Lindol sa Kidapawan, nag-iwan ng malaking pinsala at takot sa mga taga-rito.
Lindol sa Kidapawan
Kagabi, October 16 bandang alas-7:37 pm ay niyanig ng 6.3 magnitude na lindol ang ilang parte ng Mindanao. Kabilang sa nakaranas ng malakas na pagyanig ay ang Kidapawan City.
Dahil sa lakas ng lindol sa Kidapawan City ay naitala ang mga pinsala sa mga establismyento sa nasabing lugar. Nagdulot din ito ng takot sa mga taga-rito.
Sa isang ngang recorded video ay makikita ang mga pasyente ng isang ospital sa Kidapawan habang sila ay lumilikas at nagsisilabasan mula sa ospital.
Sa ngayon ay hindi pa tukoy kung gaano kalaki ang naging epekto ng naganap na lindol sa Kidapawan. Ngunit isang buntis ang naiulat na nakunan matapos ang 200 aftershocks na nangyari kasunod nito. Ito ay ayon sa pahayag ni Psalmer Bernalte, head ng disaster office ng Kidapawan City.
“More than 200 aftershocks na iyong naramdaman natin. Iyong isang buntis, nag-miscarriage… Nalaglag lang iyong kaniyang baby dahil na-shock [noong] nagkaroon ng lindol.”
Ito ang naging pahayag ni Bernalte ng siya ay mainterview sa isang programa sa radyo ng DZMM. Dagdag pa niya ay may dalawang residente rin mula sa lugar ang naiulat na nagtamo ng minor injuries.
Ngunit paano nga ba naapektuhan ng isang disaster tulad ng lindol ang pagbubuntis ng isang babae?
Epekto ng mga disaster tulad ng lindol sa mga buntis
Sa ngayon ay walang pang pag-aaral ang nakapagpatunay na may kaugnayan ang lindol para makunan o makaranas ng premature labor ang isang buntis. Ngunit may ilang pag-aaral na ang nakapagsabi na ang exposure ng utero o matris ng isang babaeng buntis sa mga sakit o adverse events gaya ng natural disasters ay nagdudulot ng negatibong epekto sa dinadala nitong sanggol. Ito ay nagdudulot ng prenatal maternal stress na nagtritrigger ng perinatal complications tulad ng low birth weight, smaller head circumference ng sanggol, at minsan ay miscarriage.
Paliwanag nga ng isang pag-aaral na isinagawa ng mga researchers mula sa University of California, ang maternal stress na nararanasan ng isang buntis ay nag-aactivate ng kaniyang placental clock na tumutukoy naman sa haba ng pagbubuntis.
Ito ay natuklasan matapos pag-aralan ang karanasan ng mga babaeng buntis noong 1994 Los Angeles earthquake.
Epekto ng instense stress sa buntis
Dagdag na paliwanag pa ni Laura Glynn, isa sa mga researcher ng ginawang pag-aaral, ang placenta ay hindi lamang basta passive filter sa pagitan ng ina at ng kaniyang sanggol. Ito ay isang endocrine gland na nag-rerespond sa stimuli at nag-poproduce ng hormones at peptides sa pagbubuntis. Ito naman ay dumadaloy hindi lamang sa bloodstreams ng ina kung hindi pati narin sa sanggol na kaniyang dinadala.
Ayon naman sa mga expert obstetrician at gynecologist ng Babycenter.com, ang mga nakakatakot na disaster tulad ng lindol ay nagdudulot ng stress sa isang buntis. Ang intense stress na dulot nito ay nagiging dahilan upang mag-release ang utak ng chemicals gaya ng adrenaline na pumipigil sa daloy ng oxygen at nutrients sa dinadalang sanggol ng isang buntis. Ito ang sinasabing dahilan kung bakit nagaganap ang premature labour.
Dagdag na pahayag naman ni Flynn, hindi lang ang mga stress tulad ng disasters ang masama sa buntis. Dahil pati ang` mga marital o job stress ay maaring makaapekto rin sa placental clock ng isang buntis na maaring magpadali ng isang pagbubuntis. Kaya naman laging ipinapaalala ng mga doktor sa mga buntis, umiwas sa stress hangga’t maari. Ito ay upang maprotektahan ang sanggol na dinadala mula sa negatibong epekto nito tulad ng premature labour.
Source: ABS-CBN News, Wired, BBC UK, BabyCenter
Photo: Twitter
Basahin: STUDY: Epekto sa baby kapag stressed ang buntis
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!