Mahirap ang lumaki nang walang kumpiyansa sa sarili. Malaki ang nagiging epekto nito sa paglaki ng isang tao. Naaapektuhan din nito maging ang pag-abot sa mga kailangan para maging successful sa buhay.
Subalit, may mga bagay na nagagawa ang mga magulang na hindi nila alam ay nakaka-apekto sa self-confidence ng bata. Alamin natin ang mga ito ayon kay Jeffrey Bernstein, PhD., ang manunulat ng librong Liking the Child You Love.
Mga bagay na dapat iwasan upang hindi walang kumpiyansa sa sarili ang iyong anak
Pagsigaw at pamamalo
Ang pagsigaw at pamamalo ay karaniwang nagagawa ng mga magulang kapag ang bata ay may pinapakitang behavior na hindi nagustuhan. Maaaring ito ay may nagawa siyang mali o kaya naman ay sa kanyang pagtantrums. Maaaring naging epektibo ito sa punto na isinagawa subalit, ayon kay Bernstein, panandaliang solusyon lamang ito. Ang masama pa dito, wala itong magandang naituturo at nakaka-apekto pa sa kumpiyansa ng bata.
Ang pagsigaw at pamamalo ay ang tantrums ng mga magulang sa hindi magandang asal ng bata. Ito ay isang paraan ng mga magulang para i-bully ang mga bata nang sumunod ito sa kagustuhan. Napapababa nito ang kumpiyansa sa sarili ng mga bata. Nakakasagabal din ito sa pagkakaroon ng kapasidad ng bata na magkaroon ng constructive conversation. Sa pamamagitan nito, hindi natututunan ng bata kung papaano pag-usapan ang prublema at pabutihin ang kanilang self-esteem.
Pagbalik ng mga nakaraan
Ang pagbalik ng nakaraan sa mga relasyon ay hindi nakabubuti sa ano mang argumento. Ganito rin pagdating sa pagpapalaki ng mga bata. Hindi nakakabuti na muling ipaalala sa kanila ang dating mga pagkakamaling nagawa nila. Ang pagpapa-alala ng mga nakaraan ay nagtuturo na magkimkim ng sama ng loob.
Pagdating sa mga naresolbahan nang pagkakamali, dapat ay matuto lamang mula dito at hindi halungkatin pa. Ang mga bata ay mayroon ding karapatan na muling magsimula sa clean slate. Makakabuting alalahanin na ang nangyari ay nangyari na. Ang pagkakamaling nagawa ay hindi nakaakibat sa tao habang buhay lalo na kung bata pa lamang.
Pangungonsensya
Ang pangungonsensya ay maaaring gawin sa bata dahil natuturuan sila nito kung paano tignan ang isang bagay mula sa punto ng iba. Subalit, ang laging paggamit nito ay nakakapagpababa ng kumpiyansa sa sarili ng bata. Ipinapamukha kasi nito sa kanila na ang kanilang side ng istorya ay hindi mahalaga at ang sa mga magulang lang ang dapat alalahanin. Hindi nito binibigyang halaga ang kanilang nararamdaman.
Ang paminsan minsan na paggamit ng paraan na ito ay hindi masama. Subalit, mahalaga rin na tignan ng mga magulang ang isang pangyayari mula sa mata ng kanilang mga anak. Huwag lamang tignan ang mga bagay kung paano ka nito naapektuhan. Isipin din kung bakit ito nangyari mula sa pananaw ng iyong anak.
Paggamit ng sarcasm
Ang paggamit ng sarcasm sa pakikipag-usap sa mga bata ay hindi nakakatulong sa pagbuo ng magandang komunikasyon. Nahahadlanangan nito ang pagtuto ng bata sa epektibong pakikipag-usap. Imbes na maiparating ang nais sabihin, ginagamit ang sarcasm upang mapakita sa bata ang pinagkaiba ng posisyon.
Ang layunin din ng paggamit ng sarcasm sa pakikipag-usap ay ang ipahiya ang kausap. Madalas na ipinaparating ng sarcasm kung gaano kababa ang kausap sa gumagamit nito. Dahil dito, bumababa ang tingin ng mga bata sa kanilang pagkatao kumpara sa mga magulang. Hindi na napaparating ang mensahe ng magulang, nakakasama pa sa kumpiyansa sa sarili ng mga anak.
Mahirap ang biglang pag-alis ng mga ganitong gawain sa nakasanayan ng isang magulang. Dahil dito, maaaring magkaroon ng mga pagkakataon na muling magawa ang mga ito. Maaari rin na naka-apekto na sa kumpiyansa ng anak ang mga dating nagagawa. Para maayos ito, makakabuting humungi ng tawad sa anak. Hindi lamang nito naibabalik ang kumpiyansa niya sa sarili, napapagtibay din nito ang samahan ng magulang at anak. Nakakapagturo din ito ng magandang asal pagdating sa paghingi ng tawad.
Basahin din: 11 Karaniwang pagkakamali ng mga bagong magulang at paano ito ayusin
Source: Psychology Today
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!