Ang bilis nga naman ng panahon. Ang iyong anak ay 3 taon at 10 buwan na. Konting panahon nalang at apat na taong gulang na siya. Mapapansin mo na unti-unting nagma-mature ang iyong anak sa iba’t-ibang aspeto at patuloy na lumalawak ang kaniyang imahinasyon. Heto ang ilan sa mga dapat mong abangan sa development ng 46-buwan na bata.
Development ng 46-buwan na bata: Physical
Bahagi ng development ng 46-buwan na bata ang kakayahan na kumandirit at tumayo gamit ang isang paa, hanggang limang segundo.
Mas kaya na din niyang umakyat ng hagdan na walang umaalalay, sumipa ng bola at bumato. Kaya din niyang lumakad paharap at patalikod na walang kahirap-hirap.
May kakayanan na din siyang gumupit ng iba’t-ibang hugis gamit ang gunting, pati na din ang gumuhit.
Parenting Tips:
- Ituro sa iyong anak ang laro na hopscotch at maglaro kayong dalawa.
- Maaari din kayong maglaro ng “shooting” dahil kaya na niyang bumato ng bola.
- Bilhan siya ng mga art supplies. Maaari mo din ipa-frame ang mga ginuhit o ipininta niya.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Ang bawat bata ay magkakaiba ng bilis ng development. Pero kung napapansin mo na ang iyong anak ay hindi pa ginagawa ang kahit alin sa mga nabanggit, makakabuti na sumangguni sa doctor.
Development ng 46-buwan na bata: Cognitive
Sa edad na ito, kaya na ng iyong anak na sabihin ang iba’t-ibang kulay na kaniyang makikita sa bahaghari. Ito din ang panahon ng napakaraming “sino”, “ano” at “bakit” na mga tanong.
Mapapansin mo din na mas nagiging matalas ang kaniyang memorya at kagustuhan na matutunan ang iba’t-ibang bagay sa kaniyang paligid.
Naiintindihan na din niya ang konsepto ng oras, magkapareho at magkaiba. Nagsisimula na din siyang solusyunan ang kaniyang mga “problema” sa paraan na alam niya.
Parenting Tips:
- Patuloy na hikayatin ang iyong anak sa iba’t-ibang arts at crafts dahil ito ay makakatulong sa kaniyang imahinasyon at creativity.
- Basahan siya ng kwento lalo na bago matulog. Bilihan din ang iyong anak ng mga aklat na may makukulay na larawan at mga salitang madaling basahin.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Sumangguni sa doctor kung napapansin mo na ang iyong anak ay nahihirapan sa anumang mga gawain na nabanggit sa itaas.
Development ng 46-buwan na bata: Social at Emotional
Ang paglalaro ay importante sa pagdevelop ng social at emotional skills ng iyong anak. Sa buwan na ito, mapapansin mo na ang iyong anak ay interesado sa kaniyang paligid at mga bagong karanasan. Gusto niyang makipagkilala at makipagkaibigan sa ibang bata. Marunong na din siyang magpahiram ng kaniyang mga gamit.
Patuloy din na nadedevelop ang pagiging independent ng iyong anak. Mapapansin mo na may mga bagay siyang gustong gawin na walang tulong tulad ng pagbutones ng damit o kaya ay pagsintas ng sapatos o pagligo.
Mas malawak din ang kaniyang imahinasyon kaya madalas niyang nababanggit ang kaniyang “imaginary friends”.
Kung mapansin mo na ang iyong anak ay nagpapakita ng interes sa kaniyang private parts, normal lang ito.
Parenting Tips:
Huwag kalimutan na sa edad na ito, hirap pa ang iyong anak na paghiwalayin ang imahinasyon sa katotohanan kaya hindi maiiwasan ang kaniyang pagtatanong. Gamitin ang pagkakataong ito upang ipaliwanag sa iyong anak ang iba’t-ibang bagay.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kung ang iyong anak ay hindi nakikihalubilo o namamansin ng ibang bata o ayaw gumawa ng mga simpleng gawain o kaya ay hirap kontrolin ang kaniyang emosyon, makakabuti na sumangguni sa doctor.
Development ng 46-buwan na bata: Speech at Language
Mas magaling ng magsalita ang iyong anak ngayon. Minsan, gusto mo nalang humiling ng katahimikan.
Kaya na niyang bumuo ng mga pangungusap na may tatlo hanggang limang salita. Nasasabi na din niya ang kaniyang gusto. Madalas na din siyang magkwento. Humihirit na din siya ng joke minsan.
May mga pagkakataon lang na maaaring mahirapan ang iyong anak sa tunog ng s, r, z, th, v at f.
Parenting tips:
- Makakatulong ang mga music at videos na angkop sa edad ng iyong anak para sa kaniyang development. Basahan din siya ng mga tula at bugtong para mas matuto siya ng iba’t-ibang salita.
- Huwag kalimutan na i-encourage ang iyong anak at purihin siya para ma-motivate. Mahalaga din na patuloy na maramdaman ng iyong anak na mahal mo siya kasabay ng pagse-set ng mga boundaries.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kumonsulta sa doktor kung ang iyong anak ay nagpapakita ng mga senyales ng withdrawal o pagkabalisa, hirap sa pagsasalita o pagbuo ng pangungusap pati na din pagsunod sa mga simpleng utos.
Development ng 46-buwan na bata: Health at Nutrition
Ang iyong anak ay may mga paborito na pagkain. Alam na din niya kung alin ang mga pagkain na ayaw niya.
May mga pagkakataon na ang gusto lang niya kainin ay ang kaniyang paboritong pagkain sa loob ng ilang araw. Minsan naman, ayaw niyang kainin ito kahit pa paborito niya dati. Normal lang ito sa ganitong edad.
Para mapanatili na balanse at masustansya ang kaniyang diet, hainan siya ng mga pagkain mula sa apat na food groups tuwing kakain.
Walang bakuna na naka-schedule sa buwan na ito, pero makakabuti na tanungin ang kaniyang pediatrician. Kung wala pa siyang flu vaccine, itanong din sa doctor kung kailangan ba siyang bigyan nito.
Ang mga karaniwang sakit sa edad na ito ay sipon, ubo, ear infection, chickenpox, measles, mumps o beke at rubella. Kung napansin mo na hindi maganda ang pakiramdam ng iyong anak, makakabuti na dalhin siya sa doctor.
Sa panahon na ito, nadadagdagan ang timbang ng mga bata ng 2 hanggang 3 kg at 5 hanggang 9 cm na taas kada taon. Maghanda sa pagbili ng mga bagong damit at sapatos dahil napakabilis ng kanilang paglaki.
Parenting Tips:
- Huwag pilitin na kumain ang iyong anak.
- Pero patuloy na hikayatin ang iyong anak na sumubok ng iba’t-ibang pagkain. Kadalasan, kailangan ng 15-20 na subok bago magustuhan ng iyong anak ang isang pagkain.
Kailan dapat pumunta sa doctor?
Kapag may sakit ang iyong anak o biglang bumaba ang kaniyang timbang, dalhin agad siya sa doctor.
Dahil sobrang bilis ng paglaki ng iyong anak, makakabuti na patuloy na maglaan ng oras upang ma-enjoy ang panahon na ito kasama siya.
Source: WebMD
Your child’s previous month: 45 months
Your child’s next month: 47 months
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Fei Marasigan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!