Maling pag-gamit ng pamparegla nakamamatay, ayon sa mga eksperto

lead image

Naglabas ng babala ang mga eksperto sa maling pag-gamit ng mga pamparegla katulad ng kinchay. Alamin ang panganib nito sa iyong kalusugan.

Maraming dahilan kung bakit nade-delay ang regla ng isang babae. Kaya naman may mga ilan na umiinom at gumagamit ng mga pamparegla na herbal upang bumalik sa tama ang menstrual cycle.

Isa nga sa mga diumanong halamang pamparegla ng isang babae di umano ay ang parsley o kilala sa tawag na kinchay sa Filipino.

Ayon sa isang article na ipinublished sa women’s magazine na Marie Claire, ang parsley o kinchay ay isang halaman na maaring makapag-stimulate o magpalakas ng menstrual flow ng isang babae. Pinapalambot din nito ang cervix at nilelevel-out ang hormonal imbalances sa katawan ng isang babae.

May ilan na naniniwala na imbis na pag-inom sa parsley bilang isang tea mas magiging effective daw ito kung ipapasok sa puwerta o vagina ng isang babae.

pamparegla

Photo: Pixabay

Pamparegla na nilalagay sa vagina?

Ngunit, ayon sa mga duktor ang pagpasok ng anumang gulay sa loob ng vagina ng isang babae ay hindi ligtas at maaring magdulot ng peligro sa kalusugan ng gagawa nito kabilang na ang posibleng kamatayan.

Ayon nga kay Dr.Shazia Malik, isang London-based obstetrician-gynecologist, wala daw ebidensiyang nagpapatunay sa kahit ano mang benepisyo na maaring maidulot nito sa isang babae. Maayroon daw mga reported deaths at iba pang peligro sa kalusugan ng kababaihan ang naitala dahil sa paggawa nito.

Kaya naman, mahigpit na payo ni Dr. Malik sa mga kababaihan na huwag maglalagay ng kahit ano sa loob ng kanilang vagina maliban nalang kung ito ay nirekomenda o ipinayo ng isang doktor.

Dagdag naman ni Dr. Sheila Newman, isang obstetrician-gynecologist mula sa New Jersey, ang paglagay daw ng kahit ano sa loob ng puwerta ng isang babae gaya ng parsley ay hindi nirerekumenda ng mga gynecologist at isang irresponsableng hakbang kung gagawin ng mga babae.

Namatay dahil sa pamparegla

Kaugnay nga sa maling pag-gamit nito, isang kaso ng isang 24-year-old na babae mula sa Argentina ang naireport nitong Agosto ng nakaraang taon, ang namatay matapos gamitin ang halamang ito bilang pampalaglag.

Ang pagkamatay ng naturang babae, na ina sa dalawa niyang anak ay nangyari isang linggo matapos ma-reject ang bill na nagle-legalize ng abortion sa Argentina.

Kaya naman, upang maipalaglag ang kaniyang dinadala ay ginamit ng babae ang parsley bilang pampalaglag na herbal na itinuturong dahilan ng kaniyang kamatayan.

Ayon sa Argentina’s largest newspaper na Clairin, ang babae ay pinangalanang si Elizabeth na namatay daw sa septic shock at infection.

Ito ay dahil ang vagina ng isang babae ay dinesenyo upang panatilihing malinis sa tulong ng mga natural secretions at natural bacteria na pumuprotekta dito. Kapag ang mga bacteriang ito ay hindi naging balance o naistorbo, ito ay maaring magdulot ng impeksyon na maaring humantong sa mas seryosong kondisyon tulad ng nangyari kay Elizabeth.

Dahil nga sa pagkakamaling naidulot ng artikulong na-publish ng Marie Claire magazine ukol sa pag-gamit sa parsley para makontrol ng isang babae ang kaniyang menstrual cycle, ito ay tuluyang tinanggal na sa pagkaka-lathala.

Mga pamparegla

May mga paraan naman talagang maaring gawin upang mamanipulate ng isang babae ang kaniyang menstrual cycle, ayon parin kay Dr. Newman. Ngunit ito daw ay dapat idinidiscuss sa inyong gynecologist upang magawa ito ng tama at kayo ay magabayan.

Samantala, maliban sa artikulong ipinublished ng Marie Claire magazine, una ng nirekomenda ng Bustle.com noong 2015 ang parsley bilang isang halaman na maaring makapag-stimulate ng blood flow sa pelvis at uterus ng isang babae na minsan ay maari ring magpaaga ng dating ng buwang regla.

Ang recommended dosage nga ng parsley ay 2 to 4 cups a day sa pamamagitan ng pag-inom nito bilang isang tsaa.

Maliban sa parsley, may mga iba pang halaman na pamparegla. Ngunit tandaan na kung buntis, ito ay maaaring magdulot ng pagkalaglag ng bata o di kaya’y makasama sa pagbubuntis.

Ito ay ang sumusunod:

Luya

Ang luya ay mabisang halamang gamot na pamparegla lalo na kung hindi regular ang iyong dalaw. Ito rin ay nakakatulong na maibsan ang sakit na dala ng buwang regla at nakakapagdulot ng uterine contractions.

Para gamitin ito ay magpakulo ng kalahating kutsarita ng dinikdik na luya sa isang basong tubig sa loob ng lima hanggang pitong minuto. Maari itong lagyan ng asukal para tumamis. Inumin ito ng tatlong beses sa isang araw pagtapos kumain sa loob ng isang buwan o higit pa.

Luyang dilaw o turmeric

Ang turmeric o luyang dilaw ay isa ring emmenagogue tulad ng parsley. Ang pag-inom ng turmeric ay nag-babalanse ng hormones sa katawan ng babae na nakakatulong upang gawing regular ang regla nito. Pinaniniwalaan ring nagpapalakas ito ng regla at nakakabawas sa sakit na dala ng regla dahil sa kakayahan nitong mag-alis ng pamamaga.

Para gamitin ang turmeric ay ihalo ito sa gatas o honey. Inumin ito araw-araw sa loob ng isang linggo. Maari rin mo itong idagdag sa curry, kanin at iba pang vegetable dishes.

Hilaw na papaya

Ang hilaw at berdeng papaya rin ay isang pagkaing pamparegla. Maganda rin itong lunas sa hindi regular na regla dahil pinapahilab nito ang matris ng babae sa magandang paraan.

Para gamitin ito ay gawin itong juice at inumin ito isang beses sa isang araw.

Ilan lamang iyan sa mga pagkain at halaman na maaring inumin at kainin na pamparegla. Ngunit, tulad nga ng ipinapayo ng mga eksperto bago uminom o gumamit ng mga bagay o pagkain na makakapag-stimulate ng regla ng isang babae ay dapat makipag-usap muna sa doktor upang malaman ang angkop na paraan para sa iyo.

Ito rin ay mga dapat iwasan ng babae na naghihinalang sila ay nagdadalangtao dahil baka maging dahilan ito ng pagkalaglag ng bata sa sinapupunan.

 

Sources: HealthLine, Daily Mail, Pagbubuntis

Basahin: 10 rasong kung bakit biglang humina ang menstruation

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner