Panahon na naman ng bigayan ng regalo. Marunong na bang magpasalamat ang iyong anak? Narito ang ilang paraan para turuan siya.
Lahat ng magulang, nais makapagpalaki ng anak na marunong magpasalamat sa bawat biyaya at kabutihang natatanggap mula sa kanilang kapwa. Sa ating mga Pilipino, kasama ito sa magandang asal na gusto nating matutunan ng ating anak, gaya ng pagiging magalang at magiliw sa bisita.
Pero paano mo nga ba maituturo ang pagiging grateful o marunong magpasalamat ang isang bata?
Ayon sa isang survey na isinagawa sa bansang Amerika, karamihan ng mga magulang (81 porsyento) ay sumasang-ayon na ang mga kabataan ngayon ay hindi marunong magpasalamat sa mga bagay na natatanggap nila.
Higit sa kalahati ang nag-aalalang masyadong nilang naii-spoil o ibinibigay ang lahat ng gusto ng anak at halos kalahati ang nagsabing nahihiya sila sa inaasal ng kanilang anak.
Halos lahat naman ng mga magulang na kasama sa survey ang nagsabing mahalaga para sa kanila na matutong maging grateful o marunong magpasalamat ang kanilang anak.
"Dapat matuto silang magpasalamat sa natatanggap nila"
Base sa nasabing poll, hindi maitatanggi ang katotohanang marami sa mga kabataan ngayong ang hindi marunong magpasalamat para sa mga bagay na ini-enjoy nila.
Hindi man natin sinasadya at hindi natin namamalayan, lumalaking entitled ang ating mga anak. Sa paniniwala nila, pribilehiyo nila ang lahat ng kanilang tinatamasa.
Mula sa pagkain ng masasarap at kumpletong beses sa bawat araw, pag-aaral sa isang maayos na paaralan, maging ang makapasyal sa magagandang lugar at pagkakaroon ng laruan o gadget na kanilang maibigan, at iba pa.
At sa halip na makuntento at magpasalamat, minsan ay naghahangad pa sila ng mas maraming bagay.
Sa isang pag-aaral, lumalabas na ang mga batang entitled ay lumalaking:
- hindi gaanong tapat
- walang malasakit sa kapwa
- hirap umunawa ng kalagayan ng iba
- mas agresibo
- hirap tumanggap ng pagkakamali
Samantala, ang mga batang marunong magpasalamat sa maliit man o malaking bagay na kanilang natatanggap ay lumalaking:
- alerto
- masigasig
- masikap
- matulungin
- marunong makisama sa kapwa
- masigla
- may positibong pananaw sa buhay
Paano turuan ang bata na maging kuntento at magpasalamat?
[caption id="attachment_434038" align="aligncenter" width="670"] "Thank you, Mommy." Gusto mo bang marinig ang iyong anak na sabihin 'yan nang kusa? Basahin ang mga tips na ito[/caption]
-
Maging pangunahing halimbawa sa bata
Wala nang mas mabisang paraan upang turuan ng mabuting asal ang bata kaysa sa pagmodelo nito sa kanila. Ayon kay Alison Escalante, MD, isang board-certified pediatrician sa Amerika,
"Kids learn more from what we as parents do than from anything else. If parents do not model gratitude, they cannot expect it from their children."
Bakit mo nga naman aasahang maging kuntento at marunong magpasalamat ang iyong anak kung hindi niya ito nakikita mula sa'yo?
Gamitin ang lahat ng pagkakataong maaari mong ipakita at ipadama sa mga bata ang pagpapasalamat sa buhay, ito ma’y may kinalaman sa materyal na bagay, oportunidad na dumating, masaya o bagong karanasan, o maging sa pinakamahirap na suliraning kinahaharap.
At hindi ka lang niya dapat marinig na magsabi ng "Thank you," mas makakatulong kung sasabihin mo rin kung bakit ka nagpapasalamat sa bagay na iyong natanggap, o sa taong gumawa ng kabutihan sa'yo. Halimbawa, sabihin mong, "Thank you, Tatay, sa pagkuha ng mga sinampay. Hindi na sasakit ang likod ko dahil hindi ko ito gaanong abot."
At huwag ring kalimutang magpasalamat sa bata kapag mayroon siyang nagagawang maganda, gaano man ito kaliit o kadali. Marahil iniisip mo na hindi ito kailangan, subalit kung gusto mong maging natural sa kanila ang pagiging grateful.
Dapat ipakita mo sa kanila na pwede itong gawin ng kahit sino at kahit kanino, bata man o matanda. Dagdag pa ni Dr. Escalante,
"One of the best ways to start modeling for our kids is by expressing gratitude to them."
-
Iwasan ang labis-labis na pagbibigay ng materyal na bagay at pangugnunsinte sa bata
Gusto nating mapasaya ang ating anak, subalit nagdudulot ng maling pananaw sa buhay ng bata ang pag-e-expose sa kanila sa labis-labis na biyayang materyal at priblehiyo sa buhay. Dito kasi sila nagsisimulang maging entitled, kung akala nila ay karapatan nilang makuha ang anumang gusto nila.
Dapat magsimula sa magulang na magpigil sa mga sariling ibigay sa anak ang anumang gustuhin nito. Tigilan ang pangungunsinti sa lahat ng naisin nito lalo na kung hindi na ito nakakabuti sa paglaki ng bata at sa relasyon niya sa mga tao sa paligid niya.
Kung dati ay binibilhan mo ng pasalubong ang iyong anak sa tuwing lalabas ka, limitahan muna ito. Gayundin, pwedeng magbigay na lang ng regalo tuwing kaarawan niya o Pasko at hindi sa anumang oras niya gustong bumili ng bagong laruan. Dapat matutunan niya na dapat magsikap upang makamit ang mga bagay na gusto niya.
Gayundin, huwag agad-agad na palitan ang gamit niya kapag nasira niya ito. Hindi mo kailangang bumili ng bagong laruan kapag nasira o nawala niya ang mayroon na siya.
Para makita niya ang kahalagahan ng bawat bagay na mayroon siya, turuan siyang paghirapan ito. Hindi naman ibig-sabihin nito na magiging alipin na siya sa bahay, kundi dapat tingnan tingnan ito na lahat ng miyembro ng pamilya ay mayroong kani-kaniyang papel at dapat ay nagtutulungan.
Kapag alam niya kung gaano kahirap linisin ang kaniyang sapatos, mas matututunan niyang pahalagahan at ingatan ito. Gayundin, kung mayroon siyang isang bagay na gustong makamit.
Pwede mo siyang bigyan ng karagdagang house chores kapalit nito. Halimbawa, pwedeng siya ang magdilig ng mga halaman sa hardin kapalit ng bagong game na gusto niyang bilhin.
Kung hihingi siya ng alagang aso, dapat ay siya ang may responsibilidad na mag-alaga, magpakain at magpaligo nito. Isa itong paraan para maging responsable at matutunan ang kahalagahan ng pagsusumikap.
-
Turuang magsabi ang bata ng “Salamat po" at iba pang magagalang na salita
Masarap makarinig ng mga kataga ng pasasalamat lalo na kung nagmula ito sa mga bata. Turuan silang magsabi ng “Salamat po" o “Thank you po" sa anumang bagay na natatanggap nila, naigagawad, o naipararanas sa kanila.
Sa murang edad na 2 taong gulang, maari na itong simulan sa kanila. Siyempre pa, kailangan ring ugaliin ito ng matatanda para naman mas madali nila itong magagap at maging likas sa sistema ng pakikipag-ugnayan sa kapwa.
Sa kaso ko bilang ina, sa murang edad na dalawang (2) taong gulang, likas na sa anak kong magpahayag ng “tangku po" (thank you po), lalo na kapag tinutulungan ko siyang mabuo ang laruan niya gayundin ang masira kapag gusto niya.
Bukod sa mga kataga ng pasasalamat, susi rito ang pag-oobliga sa kanilang magpahayag ng mga panandang paggalang gaya ng “pakiusap" (o “please"), “makikiraan po" o “pahintulot po" (“excuse me"), o “pasensiya na po." Huwag ding mag-atubiling itama ang iyong anak kung makitaan sila ng hindi mabuting pakikitungo sa iba, o maling pananalita.
-
Maging malikhain sa pagtuturo ng gratefulness.
Para maging masaya at kapana-panabik sa kanila ang aral na ito, at hindi nila isiping sinesermonan mo na naman sila, maging malikhain sa paggigiit sa bata ng ganitong uri ng mga gawain.
Pwede mo silang bigyan ng blankong papel at mga krayola para gumawa ng thank-you notes o cards para sa mga taong may binibigay o may ginagawang kabutihan sa kanila.
Halimbawa, pagkatapos ng Pasko, ilista ang lahat ng taong nagbigay ng regalo sa bata, at sabihin sa iyong anak na gumawa ng thank you card para sa kanila.
Gawin itong natural na bahagi ng kanilang pagkabata hanggang sa kanilang paglaki. Ito na rin ang magiging tuntungan ng bata ng pagpapakita ng appreciation sa anumang bagay na nakapagdudulot sa kaniya ng kasiyahan.
-
Huwag tumigil sa pagtuturo at gawing habit ang pagpapasalamat
Hindi sapat ang isa, dalawa, o tatlong beses na pagtuturo sa batang magpahayag ng mga kataga ng pasasalamat, maging ang mabuting pagproseso sa kanilang saloobin ng mga biyayang natatanggap sa araw-araw.
Ayon sa pananaliksik ng mga eksperto, 66 araw ang average na yugto ng panahong kailangang igugol ng tao (adult) para maging habit o pag-uugali ang isang gawain, sistema, o tradisyon. Paano pa kaya sa mga bata?
Ugaliin pa ring magpasalamat at i-modelo ito sa iyong mga anak kahit napapansin mong nagagawa na niya ito. Mas mabuting makasanayan ito ng bawat miyembro ng pamilya at hindi lang ng mga bata.
Dahil nais nating gawing likas sa kanilang sistema, hanggang maging pag-uugali na nilla ang pagiging grateful at appreciative sa kahit anong bagay, malaking tulong ang pagpapagawa sa kanila ng gratitude journal.
Hindi ito para itago lamang nila upang masabing mayroon silang journal kundi, dapat lagyan nila ng mga kuwento ng personal na karanasan na biyayang maituturing para sa kanila. Dito rin nila maaaring ibahagi at maisa-isa ang mga materyal nilang biyayang tinatamasa sa araw-araw.
[caption id="attachment_434044" align="aligncenter" width="670"] Larawan mula sa Pexels[/caption]
Hindi naman agad-agad ay mababago na ang pag-uugali ng bata at matututo siyang magpasalamat. Pero kung patuloy mo lang ipapakita sa kaniya ang kahalagahan ng pagpapasalamat at pagiging kuntento. Hindi magtatagal ay matututunan at makakasanayan na niya ito. Pero kapag kusa na niyang nagawa ito, napakasarap na pakiramdam sa ating mga magulang.
Karagdagan, paminsan-minsan huwag din kalimutan na bigyan sila ng simpleng reward. Isa sa simpleng pamamaraan na tiyak ay maaappreciate nila ay ang pagbibigay na masarap na afternoon snacks. Ito ang ilan sa mga brands na aming inirerekomenda:
What we love about it:
- Contains grains, coconut, nuts, fruit, and seeds
- Packed with protein and fiber
- Six pieces in a pack
- No preservatives added
What we love about it:
- Tasty yet healthful
- With the tangy flavor of mixed raisins, cherries, blueberries, and cranberries
- Good source of fiber and protein
- Has resealable bag
What we love about it:
- Batang 90's and Filipino snack biscuit
- Has delicious Mocha cream filling
- With distinct aroma
Kaya huwag mapagod sa pagiging mabuting halimbawa sa iyong anak. Hindi magtatagal ay aanihin mo rin ang kabutihan na iyong itinanim sa puso ng iyong anak.
Karagdagang ulat mula kay Camille Eusebio