Ang Biliary atresia ay isang kondisyon na sadyang mga sanggol lamang ang naaapektuhan. Ang bile ducts o anuran ng apdo ng isang sanggol na may biliary atresia ay namamaga at nagbabara pagkapanganak pa lamang, kaya’t ang apdo o likidong panunaw (o tumutulong sa digestion) na ginagawa ng atay ay nananatili sa atay. Ito ang dahilan ng pagkasira nito.
Ang kondisyon
Ayon kay Dr. Regent Andre Piedad, MD, ito ay isang rare disorder. “Underdeveloped ang bile ducts ng sanggol na may biliary atresia. There is no way for the bile to be secreted into the small instestines for digestion of fats. (Walang paraan para sa apdo na mailabas ng bituka, panunaw ng taba)” At dahil nasa atay lang ito at hindi nailalabas, nasisira ang liver cells na nagiging sanhi ng cirrhosis, o pagkasugat ng atay.
Ipinaliwanag ni Dr. Piedad kung ano ang biliary tree. “Mayroong mga sanga ng daluyan, kanal o ducts, o kanal, na nagdadala ng bile o apdo sa bituka. Ito ay nanggagaling sa atay at nakakatulong sa pagtunaw o digestion natin.” Ibig sabihin, ang bile o apdo ay mahalaga para sa digestion lalo na ng taba na kinakain natin.
Nakaimbak ito sa ating gallbladder pagkatapos gawin ng sistema sa ating atay. Ang biliary tree at ang mga sanga nito ang naninigurong nasa tamang panahon ang paggawa at pagdaloy nito papunta sa maliit na bituka o small instestines.
“Naiipon ang bile sa atay at sa loob ng sistema ng sanggol, kaya’t maaaring maapektuhan ang iba pang mga internal organs nito, lalong lalo na ang utak. Naabsorb kasing muli ng bloodstream yung bile, kaya nagkakaroon ng malaking problema,” paliwanag ni Dr, Piedad. Nagiging sanhi pa ito ng malnutrisyon. Dahil nga, yung taba o fats ay nananatili sa katawan imbis na matunaw.
Sanhi
“[Ngunit] Sa kaso ng biliary atresia, hindi tuluyang nabuo ang biliary tree ng sanggol, na karaniwang nangyayari sa unang trimester sa loob ng sinapupunan. Dahil na nga ito marahil sa viral infection na natamo ng ina habang buntis,” tuloy na paliwanag ni Dr. Piedad. Pero hindi ibig sabihin ay kasalanan ito ng ina. Walang paraan para maiwasan niya ang kahit anumang impeksiyong ganito.
Sinasabing isa sa bawat sampung sanggol na may biliary atresia ay mayroon na nito sa sinapupunan pa lamang at pagkapanganak. Wala pang siyentipikong pag-aaral na tuluyang tumutukoy sa sanhi ng sakit na ito. May ibang pagsasaliksik na nagsasabing maaaring maagang viral infection ang nakakaapekto dito.
Ayon sa mga pag-aaral, hindi ito hereditary o nakukuha sa magulang; hindi rin ito nakakahawa. Lalong wala ring magagawa para ito ay maiwasan.
Mga Sintomas
Karaniwang nakikita ang sintomas sa ika-2 hanggang ika-6 na linggo pagkapanganak. Madilaw ang kulay ng balat at maging ng mga mata ng bata, o tinatawag na jaundice sa ingles. Matigas ang atay kaya’t maaaring may pamamaga sa abdomen ng bata. Mapapansin na ang dumi o tae ng sanggol ay pale grey at madilim ang pagkadilaw ng ihi nito. May ibang sanggol din na labis na nangangati.
Diagnosis
Kailangang sumailalim sa mga pagsusuri ang sanggol bago malamang ito nga ay biliary atresia. May mga blood at liver tests, ultrasound, mga X-rays at biopsy ng atay. Sadyang mahirap para sa isang munting sanggol, ngunit ito lamang ang paraan upang matiyak kung ano ang kalagayan nito.
Paggamot at Lunas
Ang malungkot na katotohanan, ay walang gamot para dito. Sabi ni Dr. Piedad, maaaring operahan ang sanggol para palitan ang bile ducts sa labas ng atay gamit ang kaniyang bituka. Ito ang tinatawag na Kasai procedure, na pinag-aralan ng Japanese surgeon na Dr. Morio Kasai.
Ang Kasai procedure ay naglalayong padaluyin ang bile mula sa atay gamit papunta sa bituka. Nasa 80% pa lamang daw ang success rate ng operasyong ganito, kung gagawin bago mag ikatlong buwan ang sanggol. Sinasabing nawawala ang jaundice o paninilaw ng bata pagkatapos ng Kasai procedure. Kung hindi ito naging epektibo, walang ibang pwedeng gawin kundi magkaron ng liver transplant.
Pagkatapos ng ganitong operasyon, nananatili ang sanggol sa ospital ng hanggang 2 linggo upang magpagaling. May long-term antibiotic therapy na kakailanganin upang maiwasan ang anupamang impeksiyon.
Hindi tuluyang magagamot o maaalis ng Kasai procedure ang biliary atresia. Ang nagagawa nito ay nabibigyan ng pagkakataon ang sanggol na lumaki ng may gumaganang bile duct at atay.
Kasunod ng operasyon ay ang paninigurado na ang pagkain ng sanggol ay low-fat, at mangangailangan ito ng vitamin supplements dahil nga ang normal na absorption ng fats at vitamins niya ay hindi pa maayos.
Ano ang naghihintay sa batang may biliary atresia?
Kung hindi maagapan o magkakaroon ng akmang solusyong medikal, hindi nito makakayanan ang kondisyon. Iilan lang ang batang may biliary atresia na nabubuhay ng lagpas sa dalawang (2) taon.
Sa ibang kaso na matagumpay ang Kasai procedure, nagiging malusog at normal ang paglaki ng bata, bagamat may ibang nagkaroon na rin ng komplikasyon o mahinang atay. May mga batang kailangan pa rin ng patuloy na specialized medical care hanggang sila ay lumalaki.
sources: Dr. Regent Andre Piedad, MD, Medical Scientific Liaison, Novartis Healthcare Phils Inc., LiverFoundation.org
BASAHIN: Mga karaniwang sakit ng baby sa kanyang unang taon
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!