Ang batang magalang, paano ba masisigurong maituturo sa iyong anak?
Mahalaga ang mabuting pag-uugali. Minsan magtataka kapag naka-tagpo ka ng isang taong walang galang. Paano sila pinalaki ng kanilang magulang? Maraming taong tumatanda pero ang kanilang pag-uugali ay hindi rin umaayon sa kanilang edad. Kaya naman importanteng magkaroon ng pasensiya at tiyaga para magpalaki ng batang magalang.
Pero ano ba ang mga katangian ng batang magalang? Narito ang mga characteristics na tinataglay ng magalang na bata.
Mga katangian ng batang magalang
- Gumagamit ng po at opo sa pakikipag-usap lalo na sa tuwing nakikipag-usap sa mga nakakatanda.
- Sumusunod sa mga sinasabi ng kaniyang mga magulang at mga patakarang kanilang ipinapatupad sa loob ng bahay.
- Marunong sumunod sa mga patakaran sa eskuwelahan at sa iba pang lugar kung saan siya naroon.
- Marunong siyang rumespeto sa mga tao o mga historical figures na alam niyang gumawa ng kabutihan sa kapwa o kaniyang bayan tulad ng ating mga bayani.
- Hindi tinatawag ang kaniyang kapwa ng mga pangalan na alam niyang makakasakit o makakainsulto dito tulad ng pang-aasar o pangungutya.
- Hindi naninira ng gamit lalo na ng mga pampublikong ari-arian o lugar.
- Marunong mag-alaga o gumamit ng gamit ng iba ng may pag-iingat.
- Hindi nanakit ng pisikal sa kaniyang kapwa.
- Hindi sumasabat sa pag-uusap ng iba lalo na ng mga nakakatanda.
- Marunong mag-mano o magbigay galang sa mga nakakatanda.
- Ginagalang ang karapatan ng iba. Tulad n alang ng mga nagbabasa sa library na kung saan pinapanatili ang katahimikan para sa maayos nilang pagbabasa.
- Nagpapasintabi o nagsasabi ng “excuse me” sa tuwing dadaan sa gitna ng dalawa o higit pang taong nag-uusap.
- Hindi sumasagot ng pabalang at marunong magsabi ng nasa kaniyang isipan ng mahinahon at dahan-dahan.
- Marunong makinig sa iba kahit hindi siya sang-ayon sa opinyon o sinasabi nito.
- Pagsasabi ng “please” sa tuwing sila ay may hinihingi o hinihiling.
- Pagsasabi ng “thank you o salamat” sa tuwing sila ay matatanggap na pabor o bagay.
Ang mga nabanggit ang ilan sa mga katangian ng batang magalang. Pero paano nga ba masisigurong maituturo ang pagiging magalang na bata sa iyong anak? Basahin ang mga susunod na talata.
Paano matuturuan ang iyong anak na maging magalang na bata?
Para maturuang maging magalang na bata ang iyong anak, narito ang mga dapat mong gawin.
Bilang mga magulang at nakakatanda, tayo ang tinitingala at ginagaya ng mga bata. Kaya naman para epektibong maturuan na maging magalang na bata ang iyong anak ay dapat maging mabuting modelo o halimbawa sa kaniya.
Ipakita sa kaniya palagi o lahat ng oras ang mga katangian ng pagiging isang magalang. Tulad ng pagsasabi ng “please” sa tuwing may nais sila o “thank you” sa tuwing naibibigay sa kanila ang isang bagay o pabor na hiniling sa kanila.
2. Matuto ring irespeto ang iyong anak.
Tulad nga ng naunang nabanggit ay ini-imitate o ginagaya tayo ng ating mga anak. Kung gusto nating maituro sa kaniya ang pagiging magalang ay dapat iparamdam rin natin sa kaniya kung anong pakiramdam ng nirerespeto.
Bagama’t ikaw ang nakakatanda ay dapat hindi parin natin hiyain o kagalitan ang ating anak sa harap ng ibang bata. Matuto rin dapat na respetuhin ang choices nila.
Oo nga’t healthy naman ang pagbibigay ng kritisismo, pagdating sa mga bata ay dapat maghinay-hinay. Dapat ay siguraduhing ang ibibigay na kritisismo ay mag-iencourage sa kanilang pagbutihin ang kanilang ginagawa at hindi para mawalan sila ng tiwala sa sarili.
3. Turuan ang iyong anak na rumespeto sa kaniyang kapwa.
Magagawa ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa iyong anak ng mga salita o phrases na magbibigay galang sa kaniyang kapwa. Gaya nalang ng pagtatawag ng Sir o Maam sa kaniyang mga guro. O kaya naman ay Mr. or Ms. sa mga nakakatandang kakilala o nakakasalimuha niya.
Ipaliwanag din sa kaniya na hindi lang sa pamamagitan ng salita naipapakita ang paggalang sa kapwa. Ito ay makikita rin sa kaniyang galaw, kilos, behaviour o pag-uugali.
4. I-praise ang respectful behavior ng iyong anak.
Para mas ma-encourage ang iyong anak na maging magalang sa kapwa ay i-praise ang mga respectful behaviour na ginagawa niya. Tulad nalang sa tuwing magpapakita siya ng good manners, empathy at respeto sa iba.
Iparamdam sa kaniya na binibigyan ng reward ang mga ganitong pag-uugali. Para sa ganitong paraan ay mas ganahan siyang ulit-ulitin ito hanggang sa makasanayan niya na.
Bilang mga magulang, dapat natural na sa atin ang tuloy-tuloy na pagtuturo at paghimok sa mga bata na maging magalang. Minsan madali lang turuan ang ating mga anak na maging magalang. Pero kadalasan, may mga ginagawa ang ibang magulang na lalo lang nagtuturo sa mga bata na maging sutil.
Heto ang mga bagay na dapat mong itigil upang hindi lumaking walang galang ang iyong anak.
Mga gawaing hindi nakakatulong magpalaki ng batang magalang
1. Takot ka sa iyong anak
Kung masyadong demanding ang iyong anak at natataranta ka na kaka-bigay ng gusto nila, maling aral ang itinuturo mo sa kanya. Maaaring masanay ang bata sa akala na madali ka nilang manipulahin gamit ang pag-iyak at pagta-tantrum. Okay lang na pagbigyan sila minsan dahil mahal mo sila, pero huwag mong sobrahan.
Ayon kay Dr. Susan Newman, ang unang hakbang sa pagbabago ng hindi magandang paguugali ay ang tanungin ang iyong sarili kung pinapalaki mo sa layaw ang iyong anak sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga “unearned privileges” o mga pribelehiyong hindi niya pinagpaguran.
Nangyayari ito kapag, halimbawa, pinagbibigyan mo ang bawat gusto nila para lalo ka nilang magustuhan. O kaya naman, ginagawa mo ang mga ito dahil gusto mong ibigay sa kanila ang mga bagay na hindi mo nakuha noong bata ka pa. Dapat ay matutunan nila ang kaibahan ng “gusto” at “kailangan”.
2. Gumagawa ka ng katuwiran para sa kanilang masamang ugali
Huwag mong balewalain ang masamang ugali ng iyong anak. Huwag mong gawan ng katuwiran ang mga tantrum nila, katulad ng pagsasabi ng “ganyan talaga ang mga bata”. Pinapalakas mo lang ang loob nilang ituloy ang ganitong paguugali.
Binabalaan ni parenting coach Lisa Bunnage ang mga magulang na kapag naghintay pa sila ng mas matagal para pagsabihan ang kanilang anak, lalo lang silang mahihirapan na baguhin ang masamang paguugali ng kanilang mga anak.
Sabi ni Bunnage, ang kaniyang pagdidisiplina ay may halong pagmamahal—unahin ang mga patakaran sa bahay, paguugali, at mga gawaing bahay base sa mga pangangailangan ng bata.
“Tandaan mong tugunan ang kanilang mga pangangailangan at pangasiwaan ang kanilang mga kagustuhan,” sabi niya.
3. Sinasabihan mo ang iba na huwag silang pagalitan
Noong araw, normal lang para sa mga guro at mga nakatatandang hindi kamag-anak na pagalitan ang mga bata. Pero ngayon, ito ay karaniwang hindi na sinasang-ayunan. Maraming ina ang mag gustong tutukan ang sarili nilang anak kaysa pagtuunan ng pansin ang anak ng iba.
Pero importante ring maging bukas ka sa posibilidad na papagalitan ng ibang tao ang iyong anak kung siya man ay nagpakita ng masamang ugali sa iba, basta ito’y makatuwiran. (Hindi mo rin naman basta-basta hahayaang abusuhin ng iba ang iyong anak.)
Halimbawa, kung nahuli ng guro ang iyong anak na gumawa ng kalokohan o kaya naman ay nagmamasamang asal, hindi niya pwedeng hayaan na lang ito. Basta bukas kang makipag-usap sa guro ng iyong anak, kaya ka niyang tulungan para siguruhing magiging magalang ang iyong anak sa paaralan at sa bahay.
4. Pinapalaki mo sila sa layaw
Iminumungkahi ni Dr. Jim Taylor na magkaroon ka ng kamalayan pagdating sa mga tinuturo mo sa kanila. Tinutulungan mo ba ang iyong anak na matutunan ang mga importanteng ugali, saloobin, at kakayahan (o “attitudes and skillsets” ayon kay Taylor) para maging isang “functioning adult” na may mabuting ugali?
Kung tungkol sa pera naman, halimbawa, mungkahi ni Taylor na tanungin ang iyong sarili kung tinuturo mo sa kanila ang halaga ng respeto, disiplina, responsibilidad, at “delayed gratification”. Ito ay mga ugaling hindi uusbong sa iyong anak kung parati mong binibigay sa iyong anak ang gusto niya.
5. Parati mo silang binibigyan ng “shortcut”
Walang magulang na gustong mahirapan ang kanilang anak. Pero may kahalagahan rin ang hayaan silang magtrabaho para makuha ang gusto nila.
Halimbawa: nasa isang restaurant ka at nagsisimula na silang maging malikot, huwag mo silang basta na lang bigyan ng ng iPad (o kahit anong tablet) o smartphone para lang kumalma sila at makakain ka ng payapa.
Alam naming mahirap pero pwede mo silang turuang maging matiyaga/matiisin. Maghanap ka ng paraan (pwede mong hingin ang tulong nila) para sila’y malibang ng walang gamit na smart device.
Isa pang paraan para maituro mo sa iyong anak ang halaga ng sipag para makuha ang gusto niya ay ang kumbinsihin ang bata na tumulong sa mga gawaing bahay. Kahit pa meron kayong katulong sa pag-gawa nito.
Sabi ni Andrew Andestic, isang guro na may tatlong anak, dapat hayaan ng mga magulang na mangarap ang kanilang mga anak pero dapat din nilang bigyang-diin na ang ambisyon ay walang halaga kung walang sipag at tiyaga.
Pundasyon ng batang magalang
Maraming paraan para makapagpalaki ka ng batang magalang. Ang pagtitiwala sa iyong mga anak kasabay ng pagiging tapat sa kanila. O kaya naman ay ang pagsasabi sa iyong mga anak na parati kang nariyan para sa kanila. Ang mga ito ay magbibigay sa kanila ng inspirasyon para maniwala sa kanilang sarili at sumunod sa iyong mga bilin.
Dahil dito, sila ay matututong sumunod sa iyo, hindi dahil takot sila sa’yo o obligado silang sumundo sa’yo, pero dahil nirerespeto ka nila. Ito ang pundasyon ng batang magalang.
Isinalin sa Tagalog ni Paul Salonga.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!