May lamig ka ba sa katawan?

lead image

Narito ang paliwanag ng doktor tungkol sa lamig sa katawan, ang sanhi nito, epekto, at kung ano ang posibleng maging lunas dito.

Narito ang paliwanag ng doktor tungkol sa “sakit” na ito, at ilang lunas para dito

ANNA SANTOS VILLAR

Kapag pagod ako at nananakit ang katawan, naghahanap ako ng masahe. Karaniwang sasabihin ng kasama ko ay, “Masahe lang ang katapat niyan.” Ang dami ko daw “lamig” sa likod, kaya ganon na lang ang sakit na nararamdaman ko. E ano nga ba ang ibig sabihin ng lamig na ito? Hindi naman ako giniginaw, bakit ba lamig ang tawag?

Totoo nga bang may kinalaman dito ang sobrang pagod na susundan kaagad ng paliligo. Nakukuha nga ba sa masahe at hilot ito?

Ano ang lamig sa katawan? Heto ang sabi ni Doc

Paliwanag ni Dr. Randy Dellosa, M.D., Psy.D., DO-MTP, psychologist at osteopath, ang tinatawag na "lamig" ay paninigas ng kasu-kasuan o muscular spasm. “Knots” at “nodules” ang pinakamalapit na Ingles nito. Ito kasi ay ang parang bukol-bukol na karaniwang makakapa sa likod ng balikat at paligid ng spine. Sa kabuuan, ito ay ang masakit at pamamanhid ng ilang bahagi ng katawan, na sanhi ng hirap sa paggalaw. Bawat kibot kasi ay masakit. Tinatawag din itong ngalay ng iba.

Nakasanayan nang tawaging “lamig” ito kasi kapag hinawakan o kinapa, malamig ang pakiramdam ng bahaging masakit. Sintomas ito na hirap dumaloy ang dugo, oxygen, nerve impulses, pati na nutrisyon papunta sa mga bahaging apektado, dahil naninigas o naninikip ang mga muscles dito, paliwanag ni Dr. Dellosa. Kaya din masakit ito, dahil sa paninigas na ito ng mga muscles.

Nakasanayan nang tawaging lamig ito dahil ayon sa mga hilot dahil naninigas ang muscles sa ilang bahagi ng katawan dahil sa na-expose sa malamig na panahon, o buga ng malamig na hangin. Maaari din daw na nawalang ng init ang muscle kaya hindi dumaloy ang dugo, na nagbibigay ng init. Ang muscle spasm na resulta nito ay tinatawag ding myofascitis o trigger point ng mga mediko. Tinutukoy naman itong heat and cold energy imbalance ng ilang espesyalista. 

Hindi ito tinatawag na “lamig” ng mga doktor, bagkus ay pinapaliwanag na ito ay muscle spasm. Ang katawagang “lamig” ay ginagamit ng mga hilot, at mga naniniwala sa matandang kaugalian.

Paano matatanggal ang lamig sa katawan?

May ilang rekumendasyon si Dr. Dellosa para dito.

  1. Clinical Massage o pagmamasahe. Unang solusyon para dito ay ang pagmamasahe, pero hindi ang karaniwang masahe lang. Pwede namang simulan muna ng iyong asawa o kasama sa bahay na marunong ng simpleng paghimas sa masakit na bahagi, halimbawa ng likod, pero dapat ay ituloy ng isang espesyalista. Gumagamit ng mga topical agents tulad ng Eucalyptus oil o luya at langis, dahil ang mga ito ay nagbibigay ng init sa katawan. Kapag nga naman malamig, dapat painitin, hindi ba?Ang pagkakaiba ng spa massage sa clinical massage ay pinaliwanag din ni Dr. Dellosa. Sa spa, ang masahe ay para pampa-relax ng mga muscles, na karaniwang dahilan ay stress. Ang clinical massage ay paggamot sa mga musculo-skeletal at postural problems. Sa clinical massage therapy, inaalam muna ang mga problematic area, saka sinusuri ng doktor ang buong katawan, saka mabibigyan ng angkop na lunasm tulad ng deep tissue massage,postural release therapy, trigger point therapy, myofascial release, lymphatic drainage, at iba pa.

    Mabisa din ang medicated patches para mapainit ng panandalian man lang ang malamig na bahagi.Clinical man o spa, makakatulong ang regular na masahe para madurog ang mga namumuong lamig sa likod. Paalala lang ni Dr. Dellosa, ang masahe ay hindi kailanman dapat na masakit. Hindi dapat “dinudurog” ang mga “lamig” o bukol sa katawan, at hindi dapat na “nabubugbog” dahil mas makakasama ito imbis magpagaling. Mas mabuting kilalanin ang magmamasahe, at mas maiging scientific ang pamamaraan, at espesyalista ang gagawa. Kapag nakakaramdam na ng mas maigting na pananakit habang minamasahe, ipatigil agad ito. 
  2. Acupuncture at ventosa (Chinese cupping Method). Ang dalawang ito ay kilalang Eastern o Chinese Medical treatments, na mga espesyalista at lisensyadong Chinese doctors lang ang pwedeng magsagawa. May mga nakapag-aral na rin ng Ventosa cupping method, o ang paggamit ng mga cup o baso para masipsip ang lamig at toxins ng katawan na namuo, pero bago ang lahat ay alamin muna kung subok ngang espesyalista ang gagawa nito dahil ito ay hindi ordinaryong pamamaraan ng paggamot.
  3. Pinakuluang dahon ng kamias. Sabi ng mga matatanda at ng mga hilot, makakatulong daw ang paliligo ng tubig ng pinakuluang dahon ng kamias. Wala namang masama kung gagawin ito. May herbal healing properties din kasi ang dahon na ito. Nilalaga lang ang ilang dahon ng kamias ng hanggang 20 minuto, saka ipinanliligo sa katawan.


Kasama ng anumang paggamot, mahalaga ang may sapat na ehersisyo para maging malakas ang katawan at mabanat ang mga muscles natin. Kapag hindi rin kasi nababanat at nagagalaw, nagiging sanhi ng pangangalay at pamamanhid.

Kung ito ay “lamig” lamang, na isang pansamantalang muscle spasm, walang dapat ikabahala, at may mga lunas na maaaring gawin para maibsan ito. Basta’t maibalik ang maayos na sirkulasyon ng dugo, babalik ang init at mawawala ang lamig.

Kapag ang lamig o pananakit nito ay palaging bumabalik, lalo na sa iisa o parehong bahagi ng katawan, posibleng sintomas ito ng “joint instability” o “misalignment” ng buto. Isang chiropractor o doktor sa buto ang maaaring makatulong sa iyo.

SOURCES: Randy Dellosa, M.D., Psy.D., DO-MTP, psychologist at osteopath; Michel Yves Tetrault, MD, chiropractor, Chiropractor Journals;

Basahin: Puwede bang uminom ng malamig na tubig ang buntis?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner