Mommy, narito ang mga dapat mong malaman tungkol sa normal na pag galaw ni baby sa tiyan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kailan ba dapat magsimulang maramdaman ang paggalaw ni baby?
- Paano malalaman ang normal na pag galaw ni baby sa tiyan?
- Bakit kailangang bantayan ang mga sipa ni baby?
Kakaibang saya ang mararamdaman mo sa unang beses na madama mo ang sipa ni baby sa iyong tiyan. Isa itong palatandaan na mayroong buhay na nabubuo sa loob ng iyong katawan.
Bukod dito, ang mga galaw at sipa na ito ay isang paraan para malaman kung mabuti ba ang kaniyang kalagayan. Bawat pagbubuntis ay magkakaiba, pero mayroon pa ring pagkakaparehas kung paano mapapag-aralan ang galaw ng mga sanggol sa ating sinapupunan. Ano nga ba ang normal na pag galaw ni baby sa tiyan?
Ano ang pakiramdam nito?
Ang fetal movements o sipa ni baby ay kadalasang hindi masakit. Mas kilala ito bilang ‘quickening’ sa unang mga linggo. Naiihalintulad rin ang pakiramdam na parang may butterfly sa loob ng tyan ng isang ina.
Ayon kay Dr. Elizabeth Ifurung-Gonzales, isang OB-Gynecologist mula sa Makati Medical Center, magkakaiba ang puwedeng maramdaman ng buntis sa paggalaw ng sanggol sa kaniyang tiyan. Lalo na sa mga babaeng unang beses pa lang mabuntis.
Maaring magsimula ito sa maliliit na pintig, hanggang sa katagalan ay makasanayan na nila ang mas malalaking galaw ni baby.
“Ang mga first-time moms hindi nila alam ‘yong movements. So ‘yong pintig lang ‘yong initial nilang mararamdaman. Pero as the pregnancy, progresses magiging mas obvious na ang movements ni baby.” aniya.
Kadalasan, ang sipa ni baby ay nakakakiliti o parang dulot lang ng gas bubbles o kaya naman pagkagutom. Kaya naman ‘wag kakabahan kapag naging aggressive ang sipa ni baby dahil habang lumalaki ito, mas lalo rin siyang nagiging malakas. Mararanasan mo ang mild pain o discomfort dahil sa malalakas na sipa ni baby.
Kailan ko mararamdaman ang sipa ni baby?
Ayon kay Dr. Gonzales, sa oras na mabuo na si baby sa tiyan ay gumagalaw na ito, pero kadalasang nararamdaman ito sa ika-20 linggo ng pagbubuntis o ika-5 buwan ni baby. Mas maaga ring mapapansin ang galaw sa mga babaeng nabuntis na dati.
Pagpapaliwanag niya,
“Ang baby talaga ‘pag nasa tiyan ng baby gumagalaw na. Kaya lang ‘yong maramdaman ng mommy, ang tawag doon ay quickening. Hindi lahat ng mommies sanay kasi doon.
So kapag nanganganay, minsan mga 5 months o 20 weeks. Pero ‘yong may mga previous pregnancy, meron ng panganay, uually mga 4 months o 16 weeks.”

Normal na pag galaw ni baby sa tiyan | Image from Unsplash
Mayroon ding mga bagay na dapat isaalang-alang pagdating sa paggalaw ng sanggol sa loob ng tiyan. Narito ang ilan sa kanila:
- Gaya ng nabanggit, kadalasang nararamdaman ng mga second-time mothers ang sipa ni baby ng mas maaga kumpara sa mga first time mom dahil mas alam na nila kung ito ba ay sipa ni baby. Ang mga first-time moms naman ay hindi agad nararamdaman ang movement ni baby dahil kadalasan, inaakala nilang ito ay gas bubbles lamang. Ngunit hindi nila alam na sipa na pala ito ni baby.
- Kadalasang nalalaman ang posisyon ng iyong placenta sa 20-week scan mo. Kung ang isang babae ay may anterior placenta, medyo may kahirapan na maramdaman ang galaw ni baby. Ang anterior placenta ay kapag ang placenta mo ay nasa gitna ng iyong baby at tiyan. Nakadugtong ito sa front wall ng iyong uterus. Tila nagkakaroon ng “extra cushion” ang sanggol, dahilan kung bakit hirap maramdaman ng isang ina ang sipa ni baby.
- Isang dahilan din ang timbang o laki ng ina kaya nahihirapan silang matukoy ang galaw ni baby. Ang mga buntis na may higher body mass index ay matagal bago makaramdam ng sipa ni baby dahil sa makapal ang kanilang abdominal wall.
Normal na pag galaw ni baby sa tiyan
Sa paglipas ng mga araw, mas lalong lumalakas ang activity ni baby. Sa iyong unang trimester, maliit pa si baby kaya naman hindi pa gaanong mararamdaman ang kaniyang mga paggalaw.
Pagsapit naman ng ikalawang trimester, dito mo na magsisimulang maramdaman ang paggalaw ni baby sa tiyan. Kadalasang malakas ang sipa ni baby sa gabi dahil dito sila active.
Narito ang mga bagay na dapat mong abangan habang tumatagal ang iyong pagbubuntis at nagdedevelop si baby sa tiyan:
-
First trimester (Weeks 1 – 12)
Mahina o hindi mo pa mararamdaman ang galaw ni baby rito. Sa pamamagitan ng scan o ultrasound mo lang malalaman kung active ba si baby dahil sa oras na ito, hindi mo pa siya gaanong mararamdaman dahil maliit pa lamang siya.
-
Second trimester ( Weeks 13 – 26)
Sa pagkakataong ito, mapapansin mo na lumalaki na ang iyong tiyan. Medyo lumaki na rin si baby kahit papaano kumpara sa first trimester. Mararamdaman mo na ang mga nakakakiliti o maliliit na sipa ni baby sa pagitan ng ika-14 hanggang ika-20 linggo.
Makakaramdam ka na rin ng kaunting sakit sa mga sipa niya dahil mas lumalakas na ang muscle ni baby at nagiging energetic na rin ito.
-
Third trimester (weeks 27 – 40)
Sa paglaki ni baby, mas mararamdaman na niya na sumisikip na sa loob ng iyong tummy. Mas malakas at energetic na rin siya kumpara sa mga nakaraang trimester.
Kaya naman normal lang ang pagkakaroon ng kaunting sakit dahil sa mga sipa ni baby. Mayroon ding iba na marararamdaman mo ang kanilang pag dighay!
Huwag kabahan kapag nararamdaman mo ang mga ganito. Isa itong senyales na lumalaking malusog at normal ang iyong anak.
Normal na pag galaw ni baby sa tiyan | Image from Freepik
BASAHIN:
Buntis Guide: Lahat ng Kailangan mong malaman sa Third Trimester ng Pagbubuntis
Buntis Guide: How to use theAsianparent App to track baby’s kicks
One father’s message to other parents: Importanteng bilangin ang sipa ni baby
Gaano kadalas dapat sumipa si baby?
Ang normal at healthy activity ni baby ay ang pagsipa ng mahigit sa 10 beses sa loob ng 1 hanggang 2 oras. Ngunit tatandaan lang na may mga sleep cycle rin ang sanggol na tumatagal ng 20-40 minuto.
Pahayag ni Dr. Gonzales,
“Madalas kasi ang baby ay tulog. Pero minsan, gising naman siya. Pero ‘yong nararamdaman ng mommy- I always advise my patients na kailanagan magalaw ‘yong baby.
May routine kasi ang baby. Pag madalas siya magalaw, dapat palagi siyang magalaw. You don’t expect na palagi siya gumagalaw, kasi natutulog din naman ang baby. Mas worse, ‘pag less ang paggalaw ng baby.”
Pagdating ng ika-32 linggo, mas tumataas ang movement ni baby sa tiyan. Gaya nga ng sabi ng doktora, dapat consistent ang activity pattern nila. Kapag napansin mong nabawasan ang paggalaw ni baby sa tiyan, mas mabuting kumonsulta na sa iyong doktor upang makasiguro.
Ano ang hindi normal na pag galaw ni baby sa tiyan?
Ang magbaba o paghina ng regular movement ni baby ay posibleng isang senyales na hindi okay ang iyong anak sa loob ng iyong tiyan. Maraming bagay ang maaaring naging dahilan kung bakit ito nangyari; sleep cycles, mga karaniwang issue tulad ng obesity na nakakaapekto sa pagsipa ni baby.
Mayroon naman ibang mas seryosong issue sa biglaang paghina o pagbabago ng activity pattern ni baby gaya ng kakulangan sa amniotic fluid, pag-inom ni mommy ng mga gamot (tulad ng pain reliever o iba pang sedatives) na nakaka-apekto sa galaw at circulation ni baby.
Ang pag-inom ng alak o paninigarilyo ay maari ring magdulot ng pagbabago sa galaw ni baby.
Ayon naman sa Australian Family Physician, hindi masyadong nararamdaman ng mga ina ang galaw ng kanilang sanggol kapag nakaupo o nakatayo. Kaya payo ng mga doctor sa mga pregnant moms, humiga sa kanilang kaliwang bahagi at dito pakiramdaman ang paggalaw ni baby.
Kung nararamdaman mo ang pagbaba o paghina ng galaw ni baby, mas maganda kung pumunta sa doktor upang masuri agad si baby. Dito titignan ang heart rate niya at kung ano ang naging problema sa paghina nito.
Bantayan ang sipa ni baby at madalas na bilangin ito
Ang pagbibilang o pag-unawa sa movements ni baby ay isang mahalagang gawain para sa mga buntis. Ito ay dahil malalaman agad nila kung sakaling may pagbabago o paghina sa movement o pattern ni baby.
Ang pag monitor sa galaw o pattern ni baby ay importante lalo na sa 3rd trimester ng pagbubuntis. Ang mga nanay na nakaka-track sa paggalaw ng kanilang sanggol ay agad nalalaman kung mayroon bang nangyayaring utero distress at naiiwasan ang risk ng stillbirth.
Isang madaling paraan para gawin ito ay pakiramdaman ang 10 kicks ni baby at kung gaano ito katagal bago makumpleto.Sa loob ng dalawang oras dapat ay maka-10 sipa si baby.
Pero huwag agad mag-panic kung sakaling hindi naka-10 sipa si baby dahil maaaring ito ay tulog. Pwede kang kumain ng snack, uminom ng juice o maglakad-lakad bago humiga at pakiramdaman muli si baby.
Pahayag ni Dr. Gonzales,
“Laging gumagalaw ‘yong baby. Mas nakakabahala ‘pag hindi gumagalaw. Kaya lagi naming sinasabi na observe the baby. Very consistent ‘yan pag kakain si mommy, mas magalaw siya.”
Maaari mo ring i-track ang sipa ni baby gamit ang kick counter or chart. Sa pag monitor ng sipa ni baby, mas maiintindihan mo ang kaniyang pattern.
Mapapansin mo rin kung kailan siya mas aktibo, kung kailan siya natutulog o kaya naman gaano katagal bago niya makumpleto ang 10 movements. Lahat ng twist, sipa o pag-ikot ni baby ay considered ng movement.
Para maging mas madali ang pag-monitor sa mga sipa ni baby, i-download mo na ang theAsianParent app na mayroong kick counter feature. Narito ang mga hakbang kung paano mo ito makukuha ng libre.
Kung ang iyong baby ay hindi nakagalaw ng 10 times sa loob ng 2 oras, huwag mahiyang tawagan ang iyong doktor.
Normal na pag galaw ni baby sa tiyan | Image from Unsplash
Isinalin sa wikang Filipino ni Mach Marciano
Isinalin nang may pahintulot mula sa theAsianparent Singapore
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!