#AskDok: Ano ang puwedeng ilagay sa rashes sa mukha ng baby?

#AskDok: Ano ang puwedeng ilagay sa rashes sa mukha ng baby?

Alamin ang mga karaniwang dahilan at gamot sa rashes sa mukha ng baby. Ano ang mga sintomas ka kailangang bantayan upang hindi sila malagay sa panganib?

Napansin ba na tila may maliliit na bukol sa mukha ng iyong baby? Tila ba nagpapantal ang kanyang ilong, mga pisngi o noo? Dapat ba itong alalahanin? Kung hindi man, ano ang maaaring ilagay dito upang maagapan? Alamin natin ang mga iba't ibang kailangang gamot sa rashes sa mukha ng baby.

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Ano ba ang sanhi at gamot sa rashes sa mukha ng baby?

Ayon kay Dr. Art Jerome D. Luzande, MD., napakarami ng maaaring sanhi ng pagkakaroon ng rashes. Mayroong mga simple lamang at kusang nawawala ngunit, mayroon ding mga toxic sa kalusugan ng bata. Mahalaga na ipasuri ang tunay na sanhi ng rashes upang malaman kung ano ang tamang gamot sa rashes sa mukha ng baby

Sa ngayon, kilalanin natin ang mga karaniwang sanhi ng rashes sa mukha ng baby.

Milia

Ang milia ay maliliit na puti o madilaw-dilaw na mga bukol sa mukha ng baby. Kadalasan itong nakikita malapit sa ilong o mata ngunit maaari rin makita sa pisngi at baba. Ito ay dulot ng pagkakaroon ng bara sa pores ng baby kaya ang balat sa mukha ay nagkakabukol. Kadalasan, kusa itong nawawala matapos ang ilang linggo dahil sa natural na pagtanggal ng bara sa mga pores.

Makakabuti na huwag itong gamitan ng mga cream o ointments. Maaari itong maging rason upang lalong mabarahan ang mga pores na maaaring magpalala ng milia. Iwasan na pisilin o kuskusin ang mga ito.

Baby acne

Kilala rin sa tawag na neonatal acne, karaniwan itong makikita sa mga bata na tatlo hanggang anim na buwang gulang. Ito ay mga mapupula o mapuputing tila tigyawat na kadalasang matatagpuan sa noo, pisngi o ilong ng sanggol. Hindi man malinaw ang tunay na sanhi nito, kusa rin itong nawawala matapos ang ilang buwan.

Kadalasan, hindi kailangan ng ano mang gamot upang sugpuin ang baby acne. Ganunpaman, kung hindi nawawala ang mga ito, maaaring kumonsulta sa pediatrician upang makapagpareseta ng tamang gamot. Huwag gumamit ng mga gamot na para sa matatanda dahil masyado pang sensitive ang balat ng baby.

Erythema toxicum

Isa rin na karaniwang rash sa mukha ng baby na walang dinudulot na panganib ay ang erythema toxicum. Ito ay mga mapupulang bahagi ng balat na may puti o madilaw na bukol. Madalas itong matatagpuan sa mukha, dibdib o mga hita sa mga unang araw matapos mapanganak. Kusa itong nawawala matapos ang ilang linggo at hindi na bumabalik sa pagtanda.

Dahil wala namang dinudulot na sakit sa bata at kusa namang nawawala, hindi nito kailangan ng paggamot.

Heat Rash

Karaniwang makikita sa mga bata kapag tag-init ang heat rash. Ito ay maliliit na pulang mga rashes na makikita sa balat ng baby. Maaari itong ma-develop sa iba't ibang bahagi ng katawan lalo na kung hindi akma ang suot ng baby sa init ng panahon. Dulot ito ng pawis na hindi makalabas ng balat dahil sa mga baradong pores.

Kadalasan ay hindi kailangan ng mga gamot pagdating sa heat rash. Kailangan lamang panatilihing hindi naiinitan ang sanggol upang hindi lumala ang rashes sa mukha at katawan.

Eczema

Ang eczema ay nakikita bilang nanunuyo, namumula at makakating bahagi ng balat sa mga baby. Karaniwan itong nade-develop sa mga sanggol na may edad anim na buwan pataas. Madalas matatagpuan sa pisngi, noo, baba o anit ng mga sanggol ngunit maaari din makita sa kanilang mga tuhod at siko kapag gumagapang na. Dulot ito ng ilang environmental conditions na nakaka-irita sa balat ng baby.

Maaaring kusang mawala ang eczema ngunit maaari rin kailanganin ng paggamot. I-konsulta sa inyong pediatrician ang paggamit ng ointments upang labanan ang eczema. Suriin din kung ano ang mga kadalasang nagiging dahilan ng pangangati ng balat ng bata.

Cradle Cap

Ang cradle cap ay rash na kadalasang natatagpuan sa anit ng mga bata. Subalit, maaari rin itong kumalat sa pisngi at paligid ng mga mata at ilong. Nagdudulot ito ng namumulang patse na magaspang at tila nagbabalat. Nade-develop ito sa mga bata na dalawa hanggang tatlong buwang gulang at nawawala sa pagitan ng anim hanggang labindalawang buwang gulang. Hindi ito nagdudulot ng sakit o pangangati sa baby at kusang nawawala. Ngunit, kung nagdudulot ng sintomas, maaaring gumamit ng mga gamot.

Ang mga antifungal cream at medicated shampoo ay mabisa laban sa cradle cap ngunit, magpakonsulta muna sa pediatrician bago gamitin ang mga ito. Maaari rin kayong resetahan ng topical steroids kung malala na ang pamamagang dulot ng cradle cap.

Slapped cheek syndrome

Kilalarin sa tawag na fifth disease, ang slapped cheek syndrome ay isang viral disease. Maaari itong makuha ano man ang edad ng tao ngunit karaniwan na makikita sa mga bata. Dulot ito ng impeksiyon na dala ng B19 parvovirus. Makikita ito bilang namumulang rash sa isa o parehong pisngi na walang dulot na sakit. Maaari itong mawala matapos ang ilang araw ngunit maaaring magdulot ng rash sa iba pang bahagi ng katawan na tumatagal nang isa hanggang dalawang linggo. Kadalasan ay may kasamang lagnat, pananakit ng ulo, sipon at sore throat ang slapped cheek syndrome.

Ang slapped cheek syndrome ay hindi kinakailangan ng paggamot. Subalit, ang mga sintomas nito ay maaaring magdulot ng discomfort sa mga sanggol. Mangyaring kumonsulta sa pediatrician upang malaman ang tamang gamot para sa mga ito.

Kailan Ko-konsulta sa duktor

Para kay Dr. Luzande, makakabuting magpakonsulta sa duktor kapag ang ikinababahalang rash ay nagdudulot na ng discomfort sa baby. Kanya ring iminumungkahi na huwag gumamit ng kung ano mang mga cream o ointments nang hindi nagbibigay alam sa pediatrician.

Mangayari rin na magpakonsulta kung ang rash ay:

  • Tila may lamang tubig
  • Nagdudulot ng lagnat
  • Naaapektuhan ang pagkain ng baby
  • May mga pulang linya mula sa rash
  • May pamamaga ng lymph nodes
  • Nagdudulot ng ubo sa baby
  • Nanghihina ang baby
  • May mga pula o lila na spots na hindi nagbabago ang kulay kapag diniinan ang hawak

Source: Interview with Dr. Art Jerome D. Luzande, MD.

Basahin: Toddler rashes: Watch out for these 15 common children’s skin conditions

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner