Si Sharan* ay isang working mom, 36 taong gulang, at nakatira kasama ang asawa at ang kanilang 5-taong-gulang na anak na si Neil*. Binabalikan niya ang mga panahong ginusto niyang tapusin ang buhay ng kanyang bagong-silang. Ito ay kuwento ng tunay na pakikibaka, kawalan ng pag-asa, at pagiging desperadong makalaya sa pagiging ina, dulot ng postpartum depression.
Kuwento ni Sharan:
Matapos ang limang taon, natatandaan ko pa rin ang hapong nagdesisyon akong patayin ang aking anak. Patuloy akong umaasa na ito ay “baby blues” lang at lilipasin din, pero lumala ang mga bagay. Ayos ang aking pagbubuntis—wala akong morning sickness, pamamanas ng paa, at kakaibang paglilihi. Pero paglabas ng bata, bumaligtad ang aking mundo.
Ang pagkamuhing nagsimulang mamuo sa bagong nilalang sa aking buhay ay hindi ko inakala. Imposibleng maramdaman iyon bilang bagong ina, hindi ba? Ang nararapat na bundle of joy ay hindi para sa akin. Tinanggap kong ako ay nakararanas ng postpartum depression at sinira ako nito nang buo. Baluktot ang aking katwiran—walang may sense sa akin, at walang nagbibigay sa akin ng kaginhawaan.
Bakit hindi tayo binalaan ng mga baby book tungkol ditto? Bakit hindi tayo inalerto ng mga taong nakaranas na nito? Bakit puro magagandang bagay lang nasasaad sa pagkakaroon ng anak? Ako na ba ang PINAKAMASAMANG ina?
May colic si Neil, at napakasakit nito sa akin at sa kaniya. Ramdam ko ang pagdurusa niya at gusto ko na itong tapusin. Kung kaya nating gawin iyon sa hayop (kung sobra na itong nasasaktan), bakit hindi sa sanggol? Lahat ng ito ay tumatakbo sa isip ko.
Iyak siya nang iyak nang walang katapusan. Bawat araw ng bawat linggo. Maysakit ba siya? Nagngingipin? Pagod? Gutom? Malungkot? Galit? Hindi ko masabi at hindi ko ito kinakaya. Dinuduyan ko siya, niyayakap sa pag-aakalang kailangan niyang maging malapit sa aking dibdib para makaradmdam ng ginhawa at seguridad (o maramdaman na nasa sinapupunan pa rin siya), at inilakad ko siya sa baby carrier—pero walang gumana. Hindi sapat ang paghilot sa tiyan at malambing na pagkanta o pananalita sa musmos na taong ito. Ang pagsama sa isang iyaking nilalang na mahirap patahanin ay nakapapagod, nakababahala, at nakabibigo.
Naging matamlay ako at nawalan ng pag-asa. Sinimulan kong bunutin ang aking buhok sa ulo. Pinaayos ko sa asawa ko ang punching bag sa aming study room. Kinailangan ko talaga ng pagbubuhusan ng aking mga pagkabigo, at naintindihan niya iyon. Ginawa niya ang lahat para tulungan ako, pero hindi iyon naging sapat. Gusto ko nang matapos ang pag-iyak, at ayoko nang maging ina. Hindi siya para sa akin. Hindi ngayon, at hindi sa paraang ito.
Kapag nasa trabaho si mister, marami akong oras na ginugugol sa may bintana habang dinudungaw ko sa ibaba ang palaruan sa aming block, pinapanood ang mga batang naglalaro, at iniisip kong gagawin namin ni Neil iyon kapag mas malaki na siya. Nakakalma ako. Magtatagal ito nang ilang minuto, hanggang sa magugulat ako ng kanyang pag-iyak at mawawala ang masasayang gunitain.
Isang hapon, dumungaw ako pero iba ang aking naisip. Gusto kong damputin ang aking anak at ihagis siya sa bintana. Hindi ako nagbibiro, tumakbo talaga siya sa isip ko. Oo, iisipin ninyong nahihibang na ako—isang inang gustong patayin ang kanyang anak. Pero ganoon talaga.
Tiningnan ko siya. Nakahiga siya sa kama, namumula ang mata at sigaw nang sigaw. Anong gagawin ko? Paano ko ito patitigilin? Alam kong may mali sa akin. Paano ako nagkaroon ng masasamang ideya tungkol sarili kong anak? Tumakbo ako sa telepono at tinawagan ko ang nanay ko at ang asawa ko para sabihin ang aking mga nararamdaman. Nagulantang sila at sinikap na pakalmahin ako sa telepono, habang papunta sila sa akin.
Buti na lang, hindi ko ‘tinuloy ang masasama kong balak. Humingi ako ng tulong pagkatapos ng nangyari. Alam kong hindi ako nag-iisa, at maraming kababaihan ang nakararanas ng postpartum depression. Pero ang lubos na nakatulong sa akin ay ang pagkakaroon ng matibay na suporta. Lumapit sa akin ang aking pamilya, nag-alay ng tulong na alagaan si Neil tuwing hindi ko siya kayang alagaan nang mag-isa.
Sa wakas, pagkatapos ng tatlong buwan ay kumalma na siya. Napakahirap talaga ng panahon na iyon, pero nalampasan ko ito. Ngayon, may masayahin at palakaibigang anak na maglilimang taong gulang na ngayong taon at ipinagbubuntis ko ang aking ikalawang anak. Handang-handa na akong labanan ang postpartum depression sa susunod na pagkakataon!
Mensahe ni Sharan sa mga nanay na pinagdadaanan ang postpartum depression:
Ang pagbitaw sa iyong pagkilala sa sarili pagkatapos maging isang ina ay normal pero maaaring magdulot ng kabiguan. Maaari mong gustuhing sumuko kapag hindi mo ito malampasan. Ang depresyon ay gagapang sa’yo na parang anino—kailangan mo itong labanan. Ang pagkakaroon ng mga nakakatakot na gunita ay hindi nangangahulugang gagawin mo talaga ang mga bagay na ito. Hanapin ang kaligayahan sa mga minamahal, at huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa mga kapamilya at kaibigan, at pati na rin sa mga medikal na propesyonal. May paraan—gagaling ka.
*Lahat ng pangalan ay binago para maprotektahan ang kanilang identidad.
Kung may kakilala kang pinagdaraanan ang postpartum depression, payuhan siyang kumonsulta sa doktor.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Diona Valdez
https://sg.theasianparent.com/singaporean-mum-spills-wanted-kill-child
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!