakaka-apekto sa kalusugan ng babae?

Maraming babae ang nabubuhay sa araw araw nang hindi nalalaman na mayron silang myoma, dahil madalas ay walang sintomas na makikita. Ano nga ba ang dapat bigyan ng pansin para hindi dalhin ang kondisyong ito nang walang kaalam-alam?

Alamin sa artikulong ito ang mga sintomas ng myoma at mga importanteng impormasyon sa sakit na ito.

Ang myoma o leiomyomas (lie-o-my-O-muhs) ang pinaka-karaniwang uri ng benign o non-cancerous tumor sa female reproductive system. Kilala din ito sa tawag na uterine fibroids, at nakikita sa pamamagitan ng ultrasound.

Ayon sa medical article na Hysteroscopy for Evaluating and Treating Recurrent Pregnancy Loss ni Steven F. Palter, ito ay tumutubo sa uterus, at nasa 70% ng kababaihan ang nalalaman na mayro’n sila nito pagdating pa lang ng edad na 50 pataas.

Nagsisimula kasi ang fibroids sa maliit lamang na hindi halos makita, at unti-unting lumalaki, hanggang sa malampasan pa nito ang sukat ng uterus. Maaaring isa lang, at puwede ring magkaron ng marami nito, paliwanag ni Grace Alvarez, RN.

Sa ilang pagkakataon, ang multiple fibroids o myoma ay lumalaki hanggang sa umabot pa sa ilalim ng dibidib at rib cage. “It usually happens sa child-bearing age na di alam ng pasyente na meron na siya, then later on kapag lumaki na talaga, saka lang malalaman,” dagdag ni nurse Grace.

Ang karaniwang problema ay hindi ito kaagad nakikita, o hindi kaagad nalalaman ng pasyente na may myoma siya, dahil minsan walang sintomas ng myoma ang mararamdaman, dagdag ni nurse Grace.

Madalas pa nga ay dekada ang binibilang, at hindi ito nalalaman kahit pa madalas magpatingin sa OB GYN. Hanggang sa kailanganin ng ultrasound o pelvic exam dahil sa ibang dahilan, o nakikita lang kung sobrang laki na nito. Saka lang aksidenteng makikita na may myoma na pala.

Mga Sintomas ng Myoma

Ang mga sintomas ng myoma ay may kinalaman sa lokasyon, sukat nito, at bilang ng fibroids. Kapag nakakaranas ng isa o higit pa sa mga sumusunod, kumunsulta kaagad sa iyong OB GYN o doktor para masimulan ang pag-alam sa kung ano ang sanhi ng mga sintomas, at mas malalalim na kondisyon.

Ayon sa medical article ni S. Gene McNeeley, MD, isang Clinical Professor sa  Michigan State University, College of Osteopathic Medicine, ang mga sintomas ng myoma ay ang mga sumusunod:

  • Malakas na regla, na tumatagal ng isang linggo o higit pa
  • Pananakit ng puson at pelvic pressure, na hindi nawawala
  • Bleeding o spotting sa pagitan ng buwanang dalaw
  • Palaging naiihi, pero hirap naman umihi
  • Constipation, o hindi makadumi
  • Masakit ang likod at mga binti
  • Masakit kapag nakikipagtalik

Ang heavy bleeding ay maaaring maging sanhi ng anemia, at may kasamang fatigue at labis na panghihina.

Kapag nagkaro’n ng impeksiyon ang myoma, maaaring maging mas masakit pa ito, at may kasamang bleeding, o kaya ay vaginal discharge.

Bihira pero may mga pagkakataon din na may makakapang bukol sa abdomen.

May mga myoma na tumutubo sa loob ng muscular uterine wall, mayro’ng nasa uterine cavity, at mayro’n ding tumutubo sa labas ng uterus.

Kung malaki ang ang myoma, maaaring makahadlang ito sa paglabas ng urine o ihi, kaya’t hirap ang paglabas nito. Ito ang maaaring pagsimulan ng UTI. Ang tinatawag na prolapsed myomas, na nasa bukana ng vagina, na pinagsisimulan naman ng impeksiyon o pagdurugo, o pareho.

sintomas ng myoma

Photo: Shutterstock

Ano ang sanhi nito?

Walang lubusang nakakaalam kung saan nanggagaling o paano nagkakaron ng uterine fibroids. Ang nalaman lang mula sa mga scientific medical research ay ang karaniwang factors na posibleng maka-apekto tulad ng genetic changes, at mga hormones lalo na ang estrogen at progesterone.

Sinasabing ang myoma ay maaaring lumiit kapag nag-menopause dahil nga kaunti na ang produksiyon ng hormones. May mga tumutubo ding myoma habang nagbubuntis pero nawawala din pagkatapos ng pagbubuntis, dahil bumabalik an uterus sa dating sukat nito.

Ayon pa rin kay Dr. McNeeley, na isa ring Chief of Gynecology ng Center for Advanced Gynecology and Pelvic Health, ang mga uterine fibroids ay maaaring nanggaling sa mga stem cell ng uterus (myometrium) na nahati nang ilang beses, at naging maliliit na mass.

Ano ang maaaring maging komplikasyon?

Bagamat hindi naman mapanganib sa kabuuang kalusugan ang pagkakaron ng myoma, may mga komplikasyon tulad ng anemia dahil na rin sa pagkawala ng dugo.

Hindi rin ito karaniwang nakakasama sa pagbubuntis, ngunit may mga fibroids na nagiging sanhi ng pagkabaog o pagkalaglag ng sanggol sa mga unang linggo ng pagbubuntis. Posible ding magkaron ng komplikasyon tulad ng placental abruption, fetal growth restriction at preterm delivery, ayon sa Mayo Clinic.

Natatanggal ba ang myoma?

Ang myoma ay maaaring matanggal sa pamamagitan ng surgery (myomectomy), kung ito ay nakikitaan ng mga sintomas.

Kung ang myoma ay maliit lang at walang nakikitang komplikasyon, hindi na ito kailangang gamutin.

Kung ang myoma ay natanggal ng hindi nakaapekto sa uterus, maaari pang magkaanak ang pasyente. Kung ito ay malaki, posibleng kailanganing tanggalin ang buong uterus (hysterectomy).

——

Wala pang scientific research na nakakatuklas ng kung ano ang pinakasanhi ng myoma at kung ano ang pwedeng gawin para maiwasan ang pagkakaron nito.

Ang tanging maipapayo ng mga doktor ay ang pagkakaron ng healthy lifestyle choices, tulad ng pag-eehersisyo at pagkain ng prutas at gulay. Makakatulong ng malaki ang pagpapanatili ng normal na timbang para maiwasan ang pagtubo ng myoma.

Mahalaga rin ang pagpapa-check up kada taon, payo ni nurse Grace, kasama na ang pap smear test para malaman ang kondisyon ng cervix at uterus, at para makita kung may senyales ng myoma, at magkaron ng iba pang tests tulad ng ultrasound. Ang myoma ay nakakapa ng doktor sa pamamagitan ng pelvic exam, pero kakailanganin ng iba pang tests pera matukoy ang kondisyon at treatment.

 

SOURCES:
Grace Alvarez, RN
Hysteroscopy for Evaluating and Treating Recurrent Pregnancy Loss ni Steven F. Palter
S. Gene McNeeley, MD, Clinical Professor, Michigan State University, College of Osteopathic Medicine at Chief of Gynecology ng Center for Advanced Gynecology and Pelvic Health
Mayo Clinic, Science Direct, MSD Manual

Basahin: Retroverted uterus: Everything a Filipino mom needs to know

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner