Narito kung ano ang ipinapayong gamot sa mamaso ng mga doktor. Pati na ang mga paraan kung paano ito maiiwasang maranasan ng iyong anak.
Image from Flickr
Ano ang mamaso?
Ayon sa CDC o Center for Disease Control and Prevention, ang mamaso o impetigo ay isang nakakahawang skin infection. Lahat ay maaaring magkaroon nito, pero mas mataas ang tiyansa na maranasan ito ng mga sumusunod:
- Batang edad 2-5 taon.
- Mga naninirahan sa lugar na may mainit na panahon o nakakaranas ng wet and dry season.
- May impeksyon o sugat sa balat.
- Namamalagi o napupunta sa mga crowded na lugar tulad ng school at day care centers.
Ayon naman sa pediatrian na si Dr. Gel Maala, ang sakit na mamaso ay dulot ng bacteria na group A Streptococcus at Staphylococcus aureus. Ang mamaso ay nagsisimula umano sa isang sugat at tumataas ang tiyansa na magkaroon nito kung hindi malinis sa pangangatawan.
Madalas umanong itong tumutubo sa mukha. Pero base sa karanasan ng ilang magulang maaari ring tumubo ang mamaso sa diaper area ng isang bata. Ito ay madalas na nagsisimula bilang butlig na may tubig sa balat ng baby o bata.
“Ang mamaso ay isang uri ng impeksyon na madalas makita sa balat ng baby o bata. Ito ay nakakahawa. Kadalasan ito makikita sa paligid ng bibig, ilong, at ibang parte ng mukha.
Maaari itong magmula sa simpleng kagat ng insekto, eczema, kulob na parte ng katawan, o iritasyon sa balat na kinakamot ng bata. Nakadadagdag sa pagkakaroon ng mamaso ang hindi pagiging malinis sa katawan.”
Ito ang pahayag ni Dr. Maala tungkol sa sakit.
Paano ito nakukuha?
Ang sakit na mamaso ay nakakahawa. Maaaring mahawa rito sa pamamagitan ng paghawak sa mga infected na balat o kaya naman sa mga gamit na nahawakan o nagkaroon ng contact sa taong nagtataglay nito. Tulad na lang ng tuwalya, kumot o sapin sa kama.
Makati ang mamaso o impetigo, kaya naman mas mabilis itong maikalat ng maliliit na bata. Nangyayari ito kapag kinakamot ng bata ang mamaso saka ihahawak ang kaniyang kamay sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan.
Ayon naman sa family physician na si Dr. Emma Lou Quilantang, ito ay madalas na naihahawa sa mga child care settings at tuwing mainit ang panahon.
“Mabilis na naihahawa ito sa eskwelahan o sa mga child care settings. Ito ay madalas nangyayari kung mainit o maalinsangan ang panahon.”
Ito ang kaniyang pahayag.
Image from NHS
Sintomas ng mamaso
May tatlong uri ng mamaso na natutukoy sa sintomas na ipinapakita nito.
Ang unang uri ng mamaso’y tinatawag na non-bullous. Ito ang pinakaraniwan na nararanasan ng mga bata. Nagsisimula ito sa maliliit na blisters o butlig na may tubig sa balat ng baby na parang paltos.
Kapag pumutok na ang paltos o butlig sa katawan ng baby na dulot ng mamaso ay may kulay yellowish brown o tan crust ang tatakip sa bahagi ng katawan na infected ng mamaso. Para itong matatakpan ng honey o brown sugar kung titingnan.
Bullous impetigo naman kung tawagin ang isa pang uri ng mamaso. Dito naman, nagkakaroon ng malalaking paltos na may tubig ang balat na maaring clear o cloudy. Hindi tulad ng non-bullous ay maaaring mas magtagal ang paltos na dulot nito sa balat ng hindi pumuputok.
Ang huling uri ng mamaso ay tinatawag na ecthyma impetigo. Tumutukoy naman ito sa mamaso na namumula-mula ang paligid at nagtataglay ng manilanilaw na crust o covering sa bahagi ng balat.
Anong puwedeng gamot sa mamaso?
Ang mamaso ay madi-diagnose base sa itsura o iritasyon na dulot nito sa balat. Pero para makasigurado kailangang kumuha ng fluid sample ng doktor mula sa sugat o paltos na taglay ng mayroon nito upang mapag-aralan.
Bagama’t hindi naman ito isang seryosong sakit sa balat, ang mamaso ay maaaring magtagal sa balat ng dalawa hanggang tatlong linggo kung hindi malulunasan. Subalit kung mabibigyan ng karampatang lunas, gagaling ito sa loob lamang ng 7-10 araw.
Ayon pa rin kay Dr. Maala, ang mamaso ay magagamot sa tulong ng topical antibiotics o ointment. Pero maaari rin itong magamot ng oral antibiotics na ibinabase sa lala ng sintomas na taglay ng biktima ng sakit na ito.
Kung ang mamaso ay nakakaapekto sa maliit na bahagi lang ng balat ay maaari itong gumaling sa tulong ng antibiotic ointment sa loob ng 5 araw. Ito ang nangungunang gamot sa butlig na may tubig sa balat ng baby tulad ng mamaso.
Kung ito naman ay kumalat na sa iba’t iba o malaking bahagi ng katawan ay nangangailangan ng uminom ng antibiotic sa loob ng 7-10 araw.
Upang masiguro na magagamot ang deeper layer ng balat na infected ng mamaso at hindi na ito magdulot ng mas seryosong impeksyon sa balat.
Para maiwasan ang pagkalat ng mamaso ay maaaring irekumenda ng doktor na matakpan ito ng gasa o loose plastic bandage. O kaya naman ay panatilihing maiksi ang kuko ng isang bata upang hindi ito makamot at mas ma-infect pa.
Ointment at gamot sa mamaso ng bata
Ang gamot at paggamit ng ointment sa bata ay nakadepende sa mga sintomas na meron sila, edad, at kalagayang pangkalusugan. Nakadepende rin ito sa kung gaano kalala ang kanilang mamaso. Ito ang mga ointment at gamot na pwede sa mamaso ng bata:
- Antibiotic cream at ointment – Ginagamit ito para sa mild impetigo o mamaso.
- Antibiotic pills o liquid na iniinom – Mas inaadvise ito ng doktor para sa malalang mamaso ng bata. Maaari din ito lalo na kung may higit sa isa sa pamilya ang may mamaso.
- Paglilinis at pagbabandage ng sugat – Gumamit ng mild soap na maaaring irekomenda ng doktor para hugasan ang apektadong area ng mamaso. Takpan ang mga area na naglalabas ng pagnanana. Ugaliing maghugas muna ng kamay bago hugasan ang sugat ng inyong anak na bata.
Home remedy at mga gamot sa mamaso
Sa pagkakaroon ng mamaso ng inyong anak na bata, makakatulong ang gamot tulad ng home remedy para i-manage ang sakit. Pero, dapat na ay pandagdag na lunas o gamot lamang ang mga ito para sa mamaso. Huwag gawing pamalit ng antibiotic treatment ang mga home remedy at gamot sa mamaso.
Karamihan sa mga home remedy at gamot na ito sa mamaso ay nabibiling mga produkto, supplements, at extract lamang. Maaaring hindi dumaan ang mga ito sa pagsusuri ng Bureau of Foods and Drugs.
Dahil rito, hindi matitiyak kung aling ingredients, o gaano karami ang nilalaman ng mga produkto. Kaya siguruhing bumili sa mga pamilihang may tiyak at safe na kalidad.
1. Aloe vera
Ang African lily plant na ito ang kadalasang inihahalo sa mga moisturizers na produkto. Ang benepisyo ng paggamit ng aloe vera ay maisasama rin bilang home remedy sa mga impeksyon sa balat tulad ng impetigo o mamaso.
Kinokontra rin ng aloe vera ang panunuyo at pangangati dulot ng mamaso.
Paano gamitin: Ipahid ang aloe gel direkta mula sa aloe plant leaf. Mas nagiging epekto ito lalo bilang gamot sa mamaso o sa butlig na may tubig sa balat. Pwede ring subukan ang ointment na may aloe vera bilang gamot sa mamaso ng bata.
2. Bawang o Garlic (Allium sativum)
Subok na ng kasaysayan, lalo na sa ating mga Pilipino, ang paggamit sa garlic o bawang para gamutin ang impeksyong viral, bacterial, maging fungal.
Ang extract mula sa bawang ay kayang i-suppress ang bacteria strains na nagiging sanhi ng impetigo o mamaso.
Paano gamitin: Mag-slice ng kapirasong bawang at ilagay itong direkta sa apektado ng mamaso o butlig na may tubig sa balat.
Pero, huwag itong gamitin bilang lunas sa mga bata dahil magdudulot ito ng iritasyon sa balat.
3. Luya (zingiber officionale)
Ang luyang dilaw ay halamang ugat na may kasaysayan din, hindi lang bilang pampalasa, kundi pati na rin benepisyo. Ginagamit ang luyang dilaw bilang gamot sa mga sakit, tulad ng mamaso, na dulot ng mikrobyo at impeksyon.
Paano gamitin: Maghiwa ng kapirasong luyang dilaw at ilagay ito direkta sa apektadong bahagi ng mamaso o butlig na may tubig sa balat. Magdudulot ito ng kaunting paghapdi. Maaari ring magdikdik ng luyang dilaw para kumuha ng katas, saka ipapahid sa area na may mamaso.
Pero, hindi ito pwedeng gamitin bilang lunas sa mga bata dahil magdudulot ito ng iritasyon sa balat.
4. Luyang dilaw (turmeric o curcuma longa)
Ang luyang dilaw o turmeric ay isa sa mga kilalang herbal spice sa Asya. Subok na ng mga nagdaang panahon ang bisa ng luyang dilaw bilang gamot na anti-inflammatory, kaya maaari din itong gamot sa mamaso o butlig na may tubig sa balat dulot ng impkesyon.
Paano gamitin: Pahiran ng ointment na may luyang dilaw ang bahagi na may mamaso. Makakagawa ng ointment sa pamamagitan ng paghahalo ng kaunting tubig sa turmeric powder para maging paste o ointment.
Photo by Ketut Subiyanto from Pexels
Paano ito maiiwasan?
Ang pangunahing paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng mamaso ay ang pagpapanatili na malinis ang balat. Dapat ang mga bata ay sanayin na laging hinuhugasan ang kanilang kamay.
Ganoon din ang mga sugat, galos o anumang iritasyon sa kanilang balat. Makakatulong din na laging panatilihing maiksi ang mga kuko ng bata.
Upang hindi ito pamahayan ng dumi at bacteria. Kung sakaling may sugat dapat itong takpan ng gasa o bandage. Payo pa ni Dr. Maala, maliban sa pagiging malinis sa katawan, dapat ding maging malinis sa tahanan. Siguraduhing malusog ang mga bata para maiwasan ang sakit sa balat na ito.
“Upang maiwasan ang mamaso, kailangan maging malinis sa katawan at tahanan, at panatilihing malusog ang mga bata.”
Dagdag pang pahayag ni Dr. Maala.
Habang dagdag na payo naman ni Dr. Quilantang, kung sakaling mayroon nito ang iyong anak ay mabuting huwag na muna siyang paglaruin kasama ang ibang bata upang hindi makahawa.
Para maiwasan paring maikalat o maihawa ang impetigo, dapat huwag magse-share ng mga personal na gamit sa bahay. Tulad ng tuwalya, dami at sabon. Kung mayroong miyembro ng pamilya ang may mamaso, dapat labhan sa mainit na tubig ang kaniyang mga damit.
Para maiwasan naman ang group A strep infection, ito ang iba pang dapat na gawin.
- Takpan ang bibig at ilong sa tuwing uubo at babahing.
- Itapon ang mga gamit mong tissue sa tamang basurahan.
- Kung hindi kaya maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon, ay maaring gumamit ng alcohol-based hand sanitizer para masigurong malinis ang kamay mula sa germs.
Komplikasyon na dulot ng mamaso
Ang impetigo o mamaso ay hindi naman lubos na delikado at ang sugat na dulot nito ay naghihilom. Pero kung ang impetigo ay hindi nalunasan at napabayaan ito ay maaring mauwi sa sumusunod na karamdaman.
Staphylococcal scalded skin syndrome
Ang bacteria na Staphylococcus aureus na nagdudulot ng impetigo ay nag-tritrigger ng release ng isang toxin. Ang toxin na ito kapag kumalat sa katawan ay maaring mauwi sa sakit na staphylococcal scalded skin syndrome (SSSS).
Soft tissue infection
Ang parehong bacteria na nagdudulot ng impetigo ay maari ring magdulot ng iba pang sakit sa balat at impeksyon kabilang ang necrotizing fasciitis.
Toxic shock syndrome
Ang mamaso o impetigo kung hindi malunasan ay maari maging life-threatening na kung saan naapektuhan ang skin tissues. Maaring kumalat ang impeksyon sa lymph nodes o kulani at sa daluyan ng dugo. Ito ay maaring mauwi sa toxic shock syndrome na nakamamatay. Para maiwasan ito ay mahalaga ang tamang pag-aalaga ng sugat at proper hygiene.
May mga uri ng bacteria na nagdudulot ng impetigo na maaring maka-damage sa kidney. Kaya naman mas mabuting maagapan agad ang sakit na ito para hindi na lumala pa.
Pagpepeklat
Isa pa sa maaring maging komplikasyon ng impetigo ay ang pamemeklat sa balat. Pero may mga ointment o ipinapahid naman sa balat para maiwasan ito.
Rheumatic fever
Ang bacteria na nagdudulot ng mamaso ay maari ring magdulot ng sakit na strep throat at scarlet fever. Kung magkakaroon ng mga sakit na ito na sasabayan pa ng impetigo ay maaring magkaroon ng pamamaga sa puso na maaring magdulot ng rheumatic fever. Ang sakit na ito madalas na tumatama sa mga batang edad 5 hanggang 15 taong gulang. Dapat ay agad na malunasan ito para hindi na magdulot pa ng long-term complications sa bata.
Karagdagang impormasyon mula kay Nathanielle Torre at Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!