Narito ang mga katangian ng mabuting magulang na dapat taglayin ng bawat isa sa atin.
Mababasa sa artikulong ito:
- Katangian ng bawat isang mabuting magulang
- Paliwanag ng eksperto
Mga katangian ng bawat magulang
Ayon sa clinical psychologist na si Meghna Singhal, ang emotional awareness at ang abilidad ng isang magulang na i-manage ang emotions ng kaniyang anak ay ang sikreto ng emotionally intelligent parenting. Kung ang lahat ng magulang ay nagtataglay nito maraming bata ang pinaniniwalaang magiging successful at masaya sa kanilang buong buhay.
Ang pahayag na ito sinuportahan ng isang 2005 study. Base sa naging findings ng pag-aaral, ang mga batang nagpapakita ng social-emotional skills sa edad na 5 ay magkakamit ng lifelong success. Sila’y makakapagtapos ng pag-aaral at makakakuha ng magandang trabaho sa edad na 25.
Kaya naman payo ni Singhal, dapat matutunan ng lahat ng magulang ang ang emotionally intelligent style of parenting. Magagawa ito sa pamamagitan nang pagtataglay ng mga sumusunod na katangian:
1. Hindi mo nakakalimutang alagaan ang iyong sarili.
Ang emotionally intelligent na magulang ay hindi pinapabayaan ang kaniyang sarili. Sapagkat iniisip niya na sa oras na magkasakit o may mangyari sa kaniya, walang mag-aalaga sa mga anak niya ng tulad ng kaniyang ginagawa. Kaya naman hindi niya sinasagad ang kaniyang katawan sa pagtratrabaho. Inaalagaan ang kaniyang katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansiyang pagkain. Ganoon din ang pagtulog ng sapat at sa tamang oras. Nananatili rin siyang fit at hindi siya nagdadalawang-isip na gumawa ng mga bagay na magpapasaya sa kaniya habang hindi nalilimutan ang kapakanan ng kaniyang pamilya.
Photo by Tuấn Kiệt Jr. from Pexels
2. Hindi ka nawawalan ng oras para sa iyong mga anak.
Maliban sa pag-aalaga sa kaniyang sarili, hindi rin nalilimutan ng isang emotionally intelligent na magulang ang mag-spend ng quality time kasama ang kaniyang mga anak. Sa kabila ng pagiging busy sa trabaho o iba pang bagay. Sapagkat mahalaga sa kaniya ang pagkakaroon niya ng quality time sa kaniyang anak. Kaya naman sa araw-araw o kaya naman kahit isang beses sa isang linggo ay may ritual o activity siyang ginagawa kasama ang kaniyang mga anak. Maaaring ito’y sa pamamagitan ng panonood ng isang movie na magkakasama, pagkain sa labas o pamamasya sa iba’t ibang lugar na kung saan mag-ienjoy ang kaniyang mga anak.
3. Ina-acknowledge at tinuturuan mo ang iyong anak kung paano makikipag-deal sa kaniyang feelings o nararamdaman.
Mahalagang turuan ang ating mga anak kung paano ihaha-handle ang kanilang feelings. Nagagawa natin ito sa pamamagitan nang pag-aacknowledge o pakikinig sa kanilang nararamdaman. Saka natin ito ginagamit bilang magandang halimbawa upang ipaintindi at ituro sa kanila kung makiki-empathize sa feelings ng iba. Sa ganitong paraan naipaparamdam natin sa ating mga anak na sila’y mahalaga at ganoon din ang nararamdaman nila. Dagdag pa kung paano makikitungo sa mga tao na kanilang nakakahalubilo at nakakasama.
Isang halimbawa, kunwari sa tuwing hindi mo naibibigay ang gusto ng iyong anak. Sabihin sa kaniya na naiintindihan mo ang kaniyang nararamdaman, ngunit sa ngayon ay hindi posible na maibigay mo ang hiling niya.
“Anak, alam ko nalulungkot ka dahil gusto mo talaga ‘yung laruan na iyon. Pero sa ngayon ay wala pa tayong sapat na pera para iyon ay mabili.”
Saka gamitin itong halimbawa kung paano siya makakatulong o makakapagpasaya ng kapwa niya bata.
“Masaya talaga magkaroon ng laruan ano? Kaya nga sana yung mga lumang laruan mo ay ibigay natin sa mga batang walang kakayahang bumili. Para tulad mo ay mapasaya rin sila nito.”
BASAHIN:
6 parenting mistakes kung bakit lumalaking walang respeto ang isang bata
#AskDok: Ano ang mga palatandaan na may behavioral problem na ang isang bata?
6 healthy tips kung paano disiplinahin ang batang mainitin ang ulo
Photo by Kamaji Ogino from Pexels
4. Dinidisiplina mo ang iyong anak sa paraan na matututo siya.
Isa pang katangian ng mabuting magulang ay ang pagiging disciplinarian. Subalit hindi sa paraan na gagamitan mo ng dahas o pinaparusahan mo ang iyong anak. Sa halip, naglalatag ka ng rules at boundaries na kailangan niyang sundin. Kapag dumating ang oras na ito’y sinuway niya mayroon itong kapalit na consequences. Sa ganitong paraan nagiging responsable ang iyong anak sa kaniyang mga aksyon. Naiintindihan niya na sa bawat bagay na mali na kaniyang ginagawa ay may kapalit ito.
5. Tinuturuan mo ang iyong anak na maging responsable sa mga kilos na kaniyang ginagawa.
Ang isang emotionally intelligent na magulang ay hinahayaan ang kaniyang anak na maging responsable sa kaniyang ginagawa. Binibigyan niya ng kalayaan na mag-desisyon o pumili ng kaniyang gusto habang tinuturuan siya na maging responsable sa bawat kaniyang kinikilos. Tulad na lamang sa kung anong sports o activity ang gusto niyang gawin. Sa ganitong paraan, ipinaparamdam mo sa iyong anak na ikaw’y may tiwala sa kaniya. Nagbibigay ito ng dagdag na confidence sa kaniya at ang ideya na pagiging repsonsable sa bawat hakbang o desisyon na kaniyang ginagawa.
Photo by August de Richelieu from Pexels
6. Tinuturuan mo ng magandang asal at pag-uugali ang iyong anak.
Isa pang katangian ng mabuting magulang ay ang pagtuturo ng magandang asal sa kaniyang anak. Ito ang isa sa pinakamahalagang pamana sa anak na kaniyang magagawa. Pero ito’y hindi niya basta ginagawa sa pamamagitan nang pagsasabi sa kaniyang anak. Sa halip ipinapakita niya sa pamamagitan ng pagiging mabuting halimbawa. Tulad nalang sa pagtuturo sa anak na maging honest, ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan at hindi pananakot at pangako sa anak. O kaya nama’y pagtuturo na maging marespeto sa iba na maipapakita sa anak sa pamamagitan ng pag-respeto sa nararamdaman at oras niya.
Ilan lamang ito sa katangian ng mabuting magulang na bawat taglayin ng bawat isa sa atin. Ito ay para masiguro na lalaki ang ating anak na isang mabuting mamamayan sa kaniyang pagtanda.
Source:
Psychology Today, Healthline, WebMD
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!