Capnocytophaga Canimorsus Infection ang naging dahilan ng pagkaputol ng kamay at paa ng isang ginang sa Ohio, USA. Ang impeksyon ay nakuha niya di umano sa mga halik at laway ng kaniyang alagang aso.
Babaeng naputulan ng kamay at paa
Ilang araw matapos magbakasyon sa Punta Cana, Dominican Republic kasama ang kaniyang asawa ay nakaramdam ng pananakit ng likod at pagsusuka si Marie Trainer.
Tumaas-baba rin ang kaniyang body temperature dahilan para isugod siya sa emergency room ng pinakamalapit na ospital sa kanila sa Stark Country, Ohio.
Unang inakala ng mga doktor na dulot ng isang tropical travel disease ang karamdamang iniinda ni Marie dahil nanggaling siya sa isang bakasyon.
Marie Trainer with husband Matthew
Image from CNN
Ano ang unang diagnosis ng doktor?
Ayon sa doktor na tumingin kay Marie, ay nagdedeliryo daw si Marie ng ipasok ito sa ICU na unti-unti ring nawalan ng malay. Nagbago rin daw ang kulay ng balat nito na naging purplish-red color na mabilis na nangitim. Nagdevelop rin daw ng blood clot sa katawan ni Marie na naging mahirap sa kanila para tukuyin ang kaniyang sakit.
“It was difficult to identify, We’re kind of the detectives. We went through all these diagnoses until we could narrow things down.”
Ito ang pahayag ni Dr. Margaret Kobe, medical director of infectious disease sa Aultman Hospital sa Canton, Ohio. Siya rin ang doktor na tumingin at sumuri sa kondisyon ni Marie.
Matapos ang pitong araw ay saka palang nadiskubre ng mga doktor ang sakit ni Marie. Ito pala ay isang severe infection na nakuha niya mula sa halik at laway ng kaniyang alagang German Shepherd.
Kumalat din daw ang impeksyon sa kaniyang ilong, tenga, binti at mukha. At para hindi na tuluyang mapunta pa sa ibang parte ng katawan ang tanging solusyon ay putulin na ang kaniyang kamay at paa na sobrang naapektuhan ng impeksyon.
“She didn’t lose parts of her face. But her extremities is what she had to have surgery on”, dagdag ni Dr. Kobe.
Para makasigurado ay kumuha ng second opinion mula sa ibang doktor ang pamilya ni Marie. Dahil umaasa sila na baka pwede pang maililigtas ang kaniyang mga kamay at paa. Ngunit, nakumpirma ng mga blood test at cultures na ginawa sa kaniya, siya nga ay nakaranas ng Capnocytophaga Canimorsus Infection at ito ay malubha na. At ang tanging paraan para mailigtas ang buhay niya ay ituloy ang surgery at tuluyan ng putulin ang kaniyang kamay at paa.
Capnocytophaga Canimorsus Infection
Ayon sa CDC o Center for Disease Control and Prevention, ang Capnocytophaga Canimorsus Infection ay dulot ng germs na kung tawagin ay capnocytophaga. Ang germs na ito ay naninirahan sa bibig ng mga tao, aso at pusa. Ngunit bibihira daw na nakakapagdulot ng sakit ang germs na ito sa mga tao. Maliban nalang kung may mahinang immune system ang isang tao o nakakaranas ng sumusunod na kondisyon:
- Umiinom ng alak ng madalas o sobra
- Wala ng spleens o lapay
- Mayroong HIV infection o cancer
Naililipat naman ng alagang hayop ang germs na ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng close contact sa kanila o kaya naman ay ang pagkagat, paghalik o pagdila ng alagang hayop sa sugat o galos na sariwa pa.
Sa kaso ni Marie ay naalala niyang nadilaan ng German shepherd puppy niya ang slightly infected niya ng sugat.
Ang mga makakaranas ng Capnocytophaga Canimorsus Infection ay makakaramdam ng sintomas o pagkakasakit sa loob ng tatlo o limang araw matapos ma-expose sa germs. May iba namang nakakakuha ng impeksyon na nagpapakita ng palantandaan ng mas maaga. Habang may naitala ring kaso ng Capnocytophaga Canimorsus Infection na nauwi sa sepsis na ikinamamatay ng 3 out of 10 nitong biktima.
Sintomas ng Capnocytophaga Canimorsus Infection
Ang mga sintomas ng Capnocytophaga Canimorsus Infection ay ang sumusunod:
- Blisters o paltos sa paligid ng sugat sa loob ng ilang oras matapos makagat o madilaan ng alagang hayop
- Pamumula, pamamaga, pagnana o pananakit sa sugat na nakagat o nadilaan ng alagang hayop
- Lagnat
- Diarrhea o pananakit ng tiyan
- Pagsusuka
- Sakit sa ulo o pagkalito
- Muscle o joint pain
Nagdudulot rin ng seryosong komplikasyon ang Capnocytophaga Canimorsus Infection tulad ng heart attack, kidney failure o gangrene o pagkabulok ng body tissue na apektado ng impeksyon.
Ayon parin sa CDC, 74% ng mga aso ay nagtataglay ng germs na ito. Maaring idaan daw sa test ang mga alagang hayop para makasigurado. Bagamat ito rin daw ay pabago-bago.
Ang Capnocytophaga Canimorsus Infection ay nalulunasan daw sa tulong ng antibiotics. Maliban nalang kung kumalat na ito at naging kasing lala ng kay Marie.
Kaya paalala ng CDC, kung makagat o madilaan ng alagang hayop ang sugat ay hugasan ito agad ng tubig at sabon. At agad na magpunta sa doktor kahit wala pang nararamdaman na kahit anong sintomas. Dahil maliban sa capnocytophaga bacteria ay delikado parin sa tao ang rabbies na mula sa hayop.
Ngunit hindi naman daw lahat ng alagang hayop ay maaring magdala ng capnocytophaga germs. Pero kailangan paring mas maging maingat sa pakikisalumaha sa kanila lalo na kung may sugat na maaring maimpeksyon at mapasukan ng nakakatakot na germs ng capnocytophaga.
Source: CNN, CDC
Basahin: Bata nagkaroon ng impeksyon sa mata dahil sa alagang aso!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!