Napapansin mo bang naduduling sa baby? O ‘di kaya naman ay tila banlag sa mata? Ano ano nga ba totoo sa likod ng pagka-duling ni baby?
Nagtataka ka ba kung bakit paminsan ay nagiging duling o cross eyed ang iyong baby? Huwag mangamba dahil ito ay senyales na nagde-develop ang muscles ni baby. Dito rin nila matutunan mag focus sa mga bagay na naka paligid sa kanila.
Kadalasan ang pagiging cross eyed ni baby ay titigil na pag sila ay nasa 4-6 months na.
Maaari ring isa o dalawang mata ang nagiging cross eyed at ang pag cross nito ay pwedeng tuloy-tuloy. Sa uulitin, ito ay normal dahil hindi pa fully developed ang brain at eye muscles nito. Maaari pa itong mag-improve sa darating na panahon.
Ano ang banlag o strabismus?
Ang Strabismus o misalignment ng mata ay kadalasang nangyayari sa newborn babies. Pwede rin itong mangyari sa mga nakatatandang bata.
Ayon kay Dr. Brian Mohney, M.D, pediatric ophthalmologist ng Mayo Clinic Children’s Center ng Minnesota, 1 out of 20 kids ang nakakaranas ng Strabismus. 2-4 percent naman ng mga baby ang nagkakaroon ng esotropia, at 1 to 1.5 percent naman ay may exotropia.
7 sintomas at uri ng banlag na mata sa bata
Ayon sa American Association for Pediatric Ophthalmology and Strabismus,mayroon iba’t ibang klase ng Strabismus o pagiging cross-eyed, banlag at pagkaduling ng mata. Narito ang mga senyales na maaari mong obserbahan sa iyong anak.
1. Esotropia (inward turning)
Ito ay nailalarawan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isa o parehong mata na inward ang tingin papunta sa ilong. Ito ang pinakakaraniwang uri ng strabismus at nakakaapekto sa pagitan ng 2 hanggang 4 na porsyento ng mga bata.
2. Exotropia (outward turning)
Ang uri ng strabismus na ito ay, isa o dalawang mata ang nakatingin outward sa kanilang tainga. Tinatawag din itong minsang “wall-eye”. Ito ay nakakaapekto sa 1 hanggang 1.5 porsyento sa mga bata.
3. Hypertropia (upward turning)
Ito ay kapag ang mata ay misaligned, ang may deperensyang mata ay mas mataas kaysa sa normal na mata. Nangyayari ito sa 1 out of 400 na babies o bata.
4. Hypotropia (downward turning)
Ito ay ang kabaliktaran ng Hypertropia, ang may deperensyang mata naman ay mas mababa kaysa sa normal na mata.
Iba pang klase o senyales ng cross eyed ng isang baby.
5. Infantile Esotropia
Ayon sa American Academy of Ophthalmology, hanggang 1 out of 50 babies ang pinapanganak ng may ganitong disorder. Ang mga kasong ganito na hindi naireresolba sa loob ng 4 months na pagkapanganak kay baby ay kailangan na ng medical treatment.
6. Accomodative Esotropia
Ito ay ang resulta ng malalang farsightedness at madalas nangyayari ito pagkatapos ng isang taon. Ito ay maaaring lumabas ng paunti-unti pero kalaunan ay magiging tuloy-tuloy na.
7. Pseudostrasbismus
Dahil karamihan ng babies ay mayroon malawak na nose bridge at extra na skin fold sa kanilang inner corners ng mata, minsan ay napapagkamalang cross eyed ito kahit hindi naman. Ang mga baby na may pseudostrasbismus ay kadalasang lumalabas lamang sa edad na 2 hanggang 3 years old.
Ayon sa mga doktor, hindi lahat ng strasbismus ay nakikita.
Maaaring tingnan o dalhin sa pediatrician ang baby kung sila ay nakakaranas ng,
- Madalas na pag squint o pag-blink ng mata dahil sa maliwanag na ilaw. Maaaring ito ay senyales na mayroon nang double vision ang iyong baby.
- Ang pag-ikot o pagtagilid na kanilang ulo ay maaaring senyales na sinusubukan nilang i-line up ang isang bagay sa kanilang paningin.
Ano ang mga sanhi na nagreresulta ng pagiging banlag sa mata ng baby?
Ang strabismus ay sanhi ng eye muscles na hindi gumagalaw o nagpa-function ng sabay. Narito ang mga dahilan kung bakit nangyayari ang pagkabanlag at pagkaduling sa mata:
- Mga baby o bata na mayroon kapamilya na may history ng strabismus. Kadalasan sa magulang o kapatid na nagkaroon nito.
- Ang mga batang farsighted, malabo ang mata.
- Mga baby na nagkaroon ng trauma sa mata – halimbawa ay galing sa surgery ng cataract. (ang mga sanggol ay maaaring magkaroon din ng katarata)
- Ang mga baby na mayroon neurological at brain development issues. Nagbibigay ng senyales ang mga nerves sa mata papunta sa utak upang ma-coordinate ang paggalaw nito.
Tandaan: Ang mga batang pinanganak na premature o may kondisyon tulad ng down syndrome, celebral palsy, at brain injuries ay mataas ang tiyansa na magkaroon ng strabismus.
Lunas o treatment para kay baby?
Larawan mula kay Daniel Frank from Pexels
May solusyon para sa cross eyed o banlag sa mata ni baby. Ito ay ang mga epektibong paraan na maitama ang paningin ni baby.
Para sa mga mild cases ng strabismus maaaring ito ang maging payo ng mga eksperto. Ito ay ang mga sumusunod:
- Pagsusuot ng eye glass para maitama ang paningin nito mula panlalabo ng matama. Sa ganitong paraan lilinaw ang mata ng bata.
- Paglalagay ng eye patch sa walang deperensyang mata upang mas magamit ang matang may deperensiya. Sa ganitong paraan mapapalakas ang muscles sa deperensyang mata.
- Eye drops. Ito ay pareho ng eye patch. Maaaring itong gamitin kung ayaw ni baby ng eye patch.
Para sa mga severe cases ng strabismus o pagkabanlag ng mata
Narito ang maaaring gawin ng doktor kapag natukoy na mayroong strabismus ang isang baby. Mahalaga na makipag-usap sa isang doktor patungkol sa prosesong mararanasan ng iyong anak.
Ilan sa mga prosesong isagawa nila ay ang mga sumusunod:
Ang mga baby na madalas crossed ang mata o naduduling ay kailangan isailalim sa isang surgery. Sa ibang pagkakataon, ang mga doktor ay gagamit ng sutures upang ma-tweak at maayos ang mata ni baby.
Habang nasa anesthesia, ang doktor ay mag i-inject sa eye muscle na may kasamang botox upang mapahina ito. Sa paghina ng muscle, maaaring pumantay ang mga mata ni baby. Ang mga injections na ito ay maaaring umulit ngunit ito naman ay may mahabang epekto.
Paalala: Ang Food and Drug administration ay wala pa sinasabi tungkol sa effectiveness at safety ng botox injections para sa mga batang 12 years at pababa.
Ano ang kailangan tandaan sa kondisyon ng pagkaduling ni baby?
Huwag masyadong mag-alala kung ang inyong baby ay naduduling o nababanlag minsan. Ito ay kadalasan nangyayari sa mga unang buwan ni baby.
Ngunit kung ang inyong baby ay mas matanda sa 4 na buwan at napapansin mo pa rin ang pagtitig sa iba’t ibang bagay, suriin na ito. Mayroon mga epektibong lunas o pang gamot na maaraing gamitin.
Ang strasbismus ay hindi maiiwasan, ngunit ang agarang atensyon o early detection ang sagot para sa lunas nito. Ang mga baby at batang na-diagnose at napagamot ng maaga ay maaaring magresulta ng healthy na paningin at development para kay baby.
Kailan dapat ipatingin sa pediatric ophthalmologist si baby?
Ayon kay Dr. Mohney, ang isang bata na may sintomas ng strabismus ay dapat makita sa lalong madaling panahon ng isang espesyalista sa mata. Upang maiwasan ang pagkawala ng paningin sa baby at patuloy na mawala ang pagiging banlag sa mata ng isang baby.
Ang pagkakaroon ng esotropia ay ang pinakakailangan ng agarang pansin upang matugunan at maiwasan ang masamang epekto nito, na pagkawala ng paningin.
Samanatala, ang exotropia naman ay ang paulit-ulit nangyayari subalit mabagal na progreso. Lagi lamang i-monitor ito sa paglipas ng panahon. Isang paalala na minsan ang esotropia ay hindi agad agad nakikita.
Ang mata ng bata ay maaaring maayos hanggang sa edad na 3 hanggang 4 years old. Kapag nakita ito ng doktor agad, maaari nilang maibalik sa dati ang kanilang mata sa pamamagitang surgery.
Ang amblyopia o paglabo ng mata dahil sa strasbismus tulad ng esotropia o extotropia ay maaaring maging delikado. Kapag hindi ito naagapan bago mag-9 years old ang bata ay maaari itong magresulta ng permanenteng pagkawala ng paningin.
Karamihan sa mga bata na mayroon strabismus ay dina-diagnose mula sa edad 1 hanggang 4 na taon. Mas maaga, mas maganda, bago pa man ang koneksyon ng mata at ng brain ay hindi pa fully developed.
Kaya naman mahalaga na ipatingin agad ang isang baby sa isang doktor kapag may napansin agad sa mga nabanggit. O ‘di kaya’y mas maganda na ipa-screen si baby sa pagkakaroon nito. Upang maagapan agad.
Iba pang posibleng dahilan ng pagiging banlag na mata o duling ng mata
Ang Strabismus ay kadalasang na-dadiagnosed sa mga batang edad 1 hanggang 4. Kahinaan ito sa kalamnan na komkontrol sa eye functions ng bata. Narito ang ilan pang kadahilanan na dapat bigyang-atensyon ng mga magulang.
- Walang koordinasyon o mayroong mahinang koordinasyon ang mga mata.
- Pagkakaiba ng grado sa mga mata.
- Mahihinang muscles ng mata.
- Nangyayari rin ang Strabismus kung mayroong medical o health condition ang bata. Malaki ang posibilidad na ito ay makaapekto sa mga ugat-ugat ng mata ng bata.
- Ang sakit ng ulo ay maaaring indikasyon din ng pagsisimula ng pagkabanlag at pagkaduling ng mata.
- Madalas na pananakit at pagkukurap ng mata.
- Hindi sabay na paggalaw ng mata ni baby.
Kung ang mga sanhing ito ay madalas na mapansin at masyado nang noticeable na nagbibigay ng discomfort sa anak. Mainam na ipa-eye check up ang anak upang maiwasan ang anumang eye conditions ng inyong anak.
Tamang pag-alaga ni mommy sa mata ni baby
Kung ang isang bata ay nasa murang edad pa lamang, may ilang kondisyon sa katawan ang maaari pang maagapan. Likas sa mga bata ang hirap sa pagsabi ng kanilang mga nararamdaman.
Lalo na’t hindi pa ito marunong magsalita, tukuyin o hanapin ang tamang salita tungkol sa kanilang nararamdaman. Kadalasan lamang itong nakikita at napapansin ng mga magulang kung si baby ay laging umiiyak, nakakaramdam ng discomfort o laging hinahawakan ang parte ng katawan kung saan nakararamdam ng sakit.
Gaya sa kondisyon ng mata, hindi mo agad malalamang mayroon ng deperensiya sa mata ng inyong anak kung hindi mo makikita ang palagiang pagpikit, kulang sa concentration, sobrang pagkurap, hindi makatingin ng maayos at ang pagkukuskos nito ng mga mata. K
aya bilang magulang, dapat ay mayroon kang inisiyatibo na bigyang-pansin ang anumang maliliit na bagay na nakikita sa anak na lagi nitong ginagawa, upang hindi humantong sa mas malalang peligro sa kalusugan.
Alamin ang ilan sa mga paraan sa pag-aalaga ng mata ni baby,
- Pagbisita at pagkonsulta sa eye doctors, kung after 6 months ni baby ay may nakikita pa ring mga eye problems. Dahil tulad ng nabanggit, mula samga eksperto, normal sa unang anim na buwan ni baby ang pagkabanlag at pagkaduling. Malaki na rin ang development na nangyayari bago at matapos ang unang anim na buwan. Kaya’t nakababahala kung ang bata ay tila hindi aware o curious sa mga nakikita nila sa paligid. Kung ito ay agarang mapatitingin sa doktor, mayroong mga gamot o medikal na pamamaraan ang maaaring irekomenda nito upang maiayos ang anmang eye problems at conditions ni baby.
-
Ang regular na pag-ooberba sa mga delicate na bahagi ng katawan ng baby, tulad nga ng mata.
-
Limitahan ang sarili sa paggamit ng gadgets o anumang elektronikong gamit kung ikaw ay malapit sa iyong baby.
-
Huwag hayaang ma-expose nang matagal si baby sa mga elektronikong gamit.
-
Iiwas ang anak kung mayroong matinding sikat ng araw sa labas, gayundin ang anumang reflection na makasasakit sa kaniyang mga mata.
-
Bukod sa regular na pag-oobserba sa mata, siguraduhin din ang regular na check-up o follow-ups sa doktor.
- Sa unang taon ni baby, ito ay sumususo pa kay mommy, kaya nararapat ang pagkain ng masusustansiyang pagkain upang ang nutrisyong dala nito ay maipapasa kay baby para sa maayos na development ng muscles sa kaniyang mata at ibang bahagi ng katawan na makatutulong sa maayos na eye functions.
-
Iwasan ang anumang bagay na maaaring makapinsala sa mata ni baby.
-
Kung may napapansing kakaiba sa mata ni baby, iwasan ang pagpapainom ng mga gamot kung hindi ito naikonsulta sa doktor o sa optometrist o ophthalmologist.
Ang mga sumusunod ang maaaring gabay ng magulang sa pag-aalaga ng mata ni baby, ngunit, sa kabuuan, ang pinaka responsableng paraan ng pag-aalaga sa katawan ni baby ay ang pakikipag-ugnayan sa mga doktor lalo na kung ang bata ay nasa murang edad pa lamang, dahil ang katawan nito ay sensitibo at kinakailangan ang tingin at suri ng mga eksperto.
Karagdagang ulat mula kay Jasmin Polmo
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!