Nananakit na guro agad na ginantihan ng isang ama ng makita ang ginawa sa anak niya.
Amang gumanti sa nananakit na guro sa kaniyang anak
Sa China, isang ama ang hindi nakapagpigil ng makita niyang sinaktan ng sarili niyang guro ang 5-anyos na anak niyang babae. Ang ginawa ng ama sinugod ang nanakit na guro at saka pinagsasampal at pinagsisipa ito.
Ayon sa Beijing News report, nangyari ang insidente isang araw ng hinatid ng amang si Li ang kaniyang kindergarten na anak sa eskwelahan. Dahil sa pag-iisip na baka malungkot ang anak niya kapag iniwan niya ito ay nanatili at naghintay si Li sa labas ng classroom ng kaniyang anak.
Hindi niya akalain na habang naghihintay ay may matutuklasan siyang labis na ikagagalit niya.
Dahil sa pamamagitan ng live security camera footage sa loob ng classroom ng kaniyang anak na ipinapalabas sa waiting area kung saan nandoon siya ay nakita ni Li kung paano sinaktan ng guro ang kaniyang anak.
Nang ito ay makita ay hindi nga ito nakapagpigil at agad na sinugod ang nananakit na guro. Ayon sa report, ay ginantihan daw ng ama ang pananampal na ginawa ng guro sa anak niya. At saka pinagsisipa pa ito na buti nalang ay napigilan ng iba pang guro na pumagitna sa kanilang dalawa.
Dahil sa nangyari ay parehong pinagmulta ng mga pulis ang nananakit na guro at gumanting ama. Five-hundred-yuan o P 3,600.00 ang ipinataw na multa sa nanakit na guro na may kasamang 12 araw na pagkakakulong. Samantala, 200 yuan naman o P1,400.00 ang multang ipinataw sa gumanting ama na may kasamang 7 araw na pagkakabilanggo.
Tamang paraan sa pagharap ng ganitong sitwasyon
Ilang netizens naman na nakapanood sa video ng nanakit na guro ang pinuri ang ginawa ng gumanting ama. Ngunit magkaganoon man, dapat isaisip nating mga magulang na hindi ito ang tamang paraan para ayusin ang mga ganitong sitwasyon.
Bagamat mahirap, lalo na kung ang sitwasyon ay tungkol na sa kapakanan ng ating anak, ay dapat manatili tayong kalmado. Dahil hindi lang natin inilalagay sa gulo ang ating sarili kung magpapadala tayo sa init ng ulo. Nagiging maling halimbawa rin tayo sa ating anak na nakatingin at nag-oobserve lang sa ating ginagawa.
Sa oras na malagay sa parehong sitwasyon ang iyong anak ay mabuting kausapin na muna ang guro sa nagawa nito. Ito ay sa pamamagitan ng paglapit sa pamunuan ng paaralan na kung saan, ito ang unang lugar na maari mong sabihin ang iyong reklamo. Saka kayo mag-usap at magpaliwanagan sa nangyari. At magkasundo sa paraan na madidisiplina ninyo ang iyong anak na hindi maabuso ang karapatan nito.
Bullying
Ang tanging hangad lang natin sa ating mga anak ay magkaroon ng maayos na pamumuhay habang siya ay lumalaki. Pinapasyal sa mga parke, sinusuportahan sa kanilang mga nais sa buhay o kaya naman ineenroll sa maganda at maayos na eskwelahan. Para na rin maging kumportable ang kanyang pag-aaral. Everything went well, kapag umuuwi ang iyong anak galing school ay masaya niyang kinukwento kung paano sila kumain sabay-sabay ng kanyang mga classmate. Ngunit paano kung isang araw, pag-uwi niya galing school, bigla na laman niyang sasabihin na gusto na niyang mamatay? Ano nga ba ang epekto ng bullying sa bata?
Ang bullying ay maaaring mangyari sa lahat ng tao. Bata man o matanda ay nakakaranas nito. Pwede sa school, sa trabaho o minsan ay sa internet. Narito ang mga epekto na maaaring mangyari sa mga batang nakakaranas ng pambubully:
- Ayaw nang pumasok sa paaralan
- May mababang self-esteem
- Iniiwasan ang makihalubilo sa tao
- Kaunti ang kaibigan sa paaralan
- Nagiging depress at anxious
- May mababang marka kasama na ang attendance
- Self-harm and suicide
Paano magpalaki ng mabuting anak
Lahat tayo ay nagnanais na lumaking mabuti at responsable ang ating anak. Ngunit bago pa man sa eskwelahan na kung saan natututo sila ng iba’t-ibang kaalaman, tayo ang kanilang unang guro. Ang unang taong magtuturo sa kanila ng mga katangian at kaugalian na kanilang makakasanayan at kalalakihan. Ngunit ano nga ba ang dapat nating gawin upang masigurong lalaki ng maayos ang ating anak? Narito ang pitong tips kung paano magpalaki ng mabuting anak na makakatulong sa inyo.
1. Siguraduhing magbigay ng oras o quality family time kasama ang iyong anak.
Bilang isang pamilya tayo dapat ang unang taong pupuntahan o tatakbuhan ng ating anak sa oras na siya ay magkaproblema. At magagawa nating makasanayan niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng oras o pag-spend ng quality family time na kasama siya. Ito man ay sa pamamagitan ng simpleng pamamasyal, pagsisimba kada linggo o ang pakikipagkwentuhan sa kaniya. Sa ganitong paraan ay maipapakita natin sa ating mga anak na may pamilya siyang maasahan at maaring sandalan. Isang pamilya na magiging inspirasyon niya. Magiging gabay niya at magandang halimbawa kung paano makikitungo sa iba.
Ayon nga sa isang pag-aaral na isinagawa sa England, malaki ang epekto ng parental engagement sa success ng isang bata paglaki. Mas nagiging inspired sila at academic achiever kapag nakakasama nila ang kanilang magulang sa mga school activities. Tulad ng field trips o hindi kaya naman ay ang simpleng pagbabasa ng libro o kwento ng magkasama.
2. Purihin ang mabubuting katangian ng iyong anak.
Dahil tayo mga magulang ang unang nakakasama ng ating mga anak sa atin sila kumukuha ng kanilang sense of identity. Kung ano ang lagi nating inilalagay sa kanilang isip ay ang bagay na kanilang kalalakihan. Kaya naman imbis na punahin paulit-ulit ang mali nilang katangian ay mag-concentrate sa mabuting katangian na kanilang ipinapakita at purihin ito. Sa ganitong paraan ito ay kanilang uulitin at makasanayan nilang gawin hanggang sila ay tumanda na.
3. Itama ang maling pag-uugali ng iyong anak sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya.
Imbis na deretsong ipamukha sa iyong anak ang mali niyang nagawa ay hayaang siya ang tumukoy nito at kaniyang maitama. Gawin ito sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya sa paraang maiintindihan niya at makaka-relate siya. Tulad nalang kung may nasaktan siyang kapwa niya bata. Imbis na pagalitan ay kausapin siya ng mahinahon upang maipatindi sa kaniya ang mali niyang nagawa. Simulan ito sa pagtatanong sa kung ano ang nangyari at kaniyang ginawa. Saka iyong alamin kung ano ang naging epekto nito sa kaniya. At ano ang nakita niyang epekto nito sa kapwa niya bata. Sundan ito ng tanong na kung sakaling sa kaniya kaya nangyari ang ginawa niya, ano kaya ang mararamdaman niya? Sa ganitong paraan ay ma-rerealize ng iyong anak na siya ay nakasakit at mali ang kaniyang nagawa.
Kung kaniyang ma-realize ang pagkakamali nagawa niya ay purihin siya at hikayating itama ang mali niyang nagawa sa pamamagitan ng paghingi ng tawad. Sa ganitong paraan ay natuto ang iyong anak na magkaroon ng empathy o magpahalaga sa nararamdaman ng kapwa niya.
Source: SCMP
Basahin: 8 tips para makontrol ang iyong galit at mabawasan ang pagiging mainitin ang ulo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!