Karamihan ng mga Caviteno ay nag-aaral at nagtratrabaho sa Maynila. Kaya naman ang problema sa transportasyon na ito ay umaapekto sa napakaraming taga-Cavite na bumabyahe araw-araw—mas lalo na’t natigil na ang biyaheng colorum sa Cavite.
Naipakita nga sa isang facebook post ni Dennis Buckly, isang 28-year-old na residente ng Bacoor ang tunay na kalagayan ng mga commuters na taga-Cavite. Sa pamamagitan ng isang open letter na kaniyang pinost sa facebook ay nakuha ni Dennis ang atensyon ng mga netizens na naging dahilan para maging viral ang kaniyang open letter at umabot sa nakararami.
Sinimulan ni Dennis ang kaniyang sulat sa pamamagitan ng pagkwekwento sa sarili niyang karanasan sa pag-co-commute sa Cavite.
“Ako si Dennis. 28 years old. Nakatira ako sa may Bahayang Pagasa, Molino, Bacoor, Cavite, at nagwwork sa may Two E-Com Center, Mall of Asia. 7AM ang pasok ko, pero gumigising ako ng quarter to 4, at umaalis ng quarter to 5. Quarter to 5, nagaabang na ako sa may tapat ng Shell Molino, sa labas mismo ng Barangay namin.
“Hindi naman siguro lingid sa kaalaman natin na problema transportation dito sa Cavite. In short, wala nang masakyan. Wala. Literal.
“These past couple of days, nilalakad ko na mula Pagasa hanggang Daanghari-Molino intersection para lang maka-para ng van na wala pang laman. Para sa mga hindi taga Cavite, siguro ang layo nun is mula Mall of Asia hanggang Solaire. Pero hindi parin yun guarantee na may masasakyan ako, kasi nga ayaw bumyahe ng mga drivers, dahil huhulihin sila.”
Kahit gumigising ng maaga at naglalakad para maghanap at mag-abang ng masasakyan hindi pa rin ito kasiguraduhan na makakasakay siya at makakarating sa kaniyang paroroonan. Ganoon din ang hirap na nararanasan niya at iba pang Caviteno kapag naghihintay ng masasakyan pauwi sa probinsya nila. Dahil ito sa kakulangan ng masasakyan na mas nabawasan ng patigilin ang pagbiyahe ng van na colorum sa Cavite.
Ang pasakit na ito ay hindi lamang nararanasan ng mga nagtratrabaho tulad ni Dennis. Ito rin ang nagpapahirap sa iba pang commuters tulad ng matatanda na kailangang tiisin ang ilang oras na pagtayo at paghihintay para lang makasakay pauwi.
Ang pagbanggit ni Dennis sa katotohanang ito ang mas nag-udyok sa mga netizens na i-share ang kaniyang post para maabot ang kinauukulang dapat umaksyon sa problemang ito.
“Sinusulat ko ‘to dahil meron akong katapat na isang working mom, siguro nasa mid 50s na siya. Tinanong ko siya kanina, “pila po ba ‘to ng Pagasa?” sabi niya “oo, 6PM pa kami nakapila dito.” So that makes her standing in the line for 3 hours now. Kitang kita ko na gutom na siya, at pagod na pagod na siya. Marami siyang bitbit at mukhang mabigat bag niya.
“Maya maya, sa kabilang pila naman (pa-Imus), may ale na napaupo kasi nahihilo na daw siya. She’s probably in her late 60s. Hindi ako sure kung saan siya galing, pero marami siyang dalang papel sa loob ng plastic envelop na see-through. Kumikirot puso ko everytime nakikita ko yung mukha nilang pagod at ang katawan nilang pabagsak na, hindi dahil sa work, kung hindi dahil walang masakyan.”
Ang pahirap na ito sa commuters ng Cavite ay dahil sa mahigpit na pagbabawal at panghuhuli ng gobyerno sa mga colorum na van na bumabyahe sa probinsya. Bagamat may mga bus rin na bumabyahe paikot sa Cavite hindi naman sapat ito para punan ang pangangailang transportasyon ng mga commuters na taga-rito.
Colorum sa Cavite
Ayon kay Adel Udarde, Traffic Operations Officer ng Bacoor City Traffic Office, ang sunod-sunod na operasyon ng national government tulad ng I-ACT Inter-Agency Council on Traffic) at HPG (Highway Patrol Group) sa mga colorum na van ang pangunahing dahilan nito. Sinabi niya rin na ang isang colorum driver na mahuhuling bumabyahe ay maaring magmulta ng hanggang P200,00.00 dagdag pa ang pagkaka-impound ng sasakyan niya.
Gustuhin man nilang maisaayos ang kalagayan ng mga commuters hindi na daw nila hawak ang desisyon sa pagbibigay ng prangkisa sa mga van operators.
Samantala, ayon naman sa Department of Transportation o DOTr ay gumagawa na sila ng paraan para maaisayos ang problema ng mga commuters na taga-Cavite.
Ipinahayag naman ni Senator Grace Poe ang kaniyang pagkadismaya sa DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na siyang dapat nag-sasaayos ng mga prangkisa ng vehicle operators at nagbibigay solusyon sa problema ng mga mananakay. Sa isang interview ito ang nasabi niya:
“Ipinapaalala natin sa kanila na ang mga pasahero, mananakay at operators at drivers ang dapat sentro ng kanilang mandato — ang mapadali, mapabilis at maging kaaya-aya ang pagbiyahe ng ating mga kababayan.”
Sa dumarami at mas nadadagdagan pang populasyon sa Pilipinas, mas tumataas din ang demand sa pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino. Isa na nga rito ang transportasyon. Para masulosyonan ang problema kaugnay rito, kailangan ng initiative o pangunguna ng gobyerno. Dahil sa kahit anong anggulo, isa lamang ang laging kawawa at naapektuhan ng mga problemang katulad nito. Walang iba kundi ang mga simpleng mamayang Pilipino.
Sources: GMA News, The Daily Sentry, Facebook
Basahin: Quality Time o Quantity Time? Alin ang mas mahalaga?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!