Mga moms and dads, palagi bang “no” ang sagot sa inyo ni bulilit? Wala na siyang ginusto sa sinabi mo, dahil puro “nega” ang sagot.
Ginawa mo na ang lahat—nagmakaawa, nag-offer ng bribe, naglambing, pero “No!” pa rin ang sagot. Ngunit alam niyo ba na ang pagsagot ng “No!” ng isang bata ay normal at nakakabuti sa socio-emotional at cognitive development niya?
Lagi bang “no” ang sagot sa inyo ni bulilit?
Ang “No” ay hindi hudyat ng disobedience o pagmamatigas. Ayon kay Rebecca Eanes, may akda ng Positive Parenting: An Essential Guide, ito ay karaniwang sagot na importante sa emotional at cognitive development ng isang bata. Ang “resistance” na ito ay kailangan ng bawat bata habang lumalaki upang matutuo kung paano maging independent.
Ang pag-hindi at pagsasabi ng ayaw nila ay kailangan din para matutong magpahayag ng sariling damdamin. Dagdag pa diyan ang natural instinct ng tao na humindi at tumanggi kapag may pinapagawa sa ating ayaw natin.
Ang ages at stages ng pagsasabi ng “No”
PARA SA TODDLERS
Sa edad na ito, kapag lalo mong pinipilit at pinapagawa, lalo pang makakarinig ng “No, no, no, no!” Bakit nga ba? Dahil ito ang edad kung kailan nagsisimula nilang maramdaman at malaman na may kontrol sila—na pwede silang humindi at tumanggi hanggang gusto nila.
Ang pagsasabi ng “No” ay ang kanilang paraan para matutong maging confident at protektahan ang sarili, na magagamit niya hanggang paglaki.
PRESCHOOL
Habang lumalaki, ang resistance o pagtanggi ang nagiging paraan ng bata para malaman kung ano nga ba ang talagang gusto at hindi niya gusto. Nageeksperimento siya sa pagsasabi ng “No” at “Ayaw”, nang hindi pa tuluyang naiisip kung ano ang totoong ayaw niya. Ito ang humuhulma sa pagkatao niya. Kung hindi siya magsasabi ng “no”, hindi siya matututong magtanong at alamin kung bakit nangyayari ang mga bagay bagay sa paligid niya, ayon sa aklat na The Whole-Brain Child: 12 Revolutionary Strategies to Nurture Your Child’s Developing Mind ni Daniel J. Siegel. Paano matututong maging malikhain o creative, at motivated ang isang bata kung lahat na lang ng iuutos at ipapagawa sa kaniya ay susundin niya? Paano siya matututong magdesisyon at mag-isip ng solusyon sa problema?—lalo na’t papasok na siya sa paaralan.
Dagdag pa na ang utak ng isang bata ay hindi pa fully developed sa edad na ito. Wala pa siyang alam tungkol sa pagkakaron ng iba’t-ibang perspective o panig. Kapag nagsabi siya ng “No”, nagkakaron siya ng pakiramdam na may “power” o kontrol siya, at nagiging confident siya at may tiwala sa sarili. Kailangang matuto ang bata na magsabi ng “no” para matuto siyang ayusin ang mga iniisip at nararamdaman niya.
TEEN-AGE YEARS
Ang impluwensiya ng mga magulang sa kanilang anak ay nagsisimulang manghina sa pagsapit ng mga bata sa teen years. Nababawasan na ang panahon na kapiling sila ng mga magulang, at mas mahabang panahon na ang kasama nila ang mga kaibigan at iba pang tao. Nadidiskubre na nila ang sariling pagkakakilanlan at natutuong mabuhay nang walang permiso ng mga magulang.
Nakakatakot, lalo kung iisipin kung alam na ba nila talaga kung pano humindi at kung kailan hihindi. At paano kung sa mga magulang siya nagsasabi ng “No”—sa lahat ng sinasabi at pinapagawa ng kaniyang magulang? Nakakapagpakaba talaga. Pero ikaw pa rin ang magulang at dapat na nakakaalam na kailangan ng mga anak ng independence, at kalayaang makapag-desisyon ng para sa sarili. Gayon pa rin, kailangang nandyan ang mga magulang para gabayan at kausapin ang mga anak, sakaling magkamali.
Gawing Yes ang No
Kung “magpapatalo” sa anak, batang paslit man o malaki na, at tatanggapin na lang lahat ng “No” niya, hindi rin matututo ang anak ng kung ano ang dapat. Kung puro pananakot, pagpilit at bribery ang gagamitin para mapasunod ang bata, lalaki namang may takot o may galit ang anak, at lalo lang magiging defiant. Hindi ito tingkol sa pamimilit na mapasunod at mapagsabi ng “Yes” ang bata, kundi tungkol sa pagturo sa kaniya kung paanong magiging mas maayos ang pakikipag-usap at hindi sakit sa ulo ang mga pagsagot niya. Subukan ang mga sumusunod na pamamaraan para maging “yes” ang kaniyang “no”.
- Ayon sa attachment theory, ang bond ng magulang at anak ay isa sa pinakamahalagang bagay sa development at behavior ng isang bata. Ayon sa mga pagsasaliksik, ang mga batang nakakaranas ng pagmamahal at positibong relasyon sa piling ng mga magulang at tagapag-alaga ay lumalaking compliant at cooperative, o marunong sumunod sa mga nakatatanda. Ang mga bata ay hindi pwedeng piliting gawin ang hindi nila gusto, lalo kung hindi sila malapit dito o wala silang emotional attachment dito. Kung malapit ang isang magulang sa anak, madaling makakausap ito at maaasahang mapasunod ang bata. Ang emotional attachment na ito ang nagtatanim ng values at positivity sa mga bata.
DAPAT GAWIN: Huwag hayaang masira ng “no” ang relasyon sa anak. Ang mahalaga ay mapanatili ang “attachment” at mabuting relasyon ng magulang sa anak, at huwag masira ang koneksiyon sa anak. Kapag nagsimulang mag-detach ang bata sa magulang, mas magiging malala ang problema. Mas maraming “no” ang maririnig kapag may disconnection.
- Panatilihin ang mabuting relasyon sa anak, bago maging luno sa pagpapasunod sa kaniya. Tandaan na hindi palaging buo ang koneksiyon na ito. Parang Interenet connection lang: minsan full bar, minsan low batt, at minsan pa, walang koneksiyon. Huwag tratuhin ang anak na spoiled lang o pasaway. Lalong huwag iparamdam at iparinig ito sa kaniya, kundi’y lalo siyang hindi mapapasunod.
DAPAT GAWIN: Reboot, ika nga. Humanap ng paraan para mapagtibay ang koneksiyon, bago siya mapasunod. Kumustahin siya, kausapin, iparamdam na interesado ka sa buhay niya at mahalaga ang nararamdaman at iniisip niya. Mas madaling mapasunod ang bata kung kinakausap ng maayos at hind ipuro galit, mula sa magulang o mula sa anak.
- Kailangan nating matutunan kung paano mag-desisyon at gamitin ang “free will” natin, bata man tayo o matanda. Syempre pa, mahalagang maturuan ang mga anak na sumunod sa sinasabi nating mga magulang, ngunit kasama dapat dito ang ang pagtuturo kung paano nila maiintindihan na ang bawat sabihin at paraan ng pagsasabi ay may maayos na paraan. Dapat din nilang maintindihan na may karapatan silang sabihin at ilabas ang iniisip at nararamdaman nila, at may karapatan silang magdesisyon sa mga bagay na nakakaapekto sa kanila. Di ba’t mas mabuting nakikinig sila sa atin dahil gusto nila at hindi dahil napipilitan sila?
DAPAT GAWIN: Bigyan sila ng kalayaang pumili ng gusto at mag-desisyon para sa sarili, ng may sapat na gabay. Hindi kailangang laging sa magulang nanggagaling ang “utos” o ang desisyon. Hindi natin natuturuan ng tama ang mga bata kung puro magulang lang ang nasusunod palagi. Hayaang din silang magkamali paminsan-minsa, dahil dito sila natututo. Siguraduhin lang na uupo at pag-uusapan ninyo ang mga pangyayari, kung saan nagkamali, at kung ano ang susunod na dapat gawin at hindi dapat ulitin.
Sa huli, ang pakikipag-usap nang may pagmamahal at compassion, at pagpapakita ng pasensiya at kalma ay ang susi sa pagpapasunod sa mga anak ng walang away.
Sources:
The Whole-Brain Child: 12 Revolutionary Strategies to Nurture Your Child’s Developing Mind ni Daniel J. Siegel
Positive Parenting: An Essential Guide ni Rebecca Eanes
READ: Paano disiplinahin ang iyong anak: 8 Mga bagay na dapat tandaan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!