Ang pagbubuntis ay isa sa mga pinakamasayang bahagi ng buhay ng isang babae. Pero ito rin marahil ang isa sa mga pinakamahirap na bagay na haharapin niya.
Pero hindi naman natin kailangang pagdaanan ito mag-isa. Magiging isang malaking ginhawa kung sasamahan ka ng iyong asawa o partner sa iyong pagbubuntis.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang mga hirap na pinagdadaanan ng mga buntis
- Bakit mahalaga ang emotional support sa mga buntis?
- Paano makakatulong si daddy sa pagbubuntis ni mommy?
Isang natural na pangyayari sa buhay ng babae ang pagbubuntis. Pero bagamat ginawa ang ating katawan para rito, marami pa rin tayong mararanasang pagsubok habang dala-dala natin ang sanggol sa ating sinapupunan.
Hirap na nararanasan ng mga buntis
Sa mga unang sintomas pa lang, mapapansin na ang mga pagbabago sa katawan at pag-uugali ng isang babae kapag siya ay buntis. Dala ito ng pagtaas ng kanilang mga hormones.
Pagdating sa mga pisikal na pagbabago, kabilang sa mga bagay na maaaring magdulot ng stress o hirap sa isang buntis ang mga sumusunod:
- Paglaki ng kaniyang tiyan
- Pagiging antukin o hirap matulog
- Madalas na pag-ihi
- Mabilis mapagod
- Pagsakit ng kanyang likod o puson
- Pagbabago sa kanyang panlasa
- Pagsusuka o morning sickness
Ang ilang mga babae ay nagkakaroon din ng mood swings o pagbabago-bago ng kanilang emosyon dala ng hormones o epekto ng mga pisikal na pagbabago (mas bugnutin kapag kulang sa tulog o dahil sa morning sickness) na kanilang nararanasan.
Para sa mga bagong nanay, maaari silang makaramdam ng kaba at pag-aalala kapag iniisip nila ang panganganak at pag-aalaga sa kanilang baby.
Stress lang o prenatal depression?
Ang mga pagbabagong ito ay maaaring magdulot ng stress sa isang babae. Ayon kay Dr. Patricia Kho, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, kapag nakakaranas ng matinding stress ang isang babae habang nagbubuntis, pwede itong magkaroon ng masamang epekto sa bata sa kaniyang tiyan.
Paliwanag niya,
“Kapag grabe ‘yung stress, pwedeng masyadong tumaas ang cortisol. Ito ay isang hormone sa katawan ng babae at (nagiging dahilan para) maging maliit ang kaniyang baby. And then kapag masyadong stressed ang isang babae minsan hindi siya makatulog, hindi na makakain at masyadong nag-iisip ng mga masasamang bagay kaya baka maapektuhan din ‘yung baby.”
Dagdag pa ni Dr. Patricia Kho,
“Kung masyado ka ring ma-stress, baka naman magkaroon ka ng hypertension or diabetes and that will lead to a lot of complications on your pregnancy. Mas malaking chance na maliit ang baby, manganak ka ng premature o magkaroon ng complication during your delivery.”
Gayundin, may mga babae na nakakaranas ng labis na kalungkutan sa panahon ng kanilang pagbubuntis at maging pagkatapos nilang manganak. Ito ang tinatawag na prenatal depression at mas delikado ito sa kalusugan ng nanay at kaniyang sanggol.
Suporta ng partner o asawa ang kailangan
Paano nga ba malalabanan ang mga hirap at stress na nararanasan ng isang babae sa kanyang pagbubuntis?
Para kay Dr. Patricia, ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang stress at mga komplikasyon nito ay magkaroon ang babae ng taong makakausap at makakapagbigay sa kaniyang ng emotional support. Ito ang pangunahing papel ng mga kalalakihan sa pagbubuntis ng kanilang asawa.
“Para (maging) magaang ang kanyang pagbubuntis at para ma-feel niya na kaya niya ito. Kasi kailangan niya talaga ng emotional support. So pinaka malaking tulong talaga is ‘yung partner supportive and then ‘yung family. Pero number 1 talaga is yung partner.” aniya.
Habang nagbubuntis, ang baby ang responsibilidad ni Nanay, kaya’t inaasahang tutulong si Tatay sa iba pang aspekto ng buhay pamilya at mag-asawa.
Para sa mga lalaki, narito ang ilang paraan para maipakita mo ang iyong suporta at matulungan mo ang iyong partner sa kaniyang pagbubuntis:
1. Magbasa tungkol sa pagbubuntis
Magbasa ng mga libro, magazine at articles sa parenting websites para malaman ang lahat ng kailangan tungkol sa pagbubuntis sa bawat trimester, child growth and development, parenting, at kung ano-ano pa.
Kung may sapat kang kaalaman tugkol sa pagbubuntis ng isang babae, mas maiintindihan mo ang pinagdadaanan ng iyong asawa at makakatulong sa paggawa ng mahahalagang desisyon na kailangang gawin.
Tulad ng mga prenatal tests, pagpili ng ospital kung saan siya manganganak at iba pa.
2. Asahan ang pagbabago kay misis.
Gaya ng nabanggit kanina, napakaraming pagbabago sa isang babae kapag siya ay nagdadalang-tao. Minsan, maging ang iyong asawa, hindi maipaliwanag ang kaniyang mga nararamdaman.
Kaya naman napakaimportante ng iyong pag-intindi sa panahong ito. Kapag sinabi niyang ayaw niyang kainin ang isang pagkain na paborito niya dati, o kaya’y nagiging mas mapili sa kakainin, intindihin mo na lang.
Kung mas gusto niyang matulog sa tanghali, hayaan siya. Habang lumalaki ang sanggol sa sinapupunan, bumababa ang energy level ng isang nagbubuntis, lalo na sa una at huling trimester.
Ang pagbubuntis ay isang napakasensitibong panahon para sa isang babae, kaya ngayon mo lalong iparamdam ang iyong pagmamahal.
3. Bigyan siya ng oras para makapagpahinga.
Isa sa mga unang sintomas ng pagbubuntis ang pagod o fatigue. Ayon sa Healthline, ilan sa mga sanhi ng pagiging pagod o pagiging antukin ng mga buntis ay ang pagtaas ng mga hormones na estrogen at progesterone (na nagsisilbing natural sedatives), pagbaba ng blood pressure at blood sugar, at hirap sa pagtulog dala ng morning sickness at madalas na pag-ihi sa gabi.
Kaya payo sa mga lalaki, hayaang makatulog ang asawang nagbubuntis nang hanggang gusto niya. Tulungan din siya sa mga gawaing bahay, para mabawasan ang kaniyang mga inaalala at makatulog ng mas mahimbing.
4. Asahan ang paglilihi—lalo ang paghahanap ng mga pagkaing kakaiba.
Mayroon ba siyang pagkain na gustung-gustong kainin? O kaya naman mga dating paborito niya na ni ayaw niyang maamoy ngayon?
Normal lang ito dahil isa sa mga sintomas ng pagbubuntis ang pagbabago ng panlasa.
Hindi naman nag-iinarte lang o sinasadya ng iyong asawa na maging maselan sa pagkain. Dala ito ng presensya ng hormones na human chrionic gonadotropin o HCG kaya siya nakakaranas ng pagkahilo, paglilihi at pagtanggi sa lasa at amoy ng ibang pagkain.
Huwag siyang pilitin kung mayroon siyang ayaw kainin. Baka maging dahilan pa ito para sumama ang pakiramdam niya.
Kung ayaw din niya ang amoy ng pabango mo, o amoy ng kinakain mo, isantabi muna ito para mapagbigyan ang asawa.
5. Pakinggan siya, at mga hinaing niya.
Nakakatulong sa relasyon niyong mag-asawa kung pakikinggan mo ang iyong misis. Pero sa panahong ito, mas kailangan mong lawakan ang iyong pag-intindi at habaan ang pasensiya sa kaniya.
Dahil sa pagbabago ng kaniyang hormones, mas nagiging sensitibo ang mga babae kapag buntis. Kaya intindihin na lang kung mabilis siyang mainis, malungkot at pakinggan ang mga hinaing at mga nararamdaman niya.
Mula sa paraan ng kanyang panganganak maging hanggang sa gastos sa ospital at pagiging ina, napakaramding tumatakbo sa isip ng iyong asawa ngayon.
Kaya makakatulong kung ipapakita mo ang iyong suporta at sa halip na isantabi ang mga takot niya, palakasin ang loob niya at ipaalam na magkatuwang kayo sa lahat at nariyan ka para alagaan at tulungan siya.
Mag-isip din ng mga bagay na makakapagpasaya sa kaniya tulad ng pamimili ng mga bagong gamit para sa baby, at lagi mo siyang kamustahin kung may kailangan siya.
BASAHIN:
Sintomas ng Buntis: 10 maagang palatandaan na pwede mong abangan
Kailan HINDI safe ang pagtatalik para maiwasan ang pagbubuntis
Gumaganda kapag buntis: Totoo ba ito?
6. Samahan siya sa mga doctor’s appointment.
Kung pwede, samahan mo siya sa lahat ng kanyang pre-natal checkup. Pero kung hindi naman, siguruhin mong naroon ka para sa mga importanteng appointment gaya ng ultrasound sa ika-20 linggo, kung kailang maririnig ang tibok ng puso ng sanggol.
Ayon kay Dr. Patricia, malaking bagay sa mga buntis kapag naroon ang kanilang asawa sa mahahalagang checkup.
“Na-aappreciate ng mga babae na during prenatal check up sinasamahan mo sila. Yung pinapakita mo na mahal na mahal mo sila.”
Hangga’t kaya, samahan mo rin ang iyong asawa sa mga iba pang bagay tulad ng mga blood test at ultrasound. Bukod sa maipapakita mo sa kaniya ang iyong suporta, malalaman mo rin ang kalagayan ng iyong mag-ina.
7. Magplano ng magkasama.
Huwag iasa sa kanya ang pagdedesisyon sa lahat ng bagay. Maaari ka ring magbigay ng iyong opinyon para maramdaman niyang hindi siya nag-iisa sa panibagong yugto sa inyong buhay.
Napakaraming iniisip ng iyong asawa ngayon, kaya naman mahalagang may nakakausap siya at may nakakasama sa pagdedesisyon.
8. Ipakita ang iyong pagmamahal at pag-aalaga
Dahil sa pagbabago sa kaniyang anyo, may mga babae na nakakaramdam ng insecurity habang nagbubuntis. Kaya dapat iparamdam mo sa kaniya na hindi nagbago ang pagtingin mo sa kaniya.
Narito ang payo ni Dr. Patricia kung paano mo pwedeng gawin ito:
“Sa husband, palagi mo lang sabihin sa kanya na you love her, na she is beautiful. Kasi ‘yung mga babae when they are pregnant feeling nila ang taba-taba na nila, nagkaka-pimple. So feeling nila ang pangit-pangit na nila. Tapos nai-insecure sila. So pakita mo na mahal na mahal mo siya, na ang ganda-ganda niya.”
Sa mga hirap na pinagdaraanan niya, walang masama kung ma-spoil si misis paminsan-minsan. Bilhin ang paborito niyang pagkain o bagong damit. Maaari mo ring imasahe ang mga pagod niyang paa.
Napakaraming pwedeng gawin para maging positibo at masaya ang disposisyon niya habang nagbubuntis.
Kung ito ang inyong unang anak, lalong kailangang magbuhos ng panahon at maghanap ng pagkakataon na magkasama kayo ng mas mahabang oras, dahil kapag nagka-baby na, iba na ang magiging prayoridad niyo.
9. Kumuha ng birthing classes nang magkasama
Hindi biro ang panganganak, kaya kung may pagkakataon, sumali kayo sa mga birthing classes nang magkasama. Ipakita mo ang iyong suporta kay misis sa pamamagitan ng pagsama sa kaniya.
Aralin kung paano ang panganganak at ano ang gagawin sa oras na lalabas na ang bata, ang isang napakahalagang magagawa ng isang tatay para sa kaniyang mag-ina.
Mas madaling malalagpasan ang hirap kung magkahawak kayo ng kamay sa buong proseso.
10. Magkasamang maghanda ng birth plan.
Tumulong sa pagbuo ng birthing plan. Pag-usapan kung paano nga ba niyo gustong iluwal ang bata. Pareho ba kayo ng gusto? Kung hindi, kailangang pag-usapan kung ano ang gagawin.
Sapagkat kung dumating ang pagkakataon na hindi kayang magdesisyon ng babae dahil naka-anesthesia na siya, o labis ang sakit na nararamdaman niya, paano ka magdedesisyon kung ‘di mo alam ang birthing plan?
Magtanong sa OB-GYN ng asawa kung ano ang iba pang bagay o posibleng maging problema na dapat ninyong paghandaan.
Larawan mula sa Freepik
11. Tulungan siya sa panganganak.
Karamihan na sa mga ospital ngayon ay pinapayagan ang mga lalaki sa loob ng delivery room. Kung may ganitong pagkakataon, gamitin ito para matulungan ang asawang kumalma. Hindi biro ang labor, kaya naman lahat ng suporta ay kakailanganin ng babae.
Para kay Dr. Patricia, napakaimportante ng suporta ng lalaki sa oras ng panganganak ng kanyang asawa. “During the pregnancy important ‘yan. During the delivery, para ma-feel ng babae na ‘Kaya ko ito. Kaya kong mag normal delivery or kahit ma-CS kaya ko,'” aniya.
Ibigay mo ang iyong suporta sa pamamagitan ng paghawak ng kaniyang kamay o paghagod ng likod tuwing umiiri.
Sa labis na sakit na kaniyang nararamdaman, maaaring maging masungit ang iyong asawa sa kalagitnaan ng labor. Huwag damdamin ito at maging matatag para sa kanya.
Oras na maipanganak na ang sanggol, maiibsan na lahat ng sakit at hirap, at mapapahinga na rin si misis. Bigyan siya ng pagkakataon at oras na huminga at magpahinga. Huwag lalayo, dahil anumang oras ay maaaring hanapin ka at kailanganin ang pag-aaruga at pagmamahal mo.
Ayon kay Dr. Patricia, napakaraming paraan para matulungan mo ang iyong asawa sa kaniyang pagbubuntis. Ngayon niya higit na kailangan ang iyong pag-intindi at suporta para sa kanilang mag-ina.
“Marami kayong pwedeng gawin for your wife para they feel special. Kasi imagine mo naman ‘yung babae, she’s carrying your child, ‘yung sacrifice ‘yung hirap, ‘yung pain. So pakita mo na mahal na mahal mo siya.” aniya.
Sadyang napakadami at napakalaki ng responsibilidad at obligasyon ng isang lalaki sa kaniyang mag-ina. Pero tandaan na lahat ng ito ay may kapalit na kaligayahan sa oras na makitang ligtas si nanay at ang inyong anak.
Sources: WebMD, WhatToExpect, Mottchildren
Ang article na ito ay unang isinulat ni Deepshikha.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!