Madalas na bang hindi makadumi ang iyong anak? Tamang-tama dahil narito na ang pinakaimportanteng impormasyon tungkol sa constipation at diarrhea ng baby!
Mayroon ka bang katanungan tunkgol sa constipation at diarrhea ni baby? Narito ang mga dapat mong malaman.
Dati, nahihiya kang pag-usapan ang tungkol sa pagdumi. Pero kapag naging magulang ka na, bahagi na ng buhay mo ang poop. Normal na sa ‘yo ang magpalit ng maduming diaper ni baby ilang beses sa isang araw at minsan, binabantayan mo pa nga kung nakakailang dumi siya sa loob ng isang araw.
Pagdating sa mga baby, mayroong dalawang sakit na may kinalaman sa kanilang pagdumi – ang constipation at diarrhea.
Karaniwan, malambot talaga ang dumi ng isang sanggol, at normal rin sa kanilang na dumumi ng higit sa isang beses sa isang araw. Pero kung napapansin mo na malambot at parang matubig ang kaniyang dumi at mas madalas kaysa dati, maaaring may diarrhea ang iyong anak.
Kabaliktaran naman nito ang constipation, kung saan hirap sa pagdumi ang baby at madalas ay matigas ang kaniyang dumi.
Constipation at diarrhea ng baby | Image from Freepik
Ang mga sakit na ito ay maaaring magdulot ng pagkabalisa. Kung hindi aagapan, maaaring maapektuhan ang kalusugan ng iyong sanggol.
Para mas maintindihan ang constipation at diarrhea ng baby, narito ang ilang bagay na makakatulong sa pag-aalaga ng batang may karamdaman sa tiyan.
Talaan ng Nilalaman
1. Nakakatulong na alamin kung ano ang normal o hindi sa poop ng isang sanggol.
Bago ang lahat, dapat mong malaman na nakakaapekto ang gatas o pagkain ni baby sa itsura, kulay at dalas ng kaniyang pagdumi.
Sa mga exclusively breastfed babies, ang kanilang poop ay malambot na parang cottage cheese, kulay dilaw at may mga maliliit na buto.
Madalas ang kanilang pagdumi – minsan, pagkatapos nilang magdede ay dudumi na agad sila. Pagdating ng 6 na linggo, dadalang ang kanilang pagdumi. Normal rin sa kanilang ang hindi dumumi ng ilang araw, dahil madaling ma-digest ang breastmilk at kaunti lang ang kailangang ilabas na dumi.
Pagdating naman sa mga formula-fed babies, mas matigas ang kanilang dumi at mas regular rin ito.
Sa kanilang ika-6 na buwan, magsisimula nang kumain ng solid food ang mga sanggol at mag-iiba na naman ang hitsura at maging amoy ng kanilang dumi. Maaari itong maging kasing-kulay ng kaniyang pagkain at mas mabaho kaysa dati.
Normal sa mga baby na magkaroon ng yellow, green o brown na poop. Kapag lampas na sila ng 6 na linggo, normal rin ang hindi dumumi sa loob ng isang araw hanggang isang linggo, basta nakakadede ng maayos si baby at nadaragdagan ang timbang.
2. Ang constipation at diarrhea ng baby ay maaaring sanhi ng allergy ng bata sa pagkain
Kapag naramdaman ng digestive system ang pagkain na isang allergen, may reaksiyon ang digestive tract o bituka para labanan ito.
Ito ang magiging dahilan ng diarrhea, dahil pinapabilis ang panunaw. O kaya naman ay pinapabagal ang panunaw para hindi kumalat sa ibang bahagi ng digestive tract—kaya’t nahihirapan dumumi.
Ipinapayo ng doktor ang isa-isa at dahan-dahan na pagpapakilala ng pagkain kay baby para malaman kung ano ang hindi kasundo ng tiyan nito.
3. Ang diarrhea ng baby ay sanhi ng pagkairita ng gastrointestinal tract
Ang diarrhea ay sanhi ng pagkairita ng gastrointestinal tract kung kaya’t pinapabilis nito ang pagtunaw at pagdumi para mailabas na ang mga irritant.
Madalas, hindi kasundo ng tiyan o sistema isang uri ng pagkain o gatas kaya nagkakaroon ng diarrhea o pagtatae.
Bagama’t hindi lahat ng ganitong uri ng pagdumi ay matuturing na diarrhea, kailangan pa rin obserbahan kung gaano kadalas at ano ang itsura ng dumi.
Tandaan na ang diarrhea ay mas matubig at may kakaibang kulay at amoy. Mas madalas din ito kaysa ordinaryong pagdumi ng bata. Idagdag pa ang pagsakit ng tiyan, lagnat at buo-buo pang pagkain sa dumi na hindi natunaw nang maigi.
Itanong sa pediatrician kung ano ang mga pagkaing makabubuti sa kondisyon ni baby.
Constipation at diarrhea ng baby | Image from Freepik
4. Impeksiyon at food poisoning ang dalawang karaniwang sanhi ng diarrhea
Minsan ay may nakakakain o naisusubo si baby na may mga infectious microorganisms. Malalamang impeksiyon ito kung nilalagnat at nagsusuka ang bata, tulad din ng food poisoning.
Ayon kay Dr. Maria Belen Vitug-Sales, isang pediatrician at espesyalista sa gastroenterology sa Makati Medical Center, dapat siguruhing malinis ang mga gamit ni baby gaya ng mga tsupon at feeding bottles para maiwasan ang impeksyon.
“Make sure na nalilinis ng maayos iyong mga nipple, iyong mga feeding bottles, make sure na it’s thorougly clean.” aniya.
Dagdag pa niya, kailangan ding bantayan si baby habang lumalaki dahil maaari silang makakuha ng impeksyon mula sa mga bagay na isinusubo nila.
5. Kapag hindi naagapan ang pagtatae, may panganib na ma-dehydrate ang bata
Dahil sa mabilis na pagdaan ng dumi sa intestines ng bata, mabilis matuyo at maubos ang tubig sa kaniyang katawan.
Kapag tuyo ang bibig, madalang ang pag-ihi (o basang diaper), lubog ang bumbunan at walang luha kapag umiiyak ang isang sanggol, maaaring nade-dehydrate na ito.
Payo ni Dr. Sales, kailangang mapalitan agad ang tubig na nawala sa katawan ng isang sanggol. “Kapag nagtatae, ang first priority is always to hydrate para mapalitan mo iyong nilabas niya. So you give more fluids now.” aniya.
Kung hindi maaagapan ang dehydration, maaaring magdulot ito ng low blood pressure at pagkombulsyon, kaya paalala ni Dr. Sales, mahalagang ipaalam agad sa iyong doktor kung nagtatae ang iyong sanggol.
“First thing you do is hydrate, palitan natin. Then call your pedia, kasi ang danger natin the baby gets dehydrated. Kapag na-dehydrate si baby, sometimes (he) may get into seizures. Kasi nawawalan ka ng salt sa body, mga sodium at potassium, nawawala.” dagdag niya.
Para mapalitan ang sodium at potassium na nawala sa kaniyang katawan, maari ring uminom si baby ng oral rehydration salts na ihahalo sa tubig o gatas niya.
6. Sa constipation, mahalagang tingnan ang hitsura ng poop ni baby
Sapagkat normal para sa mga sanggol ang hindi dumumi sa loob ng isang araw o maging isang linggo, hindi epektibong basehan ang dalas ng kaniyang pagdumi para sabihing may constipation ang iyong anak.
Ayon kay Dr. Sales, mas mabisang basehan para malaman kung may constipation ang isang sanggol ay ang hitsura ng kaniyang dumi. “Ang titingnan mo iyong consistency ng poop. Dapat iyong normal siya na malambot.” aniya.
Kapag ang dumi ni baby ay maliliit at matitigas, o kaya naman malaki at matigas, at maitim (dark) ang kulay nito, maaaring constipated siya.
7. Maaaring matakot nang dumumi si baby kapag mayroon siyang constipation
Gayundin, mapapansin mo na hirap ang baby sa pagdumi kung umiiyak o iritable siya habang ginagawa nito.
Matigas kasi ang dumi na lumalabas sa kaniya kaya inaasahang masasaktan ang baby. Bilang resulta, natatakot na silang dumumi kaya minsan ay pinipigilan na ito ng sanggol.
Pahayag ni Dr. Sales,
“Kasi ang nagiging problema sa constipation, iyong poop is matigas, masakit. Iyon iyong medyo traumatizing sa babies so natatakot na sila and they hold on. Ayaw na nilang magpopoo kasi masakit, pipigilin na nila, it makes everything worse.”
Tamang bilang ng pagdumi ng baby | Image from Fotolia
8. Ang pangunahing sanhi ng constipation ay hindi agad natutunaw ang pagkain sa tiyan ni baby
Maliit pa ang bituka ni baby at wala pa siyang ngipin para nguyain at paliitin ang mga piraso ng pagkain. Hindi kagaya ng gatas, mas mahirap i-digest ang solid food sa tiyan ni baby at maaaring manibago ito.
Minsan, ito ay dahil rin sa kakaibang problema sa bituka, tulad ng Hirschsprung’s disease, isang congenital condition kung saan walang nerve cells sa large intestine kaya’t hindi makatunaw ng pagkain.
9. Makakatulong ang tamang nutrisyon at ehersisyo para labanan ang constipation.
Ayon kay Dr. Sales, ang pinakamainam na paraan para matulungan mo ang iyong anak sa kaniyang pagdumi ay ang siguruhing nakakakain o nakakadede siya ng maayos.
Kung kumakain na ng solids si baby, siguruhin na mayroong siyang balanced diet. Bigyan siya ng mga prutas at gulay na mayaman sa fiber tulad ng peas, broccoli, avocado, pear, at blackberries, pati oatmeal at iba pang grains. Umiwas rin sa mga pagkain na mahirap i-digest ng kaniyang tiyan.
“In general, we tell parents na once your baby starts solids, you have to make sure na balanced ang diet nila. Dapat mayroong fiber.” sabi ni Dr. Sales.
Dagdag pa niya, ugaliin ding painumin si baby ng maraming tubig, lalo na kapag mainit ang panahon para maiwasan ang dehydration. Painumin siya ng tubig pagkatapos kumain para makatulong sa digestion.
Subukan din ang pagpapainom ng paunti-unting prune, apple, o pear juice kapag nahihirapan siya sa pagdumi. Pwede rin itong ihalo sa gatas.
Mas nahihirapan ang tiyan na mag-digest ng pagkain kapag nakahiga si baby, kaya hayaan siyang maging malikot. Nakakatulong ang pag-eehersisyo para matulungan ang panunaw ng bata.
Ilakad si baby sa labas at imasahe rin ng dahan-dahan ang katawan lalo na ang tiyan at mgabinti ni baby.
10. Minsan ang gatas ang gamot sa pagtatae o pagpapalit mula breastmilk ang sanhi ng constipation.
Napapansin din ng iba na nako-constipate si baby kapag nagpapalit na ng gatas mula sa breastmilk papunta sa formula milk. Mas madali kasi talagang matunaw sa tiyan ang gatas ng ina. Ang formula milk kasi ay may mga sugar at protein at mas mahirap tunawin sa tiyan ng isang sanggol.
Madalas na pinapayo ng doktor ang pagdadagdag ng tubig sa timpla ng formula milk, para sa ilang timplahan. Ibinabalik ito sa dating timpla kapag umayos na ang pagdumi ng bata.
11. Lubhang delikado ang pagtatae sa mga sanggol na wala pang 4 na buwan, kaya dalhin kaagad ito sa doktor sa unang suspetsa pa lamang.
Mahina pa ang immune system ng mga baby sa ganitong edad, kaya’t maaaring lumala ang akala ay mild infection o karaniwang pagdudumi lang.
Sa unang senyales pa lang ng dehydration, kailangan agad dalhin sa doktor, lalo na kung ayaw uminom ng tubig at halatang nanghihina na ang bata.
Gayundin kung ang iyong baby (anumang edad) ay nakakaranas ng mga sumusunod na sintomas, dalhin agad siya sa ospital:
- lagnat
- pananakit ng tiyan
- may dugo sa kanilang dumi, o dumi na kulay itim, puti o pula
- labis na panghihina o pagkabalisa
- pagsusuka
12. Kapag napansin na labis na nahihirapang dumumi si baby, huwag mag-atubiling kumonsulta sa doktor
Kapag napapansin nang hirap na hirap ang bata sa pagdumi, may nakitang dugo sa dumi, at nasasaktan na. Huwag magdalawang-isip na magtanong sa pediatrician ni baby kung anong dapat gawin.
Kapag sobrang tigas ng dumi ng sanggol, maaaring masugatan o magasgas ang puwet ng bata.
May mga stool softener na maibibigay ang doktor. Kapag nanghihina na ang bata, nagsusuka at malaki at matigas ang tiyan, dalhin siya agad sa doktor.
Para makaiwas sa constipation at diarrhea ng baby, ugaliing tanungin ang iyong doktor tungkol sa mga pagkaing pwede na sa iyong anak bago ihain ito sa kaniya. Huwag din magbibigay kay baby ng anumang gamot ng walang payo ng kaniyang pediatrician.
Higit sa lahat, huwag mahiyag magtanong sa inyong pediatrician kung mayroon kang tanong tungkol sa constipation at diarrhea ng iyong baby, o may napapansing kakaiba sa kaniyang pagdumi.
Tae ng baby
Mahalagang laging namo-monitor ang diaper ni baby mga mommies. Ang tae ng baby ay nagbibigay ng anomang senyales o indikasyon hinggil sa kanyang kalusugan at kung nakaka consume sila ng tamang dami ng gatas.
Dagdag pa, ang maruruming diaper na may tae ng baby ay nagpapahiwatig na walang constipation at diarrhea si baby.
Kung ilang beses ang normal na pagdumi ng baby sa mga unang linggo ay nakadepende sa kung sila ay breastfed o formula fed. Kung magsi-switch ka mula sa breastfeeding patungong formula milk, o vice versa, mag-expect ng pagbabago sa consistency ng tae ng baby.
Ilang beses ang normal na pagdumi ng baby?
Karaniwan, may ilang beses na normal na pagdumi ng baby. Pero, maliban sa kung formula fed o breastfed si baby, maaari ring magkaroon ng pagbabago sa kung ilang beses nagpapalit ng diaper ng baby.
Maaari ding magkaroon ng average na lima hanggang anim na diaper change (madalas dahil sa pag ihi) kada araw sa ganitong period ng buhay ng baby. Ngunit paano naman ang ilang beses ang normal na pagdumi ng baby at bilang ng pagpapalit ng diaper dahil sa tae ng baby?
Kadalasan sa mga newborn baby, may at least isa o dalawang beses silang dumudumi kada araw. Sa paglipas ng isang linggo, maaari ng maging 5 hanggang 10 beses dumumi si baby.
Posible rin na dumumi si baby kada pagkatapos niyang mag-breastfeed o uminom ng formula milk. Ang dami kung ilang beses ang normal na pagdumi ng baby ay maaaring bumaba habang mas dumarami ang feeding at habang lumalaki siya sa unang buwan niya.
Kapag umabot na ng 6 weeks si baby, pwedeng hindi siya dumumi kada araw. Hindi ito indikasyon ng anomang problema sa kalusugan ni baby. As long as na komportable pa rin siya at malusog habang lumalaki. Dagdag pa, basta’t hindi tumitigas ang tae ng baby.
Chart ng tamang bilang ng pagdumi ng baby by age
Maaaring dumumi si baby ng meconium, isang itim, malagkit at tar-like na substance sa mga unang araw pagkatapos siyang ipanganak. Makalipas ang tatlo pang araw, ang tae ng baby ay magiging mas lighter o mapusyaw ang kulay, at mas malambot.
Pwedeng ang kulay ng dumi ni baby ay light brown, dilaw, o yellow green.
Batay sa pagsasaliksik namin, mula sa the Healthline.com, narito ang chart ng tamang bilang ng pagdumi ng baby habang lumalaki siya pagkatapos ng delivery.
|
|
Day 1 hanggang day 3 |
unang 6 na linggo |
Matapos mag-start kumain ng solid food |
Kung breastfed si baby |
Ang newborn baby ay maaring dumumi ng tinatawag na meconium sa loob ng 24-48 oras pagkatapos siyang ipanganak. Magbabago ito ng kulay sa yellow-green pagsapit ng day 4. |
Mas malambot at yellowish ang dumi ng baby. Mag-expect na magiging at least 3 beses ang tamang bilang ng pagdumi ng baby kada araw. Pero, pwede ring maging 4 hanggang 12 beses para sa ibang baby. Pagkatapos ng panahon na ito, magiging madalang na lang ang pagdumi ng baby. |
Mas magiging madalas ang pagtae ni baby pagkatapos niyang kumain ng solid food. |
Kung formula fed naman si baby |
Ang newborn baby ay maaring dumumi ng tinatawag na meconium sa loob ng 24-48 oras pagkatapos siyang ipanganak. Magbabago ito ng kulay sa yellow-green pagsapit ng day 4. |
Ang kulay ng tae ng baby ay magiging light brown o greenish. Posibleng ang tamang bilang ng pagdumi ng baby ay 1 hanggang 4 na beses. Pagkalipas ng isang buwan, magiging every other day na lang ang pagdumi ni baby. |
1 hanggang 2 beses na pagdumi kada araw. |
Mangyari pa ring i-konsulta sa inyong pinagkakatiwalaang pediatrician kung may napapansin na kayong hindi tamang bilang ng pagdumi ng baby. Maiging maagapan agad ito bago pa lumala.
Karagdagang ulat mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!