Adik sa video games ba ang anak mo? Puwes dapat unti-unti mo na itong limitahan dahil baka matulad siya sa batang ito.
Batang adik sa video games
Hindi inakala ng amang si Jaranwit Harikun mula sa Thailand na patay na pala ang 17-anyos niyang anak na si Piyawat sa loob ng kwarto nito. Dahil ayon kay Jaranwit ay hindi lumalabas ng kwarto niya ang anak. Ito kasi ay nahumaling at adik sa video games na tanging ito lang ang ginagawa niya maghapon at magdamag ng ilang araw magmula ang school break.
Ayon kay Jaranwit, halos hindi na daw natutulog ang anak sa gabi. At ibinababa lang ang kurtina ng kaniyang kwarto sa araw para hindi masilaw sa liwanag at magpatuloy sa paglalaro ng video games sa kaniyang computer.
Para makakain ay kailangan pang hatiran ito sa kaniyang kwarto dahil ayaw talaga nitong tumayo at tumigil sa paglalaro.
Dagdag ni Jaranwit, ay pinagsasabihan naman daw nila ng kaniyang asawa ang anak na tumigil na sa paglalaro. Ngunit matigas ang ulo nito at hindi sumusunod.
Hanggang nitong Nov.4 ng kaniyang tawagin ang anak ay hindi na ito sumasagot. Nang pasukin niya ang kwarto nito, ay doon niya nakita si Piyawat na nakasubsob na ang mukha sa sahig at wala ng buhay.
Ayon sa mga doktor, nang matagpuan ni Jawanwit ang anak ito ay mahigit anim o walong oras ng patay. At ang naging dahilan ng pagkamatay nito ay heart failure.
Kaya naman dahil sa nangyari sa anak ay pinapayuhan ni Jaranwit ang mga kapwa niya magulang na subaybayan ang kanilang mga anak na adik sa video games. Habang maaga ay pigilan o limitahan sila sa sobrang paglalaro nito. At sa halip ay ubusin ang kanilang oras sa pagbobonding bilang isang pamilya.
Masamang epekto ng pagiging adik sa video games
Maliban sa mga health risk tulad ng heart failure, ang sobrang paglalaro o pagiging adik sa video games ng isang bata ay maaring magdulot sa kaniyang ng maraming masamang epekto. Ilan nga sa mga ito ay ang kakulangan sa tulog, physical exercise at pagkain ng tama. Maari rin siyang magkaroon ng carpa tunnel syndrome dahil sa sobrang paggamit ng mouse. Na pwede ring sabayan ng migraine at pananakit ng likod dahil sa mahabang oras na nakaupo at nakaharap sa computer.
Higit sa lahat ang pagiging adik sa video games ay nagiging dahilan para mawalan siya ng oras na makihalubilo sa iba. At gawin ang kaniyang mga school activities at responsibilities. Kaya naman marapat lang na iwasan ng mga magulang na masobrahan ng paglalaro ng video games ang anak. At pigilan ang pagkakaadik ng anak sa paglalaro nito habang maaga.
Paano mapigilang maging adik sa video games ang iyong anak
Para magawa ito ay simulan ito ng dahan-dahan. Una ay kausapin ang anak tungkol dito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa kaniya ng mga masamang epektong maidudulot ng sobra niyang paglalaro ng video games.
Saka unti-untiin din ang pagbibigay ng limit sa kaniya. Tulad ng isang oras na limit na paglalaro ng video games sa araw-araw. At ang pagbibigay na rule na dapat ay tapusin niya muna ang kaniyang mga responsibilities bago magsimulang maglaro nito.
Makakatulong rin ang pag-iisip ng mga physical activities na maaring ma-enjoy ng iyong anak. Mahalaga na ikaw ay kasama niya upang mas magkaroon kayo ng quality time sa isa’t-isa.
Ngunit kung ang iyong anak ay nagwawala o nagiging aggressive na kapag pinapatigil siya sa paglalaro ng video games, mabuting humingi ka ng tulong sa isang eksperto na maaring kumausap sa kaniya. Ito ay mga pediatrician o therapist na mas alam ang tamang approach para mag-respond sa behavior ng iyong anak.
Madalas ang pagiging adik sa video games ng isang bata ay paraan niya lang para makawala sa stress na nararanasan sa paligid niya. Kaya naman ang pagpapanatili ng healthy at happy environment kasama siya ay makakatulong para maiwasan siyang maadik sa paglalaro nito. At sa halip ay ubusin ang kaniyang oras na kasama kayo na kaniyang pamilya.
Source: AsiaOne, Raises Smart Kid
Basahin: May kinalaman ba ang video games sa pagkakaroon ng ADHD?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!