6 dahilan kung bakit nade-delay ang menstruation

lead image

Bakit nade-delay ang menstruation? Ibig sabihin ba nito buntis na? Narito ang 6 na karaniwang rason kung bakit hindi agad dumarating ang buwanang dalaw.

Bakit nadedelay ang menstruation? Nag-aalala ka na ba at hindi ka pa dinadatnan ng buwanang dalaw?  May mga natutuwa dahil baka ito na ang hinihintay na pagbubuntis. Ngunit, alam mo ba na hindi lang pagbubuntis ang sanhi ng late period.

“Buntis ba ako?”

Ito palagi ang unang pangamba ng mga kababaihan kapag hindi pa nagkakaron ng buwanang dalaw. Panic Mode agad. Hindi ba mas mainam kung aalamin ang mga posibleng dahilan ng menstrual delay?

Bago magmadaling bumili ng pregnancy test sa drug store, basahin ang 6 karaniwang dahilan kung bakit hindi pa dumadating ang menstruation mo sa buwang ito.

Bakit nadedelay ang menstruation?

1. Stress o labis na pag-aalala

Ang labis na pag-aalala at stress ay di lang nakakaapekto sa emosiyonal at mental na kalagayan, kundi pati sa pisikal. Kasama na dito ang hypothalamus—ang bahagi ng utak na nagkokontrol sa pagpapalabas ng hormones. Ayon sa mga pag-aaral, kapag labis ang stress, maaapektuhan ang menstrual cycle na maaaring maging maikli, o mas matagal, o di kaya ay huli o hindi dumadating sa takdang araw. Mayron ding nagkakaron ng mas masakit na period cramps.

Ang dapat gawin: Hangga’t makakayang iwasan ang labis na pag-iisip, at ang mga sitwasyong nakaka-stress, gawin ito. Mag-ehersisyo, matulog ng sapat, at maghanap ng mapaglilibangan para maibsan ang stress level.

2. Ang gamit mong Birth Control

Tipikal na kaalaman sa mga babae na mas makakatulong na ma-regulate ang menstural cycle kapag gumagamit ng birth control pills. Pero ayon sa medical article ng reproductive health expert na si George Patounakis, M.D., Ph.D., FACOG, minsan din ay nakakaapekto ang pag-inom ng extended-cycle ng birth control pills. Sa halip na 21 pills sa 21 araw, may mga set ng pills na para sa 28-day cycle, at mayron ding tuluy-tuloy na 3 buwan. Sa 28-pill set, ang pito ay “blanko” o hormone-free pills, pero ginagamit para masanay ang babae na uminom at hindi makalimot. Ang hormonal birth control ay nagpapalabas ng estrogen na may kasamang progesterone sa loob ng 21 araw.. Kasunod nito ang ilang hormone-free-pill days. Ang pagkawala ng hormones ang nagpapalabas ng menstruation o dugo.

Ang hormones na ito ay sanhi ng pagnipis ng lining ng uterus, na minsan ay sobra ang nipis kaya’t hindi nagkakaron ng pagdurugo o menstruation. Ito ang dahilan ng delay. Gayundin sa mga gumagamit ng injectable birth control o di kaya ay patches, pati na intrauterine devices (IUDs). Kaya’t kung ganito ang contraceptive na gamit, asahan na hindi magiging sakto ang dating ng buwanang dalaw, at minsan pa nga ay wala sa isang buwan.

Ang dapat gawin: Wala namang panganib ang delay na dahil sa contraceptive. Payo pa rin ni Dr. Patounakis, kung higit sa 2 buwan nang hindi dinadatnan, kahit pa gumagamit ng contraceptive, dapat na ring magpatingin sa OB GYN para masiguro kung buntis nga o hindi. Hindi kasi 100% na epektibo ang lahat ng uri ng contraceptive.

3. Pagbabawas o pagdagdag ng timbang dahil sa diet

May mga sadyang nagbawas ng timbang kaya’t nabago ang food intake, o di kaya ay  tahasang nag-eehersisyo. Ang dalawang bagay na ito ay posibleng dahilan ng pagkahuli ng dating ng buwanang dalaw. Kapag kasi naging underweight o bumaba ang body-fat ratio, naaapektuhan ang reproductive hormone levels. Sobrang bumababa ito kaya’t hindi nangyayari ang dapat na ovulation at menstruation. Gayundin ang problema kapag labis naman ang nadadagdag na timbang, bagamat mas apektado ang pagkahuli ng menstruation kapag labis ang pagbagsak ng timbang. Kapag kulang sa sustansiya ang katawan, naaapektuhan ang produksiyon ng hormone na nagreregulate sa obaryo ng babae.

Ang dapat gawin: Kung huli ang dating ng menstruation at posibleng dahil ito sa mabilis na pagbaba ng timbang o sa pag-eehersisyo, dapat ding kumunsulta agad doktor at dietician para mapayuhan ng kakailanganing vitamins at nutrients ng katawan para ma-regulate muli ang iyong period. Ang pagdagdag ng kahit kaunting timbang ay makakatulong din na mabalik sa regular ang menstruation.

4. Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) o Hormonal imbalance

PCOS ang isa sa pinakakaraniwang hormonal disorder ng mga babae. May mga hormones tulad ng prolactin o thyroid hormones na nagiging sanhi ng menstrual delay.

Sa isang tipikal na menstrual cycle, ang bawat obaryo ng babae ay naglalabas ng 5 follicles, isa dito ang maglalabas ng itlog para sa ovulation. Kapag may PCOS ang isang babae, may mga sobrang follicles, kaya mas marami ang nag-aagawan para maglabas ng itlog, at tumatagal ang proseso ng ovulation. At hanggang walang nailalabas na itlog, hindi magsisimula ang menstrual cycle. Kapag may abnormal na lebel ng hormones ang isang babae, nagiging sanhi din ito ng pagkakaron ng maliliit na cysts sa obaryo.

Pangunahing sintomas ng PCOS ang labis na pagbigat ng timbang o obesity. Dagdag pa ang pagtaas ng lebel ng hormone na androgen, na nagiging sanhi ng taghiyawat, at makapal na buhok o balahibo sa mukha at dibdib.

Ang dapat gawin: Magpatingin kaagad sa doktor para matukoy kung, PCOS o hormonal imbalance man o hindi ang problema. Nalalaman ito sa pamamagitan ng blood tests. Kadalasan ay kailangan lang ng gamot para maibalik ang regular na dating ng menstruation. Kapag hindi naagapan, maaaring mapunta ito sa endometrial cancer.

Para lubusang malaman kung PCOS nga, kailangan ng masusing blood tests at ultrasound ng ovaries. Tanging ang mga doktor lang ang makakapagbigay ng diagnosis, para din maseguro na walang ibang kondisyon na dahilan ng delayed na menstruation.

Ayon din sa mga espesyalista, makabubuti ang pagbawas ng kahit hanggang 10% lang ng timbang ng mga pasyenteng may PCOS, para makatulong na mabalik sa dating cycle ang menstruation.

5. Perimenopause

Ang average na pagdating ng menopause ay edad 50-52 pataas, pero may mga nakakaranas na ng pagkaantala o delayed menstrual cycles, o di kaya ay pagkawala ng menstruation ng ilang buwan, saka babalik, pagdating ng edad 45 pataas. Imbis na 28 na araw ang pagitan, nagiging 48 araw o higit pa, posibleng dahil ang estrogen levels ay nag-iiba-iba na, o maaaring may problema din sa ovaries.

Ayon kay Dr. Seema Samath, MD, Obstetrician and Gynecologist ng Aster Clinic Dubai, kung ikaw ay nasa edad 40 hanggang 48 at tumigil na ang buwanang dalaw ng higit sa isang taon, ito ay tinatawag na early menopause.

Ang dapat gawin: Kumunsulta sa iyong OB GYNE para malaman kung ano ang mga sintomas o senyales ng perimenopause, kung paano mapapangalagaan ang sarili at kung ano ang makakatulong na inumin o kainin.

6. Maaaring senyales ng karamdaman

Maaaring hudyat din ito ng karamdaman tulad ng diabetes, thyroid disease o pituitary tumor. Ang mga babaing may ganitong karamdaman ay nagkakaron ng problema sa ovulation at nahuhuli ang menstruation. Sintomas din nito ang labis na pagdurugo, na minsan ay hindi naman pala menstruation, at panghihina. Kapag may tumor, maaaring makaranas ng sakit ng ulo, panlalabo ng paningin, at may discharge mula sa dede.

Ang dapat gawin: Kung may nakikita pang ibang sintomas na may kinalaman sa diabetes at thyroid disease, magpatingin agad sa doktor para matukoy kung ano talaga ang problema.

 

Sa huli, hindi pa rin dapat iwaksi ang posibilidad na pagbubuntis nga ang dahilan ng late menstruation. Kahit pa gumagamit ng contraceptive, maaari pa ring mabuntis. Maiaalis lamang and suspetsa ng pagbubuntis kung naeksamin na ng OB GYN at negatibo ang pregnancy test.

Sa lahat ng posibilidad, makakabuti kung ang isang babae ay maglilista ng petsa ng unang araw at huling araw ng kaniyang menstruation, para maalam sa sariling cycle. Kapag nagpapatingin din kasi sa doktor, ito ang unang tinanatanong: una at huling araw ng pinakahuling menstruation.

Kung may nararamdaman na ding kakaiba, gawing regular ang check-up sa iyong OB GYN, pati na ang mga kinakailangang tests tulad ng pap smear. Ang kaalaman sa reproductive health at pangangalaga sa sarili ay makakatulong na makaiwas o maagapan angs anumang malubhang komplikasyon.

Sources: Mayo Clinic, Healthline, Dr. Seema Samath, MD, Obstetrician and Gynecologist - Aster Clinic Dubai, George Patounakis, M.D., Ph.D., FACOG

Basahin: Mga maagang palatandaan ng pagbubuntis

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner