Masamang epekto ng gadgets sa mata, narito kung paano maiiwasan ng iyong anak ngayong darating na pasukan at mag-oonline classes siya.
Online classes ngayong school year 2020
Dahil sa banta ng COVID-19 sa bansa ay pansamantala munang ipinagpaliban ang pagkakaroon ng face-to-face classes ngayong pasukan. Sa halip ay gagamit muna ng ibang alternative learning methods ang DepEd. Ito ay upang masigurong hindi mahuhuli sa kanilang mga aralin ang mga Pilipinong estudyante. Isa nga sa pangunahing paraan ng pagtuturo at pag-aaral sa ngayon ay ang sa pamamagitan ng online classes.
Maraming mga magulang ang nag-aalala sa set-up na ito. Dahil una ay kailangan nila ng gadget o computer para maisagawa ito. At syempre ang reliable internet connection para masiguradong magiging maayos ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Pero maliban sa mga nabanggit ay may iba pang pinoproblema ang ilang mga magulang. Ito ay ang maaring maging masamang epekto ng gadgets sa mata ng kanilang mga anak habang nag-oonline classes.
Mas maraming bata ang nakakaranas ng eye strain
Nito ngang nagdaang lockdown ay dumami umano ang mga batang dinadala sa eye clinic at nakaranas ng eye strain. Ito ay base sa pahayag ng Philippine Society of Pediatric Opthalmology and Strabimus.
Ayon naman sa pediatric ophthalmologist na si Dr. James Abraham Lee, ang eye strain ay maaring maranasan ng bata man o matanda. At ito ay madalas na dulot ng labis na pagbababad o panonood sa TV, gadget o computer.
“Yung digital eye strain hindi rin yan bago sa mga matatanda lalo na sa mga nagwo-work from home makakaranas talaga tayo niyan. Mapapansin ninyo may mga batang magsasabi ng sumasakit yung ulo nila mahapdi ang mata naluluha. O yung ibang bata since hindi sila makapag-complaint mapapansin niyo either pikit nang pikit or blink nang blink o nagkukusot ng mata.”
Ito ang pahayag ni Dr. Lee.
Dagdag pa niya, ngayong darating na pasukan ay mas mataas ang tiyansa na makaranas ng eye strain ang mga bata. Ito ay dahil mas dadami ang oras nila sa pagbabad sa gadget o computer dahil ang klase nila ay online na.
Pero may mga paraan naman upang maiwasan ang masamang epekto ng gadgets sa mata ng mga bata ngayong pasukan. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Paano maiiwasan ang masamang epekto ng gadgets sa mata ng bata
Gabayan at limitahan ang iyong anak sa tagal ng gadget exposure.
Ang American Academy of Pediatrics ay naglabas ng screen time guide para sa mga bata. Base sa kanilang guide, ang mga newborns hanggang 18months old na sanggol ay hindi dapat nai-expose sa screen o sila ay dapat walang screen time. Maliban nalang kung sila ay isasama mo sa isang video call. Habang para naman sa mga batang 18 months pataas hanggang 24 months dapat ay may limitasyon ang paggamit ng gadgets at may gabay ng magulang. Para naman sa mga batang 2 hanggang 5 taon, isang oras o 60 minuto ang ina-advice nilang maximum gadget time.
Bagamat sa mga batang mag-aaral ay hindi maiiwasang mas maging matagal ang exposure nila sa gadgets, mas mabuting gabayan at bantayan sila na agad tumigil sa paggamit nito kapag tapos na ang ginagawa o klase nila.
Ilayo ang computer o cellphone nang 18 inches mula sa mata.
Para mabawasan ang pananakit ng mata, mainam na ilayo ng one arm away o 18 inches ang mata mula sa computer o cellphone.
I-adjust ang brightness ng cellphone o computer. Pati na ang laki o size ng letra sa screen.
Dapat ay hindi masyadong maliwanag o bright ang screen ng iyong cellphone. Ito ay dapat i-adjust upang hindi maging masakit sa mga bata. Tandaan na dapat ang overhead o surrounding light ay dapat mas madilim kumpara sa cellphone o computer. Sa ganitong paraan ay hindi kinakailangang taasan ang brightness ng ginagamit na gadget.
Makakatulong rin kung i-adjust ang size ng text sa cellphone o computer ng mas malaki upang madaling basahin.
Ugaliing kumurap.
Ayon sa mga eksperto, ang pagkurap ay nakakatulong upang ma-lubricate ang mga mata. Sa ganitong paraan ay nababasa ito at nababawasan ang eye strain. Ang paggamit naman ng eye lubricant ay naka-depende sa payo ng espesyalista.
Gawin ang 20-20-20 rule.
Ito ay ang pagpapahinga ng mata nang 20 segundo, kada 20 minuto sa layong 20 talampakan.
“Encourage your child to take breaks in between the classes which is also we would like teachers or educators parents to know na even online na tayo, the children that are to be in front of the screen would meet their breaks.”
“Away titingin sila sa malayo kasi that’s the only way that our focusing muscles are medyo relax as compared to masyadong malapit our focusing muscles are always contracted so you need to relax it, look something 20 ft away or by closing their eyes.”
Ito ang pahayag ni Dr. Lee.
Siguruhin naka-eye level at nakaupo nang maayos ang iyong anak kapag nasa harap na ng computer.
Mahalaga rin na komportable ang posisyon ng iyong anak habang gumagamit ng computer o gadget. Ito ay upang hindi masyadong ma-pwersa ang kaniyang mga mata habang nag-aaral.
Ayon parin kay Dr. Lee, sa ngayon hindi niya inirerekumenda ang paggamit ng blue filter screen o eyeglasses. Ito ay dahil hindi pa ito napapatunayan na may epekto sa mata. Ngunit paalala niya sa oras na makaranas ng pananakit o kakaiba sa mga mata ay agad ng magpakonsulta.
Source:
ABS-CBN News, Myopia Institute, Max Vision Eye Hospital
Basahin:
15-anyos na mahilig sa gadgets, hindi na nakikita ang mga bagay na mas malayo sa 6-inches mula sa mukha niya
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!