Sakay sa jeep, tricycle, UV, taxi, o grab, akyat baba sa overpass, may malaking bag na may lamang diaper, tubig, snacks, mga libro at journals para sa klase. Ang tawag sa akin ng mga kaklase ko ay “Mommy Joyce. Totoo isa akong estudyanteng nanay.
Bitbit ko kasi palagi ang mga anak ko tuwing papasok ako sa klase. Minsan isa, minsan dalawa silang kasama ko. Mabuti na lang at maunawain ang mga professors at classmates ko.
Minsan may napapakiusapan ako na kaibigan o kamag-anak para magalaga sa mga bata. Pero kapag wala talagang magbabantay sa kanila, no choice kundi dalhin sila sa klase.
Bilang isang estudyanteng Nanay
Mahirap dahil hindi ka makapag-concentrate, napakarami mong dala at nakakapagod talaga. Nagsisimula ang klase ng 5:00pm. Yun din ang oras na matatapos ang trabaho ng asawa ko.
Galing sa trabaho, didiretso siya(asawa) sa UP para sunduin ang mga anak namin. Minsan, patapos na ang klase bago siya dumating. Napakarami naming experiences na nakakatuwa, nakakatawa, nakaka-stress at nakaka-bless.
Naalala ko ‘yong araw na ako ang nakatakdang mag-report sa klase. Seven months pa lang ang second baby ko noon at dahil nasanay siya sa direct breastfeeding, ayaw niya mag-feed sa bottle.
Sinubukan ko na lahat ng brand ng nipple pero ayaw niya talaga. Kahit cup feeding, ayaw din. Hindi pa rin siya malakas kumain ng solid food that time.
Pinakiusapan ko ang brother-in-law ko na sumama sa amin sa UP. Siya lang kasi ang available nung oras na ‘yon. Siya ang nagkarga kay baby sa hallway habang nagre-report naman ako sa loob ng classroom.
Habang nasa last few slides na ako ng aking report ay dinig na dinig na sa buong building ang napakalakas na iyak ni baby. Gutom na gutom na siya.
Mga pinagdaanan ko bilang isang estudyanteng nanay.
Estudyanteng Nanay: Mahirap pero kinaya ko dahil na rin sa tulong ng iba
Salamat sa professor ko na napakabait, sinabihan niya ako na kunin na muna si baby para ipa-breastfeed. Tinuloy namin ang discussion ng kumalma na siya at sa wakas ay nakatulog.
Nagkaroon din ng time na nakalimutan kong magdala ng pamalit na damit at diaper sa sobrang dami kong iniisip. Dumating na ang asawa ko para sunduin sila ng mapansin naming nag-poop pala si baby.
Hindi ko alam kung paanong diskarte ang ginawa ng asawa ko. Dahil bumalik na agad ako sa klase ng maibigay ko sa kaniya si baby. Dahil wala namang mabibilhang diaper sa loob ng campus, nakita ko na lang paglabas ko sa klase na nakasuot ng oversized shirt si baby.
Mabuti na lang at may baon na extra shirt si hubby. Happy naman si baby pero si hubby – sobrang stressed. Haha!
Hindi ko akalain na aabot ng limang taon bago ko matapos ang aking Master’s degree. Three years old pa lamang ang aking panganay ng simulan ko ang aking pag-aaral.
Estudyanteng Nanay: Kung bakit ko sinasama ang mga anak ko sa klase
Sinasama ko siya noon sa klase dahil wala kaming kasambahay. Bukod sa napakahirap maghanap ng helper, work from home din naman ako. Kaya naniwala ako na kaya ko naman pagsabayin lahat – pag-aaral, pagtatrabaho at pag-aalaga ng bata.
Behaved naman siya sa klase ko at natutuwa rin ang iba kong mga classmate tuwing sinasama ko siya. Kahit buntis na sa pangalawang baby ay tuloy lang ang aral at trabaho.
Commute kahit malaki ang tiyan — sa umaga ay hatid sundo si panganay sa preschool nya, sa gabi naman ay aral pa rin. Akala ko ‘yon na ang pinakamahirap na part ng journey na ito — ‘yong pagod sa walang katapusang commute habang buntis at may dalang baby. Darating pa pala ang mas mahirap pa.
Huling semester ko na sa UP kaya kahit na nagkaroon ako ng COVID sa kalagitnaan ng sem. Tuloy pa rin ako sa pag-attend ng online class.
Mahirap maging isang estudyanteng nanay pero sa awa ng Diyos nakaya ko, nakaya namin.
Naapektuhan din ang aming business ng mga lockdowns kaya kinailangan kong magdagdag pa ng side business para maka-survive kami.
Nagpapasalamat ako dahil sinuportahan din ako ng aking mga kaklase, professors, mga kaibigan at kamag-anak sa pagbili ng aking mga binebenta online.
Last May 2021, naipaalam sa akin ang mga instructions para sa aking exit comprehensive exam. Dali-dali naming inayos ang maliit naming stock room, pininturahan at nilagyan ng isang lamesa at silya para maging exam room ko sa loob ng dalawang araw.
BASAHIN:
REAL STORIES: Pros and Cons of teaching during pandemic, a teacher-mom shares
TAPMoms sa kanilang younger self: “Sana pala in-enjoy mo muna ang buhay mo nung dalaga ka pa”
REAL STORIES: “From Ma’am to Full-time Mom”
Estudyanteng Nanay: Mga pagsubok
Kahit napakaraming challenges (unstable internet connection, gadgets na hindi gumana at na-lowbat, mga anak na katok ng katok sa kwarto habang nageexam ako, at marami pang iba), sa awa at tulong ng Panginoon ay nairaos namin ito. Sa wakas, nakuha ko rin ang inaasam kong Master’s degree. Sa wakas, nakapag “sablay” na rin.
Hindi ko makalimutan ang araw ng virtual graduation ceremony kung saan may isang student athlete na nagbahagi ng kaniyang karanasan kung paano niya nairaos ang huling taon niya sa UP sa gitna ng pandemya.
Gamit ang kaniyang bike, pumasok siya sa isang food delivery service. Bitbit ang mabigat na bike sa overpass kasama pa ang ide-deliver niyang pagkain, tumutulo ang luha niya habang ikinukwento sa camera ang mga hirap na tiniis niya.
Naisip ko na hindi naman pala kakaiba ‘yong pinagdaanan ko. Hindi lang pala ako ‘yong nahirapan. Halos lahat ay talagang nangapa at nagsumikap na mairaos ang school year sa kalagitnaan ng pandemya.
Napakaganda rin ng mensahe na iniwan ni Dr. Gap, direktor ng PGH at panauhing pandangal sa ika-110 pangkalahatang pagtatapos ng UP Diliman.
“Human resource is still our greatest asset. Walang anumang teknolohiya ang tatabi sa isang naghihingalong may covid. Sumama magdasal at hawakan ang kanyang kamay hanggang sa huling sandali ng kaniyang paghinga.
Walang makina na pabalik-balik na aakyat sa nasusunog na gusali upang ibaba ang halos 40 na bagong silang na sanggol upang maalis sa tiyak na kapahamakan.
O kaya’y tatayo sa kaniyang kama sa ospital limang araw lamang pagkatapos ang operasyon upang tumulong pumatay ng lumalagablab na apoy.
Hindi sila mga kakaibang tao. Hindi sila superman. Katulad niyo rin sila na may sariling ambisyon, problema at adhikain.
Sigurado ako na kayong mga magsisipagtapos ngayong umaga, katulad nila, kayo ay tatayo at maninindigan para sa kapakanan ng iba.”
Isa akong estudyanteng nanay pero ito na nakamit ko na ang pangarap kong Master’s Degree at makapag-Sablay
Hindi ko malaman kung bakit tumutulo ng walang patid ang luha ko ng marinig ko ang mga salitang iyon. Siguro dahil napagtanto ko na iyong mga paghihirap ko pala ay wala pa sa katiting ng paghihirap na nararanasan ng iba.
Nahirapan ako abutin ang pangarap ko para sa sarili ko. Pero napakarami pala sa paligid ko ang handang maghirap para sa kapakanan ng iba.
Siguro dahil na rin sa alam na alam ko ang buhay ng isang healthcare worker dahil sa matagal kong pagtratrabaho sa pampublikong ospital bago pa man ang pandemya.
Sa loob ng limang taon ng aking pag-aaral, sa tuwing nahihirapan ako at gusto ko ng sumuko, lagi kong sinasabi sa sarili ko na “Si doc nga, nakaya niya”.
Napakarami kong nakita noon na mga nanay na doktor na nagpapatuloy sa kanilang training, kahit sila ay buntis, nanganak o nagpapa-breastfeed.
Kaya kapag hirap na ako, maiisip ko, “
“Si Doc Mish nga, nagdu-duty pa magdamag, nagre-research pa, nag-o-OPD pa sa umaga, nakaya niya habang buntis siya. Ano ba naman tong akin?”
Kapag gusto ko na tumigil na lang, naiisip ko,
“Si Doc Carol nga, nagpapump pa ng breastmilk habang OPD clinic para may maiuwi siyang gatas sa anak niya, ano ba naman tong akin?”.
Kapag pagod na ako, naiisip ko,
“Si Doc Leng nga, chief resident pa, ang laki-laki ng tyan, napakabilis kumilos kapag inutusan ng consultant niya, ano ba naman tong akin?”.
Napakapalad ko na nakilala ko at nakita ko ng personal ang mga ganitong klaseng mga malalakas na kababaihan; na hindi isinantabi ang kanilang pangarap at mga ambisyon sa buhay dahil lamang sila ay naging ina.
Marahil sa iba, OA at hindi ideal ang naging set up namin habang ako ay nag-aaral. Pero hindi ko rin inakala na magiging ganito ang mga eksena ng una akong nag-apply sa master’s program na ito.
Marahil dahil nasa kolehiyo ng ekonomiyang pantahanan ako at ang inaaral namin ay ang pagpapaunlad ng pamilya at bata kaya ganun na lamang ang suporta na natangap ko.
Marahil sa dami ng mga nakasalamuha ko noon na mga kababaihan na nagpahanga talaga sa akin at nakita kong nakaya naman nilang pagsabayin ang kanilang pagiging ina, pag-aaral, pagtratrabaho at pag-abot ng kanilang mga pangarap.
Kaya siguro malakas ang loob ko at naniwala ako na kaya ko rin. Ang pangarap kong sablay ay nakamit ko matapos ang 18 years. Nangarap akong makagraduate sa UP noong nagtapos ako ng high school.Pero hindi ako nabigyan ng pagkakataon na matupad ‘yon agad.
Napakahaba man ng paglalakbay, sa huli ay sulit naman ang naging biyahe.
Napakaraming mga natutunan. Napalakas ang ating karakter at pananampalataya. Nahubog ang ating pagkatao. Namulat ang ating isipan.
Nabago ang ating pananaw. Na ang tagumpay pala ng isang tao ay hindi nasusukat sa diplomang papel, sa sablay, o sa ano mang seremonya ng pagtatapos.
Ang tagumpay pala ay makikita sa araw-araw na paglaban sa mga hamon ng buhay. Ang makatulong sa iba, makapagbigay inspirasyon sa iba, maiangat ang iba, magbigay direksyon sa iba, maglingkod sa iba, iyon pala ang tunay na tagumpay.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!