Likas sa mga magulang ang kagustuhan na tulungan ang mga anak. Nais ng mga magulang na gawin lahat upang mapalaki sa nakikitang tama ang bata. Ngunit, ano nga ba ang mga epekto sa bata kapag parating tinutulungan?
Dalawang klase ng magulang
Ayon kay Dan Mager, ang sumulat ng librong “Roots and Wings,” may dalawang klase ng magulang na sobra sobra ang pagtulong sa mga anak.
Helicopter parents
Ito ang mga magulang na laging nagdidikta sa buhay ng mga anak. Sila at ang anak ay tila iisa lang ang buhay. Karaniwan, hindi nila kayang palayain o hayaang mapag-isa ang bata.
Concierge parents
Ito ang mga magulang na hindi kayang makita na nasasaktan ang kanilang mga anak. Para sa kanila, hindi maaaring malungkot, maiyak, o mainis ang mga bata. Nakakahanap sila ng kaginhawaan kapag nakakaranas ng kaginhawaan ang mga anak.
Ang mga ganitong klase ng pagaalaga, sinasadya man o hindi ay mayroong malaking epekto sa mga bata.
Epekto sa bata kapag parating tinutulungan
Stress at pagkabalisa
Karaniwan na nakukuha sa mga helicopter parents, ang sobrang punong schedule at sobrang pagpapasigla sa bata ay nakakapagod para sa kanila. Kadalasan, ang mga batang ito ay puno ang schedule ng playdates, sports, music lessons, at iba pang extra curricular na aktibidad. Bukod pa sa mga ito ay inaasahan ng mga magulang na ang bata ay magiging maganda ang mga grado sa paaralan na minsan pa ay binibigyan ng tutor.
Mahinang internal at interactional resource
Sa sobrang pagka-puno ng schedule ng mga bata, sila ay nawawalan ng oras at lakas para sa paglalaro. Sa paglalaro nade-develop ng mga bata ang kanilang internal at interactional resource. Kahit pa sabihin na maaari silang maglaro sa mga playdates, wala parin dito ang kontrol ng bata kung kailan maglalaro at ano ang lalaruin.
Hindi ma-kontrol ang negatibong emosyon
Karaniwan na dulot ng pagaalaga ng mga concierge parents. Dahil sa ayaw makita ng mga magulang na ang anak at nahihirapan kaya tinutulungan agad, hindi natututo ang bata gawin ito mag-isa. Ang pagkontrol sa mga emosyon tulad ng pagkabalisa, takot, galit, kalungkutan at depresyon ay hindi natututunan ng bata. Dahil dito, ang mga bata ay nagiging sobrang sensitibo sa mga emosyon.
Nababalewala ang development
Kapag lahat na kailangan gawin ng bata ay ginagawa ng mga magulang para sa kanya, napipigilan ang kanyang development. Nakikita ito sa mga bata na may helicopter parents o concierge parents. Ang paggawa sa mga bagay na dapat siya na ang gumagawa ay nagiging hadlang upang magawa niya ito mag-isa. Maaaring ito ay pagtali sa sintas ng sapatos, pagpili ng damit, o paggawa ng assignment. Dahil dito, hindi nararanasan ng mga bata ang mga importanteng hamon at karanasan. Ang mga hamon at karanasan na ito ang magtuturo sa bata ng mga kakayahan na kakailanganin sa buhay.
Mababang kumpiyansa sa sarili
Ang sobrang pagtulong sa mga anak ay maaaring tanggapin ng bata bilang ibang mensahe. Maaaring ang dating ng pagtulong ay “Hindi mo kaya ito mag-isa” o “Wala akong tiwala sa’yo” o “Wala kang kakayahan gawin ito.” Ang kabuuhan ng mensahe ay “Kung tingin kong kaya mong gawin ito, sana hindi ko ginawa.” Marahil hindi ito ang nais iparating ng magulang ngunit maaaring ito ang maramdaman ng bata. Maaaring hindi rin namamalayan ng bata ngunit tumatatak ito sa kanilang sistema.
Kailan dapat tumulong?
Ang development ng pagiisip at katawan ay mas gumaganda kapag nakakapagbigay ng tamang tulong ang mga magulang. Dapat nakakapag-tibay sa pakiramdam ng personal na responsibilidad at pananagutan ng bata imbes na nakakahina. Ang pagbibigay tulong sa bata ay pinaka-mabisa kapag:
- Naaayon sa kasalukuyang kalagayan sa buhay ng bata.
- Binabalanse ang kanilang pangangailangan ng tulong at pagiging mag-isa.
- Binibigay lamang ang sapat na tulong para sa pangangailangan nila.
- Nakakatulong imbes na nakakasagabal sa kanilang pagsisikap.
Mula sa isang punto, upang ang bata ay lumaki ng tama, kailangan bumitaw ng mga magulang.
Source: Psychology Today
Basahin: Kung bakit dapat iwasan ang pagsabi sa anak na “matalino” siya
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!