Mahalaga sa mga magulang ang kalusugan ng kanilang mga anak, kaya naman lahat ng masustansiyang pagkain ang nais nating ipakain ang ibigay sa kanila. Paano kung walang ganang kumain ang iyong anak? Ano ang magandang vitamins pampataba para sa iyong anak? Alamin natin!
Mababasa sa artikulong ito:
- Vitamins pampataba
- Mga karaniwang sanhi ng pagkawala ng ganang kumain ng bata
- Ano nga ba ang karaniwang binibigay para sa batang walang ganang kumain?
Vitamins pampataba
Maraming mga maaaring dahilan kung bakit walang gana si baby. Ayon kay Dianne Gakit-Cortes, RN, isang school nurse, maaaring nasa edad o stage ito ng development ng bata kung saan talagang namimili pa ng kakainin o ‘di kaya’y may karamdaman ito.
Dito na kinakailangang bigyan ng vitamins na pampagana kumain (appetite stimulant) o vitamins pampataba ang isang bata. Kapag kasi hindi siya kumakain o hindi sapat ang kinakain niya, nakakapag-alala na hindi nakukuha ng bata ang sustansiyang kailangan ng kaniyang katawan.
Tandaan na hindi naman kailangang “tumaba” ng bata; ang kailangan niya ay ang kumain ng sapat na masustansiyang pagkain para makatulong sa patuloy niyang paglaki.
Vitamins pampataba ng bata | Image from Unsplash
Mga karaniwang sanhi ng pagkawala ng ganang kumain ng bata
Napakaraming posibleng dahilan ng pagkawala ng gana ng isang tao. Para sa mga sanggol at toddlers, posibleng:
- Food allergy na hindi pa alam ng magulang.
- Pinipilit itong kumain.
- Labis na pagpapainom ng gatas o juice bago kumain ng tanghalian o hapunan.
- Pag-ayaw niya sa mga pinapakain mo.
- Kung nagkaroon ng pagpapakain noong mas bata pa.
- Hindi naipakilala ng tama ang pagkain sa bata.
- Iba-iba ang oras ng pagpapakain.
- May zinc deficiency.
- Kumakain mag-isa at walang kasabay o kasamang pamilya.
- Nahuli sa pagpapakain ng solids. (imbis na 6 na buwan ay 9 na buwan pataas)
- Stress ang bata. (Sapagkat laging may gulo o away sa harap ng hapag-kainan)
Bakit kailangan painom ng vitamins pampabata ang iyong anak?
Nagbibigay o pinapainom ang isang bata ng pampataba o vitamins na pampagana kumain sapagkat kulang ang kaniyang sustansiyang natatanggap. Kadalasan, sanhi ito ng pagiging pihikan niya sa pagkain.
Kaya naman may mga ilang pediatrician na nirerekumenda ang pagpapainom ng vitamins pampataba. Upang matulungan ang isang bata na mapunan ang nutrients at minerals na kinakailangan niya sa kaniyang paglaki o development.
Kadalasang ibinibigay o inirereseta ng mga pediatrician ay mga vitamins na may vitamin D at iron. Kapag kasi nagkaroon ng mineral deficiency ang isang bata ay nakaapekto ito sa kawalan ng ganang kumain.
Natural lang ang pagiging picky eater ng bata, lalo ang mga toddlers, paliwanag ni Nurse Dianne. Paiba-iba ang gana pati rin ang mood nila pagdating sa pagkain.
Kaya dapat ay maging maingat sa pagsusuri sa eating habits ng mga bata. Mula edad 1 hanggang 4, nagsisimula pa lang silang magkaroon ng sariling “gusto” o “ayaw” na pagkain, at napakaraming bagay na puwedeng makaimpluwensiya sa appetite nila.
May mga magulang din na kahit walang problema sa pagkain at appetite ang anak, ay binibigyan pa rin ng regular na vitamin supplements. Kuwento ni mommy Daisy Pingol, isang preschool Special Education Teacher, kahit maganang kumain ang baby niyang si Jacob, na magdadalawang taon na sa December, pinapainom pa rin niya ng Ceelin at Nutrilin, ayon sa payo ng pediatrician niya.
Ano nga ba ang karaniwang binibigay para sa batang walang ganang kumain?
1. Appetite Stimulants (vitamins na pampagana kumain)
Maraming mga nutritionists at dietician ang nagsasabing walang sapat na ebidensiya na nagpapatunay na epektibo nga ang appetite stimulants. Iba rin kasi ang epekto nito sa bawat bata, paliwanag ni nurse Dianne.
Kailangan munang malaman at matugunan ang dahilan o sanhi ng pagkawala ng gana ng bata, bago painumin ng anumang supplements. Nakalista sa itaas ang ilang posibleng dahilan kung bakit nawawalan ng gana ang bata at hindi kumakain ng tulad ng dati.
Tulad ng madalas na pagmemeryenda bago kumain ng hapunan, kaya wala nang ganang kumain sa tamang oras, o kaya ay pinipilit kumain kaya lalong umaayaw (tandaan ang ugali ng mga toddler, na kapag pinilit ay lalong sisigaw ng “no”).
Tandaan: ang edad 2 hanggang 4 taong gulang ang edad kung kailan ang mga bata ay nangangailangan ng karanasan sa pagtikim ng iba’t ibang pagkain, dahil ito ang panahon na nabubuo ang flavor preferences nila na pangmahabang-panahon.
BASAHIN:
Vitamins na nakakataba: Mga rekomendasyon ng eksperto
Pagkain sa gabi nakakataba lalo na pagkatapos manganak, ayon sa pag-aaral
Ito ang epekto kapag nilalagyan mo ng asukal ang pagkain ni baby
Vitamins pampataba ng bata | Image from Freepik
2. Multivitamins
Ayon kay Dr. Alan Greene, MD, isang global health advocate at family physician, nagrereseta ng multivitamin ang isang doktor kapag siya ay hindi kumakain ng sapat at nasa takdang oras (almusal, tanghalian, hapunan) at kapag labis ang pagkamapili niya sa pagkain.
Gayundin kung limitado ang pagkain nito dahil may food allergies siya, o sakit na nakakapaglimita sa pagkain niya—kaya kailangan ng multivitamins at multi-mineral supplements para mapunuan ang sustansiya na hindi niya nakukuha sa pagkain.
Ayon kay mommy Daisy, Ceelin ang ibinigay ng pedia ni Jacob. Ito ay may Ascorbic acid para maiwasan o matugunan ang vitamin C deficiency ng isang bata. Pinatitibay nito ang resistensiya ng katawan laban sa mga sakit at impeksiyon.
Hindi naman kailangan ng napakaraming vitamins at minerals ng isang bata. Para kay nurse Dianne, sapat na ang Pharmaton na bigay ng pedia para sa anak niya. Ito ay sagana sa vitamin D para sa normal development ng buto, at Vitamin B5 para sa maayos na mental performance.
Mga kailangang vitamins ng bata pambata o pampaganang kumain
- Vitamin B-12 0 cobalamin: Kadalasang matatagpuan ang Vitamin B-12 sa mga itlog, diary products, karne ng baka at karne ng baboy.
- Zinc: Matatagpuan ang zinc sa mga pagkaing black-eyed peas, swiss cheese, poultry, lima beans, green beans, red meat, at whole grains.
- Vitamin D: Hirap makaabsorb ng sustansiya ang katawan kapag kulang sa vitamin D. Katulad ng zinc, calcium, magnesium, iron, phosphorus at vitamin A. Nakukuha ang vitamin D sa sikat ng araw. Magandang magpa-araw bago mag-alas 8:00 ng umaga. Matatagpuan din ito sa isa, itlog at orange juice.
Kapag malnutrition ang problema
Hindi na lingid sa kaalaman ng mga magulang ang pagkakaron ng bulate. Kaya nga may mga deworming treatment para sa mga bata. Karaniwan kasi noon ang pagkakaroon ng intestinal worms o bulate.
Ito ang sinasabing sanhi ng pagkawalang ganang kumain ng bata, o ‘di kaya ay kumakain pero hindi pa rin dumadagdag ang timbang—payatin pa rin. May mga nirereseta ang doktor na deworming syrup para sa suspetsang bulate sa tiyan.
Kapag malnourished o sobrang payat ang bata, madalas sumasakit ang tiyan, nagsusuka, nagtatae, at nangangati ang puwit, maaaring may parasitic infestation o bulate sa tiyan ang bata.
Doktor lang ang makakapag-kumpirma nito at siya lang din ang maaaring magreseta ng gamot para dito.
Vitamins pampataba ng bata | Image from Unsplash
Para maiwasan ang bulate sa tiyan siguraduhing:
- Paliguan ang bata at siguraduhing malinis ang pangangatawan. Ugaliin ang paghuhugas ng kamay bago at pagkatapos kumain, bago at pagkatapos gumamit ng banyo.
- Siguraduhing nahuhugasan at nililinis din ang mga laruan at gamit na maaaring isubo ng bata.
- Palaging suotan ng sapatos o tsinelas ang bata kung nasa labas ng bahay, lalo kung may putik u lupa.
- Siguraduhing lutung luto (at hindi hilaw pa) ang karneng kinakain ng bata. Dapat nahugasan ang mga prutas at gulay bago ipakain.
Tips ng para hindi mawalan ng ganang kumain ang bata
Ayon na rin sa Department of Health, ang pagkawala ng gana at pagiging mapili sa pagkain ay tipikal sa mga toddlers. Huwag magsawang magbigay ng mga masustansiyang pagkain.
- Huwag sanayin sa pagkain ng matatamis at artpisyal na pagkain ang bata.
- Gawing masaya at positibo ang mealtime para mahikayat siyang kumain.
- Alisin ang mga distraction tulad ng TV, gadgets, at laruan kapag kakain na.
- Huwag din hayaang magtagal ang bata sa harap ng pagkain.
- Limitahan ang pagpapa-inom ng gatas o juice kapag malapit na ang mealtime.
- Iwasan ang pagpapakain na labis na meryenda.
- Turuan at samahan siyang mag-ehersiyo, sa paraang din ito mas bibilis siyang magutom.
Mahalagang maipaalam at kumunsulta sa pediatrician ng bata kapag napansin ang kawalan ng ganang kumain at nanghihina, at bumababa ang timbang.
Maaari kasing sintomas ito ng mas malalang sakit, o ‘di kaya ay maging sanhi ng mas malalang kondisyon. Ang doktor ang tanging makakapagbigay ng tamang paggamot at tamang medikasyon para dito.
Source:
HealthLinkBC, Healthline, TRCHM
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!