Mental health ng buntis, narito kung paano mapapangalagaan at maihahanda sa pagdating ni baby.
Mababasa sa artikulong ito:
- Tips para mapangalagaan ang mental health ng buntis.
- Signs kung ready ka na nga sa pagdating ni baby
Paano mapapangalagaan ang mental health ng buntis?
Hindi lang physical health ang kailangang pangalagaan at ihanda ng isang buntis sa pagdating ng kaniyang baby. Kung hindi pati na rin ang kaniyang mental health na malaki ang maaaring maging epekto nito sa kaniyang dinadalang sanggol at sa magiging kinabukasan nito.
Mahalaga na bago pa man manganak ang isang buntis siya’y emotionally-ready na para sa kaniyang bagong role at responsibilidad. Pero paano nga ba masasabing emotionally ready na ang isang buntis sa pagdating ng kaniyang baby? Narito ang mga palatandaan at paraan na rin kung paano mapapangalagaan ang mental health ng buntis.
Signs na emotionally ready ka na sa pagdating ni baby
Photo by freestocks.org from Pexels
1. Handa na ang iyong isip at katawan sa pagdating ng iyong sanggol.
Kung isa kang first time mom, marami kang katanungan. Maraming kuwento ng pagbubuntis at panganganak ang kakatakutan mo. Pero hindi dapat maging ganito ang pakiramdam mo. Sapagkat ang pagbubuntis at panganganak ay isang napakagandang bagay. Kapag nalampasan mo ito’y ikaka-proud at magdudulot ng labis na kaligayahan sa buhay mo.
Kaya naman mahalaga na ihanda mo ang iyong isip at katawan sa bagong responsibilidad na ito. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga libro o artikulo sa pagbubuntis na sasagot sa mga katanungan mo. O kaya naman ay pagtatanong sa mga kapamilya, kaibigan o kakilala na may anak na. Huwag kang matakot malaman ang mga bagay tungkol sa pagdadalang-tao. Dapat ay ihanda mo ang iyong isip at katawan sa napaka-laking responsibilidad na ito.
2. Alam mo na ang tungkol sa baby blues na maaari mong maranasan matapos makapanganak.
Maraming mommies ang nagsasabing sila’y nakaranas ng “baby blues” pagkapanganak. Tumutukoy ito sa kondisyon matapos manganak ang isang babae na kung saan nakakaranas siya ng mga sumusunod na sintomas:
- Pagiging malungkot o pagka-overwhelm sa kaniyang bagong responsibilidad.
- Pag-iyak.
- Pagiging irritable.
- Mood swings.
- Hirap makapag-concentrate.
- Hirap makatulog.
- Pag-iyak
Ayon sa mga health expert, normal naman na maranasan ng mga bagong panganak ang mga nabanggit na sintomas. Lalo na sa mga unang araw hanggang sa dalawang linggo matapos makapanganak. Pero sa oras na mas tumagal pang nararanasan ng isang babaeng bagong panganak ang mga nabanggit na sintomas ay dapat na siyang magpatingin sa kaniyang doktor. Lalo na kung ang mga sintomas na ito’y pumipigil na sa kaniya upang maayos na gawin ang kaniyang responsibilidad bilang isang ina.
Para maiwasang lumala o mauwi sa postpartum depression ang baby blues, matutong humingi ng tulong sa mga taong nasa paligid mo. Humingi ng tulong kay mister sa pag-aalaga sa iyong anak. O kaya naman ay magtanong o humingi ng tips sa mga kakilala mong ina kung may bahagi sa iyong bagong responsibilidad ang naguguluhan ka pa.
3. Fully-recovered o healed ka na sa mga mental health concern na iyong naranasan bago ang pagbubuntis.
Woman photo created by freepik – www.freepik.com
BASAHIN:
Postpartum Hyperthyroidism: Kondisyon pagkatapos manganak na may pagkakapareho sa anxiety
Iba’t ibang uri ng mental health conditions na maari mong maranasan habang buntis
STUDY: Stress sa pagbubuntis, maaaring may epekto sa brain development ni baby
Ang mga babaeng bagong panganak ay mataas ang tiyansa na makaranas ng depresyon ayon sa mga pag-aaral. Una, dahil ito sa hormonal change sa kanilang katawan na sasabayan ng bigat ng kanilang bagong responsibilidad. Mas nagiging prone pa nga sila sa iba pang mental health problems kung sila’y may mga mental health concerns na hindi na-address bago ang pagbubuntis. Lalo na ang mga nakaranas na ng depresyon o kaya naman, may history sa pamilya ng bipolar disorder. Ayon ito sa National Institute of Mental Health.
Kaya naman payo pa rin ng mga eksperto, dapat makondisyon o tuluyan ng makarekober mula sa mga problema o mental health concerns na napagdaanan ang buntis bago siya makapanganak. Sapagkat malaki ang tiyansa na manumbalik at makaapekto ito muli sa kaniya matapos siyang makapanganak. Ito ang nagpapataas ng tiyansa niyang makaranas rin ng postpartum depression na maaring mauwi sa postpartum psychosis kung hindi maagapan.
4. Financially stable ka na.
Pagdating sa pagharap ng bagong responsibilidad na ito, ito ang isa sa mga dapat pinaghahandaan ng isang babae at kaniyang kapareha. Sapagkat isa ito sa mga labis na makakaapekto sa pagbibigay ng pangangailangan ng sanggol. Hindi naman kailangan na mayaman o marami kang ipon. Subalit dapat magkaroon ka ng stable na pagkukunan ng panggastos para matugunan ang pangangailangan ng iyong sanggol. Makakatulong ito upang ika’y hindi masyadong mamoblema at ma-stress sa iyong bagong responsibilidad.
Mabuting mag-usap kayo ng iyong partner tungkol rito. O kaya naman ay mayroon ka ng postpartum plan sa kung sino ang mag-aalaga sa iyong sanggol sa oras na ikaw ay bumalik na sa trabaho para maibigay ang pangangailangan niya.
Photo by nappy from Pexels
5. Emotionally stable ka.
Ang pagkakaroon ng matibay na emotional support mula sa mga taong nakapaligid sayo ay ang pangunahing paraan na masiguro na ikaw ay magiging emotionally stable. Tulad ng suporta mula sa iyong partner na aalalay sa ‘yo sa bagong responsibilidad na ito. Pati na ang mga gabay ng iyong pamilya at kaibigan na malaki ang maitutulong para palakasin ang loob mo. Kaya huwag mahiyang lumapit o humingi ng tulong sa mga taong nasa paligid mo. Sapagkat hindi lang sa panganganak malaki ang maitutulong nila sa ‘yo. Kung hindi pati rin sa pagpapalaki ng iyong anak na may tamang gabay at pag-aaruga mula sa mga taong inaasahan at pinagkakatiwalaan mo.
Source:
Psychology Today
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!