Para sa maraming unang magulang, ang simpleng gawain tulad ng pagtitimpla ng gatas ay maaaring magdulot ng kaba.
“Tama ba ang sukat ko?” “Safe ba itong tubig?” “Pwede pa bang inumin ang gatas na naiwan kanina?”
Lahat ng ito ay mahalagang tanong na kailangang masagot. Dahil ang kalusugan ng sanggol ang nakasalalay, mahalagang alamin ang tamang paraan ng pagtitimpla, pag-store, at paghawak sa formula milk.
Mababasa sa Artikulong Ito:
-
Paano magtimpla ng gatas ng baby?
-
Ilang oras puwedeng inumin ang gatas bago ito mapanis?
-
Tamang paraan ng pag-store ng gatas ng baby
Mga Tips Kung Paano Magtimpla ng Gatas ng Baby
Paano Magtimpla ng Gatas ng Baby? Narito ang Mga Dapat Tandaan ng mga Magulang
1. Laging i-check ang expiration date.
Siguraduhing hindi expired ang gatas bago ito bilhin o gamitin. Kung lampas na sa expiration date, huwag itong gamitin kahit mukhang maayos pa.
2. Maghugas ng kamay.
Gumamit ng sabon at tubig. Siguraduhing tuyo at malinis ang kamay bago hawakan ang bote o formula.
3. Linisin ang mga bote.
Sterilize ang mga bote, nipple, takip, at rings bago unang gamitin. Maaari itong pakuluan, i-sterilize gamit ang microwave steam bag, o electric sterilizer. Gumamit ng hiwalay na sponge at brushes para sa mga gamit ni baby.
4. Suriin ang gagamiting tubig.
Gumamit ng malinis na tubig. Kung mula sa gripo, pakuluan ito ng isang minuto at palamigin bago ihalo. I-check din ang fluoride content at kumonsulta sa pediatrician.
5. Alamin ang tamang sukat ng gatas o formula.
Sundin ang instructions sa packaging. Gumamit ng tamang measuring spoon at cup. Huwag sosobra o kukulangin sa tubig dahil ito’y parehong hindi ligtas para kay baby.
6. Maaaring painitin ang gatas kung kinakailangan.
Puwedeng ipainom ng room temperature o malamig na gatas. Kung gusto ni baby ng warm milk, ilubog ang bote sa mainit na tubig sa loob ng ilang minuto. Huwag gumamit ng microwave sa pagpainit.
Ilang Oras Puwedeng Inumin ang Gatas Bago Ito Mapanis?
Mahalagang tandaan na may time limit ang gatas na natimpla na:
-
Sa loob ng 2 oras, mainam na maipainom na ang natimplang gatas. Pagkatapos nito, puwede na itong mapanis, lalo na kung naiwan sa room temperature.
-
Kapag nasimulan nang inumin ni baby, may 1 oras na lang ang natitirang oras para ito ay maubos. Pagkatapos noon, itapon na ang tira upang maiwasan ang bacteria.
-
Kung hindi na-label o hindi maalala kung kailan ito tinimpla, mas mabuting huwag na itong ipainom.
-
Huwag ring i-store sa freezer ang formula milk. Hindi ito ligtas i-freeze.
Tamang Paraan ng Pag-store ng Gatas ng Baby
Paano Magtimpla ng Gatas ng Baby? Narito ang Mga Dapat Tandaan ng mga Magulang
-
Hindi naubos ni baby ang gatas? Kung lumagpas na sa isang oras mula noong ito ay ininom, itapon na ito.
-
Nag-prepare in advance? I-label ang bote ng petsa at oras ng pagtitimpla. Ilagay sa ref at siguraduhing ma-consume sa loob ng 24 oras.
-
Ready-to-use formula? Kapag nabuksan at may natira, ilagay sa ref at ubusin sa loob ng 48 oras.
-
Walang label? Itapon. Huwag isugal ang kaligtasan ng baby.
Payo Para sa mga Magulang
Sa unang mga buwan ng sanggol, ang gatas ang pangunahing pinagmumulan ng nutrisyon at lakas. Kaya kung gagamit ng formula milk, mahalagang masigurado na tama ang sukat, ligtas ang tubig, malinis ang bote, at maayos ang pag-store nito.
Huwag mahiyang magtanong sa pediatrician ni baby kung may alinlangan ka sa pagtitimpla ng formula.
Tandaan, mas mabuti nang sigurado kaysa magsisi.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!