Ang Work from Home Law o Telecommuting Act ay ang batas na kumikilala sa telecommuting bilang isang legitimate na work arrangement na kung saan ang isang manggagawa o empleyado ay nagtratrabaho sa alternative workplace gaya ng kaniyang bahay at isinasagawa ang kaniyang trabaho sa pamamagitan ng telecommunications o iba pang computer technologies.
Ang batas na ito ay kilala rin bilang Republic Act No. 11165 na nauna ng nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Disyembre ng nakaraang taon at nailabas lang sa publiko kahapon.
Maliban sa layunin ng batas na ito na mag-promote ng work-life balance at mai-address ang traffic congestion sa Pilipinas, nilalayon din nito na maprotektahan ang karapatan ng mga mangagawa o employee na sakop ng work arrangement na tinutukoy rito.
Ayon sa Work from Home Law, ang mga empleyadong sakop ng batas na ito o tinatawag na telecommuting employees ay dapat ding may pantay na karapatan sa regular na empleyado gaya ng sumusunod:
- Makatanggap ng rate of pay na kabilang ang overtime, night shift differential at iba pang monetary benefits na hindi bababa sa mga nakasaad sa mga applicable laws at collective bargaining agreements na may kaugnayan rito.
- Pagkakaroon ng rest periods, regular holidays at special non-working holidays
- Kaparehong workload o dami ng trabaho at performance standards tulad ng nagtratrabaho sa opisina ng parehong employer
- Karapatan sa pagkakaroon ng training at career development opportunities pati narin sa appraisal policies
- Makatanggap ng kaukulang training sa technical equipment na kanilang kailangang gamitin pati narin sa kondisyon at characteristics ng telecommuting
- Parehong karapatan sa mga empleyadong nagtratrabaho sa opisina ng kanilang employer at may malayang komunikasyon sa mga worker’s representative
Ayon parin sa work from home law, ang mga private employers ay maaring mag-offer ng telecommuting program sa kanilang empleyado sa pamamagitan ng voluntary basis. Ang adapsyon rin ng working scheme na ito ay nakadepende parin sa kagustuhan ng mga employer. Ngunit ang programa ay dapat hindi bababa sa minimum labor standards na isinaad ng batas sa kalusugan at kaligtasan ng empleyado, schedule at workloads, work hours at social security.
Kailangan ding siguraduhin ng isang employer na ang kaniyang mga telecommuting employees ay hindi nahihiwalay sa kaniyang working community sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga opportunidad na makilala ang kaniyang mga katrabaho at magkaroon ng access sa mga impormasyon tungkol sa kumpanya na kaniyang pinagtratrabahuan.
Kailangan ring magbigay ang mga employers sa telecommuting employee ng isang kontrata o relevant written information na kung saan nakasaad ang mga terms and conditions ng telecommuting program at ang mga responsibilidad ng empleyado.
Para masubukan ang effectivity at productivity ng telecommuting ay magsasagawa ang Department of Labor and Employment ng telecommuting pilot program sa piling mga business industries na hindi lalagpas ng tatlong taon.
Ang DOLE rin ang mangunguna sa baselining, scoping, profiling research work, implementation, monitoring at evaluation ng naturang programa.
Ang work from home law ay ang pinagsamahang panukala ng Senate Bill No.1363 and House Bill No. 7402 na tumutukoy sa telecommuting at karapatan ng mga home-based workers.
Ang work from home law o Republic Act No. 11165 ay magiging epektibo 15 araw matapos ang publikasyon nito sa Official Gazette at iba pang pambansang dyaryo.
Sources: Philstar, Inquirer, Rappler, GMA News
Basahin: 12 home based jobs for stay at home moms
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!