Sa murang edad, ang pakikinig ng music para sa baby ay nakakatulong upang sila ay matuto sa iba’t-ibang klase ng tunog at kahulugan ng mga salita. Ang pagsasayaw naman o ang kanilang paggalaw dahil sa musika ay nakakatulong sa pag-develop ng kanilang motor skills at magandang paraan para ma-practice ng kanilang self-expression.
Ayon din sa siyensya, ang musika daw ay nagsisilbi ding palantandaan sa mga baby na ang kaniyang magulang ay laging nandyan para sa kaniya. Ito daw ay dahil sa paghehele o pagkanta ng mga ito sa kaniya upang siya ay pakalmahin o patulugin na itinuturing din ng mga bata na isang simbolo ng pagmamahal ng kaniyang mga magulang.
Music para sa baby: Epekto nito sa kaniya
Ang magandang epekto naman ng music para sa baby ay nagsisimula bago pa man siya ipanganak o noong siya ay pinagbubuntis pa lamang. Ayon nga sa mga pag-aaral, ang pagiging exposed ng isang fetus sa classical music sa mga huling linggo bago ito ipanganak ay nagbigay ng mas kaaya-ayang resulta kumpara sa mga hindi nakakapakinig ng musika. Matapos ang anim na buwan pagkapanganak, nakitaan ng mas mabilis na development sa kanilang motor skills at intellectual capacity ang mga baby na nakikinig ng classical music habang nasa tiyan pa lang ng kaniyang ina.
Kaninong music ang nakakahiligan ni baby?
Samantala, isang survey naman ang nagsabing ang music na pinakikinggan ng magulang ni baby ay nakaka-impluwensya sa musical tastes nito hanggang siya ay magsampung-taong gulang.
Ang survey nga na ito ay ginawa ng streaming service na Deezer. Dito lumabas na 82% ng mga magulang ang nagsabing mas nag-re-react sa music ang kanilang mga anak bago sila tumungtong sa sampung gulang pataas. Habang 85% naman ang naniniwala na importanteng makakinig ng iba’t-ibang uri ng music ang isang bata para sa mas malawak na kaalaman at development ng kanilang utak.
Tatlo sa apat na magulang naman ang nagsabing sinusubukan nilang magustuhan ng kanilang mga anak ang favorite music nila sa pamamagitan ng madalas na pakikinig nito kasama ang kanilang anak.
Kadalasan nga daw sa mga magulang na mapilit na magustuhan ng anak nila ang kanilang taste of music ay ang mga ama. Sa naturang survey lumabas nga na 82% sa mga magulang na nakakaramdam nito ay mga tatay mababa kumpara sa 60% na mga nanay.
Pero ayon kay Dr. Hauke Egermann, isang music researcher sa University of York, England, hindi daw dapat masyadong ipilit ng mga magulang ang paborito nilang music sa kanilang mga anak. Dapat daw ay magkaroon sila ng open mind at huwag pangunahan ang music choices ng kanilang mga anak. Dapat ding maging positibo at upbeat sila kung susubukang pukawin ang interest ng mga bata sa ibang genre ng musika.
Ayon naman kay Jeremy Summerly, isang British conductor at lecturer sa Royal Academy of Music, ang mga uri ng musika na maaring “fashionable” sa taste ng mga magulang ay maaring hindi na “fashionable” sa tenga ng kanilang mga anak dahil sa malayong agwat ng kanilang edad.
Kaya naman dapat maging maingat ang mga magulang sa pagpilit na magustuhan ng kanilang anak ang music taste na mayroon sila. Hindi daw dapat pinipigilan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magexperiment at mag-explore ng mga bagay na ikakasiya nila gaya ng sa musika. Dahil sa pagdaan ng panahon ay magkakaroon din sila ng sarili nila taste sa uri ng musika na gusto nilang pakinggan at ang pagpilit sa iyong kagustuhan ay maaring magdulot ng konsepto ng pagrerebelde para sa kanila.
Ayon parin kay Dr. Egermann, isang magandang paraan para maimpluwensiyahan ng isang magulang ang taste sa music ng kaniyang anak ay ang pagpapakilala rito sa malikhain at upbeat na paraan.
Para magawa ito ng mga magulang, maari nilang gawin ay pagpapatugtog ng music habang naglalaro ang isang bata o gumagawa ng isang bagay na nagpapasaya sa kaniya. Maari ding gumawa ng mga creative memories sa tulong ng music sa pamamagitan ng mga concerts o music events na magkasama.
Dagdag pa ni Dr.Egermann, ang pakikinig daw ng iba’t-ibang klaseng musika o pagkakaroon ng mas malawak na taste sa music ay may positibong epekto sa isang bata.
Ilan sa benepisyo nito ay ang abilidad o kakayahang gamitin ang musika para ma-manage ang kanilang emosyon, makipag-socialize at makipag-bonding sa iba upang maintindihan ang pagkakaiba ng kanilang kultura.
Ngunit hindi lamang ang mga magulang ang maaring makaimpluwensiya sa kanilang anak pagdating sa musika. Ayon parin kay Dr. Egermann, ang mga teenagers ay nakakaimpluwensiya rin sa music taste ng kanilang mga magulang dahil sa mga musikang madalas nilang pinapakinggan. Karamihan nga sa mga ito ay may dahilan kung bakit madalas at paboritong pakinggan ng mga kabataan. Sa pamamagitan nito mas naiintindihan at na-appreciate ng magulang ang musikang pinapakinggan ng anak na kinalaunan ay siya niya naring pinapakinggan.
Maliban nga sa mga magandang epekto ng music para sa baby at sa kaniyang overall development ng isang bata, isa rin itong magandang paraan ng pagbobonding o pagkakaroon ng quality time ng isang magulang at ng kaniyang anak.
Sources: New Kids Center, Today, Tiny Love, BBC
Basahin: Paano nga ba magpalaki ng batang matalino?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!