Lagpas na sa kalahating taon si baby! Ano na nga ba ang mga baby development ng 7 buwan gulang?
Una sa lahat, congratulations! Lagpas na sa kalahating taon si baby, at patuloy siyang aktibo at walang kapaguran sa pagtuklas ng paligid niya. Mas independent na rin siya at nagkakaro’n na ng sarili niyang karakter at personality.
Ano ang dapat asahan sa buwang ito?
Baby development 7 buwan: Physical development
Ang iyong 7 buwang gulang na anak ay kaya nang mag-explore ng paligid niya nang walang tulong mula sa iyo at sa mga matatanda. Iba-iba ang paraan at bilis ng pagkatuto ng bawat bata. May ibang nagsimula nang gumapang, tumayo, at umupo ng tuwid, mayro’n ding natututo pa lang na dumapa at tumihaya. Asahang maglilikot na at kung saan-saan na makakarating sa loob ng bahay, at kung anu-ano na rin ang hihilahin sa pagsusubok na makuha ang anumang makita na gusto niya.
Bukod pa do’n, kaya na niyang dalhin ang sarili niya kapag nakatayo dahil mas malakas na ang tuhod at binti niya. Kapag hinawakan ng patayo, tatalon-talon si baby, lalo kapag natutuwa. Makakaupo din siya nang walang suporta o hawak (pero huwag mag-alala kapag hindi pa kaya—hindi naman ito senyales ng “delay”). May mga bata ring kaya nang hilahin ang sarili mula pagdapa hanggang paupo.
Magaling na kasi siyang gumamit ng mga kamay at braso. Paglaon ay matututunan na rin niyang gumamit ng mga daliri, lalo ang hinlalaki at hintuturo para humawak ng mga bagay—o ang tinatawag na pincer grip. Matutuwa kang panoorin kung paano niya paglilipat-lipatin sa mga kamay niya ang isang laruan o anumang bagay na hawak niya. Kapag nahulog, pupulutin niya din ito, at paulit-ulit pang ihuhulog at pupulutin. Ito ang paborito niyang “laro.” Bigyan na siya ng “sippy cup” kapag umiinom at kutsara kapag kumakain.
Panay na rin ang palakpak niya kapag natutuwa.
Maraming mga bata ang nagsisimula nang magkaron ng ngipin sa edad na ito. Maghanda ng pamunas dahil maglalaway siya, at minsan ay iiyak at maiinis. Kapag nairita dahil sa pagngingipin, bigyan siya ng washcloth na binabad sa yelo o malamig na tubig para isubo, o di kaya ay teething toy. Ang dalawang ngipin sa harap sa ibaba ang karaniwang unang lumalabas. Huwag mag-alala kung wala pang ngipin. Ang ibang bata ay sa unang birthday pa nila nagkaka-ngipin.
Sa puntong ito, dapat ang median height at weight ng iyong anak ay:
- Lalaki
– Length: 69.0 cm (27.2 inches)
– Weight: 8.3 kg (18.3 lb)
- Babae
– Length: 67.3 cm (26.5 in)
– Weight: 7.9 kg (17.4 lb)
Ang kanyang head circumference naman ay dapat na:
- Lalaki: 44.0 cm (17.3 inches)
- Babae: 42.8 cm (16.9 inches)
Baby development 7 buwan: Cognitive development
Malaki na rin ang pag-unlad ng memory ng iyong 7-buwang-gulang na baby. Nakakakilala na siya ng mga tao sa paligid niya, lalo na ang mga palagi niyang nakakasama. Pero hindi siya natutuwa kapag bago ang mukha, kaya iwasan o ingatan ang pagpapakilala sa kaniya ng mga tao.
Natututunan na rin niya ang konsepto ng “object permanence.” Mapapansin na niya na kahit wala sa paningin niya ang isang tao o bagay, ay tunay pa rin ito at naaalala pa rin niya. Kaya nga mahilig siyang maglaro ng peek-a-boo o it-bulaga.
Habang lumalaki, nagde-develop din ang utak niya. Gusto niya ng paulit-ulit at natututo siya sa ganito. Hindi siya magsasawang makinig at “kumanta” ng mga paborito niyang kanta at nursery rhymes.
Magkakaro’n na rin siya ng mga paboritong bagay at tao, at makikipag-agawan siya ng laruan kapag tinangka mong kunin ito sa kaniya.
Baby development 7 buwan: Social at emotional development
Isa sa mga problemang haharapin ng mga magulang sa edad na ito ay ang separation anxiety. Asahang iiyak at hahabol si baby kay Mommy o Daddy, at aayaw itong mawalay. Hirap din siya sa gabi kapag hindi nakikita ang mga magulang, lalo pa si Mommy.
Sa una ay nakakaluha sa tuwa, dahil nga ayaw humiwalay si baby at ikaw ang gustong kasama palagi, pero mahirap na ito kapag naglaon dahil nga wala ka namang magawa dahil gusto lang niya lagi sa iyo. Tandaan na temporary lang ito. Lilipas din ito kapag natuto din siyang sumama sa iba.
Huwag ding madaliin na sumama siya sa iba. Ipakilala ang mga taong madalas mag-aalaga sa kaniya kapag wala ka, pati mga kaanak o kaibigan na dumadalaw sa bahay para maging pamilyar siya. Makikilala niya rin ito sa sarili niyang oras.
Baby development 7 buwan: Speech at language development
Makikipag-usap si baby gamit ang iba’t ibang tunog na ‘binibigkas niya, kawag ng kamay at facial expressions. Hahagikgik siya, ngingiti, at tatawa, at minsan ay hihiyaw pa nang malaks. Turuan siya ng “bye-bye” at “hello” at siguradong gagayahin ka at mabilis niya itong magagawa.
Lahat ng sabihin at bigkasin ay susubukang gayahin ni baby, tulad ng “ba-ba-ba” o “da-da-da.” Kaya huwag kang masurpresa kung bigla mo na lang siyang maririnig na magsabi ng “mama” o “dada.” Lilingon din siya kapag tinawag mo sa pangalan niya.
Unti-unti na niyang maintindihan ang mga salita at language. Alam na niya ang “No.” Alam na din niya ang tono ng galit, masaya, malungkot, at mapapaiyak kapag napagtaasan ng boses.
Baby development 7 buwan: Kalusugan at nutrisyon
Ngayong kumakain na ng solids si baby, puwede nang magpakilala ng mga buo-buong pagkain tulad ng mashed fruits at gulay, at hindi na kailangan durugin o i-puree. Mainam din kasing maipakilala siya sa iba’t ibang texture ng pagkain.
Katulad ng dati, magpakilala ng isang pagkain kada kainan. Huwag pagsabay-sabayin. Para din makita kung may allergic reaction ang bata, o kung magtatae o nagsusuka siya.
Tignan ang mga menu at recipes para sa 7 buwan baby dito.
Vaccinations and Common Illnesses
Ito ang mga bakunang dapat mayroon na ang iyong baby:
- BCG
- Hepatitis B (1st, 2nd and 3rd dose)
- DTaP (1st, 2nd and 3rd dose)
- IPV (1st, 2nd and 3rd dose)
- Hib (1st, 2nd and 3rd dose)
- Pneumococcal Conjugate (1st and 2nd dose)
Tips para sa mga magulang
Maghanda ng mga kutson at unan sa sahig at kama para maiwasan ang anumang aksidente. Siguraduhing childproof ang mga delikadong gamit sa bahay dahil malikot na nga si baby. Hayaan siyang gumala-gala sa loob ng kuwarto o sala. Pakitaan siya ng mga laruan na aabutin niya o gagapangin para ma-praktis ang paggapang at pag-abot. Takpan ang mga electrical plugs, at alisin sa abot niya ang mga babasagin o malalaking bagay na pwedeng mahulog kay baby. Kung may hagdan kayo, lagyan ng gate, pati mga iba’t ibang kuwarto, para hindi makalabas ang bata.
Para sa separation anxiety, subukang umalis kapag tulog si baby, at huwag kapag gising siya para hindi mahirapan at hindi umiyak ang bata. Huwag ding pahabain ang pagpapaalam para hindi mahirapan ang maiiwanang mag-aalaga.
Patuloy na kantahan at basahan ng mga libro si baby para masanay ang memory at pakikinig nito, pati na language skills.
Bigyan din siya ng iba’t ibang klase ng laruan tulad ng simpleng shape sorters, blocks, at mga kotse o manyika. Puwede na ring pahawakin ng play dough, crayon, at pintura si baby. Bigyan siya ng messy play, at paglaruin siya kahit na makalat.
Gumawa ng sariling homemade play dough gamit ang flour, asin at cooking oil, para kahit makain niya ay hindi siya malalason. Puwede ring magluto ng spaghetti noodles (walang sauce) at pahawak at ipalaro ito kay baby. Siguradong matutuwa siya!
Palaging tandaan na ang bawat bata ay may sariling panahon ng pagkatuto. Ang mga milestones ay para lamang maging gabay sa development na dapat asahan, pero hindi ibig sabihin ay saktong matutunan ang lahat ng ito sa edad na ito. Kung may ipinag-aalala, ikunsulta agad sa pediatrician para matulungang maipaliwanag ang maraming bagay tungkol sa development ni baby.
Marami pang naghihintay na developmental achievements sa mga susunod na buwan. Huwag magpaka-stress, at mag-enjoy sa bawat araw, para lumaking masaya si baby.
Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/baby-milestones-development-7-month-old
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!