Gusto nang magkababy? Narito ang mga dapat niyong malaman ni mister tungkol sa pagkabaog.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano malalaman kung ikaw ay baog?
- Mga nakakaapekto sa fertility ng mag-asawa
- Kailan dapat kumonsulta sa isang doktor
Ang pagkakaroon ng anak ay isa sa mga masasayang bahagi ng buhay ng mag-asawa. Maaring dumarating ito nang biglaan para sa iba, at ang iba naman ang pinagpaplanuhan ito nang maayos.
Subalit paano kung sa kabila ng inyong pagpaplano at pagsubok, ay hindi pa rin kayo nagkakaanak?
Hirap makabuo?
Ayon kay Dr. Gergen Marie Lazaro-Dizon, isang OB-gynecologist at eksperto sa Infertility mula sa Makati Medical Center, bago masabing hirap makabuo ang mag-asawa, kailangan munang isaalang-alang ang mga bagay tulad ng kung gaano sila kadalas magtalik.
“Actually para sabihin mong hirap ang mag-asawa to conceive, dapat one year of trying o one year na nagta-try. Hindi mo pipilitin, hindi mo sasadyain.
Dapat one year kayong magkasama, one year kayong hindi magkahiwalay at nag-i-intercourse kayo ng madalas. Kapag walang pagbubuntis, dun mo iisipin na may problema kayo.” aniya.
Dagdag ng doktora, ang isa sa mga pangunahing rason kung bakit hindi nagkakaanak ang mag-asawa sa kabila ng kanilang pagsubok ay kung baog ang isa sa kanila.
“Of course it takes two to tango. So 20% of cases, puwedeng male factor o o ‘yong tinatawag nating male factor infertility. Mayroong ding female factor infertility.
‘Yon ‘yong mga may problema sa ovulation number 1. May problema sa uterus, sa fallopian tube, ‘yong mga ganoong factor.” aniya.
Paano mo malalaman kung ikaw ay baog?
Ang pangunahing sintomas talaga ng pagkabaog ay kapag hindi sila nagbubuntis o sa kaso ng mga lalaki, walalng kakayahang makabuntis. Pero mayroon pang ibang senyales na maaring bantayan para malaman kung baog ang isang tao.
Magkakaiba ang sintomas ng pagkabaog sa mga lalake at babae. Pagdating sa usaping ito, halos pantay lang ang dami ng kaso ng lalake sa mga babae.

Sintomas ng pagkabaog sa babae
May posibilidad na baog ang isang babae kapag hindi pa siya nagkakaanak sa loob ng isang taon na sumusubok. Kapag siya naman ay lagpas na sa edad na 35, masasabing baog kapag hindi siya nabuntis sa kabila ng pagsubok sa loob ng 6 na buwan.
Ang mga babaeng may mabigat na timbang o obese ay mas nahihirapang magbuntis dahil naaapektuhan ng fats sa kanilang katawan ang hormones na nagdudulot ng ovulation at pagbubuntis.
-
Masakit na pakikipagtalik
Ang tawag sa kondisyon na ito ay dyspareunia at posibleng epekto ito ng infections, endometriosis, at fibroids.
-
Mahabang period na may heavy bleeding
Kapag ang iyong monthly period ay inaabot ng higit sa 7 araw, at nagkakaroon ka ng heavy bleeding, posible itong senyales na mayroon kang endometriosis. Kasama pa ng matinding pagdurugo ang pananakit ng puson, ng likod, matinding pagod, pagsusuka at problema sa pagdumi.
-
Irregular na menstrual cycle o hindi nagreregla
Mas mahirap mabuntis ang mga babaeng mayroong irregular cycle dahil posibleng senyales ito na hindi regular ang ovulation, o ang paglabas ng egg cell ng babae.
Posibleng epekto ito ng mga kondisyon tulad ng polycystic ovarian syndrome o PCOS, obesity, thyroid issues, at pagiging underweight.
Mahalaga ang papel ng ating hormones sa ating kakayahan na mag-ovulate at mabuntis. Kaya naman kung mayroong pagbabago o problema sa hormones, maaring mahirapang mabuntis ang isang babae. Narito ang ilang sintomas ng hormonal imbalance:
-
- hindi mapaliwanag na pagdagdag ng timbang
- matinding acne
- paglamig ng mga kamay at paa
- pagbaba ng sex drive o ganang makipagtalik
- facial hair
- discharge sa nipples
- pagnipis ng buhok sa itaas na bahagi ng ulo
-
Maitim o maputla ang dugo sa simula ng iyong period
Kadalasan pala ay bright red ang kulay ng dugo sa simula ng menstrual period o cycle ng isang babae, maari itong maging dark pagkalipas ng ilang araw.
Pero kung masyadong maputla ang kulay ng dugo na napapansin mo, maaring isa itong warning sign na may problema sa iyong reproductive health. Gayundin, ang masyadong maitim na kulay ng dugo ay posible ring senyales ng endometriosis, kaya kailangang kumonsulta ka sa iyong OB-GYN.
Sintomas na baog ang lalaki
-
Problema sa pakikipagtalik
Ang erectile dysfunction ay isang kondisyon kung saan nahihirapang magkaroon ng erection ang isang lalaki. Maaari ring senyales ng infertility kapag kadalasang walang ganang makipagtalik si mister.
Larawan mula sa Freepik
BASAHIN:
Male infertility o pagkabaog ng lalaki: Sanhi, sintomas at ang maaring gawing lunas
#AskDok: Paano mabuntis kahit may PCOS (Polycystic Ovarian Syndrome)?
Balak Sundan si Junior Pero Hirap Makabuo? 5 Paraan Kung Paano Mabuntis ng Mas Mabilis
-
Kaunti at matagal malusaw na semilya
Posible rin na maging baog ang isang lalaki kapag kaunti lang ang lumalabas na semilya kapag siya ay nakikipagtalik. Ayon kay Dr. Dizon, dapat higit sa 20 milyong sperm cell ang naroon sa semilya para magkaroon ng malaking posibilidad na makabuntis.
“Titingnan kung ilang milyon, kasi million dapat talaga. Maski isa lang ang nakakabuntis, you have to have millions. I think it’s at least 20 million in a lower limit,” paliwanag ni Dr. Dizon.
Bukod dito, tinitingnan din ang quality ng sperm. Kapag lumalabas ang semilya mula sa ari ng lalaki, ito ay malapot na parang gel ang hitsura.
Pero ‘di katagalan ay malulusaw rin ito at lalabnaw upang mabilis makagalaw ang sperm cells papunta sa fallopian tube. Kapag matagal malusaw o hindi natutunaw ang semilya, posible itong senyales na baog ang lalaki.
Mahalaga sa fertility ng lalake ang pagkakaroon ng malusog na testicles, dahil dito nanggagaling ang sperm cells. Kapag maliit ang testicles ng isang lalake, puwedeng sintomas ito ng infertility. Ang pamamaga o bukol sa bahagi ng testicles ay isa pang sintomas ng pagkabaog.
Tulad ng sa mga babae, ang obesity sa lalake ay nakakaapekto sa kaniyang sperm at kakayahang makabuntis. Kaya’t mahalaga ang pagkakaroon ng tamang timbang para makabuo ang mag-asawa.
Ilan pa sa mga sintomas na mahirap makabuo o makabuntis ang lalaki ay kapag mahina ang kaniyang pang-amoy, hindi normal na paglaki ng dede at kaunti ang kaniyang facial hair at buhok sa mga bahagi ng katawan.
Mga posibleng makaapekto sa posibilidad na makabuo ang mag-asawa
Maraming mga bagay ang posibleng maging sanhi ng pagkabaog. Ilan sa kanila ang mga sumusunod:
Ayon kay Dr. Dizon, nababawasan na ang kakayahan ng isang babae na magbuntis habang siya ay tumatanda. Samantala, wala naman itong epekto sa mga lalaki.
“Walang limit sa lalaki kasi nga ang difference natin, sila constantly producing, may factory sila e. So every 2 months nagre-replinish. Kaya bagong set na naman bagong set. So sila walang problema.
Tayo, we are born with eggs. Pagkalabas natin set na iyong eggs natin, wala nang factory. So every time you menstruate, every time in cycle ka, nababawasan iyon kaya my life span lang ‘yong eggs natin.”
Ayon sa mga pag-aaral, ang paninigarilyo at madalas na pag-inom ng alak ay nakakaapekto rin sa sperm count ng isang lalaki at sa kaniyang kakayahan na makabuntis. Nakakaapekto rin ito sa ovulation ng isang babae.
Sabi rin ng doktora, nakakadagdag talaga ang stress para mabawasan ang posibilidad ng pagbubuntis. Napansin niya ito sa kaniyang mga pasyente.
“Yes, it really happens eh. Iyong minsan mawala lang ‘yong stress, doon nape-pregnant. Minsan matapos mag-workup o kapag napagod na sila, doon pa sila mape-pregnant.” ani Dr. Dizon.
Bukod sa mas mahirap makabuo kapag obese o mataas ang timbang ng babae o lalaki, may mga pagkain na nakakaapekto sa semilya ng isang lalaki, kasabay pa ng hindi pag-inom ng tubig. Gayundin, may mga pagkain na nakakaapekto sa hormones ng isang babae.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention o CDC, ang mga sexually transmitted diseases na chlamydia at gonorrhea ay maaring maging sanhi ng pelvic inflammatory disease at infertility sa mga babae.
Dahil sa chlamydia, maari ring magkaroon ng impeksyon sa fallopian tubes nang walang ibang ipinapakitang sintomas.
Kailan dapat magpa-checkup?
Larawan mula sa Freepik
Kapag nararanasan ang mga sintomas na nabanggit sa itaas, o kung sumusubok na kayo sa loob ng isang taon (o 6 na buwan kung mahigit 35 na ang edad niyo), mas mabuting kumonsulta na kayo sa inyong OB-GYN at urologist para mabigyan ng mas masusing pagsusuri.
Pero kahit walang nararanasang sintomas ng pagkabaog ngunit napagdesisyunan niyo nang magka-anak, dapat ay kumonsulta na agad kayong mag-asawa sa doktor para malaman kung ano ang mga posibleng balakid niyo para makabuo, at para matulungan kayo sa inyong kagustuhang magka-baby.
Dagdag pa ni Dr. Dizon,
“When a couple embarks on a fertility work out, kailangan pareho kayo. Kailangan magpapa-checkup ng semilya ‘yong lalaki. ‘Yong babae magpagpapa-ultrasound siya, magpapa-check kung nag-oovulate siya.
Ipapa-check din kung ‘yong fallopian tube open. Kasi ang meeting place ng egg and sperm sa fallopian tube kung iyon barado, wala palang meeting place. So ‘yun ang mga dapat i-investigate.”
Wala namang imposible kung gugustuhin niyo talagang magkaanak. Huwag mahiyang magtanong sa inyong doktor kung mayroon kayong tanong tungkol sa pagiging baog at posibilidad ng pagbubuntis.
Source:
Medical News Today, CDC, Mayo Clinic
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!