Mayroong mga medikal na paraan para maging madali ang pagle-labor ng buntis. Pero alam mo bang makatutulong din ang exercise para bumaba ang baby? Ano ang dapat gawin para bumaba si baby? Alamin dito ang tips para bumaba ang tiyan ng buntis!
Mayroong tatlong stages ang pagle-labor ng buntis bago lumabas ang baby mula sa kaniyang sinapupunan.
Ang unang stage ng labor ay mayroong tatlong phases. Una, bubuka ang cervix nang 3 cm at bababa nang kaunti ang baby sa pelvis. Dahil dito tataas ang level ng prostaglandin hormones sa katawan ng buntis na lalong magpapatindi ng pagle-labor. Matatanggal na rin ang mucus plug na nagsisilbing pansara sa opening ng uterus sa bahaging ito ng pagle-labor.
Ang sunod na phase ng stage 1 labor ay 7 cm na ang dilation ng cervix. Tinatawag ding active labor ang bahaging ito.
Ang final phase sa stage na ito ay ang transition phase na tatagal hanggang bumukas ang cervix nang 10 cm.
Sa stage 2 ng labor, bubuka na ng cervix sa 10 cm at hahantong sa paglabas ng baby.
Sa stage 3 naman ay mailalabas na ang placenta at pwede na ring putulin ang umbilical cord ng baby.
Ang tagal ng pagle-labor ay magkakaiba sa bawat babae. Mayroong kaso na nahihirapang maglabor ang babae dahil matagal bumaba ang sanggol.
Pagbaba ng sanggol para sa nalalapit na panganganak o baby lightening
Ang pagbaba ng tiyan ng buntis ay isa sa palatandaan ng nalalapit niyang panganganak. Sa medical term ang tawag dito ay lightening na sign na nalalapit na ang pag-lelabor ng babaeng nagdadalang-tao.
Bagamat iba-iba ang karanasan ng bawat babaeng buntis, may ilang palatandaan siyang mararamdaman na bumaba na ang tiyan niya at nakapuwesto na sa kaniyang pwerta ang sanggol. Ang mga palatandaang ito ay ang sumusunod:
1. Nakakahinga na ng maayos ang buntis.
Kapag ang sanggol ay nakababa na sa pelvis ng babaeng buntis ay nababawasan ang pressure sa kaniyang diaphragm. Kaya naman madalas ilang linggo bago ang takda niyang panganganak ay mas nakakahinga na siya ng maayos hindi tulad sa simula at kalagitnaan ng kaniyang pagbubuntis.
2. Parang mas bumibigat o may pressure sa iyong pelvis o balakang.
Kung nakababa na ang sanggol ay nararamdaman ng buntis na tila may mabigat sa kaniyang puson. Ito ay dahil nakapuwesto na dito ang sanggol. Dahil sa pressure at bigat ng sanggol ay nararamdaman niya rin na mas sumasakit ang kaniyang likod partikular na sa kaniyang balakang.
Mararamdaman mo rin na tila may humaharang sa iyong puwerta sa tuwing ikaw ay naglalakad. Sa paglalarawan nga ng mga taong nakakakita sayo ay para ka ng penguin kung maglakad.
3. Mas dumadami ang vaginal discharge mo.
Sa nalalapit mong due date ay mapapansin mong mas dumadami ang iyong vaginal discharge. Ito ay mapapansing buo-buo o kaya naman ay napakalapot na tila plema. Ito ay ang iyong cervical mucus.
Sa oras na bumaba na ang ulo ng sanggol sa iyong cervix ay unti-unti itong bubuka. Mas ninipis ito at magdidilate habang unti-unti ring iniaalis ang nakaharang na mucus sa cervical opening ng buntis na tinatawag na mucus plug.
4. Mas napapadalas pa ang pag-ihi mo.
Dahil sa pressure ng sanggol na bumaba na sa iyong cervix ay mas napapadalas ang iyong pag-ihi. Ito ay dahil nakapuwesto na ang ulo ni baby sa iyong bladder. Naitutulak niya ito at nadadaganan kaya naman hindi ka makapag-store ng mas maraming ihi sa iyong katawan.
5. Pananakit ng balakang.
Pabigat ng pabigat ang pakiramdam ng buntis kapag nalalapit na ang kaniyang panganganak. Dahil nga sa bigat at pressure na dulot ng bumaba ng sanggol ay mas sumasakit ang kaniyang likod lalo na sa balakang.
Maliban sa bigat, ito ay nangyayari dahil sa may nadadaganan na ligaments sa iyong balakang si baby. Mas mapapansin ngang tumitindi ang pananakit sa tuwing gumagalaw ang sanggol. Isa ito sa palatandaan na naglelabor na rin ang buntis.
Lalo na kung ito ay regular, patuloy at mas umiiksi ang interval sa tuwing iyong nararamdaman. Kung nakakaramdam ng pananakit sa balakang na sasabayan ng iba pang sintomas tulad ng lagnat o pagdurugo ay mabuting magpunta na sa doktor. Ito ay palatandaan na maaring may nangyaring hindi maganda o may banta sa buhay ng iyong dinadalang sanggol.
Tips para bumaba ang tiyan ng buntis
Mayroong iba’t ibang paraan para matulungan ang buntis na mapabilis ang pagle-labor.
Ano nga ba ang dapat gawin para bumaba ang baby? Narito ang ilan tips para bumaba ang tiyan ng buntis at hindi siya mahirapan sa panganganak.
Makatutulong ang pakikipagtalik para mapababa ang tiyan ng buntis kapag kabuwanan na nito. Kapag nakikipagtalik kasi, lalo na kung may orgasm na magaganap, magrerelease ang katawan ng oxytocin hormones na magdudulot ng uterine contractions.
Ang prostaglandin hormones din mula sa semilya ng lalaki ay makatutulong para ma-ripen ang cervix. Ligtas naman na makipagtalik sa final weeks ng iyong pagbubuntis.
Pero tandaan na hindi na maaaring makipag-sex kapag pumutok na ang iyong panubigan dahil pwede itong magdulot ng impeksyon.
2. Mag-relax
Normal na nakararanas ng stress ang mga buntis sa kanilang kabuwanan. Pero mommies, makatutulong sa smooth na pagle-labor ang pagre-relax.
Maaari kasing ma-delay ang pagle-labor dahil sa stress at muscle tension, nahihirapan lalo ang cervix na bumukas kaya hindi rin agad bumababa ang baby. Makakatulong ang breathing exercise at meditation bago at habang nanganganak.
3. Tumawa
Nakakarelax ang pagtawa at maaaring mabawasan ang stress at takot kung ikaw ay tatawa. Pwede kang manood ng comedy film o stand-up comedy para matawa.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Mikhail Nilov
4. Nipple stimulation
Pwedeng magdulot ng contraction sa iyong uterus ang pag stimulate sa iyong utong. Nagrerelease ang katawan ng oxytocin hormones sa tuwing ini-stimulate ang utong ng babae.
Kapag inistimulate ang mga pressure point sa pamamagitan ng acupuncture, acupressure o masahe, nagproproduce ang katawan ng oxytocin. Makatutulong ang hormones na ito para mapababa ang baby at mapadali ang pagle-labor.
Bagama’t patuloy pa ring pinag-aaralan ang effectiveness ng method na ito, may magandang epekto pa rin sa katawan ang pagpapamasahe.
Maaaring maibsan ang pananakit ng balakang, likod, ligament, at mga kasukasuhan sa pamamagitan ng massage therapy. Ligtas naman itong gawin para sa mga buntis, tiyakin lang na may sapat na kaalaman ang massage therapist kung paano magmasahe ng buntis.
Makakatulong ang ano mang exercise na nagdudulot ng pagbilis ng tibok ng puso para bumaba ang baby. Helpful din ito para ma-relieve ang stress at manatiling malakas ang katawan at maging handa sa hirap ng panganganak.
Samantala, may pagkakataon na kakailanganin ng medical intervention sa pagle-labor kung:
- May underlying medical conditions na maaaring makasama sa baby at mommy
- Pumutok na ang panubigan pero wala pa ring nararanasang contractions
- May impeksyon sa uterus ang buntis
- Kung overdue na ng dalawang linggo ang baby at wala pa ring nangyayaring active labor.
Maaaring magbigay ang doktor ng medication na mayroong prostaglandin upang mapababa ang tiyan ng buntis.
5 exercise na maaaring gawin para bumaba ang baby
Larawan mula sa Pexels kuha ni Gustavo Fring
1. Pag-upo sa birthing ball
Makakatulong ang pag-upo sa large inflatable exercise ball pata bumaba ang baby. Habang nakaupo sa birthing ball ay magkahiwalay ang mga hita at i-rock ito nang back and forth. Mare-relax ang muscles sa pelvis sa pamamagitan ng ehersisyong ito.
2. Pelvic tilts
Humiga sa surface at i-angat ang mga paa. Ibaluktot ang mga tuhod at ilapat ang talampakan sa sahig. Dahan-dahang i-angat ang pelvis hanggang maging parallel ito sa iyong torso. Manatili sa ganitong posisyon nang 10 minuto. Pagkatapos ay bumalik sa starting position at ulitin ito nang ilang beses.
3. Alignment
Imbes na tumayo nang nakaliyad, subukang i-align ang hips sa ankles. Maaari mo itong gawi habang naghuhugas ng plato. Dagdag pa rito, iwasang mag-slouch kapag nakaupo. Makatutulong ito para makagalaw patungo sa tamang posisyon ang baby.
4. Butterfly pose
Makatutulong ito para ma-boost ang flexibility ng iyong pelvic joints, ma-improve ang daloy ng dugo, at mapadali ang pagle-labor. Kadalasang ginagawa ang butterfly pose sa mga yoga class. Gawin ito sa pamamagitan ng pag-upo sa sahig at paglapat ng talampakan sa sahig habang nakabaluktot ang mga tuhod. Ilapit anh iyong mga paa sa iyong katawan para ma-stretch ang balakang at inner thighs.
5. Walking
Maganda ang maidudulot ng regular na pag-eehersisyo tulad ng paglalakad-lakad. Nakakatulong ang walking exercise para bumuka ang cervix at mapadali ang labor.
Bukod pa rito, maganda rin na maglakad-lakad kahit hindi mo pa kabuwanan, makakatulong ito para mabawasan ang anxiety dulot ng labor at delivery.
Maaari mang makatulong ang mga nabanggit na ehersisyo para sa ilang buntis, mayroon din namang hindi maaaring mag exercise para bumaba ang baby. May mga babaeng hindi maaaring mag-ehersisyo habang buntis.
Kailagang iwasan ang pag-exercise kung ikaw ay:
- May mahina o incompetent na cervix
- Mayroong preeclampsia
- Pinapayuhang mag bed rest
- Mataas o masyadong mababa ang amniotic fluid
- May history ng premature labor o premature delivery
- Mayroong placenta previa o iba pang kondisyon na nakaaapekto sa placenta
- Mataas ang blood pressure
Mahalagang ipaalam agad sa inyong doktor kapag pumutok na ang inyong panubigan.
Larawan mula sa Pexels kuha ng Free stocks org
Paano alagaan ang sarili matapos manganak?
Kapag napagtagumpayan mo na ang labor stages at delivery, mahalagang alagaan pa rin ang iyong sarili.
- Malaking adjustment ang naghihintay sa’yo bilang isang ina. Mahirap man pero kailangan mong matulog pa rin nang sapat para makabawi ang katawan mula sa pagod at fatigue. Normal na nakararanas ng puyat ang mga new mom lalo na kung ikaw ay nagpapasuso. Kaya naman tuwing tulog si baby, sabayan mo rin siya at matulog ka rin.
- Kumain ng masusustansyang pagkain. Dagdagan ang intake mo ng whole grains, mga gulay, prutas, at protein. Uminom din ng maraming tubig lalo na kung ikaw ay nagpapasuso. Mahalaga ito para maiwasan ang dehydration.
- Mag-ehersisyo. Ipapaalam naman sa iyo ng iyong doktor kapag maaari ka nang bumalik sa regular exercise. Pero tandaan na light exercise lang muna ang maaaring gawin. Pwede kang maglakad-lakad sa loob ng inyong bahay o sa bakuran para tumaas ang level ng iyong energy.
- Huwag mahiya o mag-alangan na humingi ng tulong sa mga kasama sa bahay. Kailangan pa ng katawan mo na makabawi sa lakas na nagamit sa panganganak. Kung magpapatulong ka sa mga gawain sa bahay, madadagdagan ang panahon mo para makapagpahinga.
Paalala
Tandaan mommies na mahalagang maalagaan si baby pero importante rin na bantayan ang ating kalusugan. Pagdating sa pagbubuntis at ikaw ay may tanong lalo na sa iyong nararamdaman o nararanasan ay huwag mahiyang magsabi sa iyong doktor. Ito ay para masiguro mo ang kaligtasan mo at ng iyong sanggol.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!