Kapag mainit ang panahon, maraming mga kung anu-anong naglalabasan sa balat natin—lalo sa mukha. Isa na dito ang maliliit na butlig sa mukha, leeg at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Maliit lang itong maituturing at halos hindi nga mapapansin. Pero para sa iba, hindi sila kumportable kapag nahahawakan nila o nakikita ito sa salamin. Sa ilang kaso naman, ang simpleng butlig sa mukha ay maaaring sanhi pala ng isang seryosong komplikasyon.
Butlig sa mukha: Ano ito at paano ba ito maaalis? | Image from Freepik
title="Karaniwang gamot sa butlig sa mukha
">Karaniwang gamot sa butlig sa mukha
Tamang paglinis ng mukha
Karagdagang paalala
Home care remedies sa butlig o small cysts in English sa mukha
Butlig sa mukha, ano ang sanhi nito?
Ang mga butlig sa mukha o small cysts in English na natatagpuan sa iyong mukha ay maaaring sanhi ng ilang kondisyon.
- Maaaring sebaceous cysts ito, o ang uri ng cyst sa balat na hindi naman cancerous. Ito ay tumutubo sa balat na binubuo ng mga likido. Karaniwang naglalabasan ito sa mukha, leeg at balakang. Ayon sa Healthline at Mayo Clinic, ang mga butlig na ito ay hindi dapat ikabahala; iyon nga lang, minsan ay makati at nakakairita, lalo na kapag dumadami ang mga ito.
- Mas karaniwan ang butlig na tinatawag na epidermoid cysts, na pawang non-cancerous din. Madalang kumalat at hindi naman ito masakit, kaya hindi dapat ikabahala. Maliban sa mukha maari rin itong makita sa iba pang bahagi ng katawan tulad ng leeg.
- Mayroon ding milium cyst o milia, na mga maliliit na puting butlig na makikita sa ilong at pisngi. Karaniwang nakikita ito sa mga bagong panganak na sanggol, pero puwede ring magkaroon nito ang matatanda. Tumpok-tumpok ang mga ito kaya tinatawag na milia o multiple cysts. Ito ang karaniwang lumalabas kapag mainit ang panahon, ayon kay Dr. Carolyn Chua-Aguilera, MD, isang dermatologist sa St. Luke’s Hospital.
- Madalas, ang butlig naman na parang mapula at may nana ay acne o tigyawat. Sanhi ito ng pagbabara ng oil sa pores ng mukha, na naimpeksiyon na ng bacteria.
Sanhi ng butlig sa mukha
Sebaceous cysts
Ang sebaceous gland ay gumagawa ng oil sa ating balat na tinatawag ding sebum. Ito ang bumabalot sa ating buhok at balat. Kapag ang gland o duct na dinadaanan ng sebum ay nasira o nabara, namumuo ang mga sebaceous cysts o butlig. Ito naman ay harmless. Pero may mga bibihirang pagkakataon na maari itong maging cancerous o kaya naman ay ma-impeksyon.
Kung ilalarawan ang sebaceous cyst ay butlig o bukol sa balat na nagagalaw. Minsan ito ay maaring dilaw o puti na naglalaman ng fluid sa loob na tinatawag na sebum.
Dapat ay ingatan o hangga’t maari ay huwag pakialaman ang sebaceous cysts dahil maari itong maimpeksyon. Para makasigurado ay mahalagang magpakonsulta o patingnan ito sa doktor. Lalo na kung nagiging sanhi ito ng iyong pag-aalala.
Acne
Ang acne ay isa rin sa madalas na makikitang uri ng butlig sa mukha. Ang pagkakaroon nito ay dulot ng hormonal changes sa ating katawan.
Ngunit maliban sa normal na pagbabago na ito na nararanasan ng katawan, ang pagkakaroon ng pimples o tigyawat ay maari ring namamana. O kaya naman ay dahil sa mga medications o gamot na minsan ay mas nagpalala pa rito.
Puwede ring maging epekto ito ng mga trabahong maaring mag-expose sa isang tao sa mga industrial products. O sa paggamit ng mga cosmetics o skin products na nagdudulot ng pore-clogging sa ating mukha.
Minsan nagkakaroon ng sira ang glands o ducts kapag kinamot ng madiin, may acne o sanhi ng surgical wound. Kapag mainit ang panahon, bumubuka ang mga pores sa ating mukha, kaya’t mas madaling pasukin ng dumi o bacteria.
Ito ang karaniwang sanhi ng tigyawat o ang butlig sa mukha dahil sa init. Nakakadagdag din ang pagkain ng mga mamantikang pagkain.
Milia
Kapag nakulong naman ang keratin sa ilalim ng balat, nagkakaroon ng milia. Ang keratin ay isang matapang na uri ng protein na nagmumula sa ating skin tissues, buhok at kuko.
Ang milia ay ang makikitang small white spots sa mukha. Aakalain itong white heads pero kaiba ito sa milia. Madalas itong makikita sa mga bagong panganak na sanggol, pero nagkakaroon rin nito ang mga matatanda. Ang butlig na ito ay tinatawag ding milk spots. Ito ay may iba’t-ibang uri base sa pinagsimulan nitong dahilan.
- Neonatal milia – Ito ang uri ng milia na makikita sa newborn baby na madalas ay nasa paligid ng kanilang ilong.
- Primary milia – Primary milia naman ang tawag sa mga butlig sa pilikmata, noo o pisngi. Maaring magkaroon nitong ang parehong bata at matanda.
- Secondary milia (traumatic milia) – Tinatawag naman na secondary milia o traumatic milia, ang butlig na dulot ng damage sa balat. Maaring dahil napaso ito o reaksyon ng balat sa paggamit ng heavy cosmetic cream. Ito rin ang tawag sa butlig sa mukha dahil sa init.
- Juvenile milia – Ang juvenile milia naman ay ang mga butlig o cysts na present na mula pa pagkabata o kaya naman ay unti-unting lumabas dahil sa namana na ito sa inyong pamilya.
- Milia en plaque – Bibihira ang uri ng milia na ito na umaapekto sa mga babaeng edad 40 hanggang 60. Makikita ito sa mga parte ng balat sa mukha tulad ng pilik mata, pisngi, panga o kaya naman ay likurang ng tenga.
- Multiple eruptive milia – Ang butlig sa mukha na ito ay makati at isang uri ng bibihirang kondisyon. Marami ang butlig sa mukha na ito na maaring tumagal ng linggo o buwan kung hindi magagamot. Maliban sa mukha maari rin itong tumubo sa braso at itaas na bahagi ng tiyan.
Sintomas ng butlig sa mukha
Kadalasan, hindi naman masakit ang mga butlig na ito. Pero dahil nararamdaman o nakikita natin sila sa ating mukha, nakakairita at nakakailang. Minsan, may kasama rin itong pangangati dahil naiirita ang balat.
Narito naman ang mga sintomas ng butlig sa mukha o small cysts in English na nakakabahala:
Butlig sa mukha: Ano ito at paano ba ito maaalis? | Image from Freepik
- Kapag tumutubo uli ang mga ito pagkatapos tanggalin na.
- Kapag may nakikitang impeksiyon (pamumula, pananakit, at may nana).
- Sa epidermoid cysts, may dilaw na likido ang butlig at may blackhead na nasa gitna.
Kumonsulta agad sa doktor para sa mas masusing eksaminasyon at lunas kapag ganito ang uri ng butlig sa iyong mukha o katawan.
Karaniwang gamot sa butlig sa mukha
Ano ang gamot sa butlig sa mukha? Para sa milia na nasa mukha ng mga sanggol, huwag itong gagalawin dahil kusa naman itong nawawala.
Kung ibang butlig naman pero hindi ito lumalaki, nagnanana at walang senyales ng impeksyon, maaaring hayaan lang din ang mga ito na kusang mawala.
Ayon kay Jasmin Bolaño, skin care specialist ng Rejuva Salon sa Timog Ave., Quezon City, para sa mga matatanda, may isang paraan para sa mga uri ng butlig na mula sa allergic reaction sa gamot, o sa init ng panahon.
Tinatawag itong facial hydration kung saan nililinis at pinuputok ang butlig (kung ito ay may likido sa loob), nilalagyan ng hydration mask at pinapahiran ng hydrocortisone (antibiotic ointment) laban sa impeksiyon.
Pero kapag may posibilidad na cancerous ang mga butlig, kailangang sumailalim sa operasyon para tanggalin ang mga ito.
Mayroon ding mga sumasailalim sa surgery at nagpapatanggal ng mga butlig para sa “aesthetics” o pagpapaganda. Pagkatapos ng surgery, kakailanganin din lagyan ng hydrocortisone at scar cream o oil ang balat para maiwasan ang peklat.
Butlig sa mukha: Ano ito at paano ba ito maaalis? | Image from Unsplash
Kapag mayroon ka namang tigyawat, ito ang maaari mong gawin
Kung tigyawat naman, may mga paraan din ang dermatologist para gamutin ito. Pwedeng magpahid ng benzoyl peroxide o salicylic acid na tumutulong i-exfoliate ang balat at alisin ang pagbabara sa pores. Mayroon ding injection o tinuturukan ng steroids ang mismong tigyawat para lumiit at mabawasan ang pamumula.
Bago mo subukang tanggalin ang mga butlig sa iyong mukha o gumamit ng mga gamot para rito, mas makabubuti kung kokonsulta ka muna sa isang dermatologist.
Dito, susuriin niya kung ano ang pinagmulan ng mga butlig, kung delikado ba ito o maaaring banayad lang. Mabibigyan ka rin ng tamang gamot at treatment options, para makapagdesisyon ka kung ano ang gusto mong gawin.
Para sa mga nag-iisip na dumaan sa surgery, maaaring mag-iwan ito ng peklat kaya siguruhin muna sa iyong doktor ang mga hakbang na dapat gawin.
Pwede mo ring subukan ang mga natural o herbal remedies gaya ng tea tree oil at jojoba aloe vera, pati na honey, green tea at bawang na maaaring magsilbing gamot para sa iyong mga butlig.
Ang green tea ay may antioxidants na kailangan ng balat natin, kapag labis-labis ang sebum sa balat. Nakakatulong din itong maisara ang mga open pores. Pwede itong inumin bilang tsaa, o kaya ay ipahid ang green tea extracts na mabibili sa botika.
Isa sa mabisang paraan upang malunasan at maiwasan ang tigyawat sa mukha ay ang madalas na paghihilamos gamit ang sabon at tubig. Gawin ito ng hindi hihigit sa dalawang beses sa isang araw.
Bagamat hindi nito agad na maalis ang tigwayat na lumabas na sa mukha, makokontrol naman ng paraan na ito na hindi na ito dumami pa. Iwasan lang na kuskusin ang mukha, dahil sa ito ay maaaring maka-injure sa balat at magdulot ng iba pang skin problems.
Paano mawala ang butlig sa mukha?
Bukod sa mga gamot sa butlig o tiny bumps na tumutubo sa mukha, mahalaga ang paglilinis ng mukha araw-araw para maiwasang magkaroon ng pimple o iba pang butlig na maaaring tumubo rito. Narito ang mga tamang paraan ng paglilinis ng ating mukha.
- Maghilamos ng dalawang beses sa isang araw. Isa sa umaga, at bago matulog sa gabi.
- Maghilamos o maghugas ng mukha pagkatapos pagpawisan. Ang dumi at pawis ay dahilan para mairita ang iyong balat.
- Gumamit ng cleanser sa paghihilamos. Siguruhin na hindi matapang walang kasamang alcohol ang mga ingredients nito.
- Kung ikaw ay may dry skin, ugaliing maglagay ng moisturizer pagkatapos maghilamos.
- Maligamgam na tubig ang gamitin sa paghuhugas ng mukha. Para naman sa pagpapatuyo ng mukha, kumuha ng malambot at malinis na tuwalya, at marahan itong idampi sa iyong mukha.
- Iwasan ang pagkuskos o mag-scrub ng mukha. Isa itong dahilan ng iritasyon. Kaya naman marahan lang idampi sa mukha ang malinis na towel. Iwasang gumamit ng mga produktong may facial scrub beads na maaring makairita sa iyong balat.
- Iwasang gumamit ng mga bagay sa paghihilamos katulad ng sponge. Ayon sa pag-aaral, maaaring mabuhay rito ang mga mikrobyo. Kung pipiliin mong gumamit ng mga ito, siguruhing malinis sila bago mo gamitin.
Karagdagang paalala
Ito naman ang iba pang dapat tandaan para mapanatiling malusog ang iyong balat
- Siguruhing malinis ang iyong kamay kapag hahawakan mo ang iyong mukha.
- Gumamit ng mga pinagkakatiwalaang produkto na babagay sa iyong skin type.
- Iwasan mong kamutin o putukin ang mga butlig sa iyong mukha. Sa halip, obserbahan mo ang mga ito at kumonsulta sa iyong doktor.
- Ugaliing gumamit ng sunscreen para maiwasan ang mga masamang epekto ng UV rays sa iyong balat.
- Ugaliin ding magtanggal ng makeup bago maghilamos sa gabi.
Kung mayroon kang napapansin o nakikita na hindi kaaya-aya o nakakabahala sa iyong mukha o balat, mas mabuting kumonsulta sa isang dermatologist para masuri at masolusyunan agad ito.
Home care remedies sa butlig o small cysts in English sa mukha
Bago alamin ang mga natural na remedy na maaaring subukan sa bahay, kailangang tignan at malaman ang ilang mahahalagang detalye:
- Hindi mo dapat subukang tanggalin o i-pop ang isang butlig o small cyst sa bahay. Pinapataas nito ang posibilidad ng impeksyon. Hindi rin garantisado na ang popping sa butlig ay mawawala nang permanente.
- Ang mga natural na remedyong mababanggit ay maaaring hindi ganap na maalis ang mga small cysts sa mukha. Gayunpaman, mungkahi ng siyensiya na maaari silang tumulong sa hindi direktang paraan upang mapangasiwaan ito ng maayos.
- Kahit na hindi pa napatunayang gumagana ang mga ito, ang pagsubok sa mga remedyong ito ay maaaring magdudulot ng kaunting panganib kung ginamit nang tama, kaya’t mabuting maging maingat lalo na sa mga sensitibo ang balat.
Tandaan: Kung ang iyong mga butlig o small cysts ay hindi nagdudulot sa iyo ng mga problema, hindi mo kailangang alisin o galawin ito.
1. Hot compress
Maaaring bawasan ng simpleng init ang kapal ng butlig sa mukha. Sa kaso ng mga epidermoid cyst na puno ng likido, maaari itong makatulong na mas mabilis na maubos ang likido sa lymphatic system.
Ang paraang ito ay tumutulong na mapanatili ang balanse ng likido sa katawan na laban sa anumang impeksyon sa mukha.
2. Tea tree oil
Ang essential oils mula sa tea tree (Melaleuca alternifolia) ay maaaring makatulong sa ilang mga cyst o butlig, kahit na sa hindi direktang paraan.
Mula sa mgapag-aaral, ang tea tree oil ay mayroong antimicrobial activity, ibig sabihin, pinapatay nito ang mga bakterya, mga virus, fungi, at iba pang mga pathogen, kahit na hindi ito kasing lakas o epektibo ng mga sintetikong compound.
Ang ilang mga cyst ay sanhi ng ingrown hair. Ang mga ito ay nabubuo kapag ang mga follicle ng buhok ay hindi lumalaki nang maayos, na humahantong sa impeksyon ng isang sebaceous glandula. Lumilikha ito ng nana na maaaring maging isang cyst, na tinutukoy bilang isang sebaceous cyst.
Bilang isang antimicrobial, ang tea tree oil ay maaaring makatulong na patayin ang mga impeksiyong bacterial na dulot ng mga tumutubong buhok. Maaari nitong bawasan ang pagkakataong magkaroon ng cyst na dulot ng mga buhok.
3. Apple cider vinegar o ACV
Ang Apple cider vinegar ay isa pang inirerekomendang natural na lunas. Maaari itong makatulong sa mga cyst ngunit sa limitadong lawak lamang.
Sapagkat walang mga pag-aaral na nagpapakita na ang apple cider vinegar ay nakakabawas ng mga cyst o nag-aalis ng mga ito. Ngunit, tulad ng langis ng tea tree oil, ang apple cider vinegar ay mayroong antimicrobial property. Ito ay dahil sa mayroon itong acetic acid.
4. Aloe vera
Mula sa mga pag-aaral at pananaliksik, ipinakita na ang aloe vera ay may mga anti-inflammatory at antimicrobial properties. Parehong maaaring makatulong sa pananakit at pangangati sa mga cyst o butlig.
Ang aloe vera ay maaari ring makatulong na bawasan o alisin ang ilang mga cyst na dulot ng bacteria o iba pang pathogens.
5. Honey
Inirerekomenda ng ilan ang honey para sa maayos na pamamahala ng cyst at butlig na tumutubo sa mukha, kahit na kakaunti man ang mga pananaliksik tungkol dito.
Gayunpaman, ang isang 2017 na pagsusuri mula sa trusted source ng mga pag-aaral, ay nagpahiwatig na mayroon ang honey na mga antimicrobial at anti-inflammatory effect.
Upang gawin ito, maaaring ihalo ang hilaw at natural na honey sa iba pang halamang gamot na mayroong antimicrobial property. Pagkatapos ay ilapat ito sa bahaging tinubuan ng butlig o small cycts at hayaan ito nang magdamag samukha.
6. Turmeric
Ang turmeric ay mayroong anti-inflammatory properties na maaaring makatulong sa proseso ng pagpapagaling ng mga tumutubong butlig sa mukha. upang masubukang gawin ito, kailangan mo lamang ng fresh powder ng turmeric at ihalo ito sa tubig upang makalikha ng paste at saka ilalapat sa mukha.
Paalala lamang, na ang mga natural remedies na ito ay hindi pa napatunayan ng siyensiya kaya mainam na alamin muna ang mga components na nakapaloob ditto upang maiwasan ang mga allergic reactions o mas malalamang komplikasyon.
Karagdagang ulat mula kay Jasmin Polmo
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!