Iba’t iba man ang nakasanakayan niyong adobo sa loob ng inyong tahanan, hindi maikakaila na paborito itong ulamin nating mga Pinoy! At malamang sa malamang, bawat pamilya rin ay may itinatagong sarili nilang recipe para sa adobong manok (chicken adobo)!
Adobong manok, adobong world-class
Ang salitang adobo ay nanggaling sa Spain at Portugal kung saan ang ibig sabihin nito sa Spanish ay ‘marinade.’
Kaya naman kapag sinabing adobo ay kasunod na tatanungin kung anong klase ng adobo ang tinutukoy mo. Nariyan ang adobong baboy, adobong manok, adobong hipon, adobong kangkong, at iba pa.
Ngunit kahit pa man may halong impluwensiya ng mga Kastila ang putahe na ito, ang paraan ng pagluto nito ay maituturing sariling atin!
Bukod sa pagkakaroon ng kaunting simpleng ingredients na swak na swak sa budget nating mga momshies, ito din ay napakadaling gawin.
Malaki ding rason sa kasikatan nito ang pagbibigay sa atin ng mga alaala ng ating mga magulang at mga anak. Dahil sa mga lutuing bahay nagiging daan ito upang mabawasan ang pagka-miss natin sa ating mga mahal sa buhay.
Kaya naman saan man mapadpad ang Pinoy, siguradong dala-dala nito ang adobo ng recipe ng kaniyang pamilya.
Twice-cooked Adobong Baboy recipe: Level-up ang sarap ng Pork Adobo recipe na ito!
How to make Filipino chicken adobo
How to cook adobo and other classic Pinoy dishes
Samu’t saring klase ng adobo
Pare-pareho ang mga basic ingredients ng adobo. Ang pinaka karaniwan ay ang pag-gamit ng suka, toyo, bawang, paminta at laurel.
Ngunit nagbabago pa din ang lasa at texture ng adobo depende sa gamit niyong karne o gulay. Sa nakararami, pinakamadalas gawin ay adobong manok, adobong baboy o ang combination ng dalawa na siguradong napakalinamnam.
Ang iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas ay mayroong kaniya-kaniyang paraan ng pagluto nito. Naiiba ang adobo ng Luzon, Visayas at Mindanao. Mayroon itong kaniya-kaniyang secret ingredient na isinasali upang maging unique ang recipe.
Mayroon ding adobo na hindi kinakailangan ng toyo (ang tawag dito ay Adobong Puti) at kung saan patis lamang ang ginamit na main ingredient. Madami ding mga momshies at mga daddies na sinubukan mag-experiment ng iba ibang techniques sa pagluto nito.
Halimbawa na lang nito ang paggamit ng soda (Coke Adobo at Sprite Adobo), pag-omit ng sarsa (Adobong Tuyo) at pag-gamit ng iba pang Asian ingredients tulad ng oyster sauce at star anise.
Sa dami ng paraan para lutuin ito, binansagan na itong unofficial national dish ng Pilipinas.
Easy adobong manok recipe
Samantala, ito ang basic na adobong manok recipe na tiyak kagigiliwan ng pamilya at kayang kaya ninyong gawin kahit na kayo ay nagsisimula pa lamang sa pagluluto.
*Para sa apat na katao ang recipe na ito
Ingredients:
- 1 buong manok
- 5 cloves bawang chopped
- 1/2 tasang sukang puti
- ¼ tasang toyo
- ¼ tasang tubig
- ½ teaspoon pamintang buo
- 3 laurel leaves
- 1 tablespoon asukal
- 1 teaspoon patis
How to cook adobong manok (chicken adobo):
- Linisin ang isang buong manok at hiwain na pang adobo (isang option ay ang pagbili ng ready cut-up chicken sa inyong pinakamalapit na grocery).
- Haluin lahat ng ingredients (maliban ang tubig, asukal at patis) at i-marinade ng at least 2 oras sa isang bowl (mas mabuti kung overnight)
- Ihanda ang init ng kalan to medium. Hanguin sa marinade at prituhin ang na-marinade na chicken pieces sa shallow pan or kaldero hanggang sa mamula ang mga ito.
- Ibuhos ang marinade, tubig at patis at pakuluin on low heat ng 30-40 minutes hanggang sa maluto at maging tender ang manok.
- Dagdagan ng asukal at patis kung kinakailangan.
- Ilagay ang nalutong adobong manok sa serving dish at ihain kasabay ng mainit na kanin.
Tips sa pagluluto ng adobong manok:
Para gawing mas masarap ang adobong manok, mas mabuting i-marinade ito ng mga ilang oras (hanggang overnight) bago niyo ito lutuin. Tiyak na manunuot ang lasa ng marinade at magiging mas ganado ang pagkain kasabay ng mainit na sinaing.
Puwede ninyo din lagyan ng twist ang adobong manok gamit ang iba’t ibang gulay (patatas, kangkong, sitaw) o prutas na puwede maghalo ng dagdag asim (pineapple, orange) o kaya naman dagdag tamis (saging na saba).
Kung gusto ninyo naman mas maging malapot at creamy and sarsa ng adobong manok, puwedeng lagyan ito ng all-purpose cream o kaya naman evaporated milk.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!