Holy week activities na kung saan mae-enjoy at maiintindihan ng buong pamilya ang essence ng Semana Santa? Narito ang ilang ideya na makakatulong sa iyo!
Ang Holy Week o Semana Santa ang isa sa pinakahihintay na linggo ng mga Pilipino lalo na ng mga Katoliko. Ito ay dahil ang Holy Week ang linggo na kung saan inaalala ng marami sa atin ang sakrispisyong ginawa ng Diyos para sa mga tao.
Maliban sa spiritual accomplishment na dala ng linggong ito, ang holy week din ang madalas na nagiging magandang pagkakataon para mabuo at magsama-sama ang isang pamilya.
Para nga mas maging masaya at meaningful ang Semana Santa, may mga holy week activities na maaring gawin ang buong pamilya. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Holy week activities para sa buong pamilya
Pagdalo sa Palm Sunday o Palaspas
Simulan ang pagninilay-nilay ng buong pamilya ngayong Holy Week sa pamamagitan ng pagdalo sa Linggo ng Palaspas o Palm Sunday. Ang araw na ito ay nagsisilbing pag-alala sa pagsalubong ng mga tao kay Hesus ng magpunta siya sa Jerusalem.
Para sa mga Pilipino, ang pagkakaroon ng palaspas na may basbas tuwing Palm Sunday ay pinaniniwalaang nagbibigay rin ng swerte at nag-aalis ng malas sa isang tahanan. Ang palaspas ay madalas na gawa sa dahon ng niyog na may iba’t-ibang disenyo.
Pero para mas maging fun at meaningful ang araw na ito sa mga bata ay maaring hayaan silang gumawa ng handmade palm leaves. Gamit ang papel, scotch tape at popsicle stick na lalagyan ng kaunting drawing at disenyo ay siguradong maeenjoy ng mga tsikiting ang araw na ito.
Holy Week activities: Mag-Bisita Iglesia
Isa rin sa mga holy week activities na ginagawa ng mga Pilipino tuwing semana santa ay ang pagbibisita iglesia.
Ang pagbisita iglesia sa mga Pilipino ay ginagawa para ipagtirik ng kandila at ipagpasalamat ang mga problemang kanilang nalampasan.
Ito rin ay nangangahulugan ng pagpunta o pagsisimba sa iba’t-ibang simbahan sa bansa bilang paggunita sa mga ginawa ni Hesus para sa atin.
Ang pagbibisita iglesia ay maganda ring gawin ng pamilya bilang isang pagkakataon para magkasama-sama sa bagong lugar na maaring gawan ng mga bagong alaala.
Magandang oportunidad din ito para masaksihan ang iba’t-ibang paraan ng pag-alala ng semana santa sa magkakaibang panig ng bansa. Ang pagbibisita iglesia ay madalas na ginawa tuwing Huwebes at Biyernes Santo.
Pabasa ng Act of Resurrection ni Hesus
Isa narin sa nakasanayang gawin ng mga Pilipino tuwing Semana Santa ay ang pabasa o ang pagbasa ng kwento ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus.
Ngunit sa ngayon, dahil sa modernong panahon ay unti-unti ng nawala ang tradisyon na ito lalo na sa mga Manileño. Habang ipinagpapatuloy naman ito sa ibang lugar sa bansa tulad nalang sa mga probinsya.
Pero ang mensaheng ipinaparating ng pabasa ay sadyang napakaimportante. Kaya naman para maipaalam ito sa pamilya sa paraang maieenjoy nila ay maaring idaan ito sa play o story-telling.
Sa ganitong paraan ay magkakaroon pa ng bonding ang buong pamilya habang inaalala ang kahalagahan ng semana santa.
Holy Week activities: Panonood ng Senakulo
Isa pang tradisyon na ginagawa ng mga Pilipino tuwing Semana Santa ay ang Senakulo. Ito ay isang dula na nagpapakita ng hirap na pinagdaan ni Hesus bago siya maipako sa krus.
Nagiging napaka-interesting ng dulang ito dahil sa mga taong ibinibigay ang kanilang best para ma-portray ang karakter na ginagampanan.
Mayroon ngang ibang nagsasadula na totoong nagpapako sa krus na naging panata na nila taon-taon tuwing Semana Santa.
Bukod naman sa entertainment na ibinibigay ng panonood nito sa buong pamilya ay naipapaliwanag din ng dula lalo na sa mga bata ang kahalagahan ng Semana Santa.
Pagpunta sa Moriones Festival
Ang pagpunta sa Moriones Festival ay isa rin sa mga holy week activities na ginagawa ng mga Pilipino.
Ang Moriones Festival ay isinasagawa sa probinsya ng Marinduque na paboritong puntahan din ng mga turista tuwing Semana Santa.
Ito ay dahil sa makukulay at ma-ekspresyong mga maskarang nagpapaalala sa mga Morion o mga sundalo noong panahon ni Hesu Kristo.
Maliban naman sa pagpunta sa Moriones Festival ay maari ding i-enjoy ng buong pamilya ang magagandang beach sa Marinduque para magswimming at magrelax.
Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday
Ang holy week activities naman ng buong pamilya ay hindi makukumpleto kung hindi ipagdiriwang ang Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday.
Para sa mga Katoliko, ang Easter Sunday ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng isang “Salubong”. Ito ay isinasagawa rin sa pamamagitan ng isang dula na kung saan makikitang sinasalubong ng mga anghel ang muling pagkabuhay ni Kristo. Senyales din ito ng bagong umaga at pag-asa.
Para sa mga bata, maari din itong ipagdiwang sa pamamagitan ng pagdedecorate ng mga Easter eggs.
O kaya naman ay sa pamamagitan ng isang laro na kung tawagin ay Easter Egg hunt. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng paghahanap sa mga itlog na makukulay at may iba’t-ibang designs.
Maari ding gumamit ng mga plastic eggs na pwedeng lagyan ng candies at chocolates sa loob. Para mas maging fun at exciting ito sa mga bata.
Ilan lamang ito sa mga holy week activities na maaring gawin ng buong pamilya ngayong Semana Santa. Para gawin itong meaningful at masaya. Pero tandaan na sa kahit anong bagay, basta sama-sama ang pamilya lahat ay maaring maging masaya.
At huwag ding kalimutang magdasal at magpasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang natanggap. Hindi lang ngayong Semana Santa kung hindi sa araw-araw na ginawa niya.
Basahin: What can we teach our kids about the Holy Week?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!