Ito na ang big-4 ni baby! Ito ang isa sa pinakamagandang edad sa unang taon niya. Mas expressive na siya, at ikatutuwa ninyo ang ngiti, tawa at hagikgik niya sa araw-araw. Napaka-cute, di ba? Ang dami na rin niyang kayang gawin! Sa 4 buwan development ng baby, ano na nga ba ang dapat na asahan sa kaniya?
Huwag mag-alala kung nagtatangka siyang itaas ang ulo niya habang nakadapa. Pinapaalam lang niya na malaki na siya.
Marami ring makikitang mga pagbabagong pisikal sa kaniya. Patuloy na bumibigat ang timbang ni baby at halos doble na rin ito sa timbang niya nuong pinanganak siya. Kaya naman di maiwasang panggigilan ang mga pisnging kay laki!
Ito rin ang panahon kung kailan dapat maghanda para sa isang emotional rollercoaster–taas baba ang energy at emosyon, mula tuwa at lungkot, at kung anu ano pa.
Ano ang gagawin? Ito ang listahan ng mga pwedeng asahang pagbabago sa ika-4 na
buwan.
4 Buwan development ng baby: Physical development
Kayang kaya na ang ulo
Magpapasikat na si baby ngayon, dahil tuwid na ang pagtayo at pagtaas ng ulo niya nang walang tulong. Isa rin siyang munting explorer dahil sobrang aktibo at likot na nito. Kapag hinawakan ng patayo, naglililiyad at sumisipa pa, kaya’t kailangang mahigpit at siguradong hindi mabibitawan ito.
Paikot-ikot na rin
Dahil sa madami siyang pakitang gilas simula ngayong buwan na ito, ihanda na ang video camera para makuhanan ang mga importanteng “firsts” ni baby. Hintayin ang pagdapa niya nang mag-isa, o pag-ikot at pagtihaya kapag nakadapa, dahil tiyak na nakakatuwang panoorin na mag-paikot ikot si baby sa kama o sa sahig. Siguraduhing malayo sa tabi ng kama, o may nakalatag na malambot na kutson kapag pinaglalaro siya sa sahig para hindi mauntog at masaktan.
Tikim-tikim din
Asahan na lahat ng mahawakan niya ay isusubo niya, sa edad na ito. Kaya’t kung mayrong mga laruang nakasabit tulad ng baby mobile, rattles, at mga laruang umiilaw at may tugtog, dadakmain ito, bubutingtingin, papaluin at isusubo pa nga. Pati nga buhok, damit at daliri ni Mommy ay “yummy” para sa kaniya!
Tandaan na kapag hawak si baby, tanggalin ang mga matatalas na alahas o accesories na suot at baka hugutin niya ito. Pati salamin ay delikado na rin sa mga mabilis na kamay ni baby. Kaya na din niyang hablutin ang hikaw ni Mommy kaya maging alisto.
Sensitibo at “heightened” ang senses niya
Magaling nang mag-focus ang mga mata ni baby, kahit pa gumagalaw sa harapan niya, lalo na’t maliwanag at makulay, at may contrast (tulad ng black and white). Ang vision niya ay 20/40 na kasi. Kung mapapansing hindi siya sumusunod sa bagay na pinapakita sa kaniya, o parang duling o banlag, ipatingin agad sa pediatrician.
Masarap na ang tulog niya!
Magandang balita! Sa ika-4 na buwan, may maayos na napping schedule na si baby.Ibig sabihin ay kaya na niyang matulog ng diretso sa buong magdamag, at mas regular na ang pag-idlip sa maghapon. Tipikal na mula 7 hanggang 8 oras ang tulog niya sa gabi. Kapag isinama pa ang 2 pag-idlip sa maghapon, minimum ang 12 hanggang 13 oras kada araw.
Kaya’t, congratulations! Makakatulog na rin si Mommy at Daddy sa gabi, nang hindi maiistorbo ng pag-iyak ni baby.
Sa puntong ito, dapat ang median height at weight ng iyong anak ay:
- Lalaki
– Length: 64.0 cm (25.2 inches)
– Weight: 7.0 kg (15.4 lb)
- Babae
– Length: 62.2 cm (24.5 inches)
– Weight: 6.6 kg (14.6 lb)
Ang kanyang head circumference naman ay dapat na:
- Lalaki: 41.6 cm (16.4 inches)
- Babae: 40.6 cm (16.0 inches)
4 Buwan development ng baby: Cognitive development
Mas expressive siya
Marami na siyang kayang gawin ngayon, tulad ng kakayahang ipadama at ipahatid ang nararamdaman niya sa mga nag-aalaga sa kaniya. Maipapaalam na niya kung masaya siya o malungkot, gutom o inaantok.
Nakakatugon na siya
Kaya naman kapag niyakap, hinagkan, o binulungan siya ng mga salita ng pagmamahal, o kaya ay kinantahan, titingnan ka ngingiti, at makakakita o makakaramdam din ng tugon mula sa munting anghel.
Hand-Eye Coordination
Nag-improve na rin ang hand-and-eye coordination niya sa ika-4 na buwan. Kapag may nakita siyang bagay, inaabot niya ito (at naaabot naman niya). Dahil maayos na rin ang motor skills niya, kumakawag ito kapag may nakitang bagay na gusto niyang dakmain, at sinusundan ng mga mata niya.
Ang pinakamasaya pa ay nakikilala na niya ang mga taong palagi niyang nakikita o nakakasalamuha. Palaging tawagin ang pangalan niya at palagi siyang laruin.
4 Buwan development ng baby: Social at emotional development
Pagdating sa aspetong ito, mas marami pang nakatutuwang milestone ang magaganap sa buwang ito. Kaya na ni baby na ipahiwatig at ipadama ang nararamdaman niya, at nakakatugoon na rin siya sa pinapadama at sinasabi sa kaniya.
Ang lahat ng nakakatuwang bagay na ito, ay may kasamang luha din. Kapag kasi nakikipaglaro sa kaniya, at biglang tumigil, maaaring ma-upset si baby. Huwag mag-alala, lahat ito ay bago kasi sa bata. Maging alisto sa mga pahiwatig ng anak, para alam mo kung kailan niya gustong tumigil maglaro, o kung kailan siya ganado pang makipagkulitan.
Ang mas nakakaaliw? Gagayahin niya lahat ng facial expressions ng kausap niya. Subukang magpakita ng iba’t ibang exaggerated na facial expression at tiyak na gagaya si baby, na siyang ginagawa ng mga bata sa edad na ito.
4 Buwan development ng baby: Speech at language development
Huwag kalimutan na lahat ng nakikita sa mga matatanda, sa mga magulang at kapatid, ay posibleng gayahin ni baby. Hindi mo namamalayan ay nakukuha na niya ang mga expression, tunog, at patterns ng ugali at routine sa maghapon.
Kaya nga kapag tinawag ang pangalan niya sa pinakamalambing o kagiliw-giliw na tono o boses, gagyahin ito ni baby, sa abot ng kaya niya. Magdadaldal na rin siya, kahit di pa malinaw o buo ang mga salita.
Para mahikayat ang language skills development ng bata, kausapin siya palagi, pero hindi baby talk, kundi buong mga salita na parang ang kausap ay kapwa matanda rin. Ayon sa mga pag-aaral, ang malambing at parang pakanta na boses ay mabuti para sa mga batang nagsisimula pa lang makipag-usap. Makakatulong ito na makapagsalita ang bata ng mas maaga.
Gumamit ng mga kumpletong pangungusap at tamang grammar. Pati ang pagsasabi ng “please” at “thank you” ay mahalaga. Hindi niya ito lubusang naiintindihan, pero maiintindihan niya ang konteksto, at matututunan niya ang koneksiyon nito sa buhay niya, paglaon.
Kalusugan at nutrisyon
Payo ng mga doktor, gatas ng ina ang susi sa malusog at masayang bata. Magpasuso hanggang 6 na buwan, at pakainin siya ng solids paglagpas ng ika-6 na buwan.
May mga batang nagsisimulang kumain ng solids sa ika-4 na buwan, lalo na at nakakaupo na ito nang walang tulong, at kaya na ang ulo niya. Bigyan siya ng mga pagkaing may iron, at ihalo ang anumang pagkain sa gatas ng ina o formula.
Gawing malabnaw sa una, na parang gatas din, para lang masanay muna sa panlasa at bibig ni baby. Unti-unting gawing mas malapot, kapag nakikitang kaya na ni baby, at walang naging problema sa digestion.
Vaccination and Common Illnesses
Sa puntong ito, ang iyong anak ay tatanggap na ng second dose ng 5 in 1 vaccine at second dose naman ng Rotavirus vaccine. Ganun din ang first dose ng PCV. Kausapin din ang inyong pedia tungkol sa schedule ng kanyang mga bakuna at kung ito ay up-to-date.
Kahit na mas malakas na ang iyong baby ngayon, immature pa rin ang kanyang immune system. Ito ay dahil hindi pa rin kumpleto ang mga bakuna niya.
Treating Common Illnesses
Mga Tips para sa mga magulang
Si baby ay isang eager explorer na ngayon! Gawing baby-friendly ang inyong tahanan, para maiwas sa panganib si baby. Gawin ding sensory-rich ang paligid, para mahinang ang senses ni kulit.
Bigyan ng textures na mapaglalaruan
Gumawa ng mga sensory boards: magdikit ng steel wool, sponge, beans, at iba pang tuyo at hindi nabubulok na bagay sa isang maliit na kahoy o board, para paglaruan ni baby. Ilagay ito sa sahig o sa isang bahagi ng dingding.
Bigyan din siya ng mga libro at laruan na may iba’t ibang texture (marami nang mga feely books ngayon).
Subukan ding maglagay ng iba’t ibang bagay sa mga maliliit na ziplock bags: yelo, jell-o, monggo, cinnamon, lentils, hilaw na pasta, damo o dahon at marami pang ibang tulad nito, lagyan ng cello-tap para maisara at hindi makain ni baby ang laman ng bag, at saka ipahawak sa bata. Iwasan lang na bigyan siya ng mga bagay na masyadong maliit at baka isubo at lulunin, o di kaya naman ay bumara sa airway niya. Lahat ng paglalaro niya ay dapat “supervised”.
Basahan siya ng libro at kantahan siya
Gawing ritwal ang pagbabasa sa umaga, tanghali at gabi. Napakaraming libro ngayon na may bersiyong pakanta na din (“Brown Bear, Brown Bear” ni Eric Carle, at mga kuwento ni Julia Donaldson, halimbawa). Gawing malamig at nakakaaliw ang boses, at tiyak ay makukuha mo ang atensiyon ni baby. Gawing masaya at kagiliw-giliw palagi ang reading at music time para lubusang makatulong sa development niya.
Gawing childproof ang buong bahay
Maghanap ng mga gamit na pang-childproof ng mga sulok, kanto, drawers at iba pang bahagi ng bahay na posibleng delikado para sa naglilikot na bata. Alisin ang lahat ng mga nakakalat sa sahig, lalo na ang mga kable, pagkaing nahulog sa sahig, dumi, kalat tulad ng papel, pako, thumbtacks, at lahat ng pwedeng isubo ni baby.
Basta’t alisto sa lahat ng mga panganib at patuloy ang interaction kay baby, magiging masaya at makabuluhan ang buong 4 na buwan ng anak.
Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/4-month-old
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!