Gustong pumuti ang maitim na kili kili pero walang budget? Alamin dito ang mga natural na paraan at home remedies pampaputi ng kilikili.
Talaan ng Nilalaman
Maitim na kili kili
Isa sa mga nagiging sintomas ng pagbubuntis ang pagkakaroon ng maitim na kili kili at iba pang parte ng katawan. Nararanasan ito ng 90% ng mga buntis. Kadalasan sinasabi na babalik ulit sa dating kulay ang kilikili matapos manganak. Ngunit paano kung wala pa ring pagbabago? May mga pampaputi ba ng kilikili na hindi gumagamit ng kemikal?
Gaya ng ibang bahagi ng katawan, ang balat sa may kilikili o underarms ay posibleng mangitim. Ito ang nagiging dahilan para mahiya ang ilang kababaihan na magsuot ng sleeveless shirts, bathing suits o maging ang pagtaas ng kanilang mga kamay sa publiko.
Bago ang lahat, wala namang masama kung hindi kasing-puti ng kilikili ng paboritong artista mo ang iyo. Marahil ay ganoon na talaga ang kanilang balat dala ng kanilang genes (lalo na sa mga mestiza), o kaya naman ay name-maintain nila ang makinis na underams sa pamamagitan ng laser o anumang treatment sa tulong ng mga espesyalista.
Wala rin namang masama kung gusto mong maging mas confident at subukang paputiin ang iyong kilikili. Pero ano nga ba ang mga paraan para magawa ito nang hindi gumagamit ng mga chemicals o treatment? ‘Yan ang ating aalamin ngayon, pero bago ‘yan, mas mabuti kung malalaman natin ang mga sanhi ng pagkakaroon ng maitim na kilikili.
Sanhi ng pag-itim ng kilikili
Maraming posibleng dahilan kung bakit nangingitim ang kilikili ng isang tao. Narito ang ilan sa mga ito:
- pagka-irita ng balat mula sa kemikals ng ginagamit ng deodorant at antiperspirant
- pagka-irita ng balat dahil sa shaving o pag-aahit ng buhok sa kilikili, o plucking, kung saan hinihila o binubunot ang buhok sa kilikili
- buildup ng dead skin cells dahil sa kakulangan sa pag-exfoliate
- friction mula sa pagsusuot ng masisikip na damit
- hyperpigmentation, gaya ng pagdami ng melanin
- melasma, o pagkakaroon ng maiitim na patse sa balat
- acanthosis nigricans, isang skin pigmentation disorder na may kinalaman sa diabetes, obesity, at abnormal hormone levels
- erythrasma, isang bacterial skin infection
- Addison’s disease, kung saan nasisira ang iyong adrenal gland
- Paninigarilyo, na nagdudulot ng hyperpigmentation
Pangingitim ng kilikili ng buntis
Naging kadalasang biro na sa mga buntis ang pangigitim ng iba’t ibang parte ng katawan habang nagdadalang-tao. Hindi man agad-agad na nangyayari ang pagbabago na ito ngunit kapansin-pansin talaga ang pag-iba ng kulay ng ilang bahagi ng ating katawan.
Dulot ito ng pagbabago ng hormones ng katawan. Habang buntis, nagpro-produce ang katawan ng mas maraming melanin o pigment na nagbibigay ng kulay sa ating balat, buhok, at mata. Madalas na nagkakaroon ng pag-itim ng balat sa mga buntis na kayumanggi.
Pagkapanganak, nawawala na ang mga dark spots na ito. Ngunit para sa ibang babae, mabagal ang pagbalik sa natural na kulay ng balat. Mayroon ring iba na tuluyan nang nagbago ang kulay ng ibang parte ng katawan katulad ng kilikili at singit.
Pampaputi ng kilikili: Paano paputiin ang kili kili?
Kung nako-conscious ka at nais mong malaman kung paano pumuti ang kilikili, maraming paraan para gawin ito.
Gaya ng nabanggit, mayroong iba-ibang paraan kung paano pumuti ang kilikili. Kung ang pag-itim nito ay dahil sa isang medical condition, o gusto mo ng mas mabilis na resulta, maaari kang kumonsulta sa isang dermatologist upang mabigyan ka ng payo kung anong pwedeng gawin.
Paano pumuti ang kili kili in one week
Narito ang ilang gamot o treatment na posible niyang irekomenda:
- creams o lotions na may sumusunod na ingredients:
- hydroquinone
- tretinoin (retinoic acid)
- corticosteroids
- azelaic acid
- kojic acid
- chemical peel na may alpha hydroxy acids (AHAs) and beta hydroxy acids (BHAs) para ma-exfoliate ang balat
- dermabrasion o microdermabrasion para malinis nang husto ang balat
- laser therapy para mabawasan ang pigmentation
Kailangang kumonsulta sa dermatologist kung nais na mabilis ang proseso ng pagpapaputi ng kilikili. Ang doktor kasi ang nakakaalam ng angkop na paraan sa’yo kung paano pumuti ang kili kili in one week. Karaniwang laser treatment ang solusyon para sa mabilisang pampaputi ng kilikili.
Home remedies pampaputi ng kilikili
Paano paputiin ang kili kili?
Kung wala naman sa iyong budget ang laser treatment at ayaw mong gumamit ng chemicals (lalo na kung ikaw ay buntis o nagpapadede), may mga natural na paraan upang mapaputi ulit ang iyong kilikili.
Dahil natural na mga ingredients ito, hindi ito gumagamit ng kemikal na makakasama sa katawan mo kung ikaw man ay nagbre-breastfeed. Available din ito sa mga grocery. At malay mo, mayro’n ka na pala nito sa inyong pantry.
Narito ang 10 natural ingredients na puwede mong subukan:
-
Baking soda
Isa sa mga sanhi ng pangigitim ng kilikili ay ang dead skin cells. Makakatulong sa pampaputi ng kilikili kung i-e-exfoliate ang parte na ito.
Haluin ang baking soda sa tubig hanggang maging parang paste ito. Ipahid ito sa underarms at patuyuin bago magsuot ng damit. Gawin ito 3 hanggang 4 na beses sa isang linggo.
-
Turmeric
Natural na antioxidant ang spice na ito. Ito rin ang ingredient na ginagamit pampakinis at pampaputi ng balat. Pinipigilan kasi ng turmeric ang paggawa ng maraming melanin. Babala: kung gagamit nito, iwasan na magbabad sa araw dahil maaaring ma-sunburn matapos maglagay nito.
-
Patatas, lemon, at pipino
Ang mga prutas at gulay na ito ay mayroong natural bleaching properties na makakatulong pampaputi ng kilikili.
Hiwain ang mga ito ng manipis at saka ipahid sa iyong kilikili. Maaari ring gamitin ang juice ng mga ito at ihalo sa kaunting turmeric, tsaka ipahid sa parte ng katawan na gustong paputiin. Iwanan ng 15-20 minuto tapos banlawan ng maligamgam na tubig. Para sa mas mabilis na resulta, gawin ito 2 beses sa isang araw.
-
Gatas at honey
Kilala ang gatas bilang natural na pampaputi kaya naman uso ang mga milk bath. Nakakapag-hydrate, exfoliate, at pampakinis din ang gatas sa balat. Ang honey naman ay puno ng antioxidants at nakakapag-moisturize din.
Para gamitin na pampaputi ng kilikili, paghaluin ang isang kutsarang gatas at honey. Lagyan ng turmeric powder o di kaya’y lime juice. Ipahid ang mixture na ito sa kilikili.
-
Coconut oil
Isa ang coconut oil na karaniwang ginagamit sa pagpapaputi ng balat. Bago maligo, ipahid ang coconut oil sa kilikili. Maaaring ihalo ito sa baking soda bago ilagay sa armpits.
Nasubukan mo na bang magkuskos ng calamansi sa iyong balat para pumuti?
Ang prutas na ito kasi ay mayroong mataas na concentration ng citric acid, isang natural exfoliant at bleach. Hatiin lang sa dalawa ang calamansi at ikuskos sa iyong kilikili ng 2 hanggang 3 minuto. Hayaan lang ito sa loob ng 10 minuto bago banlawan. Mas mabilis ang resulta kung gagawin mo ito 3 hanggang 4 na beses sa isang linggo.
Subalit isang babala – ang acid content ng calamansi ay maaring makasunog ng balat, kaya mas mabuting iwasan ang home remedy na ito kung mayroon kang sensitive skin.
-
Olive oil at brown sugar
Makakatulong rin pala ang asukal na pula sa pagpapaputi ng kilikili!
Mayaman kasi sa antioxidants ang olive oil, kaya makakabuti ito sa pagkinis ng balat. Samantala, ang brown sugar naman ang nagsisilbing exfoliant para matanggal ang dead skin cells.
Kailangan lang paghaluin ang dalawang sangkap na ito, at ikuskos sa basang balat. Hayaan itong magtagal ng mga 5 minuto bago banlawan. Pwede mo itong gawin 2 beses sa isang linggo.
Marami talagang silbi ang apple cider vinegar sa ating katawan. Mabisa rin pala itong pampaputi ng kilikili.
Ang sukang ito ay mayroong taglay na mild acids na nakakapagtanggal ng namuong dead skin cells sa iyong kilikili habang pinapaputi ito.
Gayundin, pwede rin itong magsilbing disinfectant at pinapatay ang mga bacteria sa balat. Ihalo ang apple cider vinegar sa baking soda. Kapag nawala na ang mga bubbles, pwede mo nang ipahid ito sa kilikili, at hayaang magtagal ng mga 5 minuto bago hugasan.
5 tips para pumuti ang kili kili
Paano nga ba maiiwasan ang pagkakaroon ng maitim na kilikili, buntis ka man o hindi? Narito ang mga tips para pumuti ang kili kili at maiwasan ang pag-itim nito.
Habang sinusubukan mo ang mga home remedies na nabanggit sa itaas, narito ang ilang paalala para makaiwas sa lalong pangingitim ng kilikili:
- Magpalit ng deodorant. Kung sa palagay mo ay nakadagdag ito sa pangingitim ng iyong kilikili, pwede kang humanap ng ibang brand, o kaya naman gumamit ng mas natural na alternatibo, gaya ng baking soda at apple cider vinegar mixture.
- Iwasan ang pag-aahit ng buhok sa kilikili, maging ang pagbunot dito. Subukan na lang ang waxing o kaya magtanong sa isang dermatologist tungkol sa laser hair removal. Kung hindi naman maiwasan ang pag-aahit ng buhok ssa kilikili, mas mabuting gumamit ng shaving cream at ‘wag mag da-dry shaving. Kung walang budget para sa shaving cream pwede naman mild soap at tubig.
- I-exfoliate ang iyong balat. Para maalis ang namumuong dead skin cells, gumamit ng mild na body scrub o exfoliant sa iyong kilikili. Dahil manipis ang balat mo sa bahaging iyon, mas makabubuti kung gagamit ng exfoliant para sa sensitive skin. Pwedeng gumamit ng facial toner.
- Iwasan ang pagsusuot ng masisikip na damit, lalo na sa bandang manggas. Hayaang makahinga ang balat paminsan-minsan.
- Kung kaya mo, iwasan mo na rin ang paninigarilyo.
Tandaan
Mayroon ding mga posibleng risk ang pagpapaputi ng kilikili. Kaya naman mahalagang maging maingat pa rin sa paggamit ng medical treatment man o home remedy na pampaputi ng kilikili.
Ayon sa Healthline, kung nag-prescribe ang inyong doktor ng cream o lotion para sa maitim na kilikili, mahalagang sundin ang instructions nito.
Huwag hayaan ang mga produktong ito na magtagal sa balat nang lampas sa nirekomenda ng iyong doktor o sa instructions na nakalagay sa label ng produkto. May mga skin care products kasi na may matatapang na acid content na posibleng makairita ng balat.
Posibleng humantong ang pagkairita ng balat sa iba pang reaksyon tulad ng pamumula at sensitivity sa init ng araw. Bukod pa rito, may mga acid na maaaring maging sanhi para lalong masira ang balat sa kilikili at lalo itong umitim.
Gayundin naman sa ilang dermatological procedures. Posible itong magdulot ng skin injury o iritasyon sa balat. Bukod pa rito, puwede ring maging sanhi ng post-inflammatory hyperpigmentation (PIH) ang mga procedure na ito.
Kabilang sa mga side effect ng PIH ay ang pamumula, panunuyo, paghapdi ng balat. Pati na rin ang paglala ng pangingitim ng balat ng kilikili.
Samantala, kung gagamit o magpapahid ng ano mang produkto maging ang natural remedies tulad ng pagkain, mataas ang potensyal na magkaroon ng skin irritation.
Para maiwasan ang posibilidad ng iritasyon, magpahid muna ng kaunti sa bahagi ng kilikili. Kung hindi makararanas ng negative skin reaction sa loob ng 48 oras, maaari nang ipahid ang produkto sa buong kilikili. Kapag naman nakaranas ng side effects ay agad na itigil ang paggamit nito.
Paninigarilyo nakakaitim ng kilikili
Tinatawag na smoker’s melanosis ang kondisyon kung saan ang pangingitim ng kilikili ay dulot ng paninigarilyo. Dahil sa paninigarilyo, nagkakaroon ng dark patches sa kilikili at hindi ito mawawala hangga’t patuloy ang paninigarilyo.
Kapag nagsisigarilyo kasi nawawalan ng maayos na supply ng oxygen at nutrients ang balat. Nakaaapekto ang paninigarilyo sa halos lahat ng organ sa katawan ng tao kabilang na nga ang balat.
Ang ilang smoker ay nakararanas naman ng pamumutla habang ang iba ay nagkakaroon ng uneven color o hindi pantay na kulay ng balat.
Kaya naman, para matanggal ang dark patches sa kilikili dulot ng smoker’s melanosis, ang kailangan lang gawin ay tigilan ang paninigarilyo.
Kung na-develop na ang adiksyon sa sigarilyo at nahihirapan kang itigil ito, maaari namang magpakonsulta sa doktor para matulungan ka kung paano titigilan ang paninigarilyo nang paunti-unti.
Kapag nagawa nang tigilan ang paninigarilyo, bukod sa paggaling ng dark patches sa kilikili ay may tiyak na may iba pang magandang dulot ito sa iba pang mga organ sa iyong katawan.
Kung nagawa na ang mga nabanggit na treatment sa itaas at nababahala ka pa rin sa iyong maitim na kilikili, puwedeng kumonsulta sa doktor para matingnan nito ang iyong kondisyon. Posible kasing may underlying issue na kailangang tukuyin at gamutin para tuluyang mawala ang pangingitim ng kilikili.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.