Mommies, narito na ang kasagutan sa inyong tanong na “Kailan babalik ang mens matapos manganak?”
Talaan ng Nilalaman
Kailan babalik ang menstruation after manganak
Dahil sa dami ng pagbabagong naranasan natin sa ating katawan nang tayo ay magbuntis, nakakasabik rin malaman kung kailan tayo babalik sa dati at magiging “normal” uli ang ating katawan. Subalit hindi ito ganoong kasimple.
Kailangan muna ng sapat na panahon para maka-recover ang ating katawan mula sa panganganak, at bumalik rin ang ating hormones sa dati.
Kailan babalik ang mens matapos manganak?
Isa sa mga karaniwang tanong ng mga first-time moms pagkatapos nilang magsilang ay “Kailan ba ako magkaka-mens ulit?”
Ayon kay Dr. Maureen Laranang, isang OB-Gynecologist sa Makati Medical Center, ang sagot sa katanungang kung kailan babalik ang mens matapos manganak, ay ito
“Depende ito kung nagbe-breastfeed siya o hindi nagbe-breastfeed. Kung hindi siya nagbe-breastfeed, bottle-feed lang o minsan breastfeed tapos bottle feed usually after 8 weeks or more doon lang talaga lumalabas iyong period.”
Ayon pa sa doktora, kapag ikaw ay nagpapadede sa loob ng anim na buwan nang tuloy-tuloy, hindi talaga babalik kaagad ang iyong dalaw. Dahil sa tinatawag na lactation amenorrhea.
“Halimbawa kung 6 months siya tuloy-tuloy na nagbrebreastfeed, hindi talaga agad magrereturn iyong period niya.”
Pagkatapos manganak, nakakaranas ng pagdurugo si Mommy sa loob ng isa o dalawang linggo na maaaring mapagkamalang menstruation.
Ito ay tinatawag na lochia, ang paraan ng iyong katawan upang alisin ang iba pang dugo at tissue sa iyong uterus na nakakatulong upang lumaki ang iyong baby.
Subalit paano mo malalaman ang pagkakaiba ng postpartum bleeding sa menstruation? Pagpapaliwanag ni Dr. Laranang,
“May tinatawag kasi tayong physiologic vaginal bleeding o discharge pagkatapos manganak. Ito ay nagla-last ng hanggang 2 weeks pero pakonti-konti lang iyong flow.
Ang tinatawag natin dito ay lochia na lumalabas na bleeding matapos manganak. So mayroon tayong lochia rubra na tinatawag, ito iyong first 3 days. Ang description nito ay para siyang bright red blood, iyon talaga iyong pulang-pula.”
Dagdag pa niya, sa ika-4 hanggang ika-10 araw, nababawasan ang pagdurugo at nagiging pink ang kulay. Pagkaraan ng 10 araw, mapapansin na ang parang kulay puting discharge. Ito ay normal na napagdaraanan ng mga babaeng nanganak.
Pwede bang mabuntis kahit hindi pa bumabalik ang aking period?
Ayon sa isang pag-aaral, kadalasang nag-oovulate ang babae 45 hanggang 94 araw matapos manganak. Karamihan din ay nagsisimulang mag-ovulate ulit sa ikanilang ika-6 na linggo, pero mayroon namang mas maagga.
Ayon kay Dr. Laranang, ang mga babaeng exclusively breastfeeding ay mas matagal mag-ovulate.
“Ito iyong tinatawag nating lactation amenorrhea o kung saan exclusively breastfed si baby.
Ang mechanism kasi nito ay sinusurpress niya iyong hormone na inirerelease for ovulation. Ito po ay isang form rin ng natural contraception,” paliwanag niya.
Subalit pwede namang mag-ovulate ang isang babae kahit hindi pa bumabalik ang kaniyang mens pagkatapos manganak. Ibig sabihin nito, posibleng mabuntis ang isang babae kahit hindi pa siya dinadatnan ulit pagkapanganak.
Kailan pwedeng gumamit ng contraceptives pagkatapos manganak?
Kung naka-recover na ang katawan ng babae, naghilom na ang kaniyang sugat at handa na siya, puwede na siyang makipagtalik ulit. Pero kung ayaw niyo pang sundan agad si baby, makakabuting gumamit ng contraceptives habang nagtatalik.
Ayon kay Dr. Laranang, ang paggamit ng contraceptives ay depende rin sa kung anong uri ang gagamitin.
“Kung ang choice ni mommy iyong nagco-contain ng progestin like progestin only pills and nagbe-breastfeed sila, puwedeng immediately after giving birth and puwede rin any time after birth.
Kapag naman combined oral contraceptive o combination siya ng estrogen at progesterone, kung hindi nagbe-breastfeed puwede ito ibigay at least 3 to 4 weeks after giving birth.
Kung nagbe-breastfeed naman siya, puwedeng after 6 months ibigay kung saan ang main food niya ay hindi na milk.
Kapag partially nagbrebreastfeed like alternate iyong breastfeed at bottlefeed, pwede nang ibigay 6 weeks after birth.”
Para makasiguro, tanungin ang iyong OB-gynecologist kung anong contraceptive method ang dapat mong subukan at kung kailan mo ito pwedeng simulan.
Paalala ni Dr. Laranang,
“On the 6th week ng panganganak nila ay kailangan naman nilang bumalik para pagusapan naman iyong family planning method na kailangan nila.”
Tips para makarekober agad pagkatapos manganak
Narito ang mga sumusunod na paalala para sa mga babae pagkatapos manganak para maiwasan ang binat:
-
Tamang paglilinis ng sugat at pwerta
Ayon kay Dr. Laranang, nagtamo man ng sugat sa pwerta o hindi, kailangan pa rin itong linisin nang mabuti pagkatapos manganak para makaiwas sa mga impeksyon.
“Whether na-stitch siya o hindi, importante pa rin ang hygiene sa area na iyon. So kailangan hugasan ang pwerta 2 times a day, morning and night with mild soap and lukewarm water.”
Puwede ring gumamit ng feminine wash na may povidone iodine o chlorhexidine digluconate para mabawasan ang posibilidad ng impeksyon.
Kadalasan, bago pauwiin ang pasyente, nililinis na ang sugat sa tiyan at nilalagyan ng waterproof dressing para maprotektahan ito at hindi mabasa kapag naliligo si mommy. Sa unang checkup, titingnan kung tuyo na ito at tatanggaling na ang dressing.
Pero kahit tuyo na ito, kailangang pangalagaan din ang sugat habang nagpapahinga sa bahay. Iwasang kamutin ang sugat para hindi magkaroon ng impeksyon. Huwag din munang magbuhat ng masyadong mabigat, at magsuot ng binder para maiwasan ang pagbuka.
Para hindi bumuka ang iyong tahi (normal man o cesarean ang iyong panganganak), iwasan muna ang umire lalo na kapag dumudumi.
Kumain ng maraming mga pagkaing mayaman sa fiber (grains, prutas, gulay), uminom ng maraming tubig, mag-ehersisyo o gumamit ng banayad na stool softener para maging mas madali ang pagdumi.
-
Pangangalaga sa iyong dibdib
Para sa mga masakit na suso dahil sa madalas na pagbe-breastfeed, subukang gumamit ng warm compress (kung naninigas ang pakiramdam) o ice pack (para sa sore nipples) para maibsan ang pananakit.
Makakatulong din ang pagsusuot ng komportableng damit habang nagpapadede at paggamit ng nipple cream.
-
Huwag kalimutan ang iyong follow-up checkup
Para masigurong naghihilom ang iyong sugat at walang mga komplikasyon mula sa iyong panganganak, mahalaga na bumalik ka sa iyong OB-GYN para sa follow-up checkup.
Maaari rin niyang tanungin kung kamusta ang iyong emosyonal na pakiramdam, para malaman kung nakakaranas ka ba ng mga postpartum mental disorder gaya ng depression o anxiety.
Kung mayroon ka ring nararamdamang kakaiba o kaya katanungan tungkol sa iyong katawan pagkatapos mong manganak, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
-
Magpahinga at pangalagaan ang sarili
Bukod sa pag-aalaga kay baby, ang unang linggo pagkatapos manganak ay panahon din para makapagpahinga si Mommy. Para maging mabilis ang paghilom ng mga sugat at pag-recover ng iyong katawan, siguruhing kumakain ka nang tama at mayroong sapat na pahinga.
Payo ng napakaraming nanay, matulog kapag tulog din si baby.
Gayundin, kung balak mo nang bumalik sa pag-eehersisyo, humingi muna ng go signal mula sa iyong doktor. Kung hindi pa pwede, maghinay-hinay muna, Mommy, at sariwain na lang muna ang mga unang araw kasama ang iyong baby.
Huling payo ni Dr. Laranang,
“Sa mga bagong panganak, you should embrace motherhood. It is a long journey but lahat is all worth it. Ang importante dito is always consult with your OB. Kapag may nararamdaman, huwag sarilinin and everything will be alright.”
Ilang buwan bago reglahin ulit ang na-cesarean?
C-section man o normal delivery ang paraan ng iyong panganganak, makararanas ka ng post-birth bleeding. Mae-experience mo ang bleeding sa loob ng anim hanggang walong linggo matapos manganak. Ngunit hindi pa ito maco-consider na regla. Lochia ang tawag sa pagdurugo matapos manganak.
Sa umpisa ito ay deep red at maaari ring makaranas ng blood clots. Habang tumatagal ay magiging watery at magiging pinkish o brownish ang dugo.
Makalipas ang ilang linggo ay karaniwang kulay white na o madilaw ang lochia. Pinaaalalahanan ang mommies na dumaranas ng lochia na huwag gumamit ng tampons.
Hindi pwedeng pasukan ng anoman ang vagina sa loob ng anim na linggo matapos manganak. Makabubuting menstrual pads o maternity pads ang gamitin.
Samantala, pagdating sa menstrual cycle, hindi rin nakaaapekto ang pagsailalim sa cesarean section kung kailan babalik ang iyong menstruation.
Bagkus ay nakadepende ito kung ikaw ay nagpapasuso o hindi. Karaniwan sa mga mommy na hindi nagpapasuso ng kanilang anak ay maaaring anim hanggang walong linggo matapos manganak tsaka bumalik ang regular na regla.
Kung nagpapasuso naman ng bata, mahirap malaman kung kailan babalik ang regla. Pero normal na hindi agad ito bumalik matapos ang ilang buwan.
Malakas na regla after manganak
Kapag bumalik na ang regular mong regla matapos manganak, asahan na kaiba ito kompara sa dati mong menstruation. Maaaring mas lumakas ang regla matapos manganak. Pwede ring makaranas ng mas madalas o mas kaunting cramps kompara noong bago mabuntis.
May ilang nakaranas na mas magaan ang pagreregla pagkatapos ng pagbubuntis. Maaaring dahil ito sa pagka-stretch at relaxed ng uterus. Subalit, mayroon din namang mas naging masakit at mahirap ang menstrual cycle.
Narito pa ang ilang pwedeng maranasang pagbabago sa regla matapos manganak:
- Mas malakas na regla after manganak
- Patigil-tigil na flow ng menstruation
- Irregular na tagal ng cycle
Pwedeng makaranas ng clotting sa iyong regla, inirerekomenda na magpakonsulta sa iyong doktor kapag tumagal ng isang linggo ang blood clots sa regla.
Mahalaga ring magpa-check sa inyong doktor kung makaranas ng mga sumusunod after manganak:
Matinding pagdurugo na umaabot sa punto na napupuno agad ang menstrual pad kada isang oras.
- Matinding pagsakit ng puson o cramping
- Mabahong vaginal discharge
- Clumps na mas malaki kaysa golf balls
- Kung ikaw ay lalagnatin habang nireregla
- Tuloy-tuloy na pagreregla nang lampas sa pitong araw
- Matinding pananakit ng ulo
- Pananakit ng ari tuwing umiihi
- Hirap sa paghinga
Importanteng ipaalam sa inyong doktor ang mga nararamdamang sintomas na may kaugnayan sa pagreregla dahil maaaring sintomas na ito ng impeksyon.
Epekto ng menstruation sa breastmilk
Pwedeng makaapekto ang pagbabago sa iyong hormones sa breastmilk mo. Kapag bumalik na ang regla, maaaring mapansin ang ilang pagbabago sa supply ng iyong gatas sa suso o sa reaksyon ng iyong baby sa breast milk.
Maaari ding makaapekto ang hormonal changes sa composition ng iyong breast milk at kung ano ang lasa nito para sa iyong baby. Ngunit hindi ito dapat ikabahala ng mommies at hindi rin dapat na maaapekto sa kakayahan ng nanay na magpasuso.
Iba pang maaaring makaapekto sa regla after manganak
Bukod sa breastfeeding maaari ding makaapekto ang paggamit ng birth control pills sa regla matapos manganak. Pwede itong maging dahilan ng lighter at less painful na menstrual periods.
Kung ikaw naman ay may endometriosis o history ng masakit na pagreregla, pwedeng magkaroon ng easier periods sa umpisa, matapos isilang ang iyong baby.
Subalit karaniwang pansamantala lang ang pagbabagong ito sa lagay ng iyong pagreregla. Maaari pa ring bumalik sa dating painful periods ang iyong menstruation.
Narito ang ilan pang kondisyon na maaaring magdulot ng problematic periods matapos manganak:
- Adenomyosis – tumutukoy ito sa pagkapal ng uterus na maaaring gamutin ng doktor sa pamamagitan ng minimal invasive surgery o hormone therapy.
- Thyroid disorder – overactive man o underactive ang iyong thyroid, maaari itong makaapekto sa regla matapos manganak. Maaaring magrekomenda ng iba’t ibang treatment ang iyong doktor para sa ganitong kalagayan.
- Structural defects tulad ng polyps at submucosal fibroids na nagagamot din sa pamamagitan ng minimal invasive surgery.
Ayon sa Cleveland Clinic, hindi dahil lighter ang iyong period ay nangangahulugang ito ay maganda. Mayroong dalawang rare complications matapos manganak na maaaring maging dahilan ng magaan na pagreregla. Ito ay ang Shennan’s syndrome at Asherman’s syndrome.
Ang Asherman’s syndrome ay resulta ng scar tissue sa lining ng uterus. Maaari itong madevelop matapos ang dilation and curettage, medical process na sinasagawa ng doktor matapos ang miscarriage o panganganak.
Samantala, ang Sheehan’s syndrome naman ay nangyayari kapag nagkaroon ng matinding blood loss o kapag na-damage ng low blood pressure ang pituitary gland.
Naaapektuhan nito ang normal na function ng ovary kaya apektado rin ang regla. Karaniwang nagagamot ito sa pamamagitan ng hormone treatment.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!