Balisawsaw: Lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa kundisyon na ito

lead image

Ilang medical facts tungkol sa sakit na ito, at paano nga ba ito gagamutin

Noong bata pa ako, sinasabihan ako ng matatanda na huwag uupo sa mainit na upuan o sahig, at baka ma-balisawsaw ako. At hindi nga biro ang balisawsaw —masakit, nakakairita at istorbo dahil maya’t maya ay naiihi ka.

Sa terminong medikal, dysuria ang sintomas na nararamdaman at tinatawag na balisawsaw ng mga Pilipino. Mahapdi o kumikirot ang pag-ihi, at parang hindi ka mapakali dahil masakit at parang palagi kang naiihi, pero minsan ay wala namang lalabas. Mas karaniwan daw ito sa mga babae kaysa sa lalaki, at kung nangyayari man sa lalaki, nangyayari ito sa mga mas matanda kaysa bata.

Maraming nakakaranas ng madalas na pag-ihi. Kapag lagpas ng 3 litro kada araw ang ihi, tinatawag naman itong polyuria. Iba ang madalas na pag-ihi o balisawsaw sa tinatawag na urinary incontinence, kung saan nakakaranas na ng paglabas ng ihi nang walang anumang kontrol o hindi namamalayan.

Madalas din, ang balisawsaw ay maaaring sintomas ng mas malalang kondisyon. Ang maagang diagnosis at paggamot nito ay makakatulong na makaiwas sa anumang delikadong kahihinatnan o komplikasyon.

Ano nga ba ang sanhi ng sakit na ito?

May ilan sanhi ang balisawsaw o masakit at madalas na pag-ihi:

1. Impeksiyon. Isa sa pinakakaraniwang sanhi ay urinary tract infection (UTI), lalo sa mga babae. Pumapasok ang bacteria sa bladder papunta sa urethra at nagkakaron ng impeksiyon. Maaaring may impeksiyon sa kidney, bladder, o urethra, kaya masakit ang pag-ihi.

Maaring sanhi din ito ng vaginal infection, tulad ng yeast infection, na may kasamang mabahong amoy at discharge.
Mayro'n ding sexually transmitted infections tuald ng genital herpes, chlamydia, at gonorrhea, na bukod sa makirot na pag-ihi ay may kasamang pangangati, hapdi at sugat.

2. Pamamaga, dahil sa bato sa urinary tract, pagkairita ng urethra dahil sa pakikipagtalik, interstitial cystitis na sanhi ng pamamaga ng bladder, mga sintomas ng menopause, sensitibong ari dahil sa paggamit ng mabangong sabon, toilet paper, o douche at spermicide, mga aktibong gawain tulad ng pagbibisikleta o pangangabayo.

3. Overactive na bladder. Ayon sa mga urologists ng Mayo Clinic, ang pag-ihi ng 8 beses pataas sa loob ng 24 na oras ay matuturing na “frequent urination”. May naitalang kaso ng overactive bladder sa Amerika pa lamang na nasa halos 33 milyon, na inilathala ng American Urological Association, o 40% ng kababaihan sa United States.

Ang sakit na diabetes ay maaari ding sanhi ng madalas na pag-ihi. Nariyan din ang labis na pag-inom ng caffeine, nicotine, artificial sweeteners, at alcohol na maaaring makairita sa bladder, at makapagpalala sa mga sintomas ng madalas na pag-ihi.

4. Ibang sakit. May ilang mga sakit din na nagiging sanhi ng aktibong bladder at madalas na pag-ihi. Nariyan ang mga kondisyong nakakaapekto sa muscles, nerves, at tissues, tulad ng stroke o multiple sclerosis (MS), estrogen deficiency dahil sa menopause, at labis na bigat ng timbang, pati tumor sa urinary tract. Maaaring side effect ng ilang gamot o medikasyon o supplements.

Ang ilang sintomas na karaniwang kasama ng madalas na pag-ihi o pakiramdam na niihi, ay lagnat, abnormal discharge, labis na pananakit ng ari pero hindi tuluy-tuloy, at kung ang ihi ay patak-patak lang o madami, at may hapdi o kirot sa paglabas ng ihi. Madalas din ay may malakas na amoy ng ihi, masakit ang lower abdomen at lower back, malabo ang ihi o may dugong kasama, labis na giniginaw, pagkahilo at hindi makontrol ang paglabas ng ihi.

src=https://ph admin.theasianparent.com/wp content/uploads/sites/11/2018/10/post 282631 signs of successful implantation lead.jpg Balisawsaw: Lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa kundisyon na ito

Gamot sa balisawsaw

Kahit parang simpleng sakit lang ito, kailangan ng masusing pagtingin at ekpertong paggamot ng doktor. May mga lab tests at physical exam para matukoy ng urologists, mga espesyalista sa urinary system, ang sanhi ng mga sintomas, saka pa lang ito magagamot. Una na dito ang urine test, ayon sa WebMd Journals, na pinagtibay ni Dr. Jennifer Robinson, MD.

Kailangang malaman kung gaano kadalas at kung gaano karami sa bawat pag-ihi, kung may kulay (o dugo) ang ihi, at kung anong klaseng sakit ang nararamdaman sa tuwina.

Ang paggamot nito ay depende sa sanhi o sintomas. Ang unang pagtutuunan ng pansin ay ang pangunahing sakit na dahilan ng madalas at masakit na pag-ihi, ayon kay Dr. Arsenio Meru, MD, general physician. Kung impeksiyon, halimbawa ang pangunahing sakit, antibiotics ang ibibigay.

May mga medikasyon din para sa pag-kontrol ng muscle spasms sa bladder, ayon sa WebMd.

Ilang mga natural at tradisyonal na gamot sa balisawsaw

Para makatulong sa mabilis na paggaling at paghupa ng sakit, may mga maaaring gawin kasabay ng medikal na paggamot na pinayo ng urologist.

Narito ang ilang ligtas na paraan kaantabay ng medikasyon:

  1. Uminom ng maraming tubig (higit 8 baso sa isang araw), juice ng buko at cranberry, at ibang inumin tulad nito para mahugas ang impeksiyon sa ihi, payo ni Dr. Jen Cruz,  doktor ng family medicine.
  2. Umiwas sa mga pagkain o inumin na nakakapagpalala o nagdudulot ng balisawsaw tulad ng alak, citrus juice, kape, tsaa, kamatis at mga pagkaing may kamatis (tulad ng pasta na may tomato sauce, kaldereta, mechado, atbp.), at artificial sweeteners. Dagdagan din ang pagkain ng fiber, lalo kung hirap dumumi, dahil ang constipation ay isang sanhi ng madalas na pag-ihi. Iwasan din ang mga inuming may kemikal tulad ng softdrinks.
  3. Alamin ang tamang Kegel pelvic exercise, para maging matibay ang pelvic floor, at mas makontrol ang pag-ihi.
  4. Siguraduhing hugasan ang ari pagkatapos umihi, at magpalit ng underwear at salawal kung nakikitang madumi na ito, para makaiwas sa masamang bacteria. Sa mga babae, huwag gumamit ng sabong panligo, lalo na yung masyadong mabango. Sa halip ay gumamit ng feminine wash sa tuwing maghuhugas.
  5. Iwasan na ang pagkaing maalat.
  6. Mag-ehersisyo. Maglakad-lakad, tumakbo, magbisikleta para maging maayos ang pagdaloy ng tubig at dugo sa katawan, payo ni Dr. Jen.
  7. May mga naniniwala din sa acupuncture, ang tradisyonal na paggamot ng mga Chinese. May mga paraan ng acupuncture para magamot ang overactive bladder at balisawsaw. Bagamat hindi ito lubusang pinapagtibay ng Western Medicine, maraming nagpapatunay na ito ay nakakagamot ng anumang sakit, kasama na ang balisawsaw. Ayon sa British Medical Journal, mayrong kasalukuyang scientific review na nakatuon sa pagpapatunay kung epektibo nga ang acupuncture.

 

Basahin:

10 Facts tungkol sa UTI (Urinary Tract Infection) sa mga lalaki

Sintomas ng UTI sa baby: Paano mo malalaman at maaagapan?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!