Dahil nga kasi first time na kakain ng solids si baby, natataranta si Mommy at Daddy. Makakatulong kung may feeding schedule na maihahanda para maging gabay sa tamang pagkain ng baby na akma sa kaniyang edad.
Una sa lahat, isang paalala lang: anumang ihahandang feeding schedule at menu para kay baby, ipakita at ipaalam ito sa kaniyang pediatrician. Siya ang makakapagsabi kung sapat ba ito para sa bata, dahil siya ang nakakakita sa timbang, laki at kabuuang kalusugan ni baby.
Dagdag pa dito ang paninigurado na walang anumang ingredient o pagkain na allergen para kay baby. Mani o anumang peanut products, isda, at itlog ang pinakakaraniwang allergen.
Talaan ng Nilalaman
Kailan dapat simulan?
Ayon sa American Academy of Pediatrics, sa edad na 4 hanggang 6 na buwan karaniwang sinisimulan ang pagpapakilala ng solid food kay baby. Puwede nang subukan sa ganitong edad, pero si baby pa rin ang makapagbibigay ng sagot sa kung handa na ba siya o hindi.
Tandaan: Huwag madaliin si baby. Hintayin ang mga hudyat na ibibigay niya para malaman na handa na siyang kumain ng solids.
- Kapag nakakaupo na siya at kaya na niya ang ulo niya, maaaring handa na siyang kumain.
- Ilan pang senyales ay ang pagiging curious, at masayang nagmamasid sa mga bagay sa paligid niya, at madalas ay isinusubo pa ang mga ito.
- Kapag may isinubong pagkain sa kaniya, hindi na niya iniluluwa o itinutulak ng dila niya palabas ng bibig.
- Isa pa, gutom pa rin siya pagkatapos painumin ng gatas.
Bago magsimula: Naihanda na ba ang lahat ng “feeding tools” ni baby? Siguraduhing mayroon na siyang bib, rubber spoon, at sarilling bowl at sippy cup.
Baby Feeding Schedule: 6 – 12 Buwan
Mula 4 hanggang 6 na buwan
Walang pagkakasunud-sunod ang pagkain ng baby. Karaniwang nagsisimula sa cereal dahil mas malapit ito sa consistency at texture ng gatas na nakasanayang kainin ni baby. Mas mainam kung susundan ng gulay at prutas na pinakuluan ang kapalitan ng cereal na ipapakain sa bata.
Menu ng pagkain ng baby:
- Breastmilk o formula milk
- Pinalambot at pureed na pagkain: rice cereal na mayaman sa iron, kalabasa, sweet potatoes, applesauce, pears, peaches at saging.
Recipes:
- 1 tsp ng cereal, na may halong 4 hanggang 5 tsp ng gatas (mainam kung breast milk)
- 1 tsp ng pureed na prutas o gulay
Mga dapat tandaan:
- Dalawang beses na pakainin si baby ng tig-2 hanggang 4 na kutsara sa simula.
- Habang tumatagal, dagdagan ng 1 tsp ang pagkain ng baby kapag nasanay na si baby sa lasa at dami ng kinakain.
- Kung ayaw kainin ng bata ang inihanda, huwag pilitin. Subukan ulit pagkatapos ng ilang araw.
- Paisa-isa ang ingredient na ipasubok sa baby. Halimbawa, kalabasa muna na walang kahalong ibang sangkap ang ipakain ng tatlong araw straight. Sa paraang ito, makikilala ni baby ang lasa, at para makita rin kung may negatibong reaksiyon ang sistema niya (katulad ng allergies) sa partikular na pagkain.
Mula 6 hanggang 8 buwan
Larawan mula sa iStock
Menu ng pagkain ng baby:
- Strained o pureed na prutas tulad ng peaches, saging, boiled apple, apricots, avocado, pears, applesauce, at iba pa; at pinakuluang gulay tulad ng peas, carrots, sweet potato, kalabasa, patataas, at iba pa.
- Tofu
- Pinakuluang manok, turkey, baka, o baboy na walang taba.
- Non-milk yogurt such tulad ng soy yogurt
- Mashed o pureed beans tulad ng pinto, kidney, black beans o navy beans
- Cereal na hitik sa iron, tulad ng rice, barley, wheat at oats.
Recipes:
- Sa prutas at gulay, simulan ng 1 tsp, at unti-unting damihan hanggang maging 1/2 cup, sa tatlong kainan.
- Sa cereal, simulan sa 3 kutsara kada araw, at unti-unting damihan hanggang maging 9 kutsara para sa 3 kainan.
Mga dapat tandaan:
- Patuloy na magpakilala ng mga bagong pagkain at pagmasdan ang reaksiyon ng bata, o kung may allergy siya sa kinakain.
- Dapat ay maging mas buo at mas madalas ang pagdumi ng bata, dahil mas marami na siyang kinakain.
- Siguraduhing may sapat na liquids (tubig, juice, gatas) at fiber sa araw-araw para maiwasan ang constipation.
- Painumin pa rin siya ng gatas sa araw-araw, lalo sa gabi at umaga.
Mula 8 hanggang 10 buwan
Dito na pinapakilala ang “finger foods” kay baby, lalo na kung napapansing marunong na siyang pumulot ng pagkain gamit ang dalawang daliri (hintuturo at hinlalaki) o tinatawag na “pincer grasp maneuver.”
Madalas na rin niyang naililipat ang laruan niya mula sa isang kamay papunta sa kabilang kamay, at mahilig nang magsubo ng kung anu-anong madampot niya.
Menu ng pagkain ng baby:
- Mashed na prutas tulad ng saging, applesauce, peaches, pears,at apricot.
- Mashed na gulay tulad ng avocado, peas, carrots, green beans, kalabasa, patatas.
- Protein foods tulad ng pureed na manok, turkey, baka, at baboy na walang taba. Mashed Tofu, at pinakuluang beans at hinimay na pinakuluang isda.
- Subukan ang soft cheeses tulad ng cream cheese at cottage cheese.
- Puwede nang subukang ipakilala ang mga pasta tulad ng fusili at penne, hiniwang saging, pinakuluan at hiniwang carrots at patatas, teething biscuits, at toasted bread at bagel.
- Ipagpatuloy ang pagbibigay ng cereals tulad ng brown rice, barley, oats. Subukan din ang lugaw at couscous.
- Ang mga vegetable soup at chicken sopas ay mainam ding ipakilala sa kaniya sa edad na ito.
Recipes:
- Cereal, prutas at gulay – ¼ hanggang ½ tasa kada araw (bawat isa)
- Protein foods – 1/8 hanggang ¼ tasa kada araw
- Dairy products – ½ ounce para sa keso at r ¼ hanggang ⅓ tasa ng milk product
Mga dapat tandaan:
- Simulan na ang 3 beses na meal time kada araw, ng isang bowl ng pagkain, halos kasinlaki ng kamao ni baby.
- Huwag pababayaan ang bata na kumakain mag-isa, at hindi binabantayan lalo na kung finger food ang kinakain.
- Siguraduhing maliit ang pagkakahiwa ng pagkain, para hindi mabulunan si baby.
- Obserbahan kung magkaroon ng allergy o hindi pagka-hiyang sa pagkain ng baby.
- Mabuting bigyan si baby ng breast o bottled milk sa umaga, bago o pagkatapos kumain ng solids, at bago matulog.
Mula 10 hanggang 12 buwan
Larawan mula sa iStock
Mas marami nang ngipin si baby at kaya na niyang ngumuya at lumulon ng mabuti. Humahawak na rin siya ng kutsara, at nagsusubok na kumain mag-isa.
Menu ng pagkain ng baby:
- Keso, mashed na prutas (hiniwa o cubed), pinakuluang gulay, malalambot o pinalambot na pagkain tulad ng mashed potatoes, macaroni and cheese, spaghetti, casseroles, at lugaw.
- Kailangan din niya ng pagkaing mayaman sa protina, tulad ng karne, isda, manok, tofu, at beans. Ipakilala na rin sa kaniya ang scrambled eggs, crackers at iba pang cereal tulad ng cornflakes at Cheeri-O’s. Ituloy ang ice, barley, oat at mixed cereal.
Recipes:
- Dairy products – ½ tasa ng keso, o ⅓ tasa ng ibang dairy
- Prutas, gulay, at cereal -¼ – ½ tasa bawat isa
- Protina – ⅛ – ¼ tasa kada araw
- Iba pang pagkain – ⅛ – ¼ tasa
Mga dapat tandaan:
- Kung wala pang isang taong gulang si baby, huwag bibigyan ng cow’s milk at honey.
- Obserbahan kung magkaroon ng allergy o hindi pagka-hiyang sa pagkain ng baby.
- Mabuting bigyan si baby ng breast o bottled milk sa umaga, bago o pagkatapos kumain ng solids, at bago matulog.
Mula 2 hanggang 3 taong gulang
Kayang-kaya na ni baby na kumain mag-isa gamit ang kutsara o tinidor—medyo makalat nga lang. Pero hayaan lang siya. Kaya na rin niyang sabihin kung ano ang gusto niyang kainin, at kung gusto pa niya ng mas marami.
Menu ng pagkain ng baby:
- Puwede na siyang bigyan ng whole milk at iba pang dairy products tulad ng cottage cheese, full-fat yogurt at soft pasteurized cheese.
- Unti-unti na siyang patikimin ng mga pagkaing kinakain ng pamilya, pero siguraduhing pinalambot at hiniwa ng maliliit.
- Mainam ang couscous, brown rice, barley, oats, at mixed cereals.
- Bigyan na rin siya ng pasta na may tomato sauce pero hiwain din ng maliliit, at whole wheat bread.
- Magpakulo ng cauliflower at broccoli, at mag-puree o blender ng melon, grapefruit, apricot, at papaya.
- Bigyan siya ng scrambled at boiled eggs, boneless fish, giniling o hiniwa-hiwang karne, at poultry, tofu, boiled beans.
- Kung walang allergy, patikimin din siya ng peanut butter sa tinapay.
- Mainam din ang non-citrus juice at citrus fruits. Idagdag na ang mangga sa mga prutas na ipapakain.
- Mula 30 buwan hanggang 3 taong gulang, pwede nang bigyan ng dried fruit tulad ng raisins at dates. Siguraduhing babantayan dahil baka mabulunan.
Recipes:
- Dairy products – 2 tasa (1 tasa ng yogurt o gatas, 1 1/2 oz. ng natural cheese)
- Prutas, gulay – 1 tasa kada araw
- Protina – 2 – 4 oz., 1 oz na karne, 1 itlog o ¼ tasa ng beans
- Grains – 3 – 5 oz. (damihan ang whole grains) at tinapay
Mga dapat tandaan:
- Sa unang 2 taon, kailangan ni baby ng whole cow’s milk, pero paglagpas ng edad na ito, subukang bigyan na siya ng low fat, sa payo ng pediatricians.
- Puwede na rin ang pasteurized dairy products tulad ng soft cheeses, yogurt, cottage cheese.
- Itanong sa pediatrician kung pwede na ang honey sa edad na ito.
- Huwag papainumin ng juice ang bata sa feeding bottle o bago matulog. Sa sippy cup o tasa lamang dapat binibigay ang juice, at kapag gising ang bata para maiwasan ang tooth decay.
- Bantayan ang pagkain ng mga choking hazards tulad ng grapes, nuts, raisins o dried fruits, chips at popcorn.
- Desisyon ni Mommy kung kailan titigil sa pag-inom ng breastmilk si baby. Humingi ng payo sa OB GYN at pediatrician tungkol dito.
- Mabuting bigyan si baby ng breast o bottled milk sa umaga, bago o pagkatapos kumain ng solids, at bago matulog. Tingnan kung ano ang gusto ni baby at sundin ang ryhthm niya.
Ang oras ng pagkain ng baby
Ang goal ay matuto siyang kumain ng iba’t ibang masustansiyang pagkain, at gawin ito nang mag-isa. Gusto natin ay maintindihan niya ang konsepto ng pagkain at ma-excite siya sa bawat meal time.
Ang ideal setting ay sa hapag-kainan kakain si baby, sa high chair o bumbo chair, at sa tamang oras, hanggang sa makasabay siya sa pagkain ng pamilya sa almusal, tanghalian at hapunan. Iwasan ang pagpapakain sa harap ng TV, at sa ibang kuwarto o lugar sa bahay.
Kailangang makaugalian niyang kapag kakain ay sa lamesa sa dining room lamang o kitchen (kung may kitchen table kayo). Paupuin siya at huwag hayaang nagtatakbo, at hinahabol-habol lang ng nagpapakain sa kaniya.
Larawan mula sa iStock
Tips at tricks:
- Huwag magsawang magbasa ng mga libro tungkol sa pagpapakain, at mga superfoods para kay baby. Basahan din si baby ng mga libro tungkol sa pagkain, kahit hindi pa ito nakaka-intindi o nakakabasa, kahit paunti-unti ay makakagiliwan niya ito at magiging interesado sa pagbabasa, bukod pa sa makikilala niya ang mga pagkain ng baby.
- Bigyan siya ng mga laruang pagkain, at mga laruan sa pagluluto. Ito ang paborito ng mga toddlers na tinuturuan ko, dahil nakikita nila sa mga magulang nila sa bahay ang paghahanda ng pagkain. Ang iba ay pinapasali pa sa paghahanda ng pagkain.
- Pag-usapan kung ano ang mga junk food at mga masustansiyang pagkain at kung bakit kailangan ito ng ating katawan sa araw araw.
- Kahit sa umpisa ay tumnggi ang bata, huwag magsawa sa pagpapatikim sa kaniya ang mga pagkain ng baby. Maraming mga bata ang dati ay ayaw kumain ng gulay, halimbawa, pero dahil palaging kasama sa daily menu, nakasanayan at sumubok—at nagustuhan din, kahit paunti-unti ang tikim.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!