Basahin ang nakakalungkot na kwento ng isang sanggol na nasawi dahil sa kaniyang kumot at alamin ang mga panganib sa pagtulog ng baby na dapat bantayan.
Mababasa sa artikulong ito:
- 9 na buwan na sanggol, nasawi dahil sa kaniyang kumot
- Mga panganib sa pagtulog ng sanggol na pwedeng maiwasan
- Mga dapat tandaan tungkol sa pagtulog ng sanggol
Walang magulang ang gustong mapahamak ang kanilang anak, lalo na kung sanggol pa lamang ito. Kaya nga noong bagong-panganak pa lamang sila, halos minu-minuto natin silang tinitingnan habang natutulog para masigurong humihinga pa sila.
Kaya naman hindi akalain ng isang magulang ang malagim na pangyayari sa kaniyang anak dahil sa panganib sa pagtulog na hindi niya inaasahan.
Baby, nasawi dahil nasakal ng kumot habang natutulog
Naibalita sa bansang United Arab Emirates ang pagkamakatay ng isang sanggol dahil sa nasakal ito ng kaniyang kumot na ibinalot sa kaniya ng kaniyang ina.
Ayon sa mga ulat, isang 9-buwang sanggol ang natagpuang patay habang nakabitin sa gilid ng kaniyang kama. Pinilit pa umano siyang gisingin ng kaniyang ina, ngunit wala nang malay ang sanggol nang kaniyang nadatnan.
Napag-alaman na ang ikinamatay umano ng sanggol ay ang kaniyang kumot na aksidenteng pumulupot sa kaniyang leeg. Dahil dito, hindi nakahinga ang sanggol, nagkaroon siya ng cardiac arrest.
Kinumutan nila ang bata upang hindi lamigin
Kuwento ng ama ng bata sa mga reporter, wala siya sa bahay noong nangyari ang aksidente. Pinatulog lang ng kaniyang asawa ang kanilang baby isang tanghali.
Umalis lang ito sandali para magluto, pero pagbalik niya ay nadatnan na niyang walang malay ang sanggol sa gilid ng kanilang kama.
Ayon sa ina ng sanggol, binalutan umano niya ng kumot ang anak upang hindi lamigin. Itinali rin umano niya ang isang dulo ng kumot sa kanto ng kama upang hindi aksidenteng mahulog ang bata.
Ngunit sa halip na pangalagaan ang kaligtasan ay ang kumot pa mismo ang nagdala ng kapahamakan sa sanggol. Hindi namalayan ng nanay na nagising ang kaniyang baby at sinubukang umikot. Subalit nasakal ito ng kaniyang kumot. Nakita na lang niyang nakasabit na ang kaniyang anak sa dulo ng kama.
Dinala pa raw nila ang bata sa ospital, at sinubukan pang gamutin. Ngunit matapos ang dalawang araw, ay hindi na kinaya ng sanggol ang pinsala, at siya ay pumanaw.
Dagdag pa ng kaniyang mga magulang, hinahanap umano ng kaniyang kapatid ang sanggol, ngunit hindi nila alam kung paano sasabihin sa anak ang nangyari.
Mga panganib sa pagtulog ng sanggol na dapat iwasan
Larawan mula sa Pexels
Nakakalungkot ang pangyayaring naiulat sa itaas. Subalit ang mas nakakalungkot ay hindi isolated case ang pangyayaring ito.
Sa aming pananaliksik, natagpuan naming mayroon na rin pa lang mga sanggol na namatay na dahil sa natabunan o nasakal ng kumot. Sa mga balitang ito, hindi naman akalain ng mga magulang na panganib pala sa pagtulog ng kanilang sanggol.
Naiulat na rin rito ang tungkol sa sanggol na namatay matapos ma-suffocate dahil sa mga soft toys sa kaniyang higaan.
Halos 3,400 babies sa United States ang namamatay habang natutulog kada taon. At ang mga karaniwang sanhi nito ay infant death syndrome (SIDS) o mga aksidente sa kanilang pagtulog gaya ng hindi nakakahinga o nasasakal ng mga kagamitan sa paligid nila.
Dahil rito, naglabas ng mga paalala ang American Academy of Pediatrics (AAP) ng updated safety guidelines sa pagkakaroon ng safe sleep environment ng sanggol para mabawasan ang panganib sa pagtulog.
Sa isang ulat, nasabi na ang unintentional suffocation o hindi nakakahinga ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga sanggol sa US.
Sa mga kasong naitala tungkol sa pagkamatay ng mga sanggol, 14 porsyento ang dahil sa suffocation. At tinatayang 69 porsyento ng mga kasong ito ay sanhi ng malalambot na beddings gaya ng mga unan at kumot, o ang pagtulog ng bata sa higaan ng matatanda o couch, na hindi kasing tibay ng kutson na para sa mga crib.
Mga bagay na dapat alisin sa crib ni baby
Ayon naman sa DailyMail UK, matagal nang binabalaan ng mga eksperto ang mga magulang tungkol sa mga batang maaaring ma-suffocate o hindi makahinga sa kanilang pagtulog dahil sa mga beddings gaya ng kumot at unan.
Ilang halimbawa ng mga loose beddings na maaaring magdulot ng panganib sa pagtulog ng sanggol ang mga sumusunod:
- loose blankets o kumot
- unan
- mga laruan tulad ng stuffed toys
- bumper pads sa gilid ng crib ni baby
Paalala ng mga eksperto, dapat ay tanggalin ang mga ganitong bagay sa kuna ng sanggol para maiwasan ang mga panganib sa kaniyang pagtulog.
BASAHIN:
Baby namatay dahil sa co-sleeping, hindi inakala ng magulang na mangyayari ito sa kanila
Ina, ibinahagi ang pagkawala ng kaniyang baby: “He was just sleeping”
Hanggang kailan dapat i-swaddle si baby? Maaaring makasama kung itigil ito nang mas maaga
Safety tips sa pagtulog ni baby
Larawan mula sa Shutterstock
Bilang mga magulang, ayaw natin na mapahamak ang ating mga anak, lalo na ang ating mga sanggol na walang laban. Kaya naman iminumungkahi ng AAP na isaisip ng mga magulang ang mga sumusunod na paalala pagdating sa pagtulog ni baby:
-
Dapat laging nakatihaya kapag natutulog.
Hanggang sa kanilang 1st birthday, dapat laging pahigain ng nakatihaya ang iyong sanggol kapag siya ay matutulog anumang oras. Ito ay para maiwasan ang panganib ng SIDS.
Iwasang matulog ng nakadapa o nakatagilid ang sanggol. Kung makakatulog man siya sa ganitong posisyon, ilapag siya ng nakatihaya sa kaniyang higaan.
-
Pumili ng firm at flat surface bilang higaan ni baby.
Dapat ay hindi lulubog ang kutson kapag nilapag mo siya. Dapat ay fitted sheet ang sapin sa higaan ni baby para hindi niya ito mahila. Gayundin, alisin ang anumang bagay tulad ng kumot, unan o laruan sa higaan ng sanggol.
Iwasan din na patulugin si baby sa kaniyang nursing pillow, sofa o ibang lugar kung saan maari siyang mahulog at maaksidente.
-
Room sharing ay pwede pero bawal ang bed-sharing.
Nirerekomenda ng AAP ang room sharing o pagtulog sa parehong kwarto kasama ang iyong anak. Kaya pwede mong ilagay ang crib ni baby sa tabi ng iyong kama.
Subalit ipinagbabawal naman ang bed-sharing o pagtabi sa iyong anak kapag natutulog. Maaari mo kasi siyang madaganan, o matabunan ng iyong beddings at hindi makahinga. Lalong delikado ito kung ang katabi ni baby sa kama ay naninigarilyo o nakainom ng alak.
Pwede mong pahigain sa iyong kama ang bata habang siya ay nagdedede, subalit kapag nakatulog na siya ay ibalik mo na siya sa kaniyang crib. Gayundin, kapag nakakaramdam ka na ng antok habang karga mo si baby, ilagay mo na agad siya sa kaniyang crib.
-
Siguruhing presko ang pakiramdam ni baby.
Maraming mga nanay at NICU nurses ang nagrerekomenda ng pag-swaddle kay baby para makatulog siya ng mas mahimbing. Pero dapat tandaan na kapag hindi nagawa ng tama, maaari itong magdulot ng panganib sa kaniya.
Siguruhin na tama ang iyong pagkakabalot sa katawan ng iyong anak. Huwag masyadong mahigpit na hindi na siya makahinga at hindi niya maigalaw ang kaniyang mga paa. Kapag marunong nang dumapa si baby, dapat ay itigil na ang pag-swaddle.
Iwasan din na masyadong balot na balot si baby dahil maaari siyang mag-overheat. Para malaman kung masyadong mainit ang pakiramdam ni baby, kapain ang likod ng kaniyang leeg. Kapag mainit ito o pinagpapawisan, bawasan ng isang layer ang damit ni baby.
Larawan mula sa Unsplash
Hanggang sa kanilang pagtulog, dapat siguruhin natin na ligtas si baby mula sa anumang panganib. Sundin ang payo ng mga eksperto tungkol sa safe sleep environment ng mga sanggol para makaiwas sa mga aksidente.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Khaleej Times, Healthy Children.org, Baby Wise
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!