Mommy naisip mo ba kung ano ang mga pagkain para sa bagong panganak? Lalo na kung ika’y malapit nang magsilang ng sanggol? Madalas kasi ang pinaghahandaan natin ay kung paano huminga ng tama kapag manganganak na. O kaya naman ang mga kailangang dalhin sa ospital at needs ni baby kapag nasilang mo na siya.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga pagkain para sa bagong panganak.
- Halaga ng pagkain ng mga masusustansiya matapos manganak.
- Mga pagkaing bawal sa bagong panganak.
- Activities na dapat iwasan ng bagong panganak na babae.
Pero ikaw mommy naisip mo na ba kung anong pagkain ang kakainin mo matapos mong manganak? Narito ang list ng kung anong mga pagkain na bukod sa masarap na ay makakatulong pa recovery mo. Matapos mag-labor ng matagal at mahirapan sa pag-ire siguradong deserve mo ang healthy at masarap na pagkain.
Larawan mula sa iStock
Ayon sa kay Abbey Sharp isang registered dietitian, TV/radio personality, food blogger, at founder ng Abbey’s Kitchen Inc., mahalaga ang pagkain matapos ang iyong panganganak.
Bilang dietitian na mahilig sa pagkain, inilaan niya ang kaniyang oras sa pag-iisip habang siya’y buntis kung ano ang gusto niyang kainin matapos niyang manganak. Ito umano ang kaniyang first postpartum meal.
“I imagined myself sitting in bed, babe on the breast (makeup on fleek, of course), scarfing down beef tartar, runny egg yolks, sushi, and a glass of Dom.”
Pero hindi umano nasunod ang kaniyang gusto. Kahit gutom na gutom siya ay hindi siya pwedeng kumain ng solid foods sa loob ng 20 oras. Sapagkat matapos nito ay nagsusuka siya at may post-birth hemorrhage pa. Kaya ang pagkain ng marami ay bawal sa kaniya.
Pero siyempre, kinakailangan ng sinumang babae ang kumain matapos manganak. Ang mga pagkain na kakainin matapos manganak ay makakatulong para magkaroon ng energy ang isang babae sa araw-araw. Lalo na naririyan na ang mga sleepless night dahil sa pag-aalaga mo sa iyong baby, pisikal na recovery at pagbe-breastfeed.
Kaya sabi niya, “So, from one hungry mom to another, here are my dietitian-approved suggestions on what to eat right after you give birth, and before you can squeeze in a hearty, balanced meal.”
15 na dapat kinakain ng bagong panganak
1. Chicken soup
Hindi na iba ang pamamawis ng mga babae matapos ang panganganak kahit na ilang linggo na ang nakalipas. Nag-aadjust kasi ang katawan ng babae dahil sa dramatic hormone fluctuations.
Larawan mula sa iStock
Kahit na binigyan ka ng IV fluids habang nasa delivery room mas maganda na magpatuloy pa rin ang pagtaas ng iyong fluid sa katawan. Lalo na kapag naririyan na ang iyong baby at kung plano mong mag-breastfeed. Ayon sa mga health experts, kinakailangan ng isang breastfeeding mom ng additional pang liter of fluid sa katawan kaysa sa mga babaeng hindi nagbe-breastfeed.
Perfect ang chicken soup bilang post-delivery food. Isa ito sa mga pagkain para sa bagong panganak na tiyak na makakatulong lalo na sa recovery. Hydrating ito at ang alat ay makakatulong na ma-replenish ang electrolytes ng natural.
Pwede rin ang instant noodle cups. Ilagay lang ito sa iyong delivery bag at maglagay ng mainit na tubig. Pero siyempre mas maganda pa rin ang home made food.
2. Crackers
Makakatulong ang pagkain ng salted crackers pagkatapos manganak. Dahil may carb ito at electrolyte benefits na nakakatulong upang makapag-build up ulit ng energy ang katawan ng dahan-dahan.
Karaniwang nirerekomenda ang crackers para sa nausea habang buntis. Kaya naman maglaan ng espasyo para sa salted crackers sa iyong hospital bag.
3. Oatmeal at prutas
Kumain ng oatmeal dahil makakatulong ito para sa pag-replenish ng glycogen sa katawan ng bagong panganak. Mayroon itong 4 to 6 grams na poop-promoting fiber na makakatulong para hindi mahirapan sa pagdumi.
Isa kasi sa mga nararansan ng buntis matapos manganak ay ang constipation kaya tiyak na makakatulong at oatmeal. Kainin ito kasama ang prutas para sa extra na healthy goodness.
BASAHIN:
4 na pagkain na DAPAT kinakain ng buntis
11 signs na maaaring may trauma ka dahil sa panganganak
Ito ang dahilan kung bakit hindi dapat lumagpas sa due date ang panganganak
4. Apples
Makakatulong ang apples para mabawasan ang salivary bacterial viability katulad ito sa pagto-toothbrush ng ngipin. Ang apple ay may 4.4 grams ng fiber para sa bowel regularity at madali lamang itong i-pack sa hospital bag.
Larawan mula sa iStock
5. Baka/Beef
Kahit na wala kang hemorrhage, ang blood loss ay normal. Ang mga babaeng dinudugo pa rin ng ilang araw matapos manganak. Kaya naman dahil rito ang pagkakaroon ng iron deficiency at anemia ay madalas na nararanasan ng mga bagong panganak na babae. Maaari itong mag-interfere sa recovery at milk supply.
Ang pagkain ng beef ay makakatulong makapagbigay sa’yo ng iron plus sodium na makakapag restore ng electrolyte balance ng iyong katawan. Magandang paraan din ito para makakuha ka ng protina. Good source rin ito ng vitamin B-12 na sumusuporta sa brain development ni baby at sa pag-proproduce ng katawan niya ng healthy red blood cells.
6. Itlog
Tiyak na makakatulong din ang pagkain ng itlog para sa bagong panganak. Ang itlog kasi ang pinagmumulan ng protein na nakakatulong naman sa sore muscles na dulot ng walang tigil na pag-cocontract habang nanganganak.
Hindi man ito ang cravings niyo matapos niyong manganak ay tiyak na makakatulong ito para sa inyong recovery. Kaya mommy huwag kalimutan ang paglagay at paghahanda ng mga pagkaing ito sa inyong hospital bag.
7. Salmon
Ang isdang salmon ay perfect na pagkain rin para sa bagong panganak. Dahil sa ito ay nagtataglay ng DHA. Ito ay isang uri ng fat na mahalaga sa development ng nervous system ni baby. Bagamat ang breastmilk ng mga ina ay loaded na ng DHA mas nadagdagan pa ito kung kakain sila ng mga pagkain na nagtataglay nito tulad ng isdang salmon. Ayon sa pa mga pag-aaral, ang DHA na mula sa isdang salmon ay nakakatulong rin para makaiwas sa postpartum depression ang isang babaeng bagong panganak.
8. Low-Fat Dairy Products
Ang mga low-fat dairy products tulad ng cheese, gatas at yogurt ay mainam rin na pagkain para sa bagong panganak. Good source of protein, B-vitamins pati na rin ng calcium ang mga ito. Ang calcium ay mahalaga sa development ng buto ni baby. Kaya naman kung ang iyong breastmilk ay rich sa nutrients na ito ay siguradong ang mga bones niya ay magiging healthy.
Photo by Wendy Wei from Pexels
9. Legumes
Ang mga dark-colored beans tulad ng legumes, black beans at kidney beans ay mainam rin na pagkain sa mga bagong panganak. Lalo na sa mga breastfeeding moms dahil sa ito ay good source ng non-animal protein.
10. Blueberries
Ang mga prutas at juice ay hindi rin dapat nawawala sa diet ng bagong panganak na babae at sa nagpapasusong ina. Dahil ang prutas lalo na tulad ng blueberry ay good source ng vitamins at minerals. Ganoon rin ng carbohydrates para ma-maintain na mataas ang level ng energy sa katawan ng babaeng bagong panganak.
11. Brown Rice
Pagdating sa kanin mas healthy para sa mga bagong panganak na babae ang brown rice. Dahil sa ito ay makakatulong para ma-maintain ang mataas na energy level sa kaniyang katawan. Good source rin ito ng calories na makakatulong para magkaroon ng good quality ng supply ng gatas ang nagpapasusong ina.
12. Whole-Wheat Bread
Ang mga whole-wheat bread maliban sa good source of protein at iron ay mayaman din sa folic acid. Ang folic acid ay mahalaga sa development ng sanggol habang ipinagbubuntis. Ito ay nakakatulong rin para magkaroon ng healthy breastmilk ang breastfeeding mom.
13. Maberdeng gulay
Ang vitamin A na taglay ng mga maberdeng mga gulay tulad ng spinach at broccoli ay kailangan ng bagong panganak at kaniyang baby. Maliban dito ay rich in calcium, vitamin C, iron, antioxidants at calories rin ang mga ito na kailangan ng bagong panganak na babae.
14. Whole grain cereal
Energy booster rin para sa babaeng bagong panganak ang whole grain cereal. Sa umaga pagkagising ay makakatulong ito para mabawi niya ang lakas na nawala dahil sa puyat sa pag-aalaga kay baby. Mas nagiging healthy pa ito kung hahaluan ng mga prutas na puno rin ng vitamins at minerals.
15. Tubig
Syempre para hindi ma-dehydrate ay dapat hindi nawawala sa diet ng bagong panganak na babae ang pag-inom ng sapat na dami ng tubig. Napaka-halaga nito lalo na sa mga nagpapasusong ina. Dapat ay hindi bababa sa nirekumendang 8 baso ng tubig ang naiinom ng bagong panganak na babae sa araw-araw.
Image by Engin Akyurt from Pixabay
Bawal na pagkain sa bagong panganak
Samantala, kung mayroong mga pagkain na dapat kainin ng bagong panganak ay mga pagkain rin na kung maari ay dapat niyang hindi muna kainin. Lalo na kung siya ay nagpapasuso dahil ang mga kinakain niya ay maaring makaapekto sa quality ng kaniyang breastmilk. Ang mga pagkaing ito ay ang sumusunod, ayon sa pahayag ng OB-Gynecologist mula sa Makati Medical Center na si Dr. Maria Theresa Tangkeko Lopez.
Mga pagkaing maaaring magdulot ng gas sa babaeng bagong panganak.
Hindi lang dairy products at maanghang na pagkain ang maaaring magdulot ng gas. May mga gulay rin na maaaring magdulot nito na hindi ipinapayong kainin ng babaeng bagong panganak. Sapagkat ayon sa mga pag-aaral maaaring maging dahilan ito upang maging gassy at fussy ang kanilang newborn baby. Ang mga halimbawa ng gas-forming foods ay ang kale, spinach, beans, bawang, sibuyas at maanghang na pagkain. Ganoon din ang mga carbonated drinks at mga processed foods.
Mga pagkaing mahirap i-digest at maaaring magdulot ng constipation.
Ang mga babaeng bagong panganak, CS man o hindi ay dapat umiwas sa mga pagkaing mahihirapang i-digest o tunawin ng kanilang tiyan.
Upang hindi sila ma-constipate o mahirapang dumumi. Paraan din ito upang hindi sila masyadong umire sa pagdumi at upang maiwasang mapuwersa ang kanilang sugat o tahi.
Kaya naman mahalagang payo ng mga eksperto sa mga babaeng bagong panganak, kumain ng mga pagkaing rich in fiber. Tulad ng mga prutas at gulay na malambot at madaling tunawin ng tiyan. Iwasan ang mga processed food at junk food na hindi rin healthy para sa iyong katawan.
Mga pagkaing makakaapekto sa breastmilk supply ng bagong panganak na babae.
Mahigpit ding ipinapayo sa mga babaeng bagong panganak, lalo na sa mga nagpapasuso na iwasan ang mga pagkaing makakapekto sa kanilang milk supply. Tulad ng kape at tsaa na nagtataglay ng diuretic properties na makakapekto sa pagpo-produce niya ng gatas. Maaari ring malipat kay baby ang mga properties nito na maaaring makaapekto sa kaniyang maayos na tulog.
Ganoon din ang pag-inom ng alcohol na may harmful compounds na maaaring mapunta sa breastmilk at masuso ni baby.
May mga isda ring dapat iwasang kainin ang mga babaeng bagong panganak. Ito’y ang mga nagtataglay ng mataas na level ng mercury.
Tulad ng swordfish, shark, king mackerel, at tilefish. Sapagkat ang mercury na taglay nito ay maaaring mapunta sa breastmilk ng babaeng bagong panganak; na maaaring madede ng kaniyang sanggol at maaaring makaapekto sa cognitive o brain development ni baby.
Mga activities na dapat iwasan ng bagong panganak na babae
Para naman sa kanilang kapakanan ay may ilang bagay o activities na dapat munang hindi gawin ang mga bagong panganak na babae. Lalong-lalo na kung sila ay nanganak sa pamamagitan ng cesarean delivery o nahiwaan o may episiotomy para mailabas si baby sa pamamagitan ng normal delivery. Ang mga ito ay ang sumusunod na dapat iwasan para hindi bumuka ang kanilang tahi.
- Iwasan ang pagbubuhat ng mabigat maliban sa iyong sanggol.
- Iwasan ang pagtayo ng matagal.
- Huwag munang mag-exercise ng mabibigat o nangangailangan ng puwersa.
- Iwasan ang pagsusuot ng masisikip na gamit.
- Huwag munang makipagtalik sa loob ng 4-6 na linggo matapos manganak o kaya naman ay higit pa kung hindi ka pa naman handa.
- Iwasan ang pagkuskos sa CS wound o pagdagan dito.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!