Naranasan mo na ba na pag gising mo mula pagkakatulog ay may naramdaman kang isang malaking bump na kulay pula at kapag hinawakan mo ito ay masakit?
Naku! Ito ay maaaring pigsa o boil in english. Pero wait! Bago mo siya ma-expose, kailangan mo munang malaman kung paano gamutin ang pigsa para maagapan agad ito. Ano nga ba ito at mabisang gamot sa pigsa?
Mababasa sa artikulong ito:
- Dahilan ng pagkakaroon ng pigsa
- Sintomas ng pigsa
- Gamot sa pigsa
Ano ang pigsa?
Ang pigsa o boil in english ay sanhi ng impeksiyon sa hair root o sweat pore ng balat. Sa simula, makakaramdam ka muna ng pamumula sa isang bahagi ng katawan mo.
At kapag nagtagal, mabubuo ang nana sa ilalim na balat gawa ng infection hanggang ito ay maging kulay pula at maging masakit na bukol.
Ayon sa mga pagsusuri, wala naman itong kinalaman sa kabuuang kalusugan ng isang bata. Talaga lang lumalabas ito lalo kapag tag-init.
Masakit, pero hindi naman ito isang seryosong sakit o problema, maliban nga lamang kung tutubo sa mga maselang bahagi tulad ng puwit at mukha, at kung hindi maaagapan ang impeksiyon na kumalat sa ibang bahagi ng sistema.
Kaya karamihan ay nagtataka pa rin kung paano gamutin ang pigsa. Ating alamin ito at isa-isahin ang mga paraan para makaiwas sa pigsa.
Ilang araw tumatagal ang pigsa?
Ano ang mga sintomas nito?
Maaaring magkaroon ng pigsa ang lahat ng tao. At kahit anong part ng katawan ay pwede itong magpakita. Ngunit karaniwang tumutubo ang pigsa sa mga may buhok at pawisin na parte ng katawan katulad ng mukha, kili-kili, leeg, braso, pisngi ng puwit o balakang.
Kadalasan, nagsisimula ang pigsa sa maliit na kulay pulang umbok sa balat. Kapag ito ay naramdaman mong masakit kapag hinawakan, maaari ito ay pigsa dahil unti-unti na itong namamaga.
Maliit ito sa una ngunit lumalaki din agad kapag tumagal. Kapag ito ay tila hinog na, titigas ito dahil sa nana sa ilalim ng balat ngunit lalambot din kapag tumagal pa.
Narito ang sintomas ng pigsa:
- Pagkakaroon ng lagnat
- Pagkakaroon ng maliit na mapulang bukol sa balat
- Pananakit ng katawan
- Kapag kumakati ang palibot ng mapulang bukol
- Ang balat sa paligid nito ay nagkakaroon din ng impeksyon
- Patuloy na paglaki ng mapula, matigas at makating bukol
- Kapag napansin mong nagkakaroon ng madilaw o maputing tuldok sa gitna ng bukol
Paano gamutin ang pigsa?
Narito ang mga gamot sa boil at kung paano ito gawin.
1. Warm compress
Isa kung paano gamutin ang boil ay lapatan ito ng warm compress para bumuka o pumutok ang mata (ng pigsa) at lumabas ang nana.
Gumamit lang ng tuwalya o bimpo na binabad sa maligamgam (hindi mainit) na tubig at ilapat sa pigsa nang ilang minuto. Gawin ito ng ilang beses sa isang araw. Siguraduhing malinis ang kamay kapag ginagamot ang pigsa.
2. Malinis na katawan
Panatilihing malinis ang katawan ng may sakit. Mabilis kumakalat ang pigsa lalo na kapag may dumi o germs. Kung bumuka at matanggal ang nana ng pigsa, punasin ito pati ang dugo na lalabas gamit ang malinis na bulak na binasa sa antiseptic solution.
Hugasan at tuyuin ang paligid ng pigsa, at takpan ng plaster o gauze upang maiwasan ang pagkalat nito, at para hindi kamutin ng bata. Hugasan ang kamay nang mabuti pagkatapos maglinis ng pigsa.
3. Paano gamutin ang pigsa ng bata
Kapag may pigsa ang bata, makakabuti ang pagpapaligo sa bata araw araw, o dalawang beses sa isang araw kung matindi ang init ng panahon.
Gumamit ding ng antiseptic solution sa mismong pigsa, sa isang buong linggo. Bigyan siya ng sariling tuwalya at bimpo, na hindi ipapagamit sa iba.
Labhan din ito sa tuwing gagamitin para matanggal ang mga mikrobyo, kasama na ang mga damit na lumalapat sa pigsa araw araw.
Gamot sa pigsa. | Larawan mula sa Freepik
4. Hindi gamot sa pigsa ang pagtiris dito
Huwag titirisin! Mas magiging susceptible sa impeksiyon ang pigsa kapag ginawa ito, bukod pa sa masakit lalo ito para sa bata. HUWAG ding gumamit ng karayom sa pagpisa ng pigsa dahil maaaring magkaron ng tetano mula dito.
5. Laging i-check ang boil
Tingnan palagi kung may mga bagong pigsang lumalabas sa ibang bahagi ng katawan ng bata. Dalhin agad sa doktor kung lumalaki, dumadami o labis na ang sakit.
6. Blood test
Kapag hindi umekto ang gamot sa pigsa na antibiotic, sumasailalim sa blood test ang pasyente at maaaring kailanganin ang minor surgery para matanggal ang nana o pus, para sa tinatawag na incision at drainage.
May general anaethesia at surgeon ang gagawa ng procedure. Bibigyan din ang pasyente ng antibiotics sa pamamagitan ng intravenous drip o IV. Ito ay sa mga extreme cases lamang.
7. Halamang gamot
Sa probinsiya, at sa mga naniniwala sa mga halamang gamot, dahon ng gumamela ang ginagamit para mapahinog ang boil. At ay isang sinaunang paniniwala na ginagawa pa rin ng marami dahil nakita nila ang pagpapagaling nito sa pasyente.
Ang gumamela ay isa sa mga gamot na herbal na maaaring gamitin para mas mabilis ang paghinog ng nana ng pigsa. Hinuhugasan at pinapatuyo sandali ang bagong pitas na dahon ng gumamela at dinidikdik hanggang sa maging pino at kumatas ito.
Saka naman ito inilalagay sa ibabaw at paligid ng pigsa, na siyang magpapahinog dito. Siguraduhin pa ring malinis ang pigsa at ang mga kamay ng gumagamot.
BASAHIN:
6 karaniwang sakit sa balat at mga panandaliang gamot dito
Bakit nangangati ang iyong balat at ano ang mga gamot para rito
Bungang Araw: Ano ang gamot at bakit nagkakaroon nito?
Paano gamutin ang pigsa? 10 bagay na dapat malaman tungkol sa boil:
1. Ang boil o pigsa ay tinatawag ding furuncle
Kapag marami o grupo ang tumubo, carbuncle ang tawag dito. Kapag malalaki, ito ay tinatawag na abscesses. Nagsisimula ito sa pamumula ng isang bahagi ng katawan, pagkatapos ay nagkakaroon ng malambot na pamamaga.
Magkakaroon ng kulay puti dahil sa pagkaipon ng nana sa ilalim ng balat, pagkalipas lamang ng apat hanggang pitong araw.
2. Karaniwan itong tumutubo sa mukha
Kadalasang tumutubo ito sa mga may buhok at laging pinapawisang parte ng katawan katulad ng mukha, kili-kili, leeg o pwet. Kapag may tumubong isa, malamang ay may tutubo pa sa ibang bahagi ng katawan.
3. Bacteria ang sanhi nito
Nagkakaron ng boil kapag may mga bacteria na tinatawag na Staphylococcus aureus, ang pumasok sa hair root o follicles, oil glands, o sweat pore, ayon kay Dr. Jerry Villarante, MD, sa pamamagitan ng mga sugat sa balat.
4. Hindi ito delikado
Ito ay dahil may mga natural na pang-depensa ang katawan natin para malabanan ang bacteria.
5. Walang direktang sanhing panlabas ang pagkakaroon nito
6. Impeksiyon ng boil
Ang boil ay kailangang maagapan para hindi kumalat sa sistema ng iyong katawan. Ang ilang hudyat ng impeksiyon ay mataas na lagnat, kumakalat na pamumula, at lumalalang sakit.
7. Lahat ng tao ay maaaring magkaroon ng pigsa
Wala ring paraan para mapigilan ang pagkakaron ng boil dahil maaaring magkaroon ng boil ang lahat ng tao.
8. May mga sakit o kondisyon na maaaring magpalala nito
Ang mga sakit na ito ay diabetes, eczema at nakabukang balat, kaya’t nakakapasok ang bacteria, mahinang defense system o immune deficiency, anaemia o iron deficiency.
Ang simpleng maling paglinis ng katawan at kakulangan sa tamang nutrisyon ay maaaring maging sanhi din ng pigsa. May mga gamot din na nakakapagpahina ng defence system laban sa bacteria. Kailangang tingnan o suriin ang mga side effects ng mga gamot na ibibigay sa bata.
Paano gamutin ang pigsa? | Larawan mula sa Freepik
9. Kumonsulta sa doktor
Kailangang kumonstulta sa doktor, lalo na kapag hindi gumaling sa loob ng 2 hanggang 3 araw at walang gitna o tinatawag ng matatanda na mata, kapag may mataas na lagnat na hudyat ng impeksiyon, at kapag lumalaki na, o dumami na.
Higit na dapat dalhin sa doktor kung ang bata ay may diabetes o immune problem. Ayon kay Dr. Villarante, kailangan ng bata ng antibiotic, cloxacillin at kailangang palabasin ang pus o nana.
10. Maging sensitibo
Ugaliing maging sensitibo sa mga tumutubong bukol sa katawan. Kung maaari, ‘wag itong hahawakan o gagalawin palagi. ‘WAG ring tirisin ito dahil maaaring mag impeksyon ang bukol.
Ilang araw tumatagal ang pigsa?
Nakadepende sa mabilis na paggaling ng pigsa sa tao ang paggaling nito. Ngunit ilang araw rin na tumataga bago gumaling ito. Ito ay nasa 1-2 linggo.
May mga batang paulit-ulit na nagkakaron nito, sa iba’t ibang edad o panahon, at minsan ay kumakalat pa ito sa mga kasambahay o kapamilya na kasama sa bahay.
Ayon sa mga doktor, ito ay dahil sa bacteria na nasa sistema na ng bata, kaya’t palaging may impeksiyon, sa tuwing masusugatan o magagasgas man lang. May mga doktor na iniimbestiga kung may underlying medical condition ang bata.
Source:
WebMD, MayoClinic, MedicineNet
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!