Gatas ng ina, paano nga ba ito nalilikha? Nananatiling palaisipan at hindi malinaw sa marami kung paano nga ba napo-produce ang gatas ng ina sa loob ng katawan nito. Tunghayan natin ngayon ang kamang-manghang prosesong nagaganap sa loob ng katawan ng isang ina upang maging ganap ang layunin nitong makapagpasuso at makapagsustento ng pangunahing pagkain at buhay para sa kaniyang bagong silang na anak.
Ang gatas ng ina habang nagbubuntis, pagkapanganak, at habang lumalaki ang sanggol
Ang pagpo-produce ng gatas ng ina ay hindi mabilisang prosesong nangyayari sa katawan matapos siyang makapanganak, o sa unang beses pa lamang ng pagtatangkang pasusohin ang sanggol. Ang hindi alam ng marami, nagsisimula nang mag-produce ng gatas ang isang ina bandang sa unang bahagi pa lamang ng kaniyang pagbubuntis. Tinatawag itong endocrine control system, isang prosesong itinutulak ng mga hormone ang glandular tissue na mag-transform sa pagiging lactocytes. Ito ay mga selulang pumapalibot sa alveoli (o bahay-gatas) at pangunahing responsable sa paggawa ng gatas ng ina.
Pagpasok sa 32 weeks ng pagbubuntis ng isang nanay, magsisimula na itong mag-produce ng kolostrum para iimbak sa bahay-gatas sa isang bahagi ng suso nito.
Ilang araw pagkatapos niyang manganak, magpapadalang muli ng signal ang mga hormone sa katawan nito para maghudyat sa proseso ng pagma-mature ng kolostrum bilang regular na gatas ng ina para sa kaniyang sanggol. Kinakailangang sumabay rito ang pagpapasuso sa bata nang tuloy-tuloy para hindi maudlot ang produksyon at matuyuan ng gatas ang ina.
Habang tumtagal, dumedepende sa dalas o dalang ng pagdede ng bata ang dami ng gatas na napo-produce ng ina. Ito ang tinatawag na supply-and-demand principle na iniuugnay sa pagpaparami ng suplay ng gatas ng ina para magtuloy-tuloy at maging mabisa ang pagpapasuso.
Prolactin at oxytocin, mga hormone na mahalaga sa produksyon ng gatas at pagpapasuso
Sa bawat paghakab ni baby sa suso ni nanay, nagpapadala agad ng mensahe ang prolactin hormone patungong pituitary glands tungkol sa pangangailangan ng maipasususong gatas. Ito ang gumagawa ng gatas bago at habang nagpapasuso ang ina para sa maayos na pagdaloy ng suplay patungo mismo kay baby.
Tuwing habang nagpapasuso ang ina, dumadaloy sa katawan niya ang hormone na kung tawagin ay oxytocin, na pangunahing sangkap para marelaks ang nanay habang siya ay nagpapasuso. Oxytocin ang dahilan kung bakit napapanatag ang ina sa oras na nararamdaman niyang gumagawa at dumadaloy ang gatas sa kaniyang dibdib. Kung mapapansin ng ating mga nanay, lumalabas ang patak-patak na gatas maging sa kabilang suso niya, na dahilan pa rin ng oxytocin.
Sa mga unang buwan ng pagpapasuso, natural lang na nakararamdam ng madalas at mabilisang pagbigat ng dibdib ang mga nanay. Ngunit katagalan, unti-unti nang nare-regulate at nagiging stable ang produksyon ng gatas ng ina batay na lamang sa pangangailangan ni baby.
Para sa mga nagpapasusong ina, huwag basta-bastang mababahala kung sapat ba ang nakukuhang gatas at sustansiyan ng mga anak mula sa inyo. Unang-una, hindi sa laki o liit at hugis ng nasusukat ang malilikhang gatas ng ina.
Sumunod, maaari namang obserbahan si baby kung nasasapatan ba ito at nasisiyahan sa kaniyang nakukuha tuwing habang sumususo siya. Ang pinakamaaasahang palatandaang gumagawa ang milk ejection reflex o MER ay ang pagbagal ng pagsuso ni baby, gayundin ang malalim at regular niyang paglunok.
Panghuli, mahalagang matulungan ang sariling umiwas sa mga bagay na nagbubunga ng pagka-stress dahil ito ang numero unong kalaban ng produksyon ng gatas. Kapag stressed si nanay, bumababa ang level ng oxytocin hormone na tumutulong sa paggawa ng gatas habang at matapos siyang magpasuso.
Pabago-bago ang komposisyon ng gatas ng ina
Iba’t iba ang uring gatas ng ina batay na rin sa komposisyon ng nilalaman nito; ang kolostrum, ang pang-unang gatas o foremilk, ang mature milk, at ang panghuling gatas o hind milk.
Espesyal sa lahat ng uri ng gatas ng ina ang kolostrum. Ito ang unang-unang gatas na nakahanda para susohin ng sanggol. Patak-patak lamang at limitado ngunit tama, sapat, at eksakto lamang ito para sa sanggol. Taglay nito ang mga pangunahing sustansiyang panangga ng katawan ni baby laban sa mga sakit dahil nagpapatibay ito ng baga at tiyan ng sanggol kontra sa iba’t ibang uri ng impeksyon, allergy, at pagtatae. Kung tutuusin, ito ang unang-unang bakuna ni baby sa mga unang araw ng buhay niya.
Ang pang-unang gatas o foremilk naman ang unang daloy ng gatas sa ina. Pamatid-uhaw ito ng sanggol at kakaunti ang taba (fats) sa content nito. Kumpara sa kolostrum na malagkit at manila-nilaw, lusaw kung tingnan ito pero masustansiya rin.
Pagkalipas ng 10-14 days na makapanganak si Nanay, nagma-mature ang gatas na siyang sinususo ni baby sa pang-araw-araw. Ito ang tinatawag na mature milk. Ito ang gatas ng inang nakukuha ng bata sa mga unang sandali ng paghakab sa susong puno ng gatas, matigas, at mabigat na mabigat. Puno ito ng ani-bodies na mga panangga laban sa malulubhang sakit.
Samantala, ang panghuling gatas o hind milk naman ang lumalabas na gatas sa bandang huli ng pagsuso ni baby. Mas maputi ito kaysa foremilk at naglalaman ng espesyal na taba (fats) na nakapagpapatalino, nakapagpapalakas, at nakapagpapatatas ng enerhiya kay baby.
Mga dapat tandaan para sa tuloy-tuloy na produksyon ng gatas
Isa sa mga laging alalahanin ng isang bagong panganak na nanay ang magkaroon ng sapat na gatas na maisusustento sa kaniyang baby. Maraming bagay ang maaaring makatulong para sa tuloy-tuloy na pagdaloy ng gatas ng ina sa katawan patungo sa kaniyang little one.
Palaging isaisip ng isang nanay na marami siyang gatas. Magtiwala sa kakayahang makapagpasuso at sa kapasidad ng sariling katawang makalikha ng pagkain para sa anak. Sa ganitong paraan, madaling narerelaks ang isip ng isang nanay, nakaiiwas sa mga pag-aalala at alalahanin, kaya naman nagiging stable ang level ng oxytocin na tumutulong sa paggawa ng gatas sa loob ng suso.
Iwasan ang mga taong hindi nakatutulong na magkaroon ng panatag na pag-iisip. Napakalaking papel ang ginagampanan ng immediate family ng isang bagong panganak na nanay at ng kaniyang kinabibilangang community. Dahil ang mga ito ang magsisilbing support group niya para sa tuloy-tuloy at masiglang pagpapasuso sa anak.
Makatutulong din ang pagsubok at pag-aaral ng iba’t ibang posisyon sa pagpapasuso nang hindi naisasaalang-alang ang wastong paghakab ni baby sa suso ni nanay. Kung makapagpapasuso ng nakahigang patagilid (side-lying), bukod sa nakapagpapahinga si baby at nakatutulog nang mahimbing, kasabay ring nakakukuha ng sapat na pahinga si nanay at nakatutulog kung kinakailangan.
Hinihikayat din ang pagdalo ng mga nanay sa iba’t ibang activity na may adbokasiyang palakasin at palawakin ang bilang ng mga inang nagpapasuso ng kanilang mga anak. Bukod sa mga kaalamang matututuhan mula sa mga inilulunsad na programa, nakakikilala ng kapuwa breastfeeding moms ang mga nanay.
Mga benepisyo ng pagpapasuso ng ina sa kaniyang anak
Gaya ng mga nabanggit na katangian at nilalaman ng iba’t ibang uri ng gatas ng ina, taglay nito ang pangmatagalang benepisyo sa malakas at malusog na pangangatawan ng bata, ngunit gayundin ang mabuting kapakinabangan nito para sa mga inang nagpapasuso.
Batay sa World Health Organization o WHO, nakatutulong ang eksklusibong pagpapasuso ng ina sa anak upang mailayo ito sa delikadong insidente ng Sudden Infant Death Syndrome (SIDS) o biglaang pagkamatay habang natutulog. Bukod dito, binibigyang-proteksyon ng gatas ng ina ang anak nito laban sa posibilidad ng mga sakit at kondisyong maaaring makuha habang siya ay lumalaki, gaya na lamang ng diabetes, mataas na blood cholesterol level, sakit sa puso, hika, allergy sa mga pagkain, atopic eczema, at mga respiratory allergy. Para sa mga babaeng anak, itinatayang mabisang makapagpababa ng tendency na mag-develop ng breast cancer ang mga ito sa kanilang paglaki.
Para naman sa mga ina, nakatutulong ang pagpapasuso para sa pag-iwas ng mga itong makapag-develop ng iba’t ibang uri ng kanser gaya ng sa suso, sa ovary, at sa endometrium. Malaking bagay rin ang pagpapasuso para mabilis na mapanumbalik ang timbang at sukat mula sa dati nitong pangangatawan bago pa magbuntis at manganak. Siyempre pa, usapang praktikal, nakababawas ito sa pag-iintindi ng mag-asawang makabili at matustusan ng sapat sa pangangailangang gatas ng kanilang anak.
Higit sa lahat, walang makatutumbas na saya at lalim ng ugnayang nabubuo sa mag-ina sa tuwing sila ay nagpapasusohan. ‘Ika nga, the best na bonding moments ng mga ina sa kanilang anak ang pagpapasuso. Bukod sa closeness na nabubuo sa ina at kaniyang anak habang sanggol pa ito, dulot nito ang pangmatagalan at mahigpit na samahan nila hanggang sa paglaki ng mga bata.
Kaya naman, saludo para sa lahat ng mga nanay na itinataguyod at patuloy ang pagpapasuso sa kani-kanilang mga anak nang walang pinipiling lugar, panahon, at kalagayan sa buhay. Lagi lamang panghawakang walang anumang makapapantay at maaaring pumalit sa gatas ng ina dahil esklusibong nilikha ito para sa kaniyang anak.
Sources:
Today’s Parent, WHO International, Department of Health-Philippines, ABS-CBN News
www.todaysparent.com/baby/breastfeeding/breast-milk-production/
www.wpro.who.int/philippines/publications/final_copy_gabay_sa_nanay_tsek.pdf
news.abs-cbn.com/life/03/30/17/para-sa-mga-ina-tips-sa-matagumpay-na-pagpapasuso-sa-sanggol
Basahin: ALAMIN: Bakit naging kulay pink ang gatas ng isang ina?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!