Nag-aalala sa pagtatae ng iyong anak? Delikado ba ang pagtatae ng baby ng kulay dilaw na poop? Alamin ang mga maaaring sanhi ng pagtatae ng baby, sintomas at gamot sa diarrhea sa mga sanggol.
Meal time at pagpapalit ng diaper, ito na ata ang pangunahing concern ng mga magulang. Likas na kasi sa mga sanggol ang laging gutom. Ngunit ‘wag mag-aalala kung laging naghahanap ng gatas ang iyong anak, isa itong senyales na lumalaking malusog si baby.
Ang hindi maganda sa kanilang health? Ito ay ang kulay dilaw at matubig na kanilang dumi.
Ang kulay dilaw na dumi na ito na sinamahan ng tubig ay isang senyales ng infection o allergy ng isang sanggol. Kung sakaling naglabas ng ganitong klaseng poop ang iyong anak, mabuting dalhin agad siya sa doktor lalo na kung hindi ito tumigil.
‘Wag masyadong ma-stress moms! May ilan pa namang bagay ang iyong magagawa para makaiwas sa ganitong kondisyon. Narito ang guide kung sakaling kulay yellow ang pagtatae ng baby.
Ano ang ibig sabihin kapag kulay dilaw ang dumi ni baby? | Image from Dreamstime
Pagtatae ng baby o diarrhea
Kapag ang dumi ng bata o baby ay biglang naging matubig, o loose, ito ang tinatawag na pagtatae ng baby. Ang pagtatae ng baby ay karaniwang maiuugnay sa diarrhea. Ito ay karaniwang sakit na dumadapo at common na sintomas ng ibang sakit na meron ang baby o bata.
Pero, minsan, kahit ang malusog na baby ay maaaring magtae. Hindi rin ito maiiugnay sa anomang sintomas ng ibang sakit, na tinatawag na toddler’s diarrhea.
Ang toddler’s diarrhea o pagtatae ng bata o baby ay tipikal na nangyayari sa mga baby o bata between 6 months hanggang 5 years old. Mas common itong nangyayari, ayon sa MottChildren sa edad na 2 hanggang 4 years old.
Matubig na dumi ng baby
Ang pagtatae ng baby, o karaniwan ding tinatawag na toddler’s diarrhea, ay nagdudulot ng matubig na dumi ng baby. Kumpara sa normal na dumi ng baby, malapot at matubig tubig na dumi ang meron ang baby at mas madalas.
Sa pagtatae ng baby, maaari itong mangyari sa lagpas sa tatlong beses isang araw. Pero, 25 percent naman ng mga baby o bata na nagtatae ay nagsisimula sa uamga, at gumagaling na pagsapit ng gabi.
Kasabay ng matubig na texture na dumi ng baby ay kulay nitong brown, green, o yellowish. May kasama ring undigested na pagkain sa matubig na dumi ng baby kapag nagtatae.
Ang bata o baby na may toddler’s diarrhea ay kadalasang walang nararamdamang abdominal pain, pagsusuka, pagbaba ng timbang o poor weight gain.
Kung sakaling hindi na normal ang mga senyales ng pagtatae ng baby, o mas malala ang mga sintomas, pumunta agad sa pediatrician o doktor para ipagamot si baby.
Normal na dumi ng baby
Aakalain din minsan ng mga first time moms na nagtatae si baby, lalo na sa mga newborn baby. Dahil, ang normal na dumi ng baby ay kadalasang madilaw, at mushy. Ayon din sa MayoClinic, may ilang guide sa kulay ng normal na dumi ng baby na dapat malaman.
Ito ang mga sumusunod:
- Black o dark green: Pagkatapos ng delivery, ang unang normal na dumi ng baby ay maitim at tarry. Ito ang tinatawag na meconium.
- Yellow green: Kapag nagsimula ng mag-breastfeed ang baby, nagiging yellow green ang itim na kulay ng dumi.
- Yellow: Ang mga newborn baby ay kadalasang dumudumi ng yellowish o parang mustard ang kulay.
Pagtatae ng baby ng kulay dilaw na dumi: Bakit ito nangyayari?
Kung ipagkukumpara, mas malambot ang dumi ng mga sanggol kaysa sa matatanda at bata. Sa katotohanan, ang mga sanggol na pinapainom ng gatas ng ina ay mas malambot ang kanilang dumi kumpara sa formula-fed babies.
Subalit minsan, may pagkakataon talaga na ang kanilang dumi ay sobrang lambot o tila tubig na. Samahan pa ng pagiging marami nito na hindi normal para sa kanila. Narito ang ibang mga senyales kasama ng pagtatae ng baby ng kulay dilaw:
- Walang luha kapag umiiyak
- Tuyong bibig
- Pagkakaroon ng dry skin na tila nababanat
- Pagiging iritable
- Pagkawala ng gana
- Madalas na pag-iyak
Mapapansin mo rin ang pagsusuka, mataas na lagnat at pagkakaroon ng dugo sa kanilang dumi. Minsan pa ay nagbabago ang kulay nito ng hindi inaasahan.
Samahan pa ng pananakit ng kanilang tiyan. Nararanasan ito ng mga sanggol under six months. Nakabase sa kondisyon ng baby ang kanilang makukuhang treatment.
Pangkaraniwan sa mga sanggol ang kulay dilaw na dumi. Narito ang kanilang apat na uri:
- Mild diarrhea. Ito ay kapag dumumi ng tatlo hanggang limang beses ang iyong anak sa loob ng isang araw.
- Moderate diarrhea. Ito ay kapag dumumi ng anim hanggang siyam na beses ang iyong anak sa loob ng isang araw.
- Severe diarrhea. Ito ay kapag dumumi ng lagpas sampung beses ang iyong anak sa isang araw.
Subalit bakit nga ba ito nangyayari? Alamin natin.
Dahilan ng pagtatae o diarrhea ng iyong newborn baby
Maraming bagay ang nakakapagpalala ng diarrhea ng mga sanggol. Narito ang ilan sa kanila:
- Infections. Pasok sa usaping ito ang bacteria, virus at parasite sa katawan ng iyong baby. Nakukuha ito ng isang sanggol kapag aksidente niyang isinubo ang maruming bagay sa loob ng bahay. Puwede rin na puno ng germs ang kaniyang kamay at hilig na niya itong isubo.
- Allergy. Nagkakaroon din ng allergic reaction ang mga sanggol sa kinakain nilang pagkain o gamot. Maaari ring siya ay lactose intolerant.
- Pagkalason. May pagkakataon ding nalalason ang sanggol sa mga kemikal o artipisyal na kulay ng kanilang kinakain.
- Pagtatae ng baby dahil sa ngipin o teething – Ang teething ng baby ay hindi mismo ang dahilan ng pagtatae o diarrhea. Pero, maaaring kung ano ano ang sinusubo o inilalagay ng baby sa kanilang bibig kapag teething phase. Dahil dito, ang mga laruan, teethers, at mga kamay nilang na-expose sa germs ay maaaring magdulot ng pagkakasakit at pagtatae.
Ano ang ibig sabihin kapag kulay dilaw ang dumi ni baby? | Image from iStock
Sintomas ng pagtatae ng baby
Ang normal na dumi ng baby ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang itsura at kulay. Madalas rin para sa mga newborn baby na tumae ng ilang beses sa isang araw.
Ang mga normal na kulay ng dumi ni baby ay dilaw, tan, brown, o berde. Maaari din itong maging malambot, kasing texture ng paste, o mas buo-buo.
Ngunit, kapag may diarrhea o nagtatae ang baby ay maaari ring mag-iba ang kulay at itsura nito. Narito ang mga posbileng sintomas ng pagtatae ng baby:
- nagtutubig na dumi
- mas berde o mas maitim kaysa normal na kulay
- may napakabahong amoy
- may pagdurugo o may mucus (malagkit at malapot na likido)
Gaano katagal ang diarrhea ni baby?
Iba-iba ang process ng reaction at recovery ng bawat sanggol. Subalit tumatagal ng isa hanggang dalawang araw ang pagtatae ng isang sanggol kung ito ay malala.
Malalaman mong bumubuti na si baby kapag bumabalik na sa dati ang itsura ng kaniyang dumi.
Kung ang sanggol naman ay may viral diarrhea, ito ay tumatagal ng apat na araw.
Gamot sa pagtatae o diarrhea ni baby
Karamihan sa mga sanggol na mayroong diarrhea ay gumagaling ng walang gamot. Iniiwasan ng mga doktor na bigyan sila ng gamot kung hindi naman kailangan. Pero minsan, may mga gamot na kailangan sa pagtate ng baby.
Subalit narito ang mga abiso ng mabisang gamot para sa pagtatae ng baby maaaring marinig mo sa iyong doktor:
- Antibiotics para sa viral at bacterial infection.
- Kailangan ng IV drip ng mga sanggol na mayroong malalang pagtatae at dehydrated.
- Oral rehydration sa mga sanggol na nagtatae.
- Pagbabago ng diet ng nanay na nagpapasuso.
Mabisang gamot para sa matinding pagtatae ng baby
Ang malalang pagtatae na dulot ng diarrhea na tumatagal na ng 14 na araw ay dahil sa impeksyon, pagkalason, o maling gamot. Sa ibang kaso, ang chronic diarrhea ay maaaring mas tumagal pa ng dalawang linggo.
Maaari ring irekomenda ng inyong doktor ang pagbili ng erceflora o Bacillus clausi. Ito ay gamot na inihanda na may suspension ng Basillus clausi spores. Ang erceflora ay bahagi ng normal na intestinal flora na walang anumang dulot na masamang epekto pagkatapos inuman.
Ibinabalik ng erceflora ang balanse sa anomang problema sa flora ng ating bituka na nagiging sanhi ng diarrhea o pagtatae. Ginagamit at pupuwede ito sa mga baby na nagbe-breastfeed bilang gamot sa anomang intestinal flora imbalance.
Maaaring painumin ito sa baby batay sa preskripsiyon ng inyong doktor. Sa kada 3 hanggang 4 na oras, ihalo ito sa pinapadedeng tubig na may kaunting asukal o formula milk sa baby mo.
Gamot sa pagtatae ng baby o bata na 1 year old
Kailangang alamin muna kung ang pagtatae ng 1 year old ay dulot lamang ng ibang normal na nangyayari sa development ni baby. Pero kung ito ay diarrhea, may tamang gamot sa pagtatae baby na 1 year old na kailangang ikonsuslta sa doktor bago ipainom.
Ang halimbawa ng gamot sa pagtatae ng baby na 1 year old ay oral rehydration solution (ORS) tulad ng Pedialyte. Isang special fluid ang ORS na makakatulong sa baby na maging hydrated.
Nirereseta ang ORS bilang gamot sa pagtatae ng baby na 1 year old kapag laging dehydrated ang bata. Mapapansin ito lalo na kung di umiihi ng ganoon karaming beses si baby kaysa normal.
Sabayan din ng pagpapadede o formula milk ang ORS sa pag-hydrate kay baby.
Handy guide
Ano ang ibig sabihin kapag kulay dilaw ang dumi ni baby? | Image from iStock
Kailangang malaman ng mga magulang ang pinagmulan, sintomas at gamot sa pagtatae ng kanilang baby.
Narito ang ilang tips na makakatulong upang makaiwas sa kondisyong ito:
- Fluids. Mahalaga ang tubig sa katawan ngunit para sa kondisyong ito, mas makakatulong ang fluid sa iyong baby. Katulad na lamang ng breastmilk.
- Iwasan ang mga juice. ‘Wag munang uminom ng mga juice dahil mataas ang nilalaman nitong sugar na maaaring makadagdag lang sa kondisyon ni baby.
- Pagpapalit ng diaper. Sa panahong ito, prone sa diaper rash si baby. Palitan lagi ito ng diaper at gumamit ng barrier cream o petroleum jelly para makaiwas dito. Marahan ding punasan ang puwit ni baby kapag papalitan ng diaper.
- Paginhawain si baby. Ang madalas na pagpunas sa iyong babay ay magdudulot lamang ng pressure rito. Hayaang pahanginan ng sandali si baby kapag papalitan ng diaper.
- Sterilize. Sa oras na ito, mahalaga ang madalas na pagpapasuso kay baby. Para sa mga bottle-fed babies, kailangan i-sterilise ng sampung minuto ang boteng ginagamit nila.
- Panatilihin ang kalinisan. Sensitibo ang iyong baby sa oras na ito. Kaya naman siguraduhin na malinis lagi ang kamay ng sanggol. ‘Wag ding kakalimutang maghugas ng kamay kapag hahawakan sila.
Rashes sa pwetan ni baby dahil sa pagtatae
Ang matagalang pagtatae ni baby ay napakahirap at napakasaklap na experience para sa kanya. Maaari itong magdulot rin ng mga di kaaya-ayang sintomas tulad ng rashes sa pwetan ni baby o pamamaga ng anus dahil sa masyadong pagpupunas nito.
Prone ang baby sa pagkakaroon ng rashes sa pwetan dahil sa pagtatae. Dagdag pa, dahil sensitibo rin ang kanyang balat at dahil sa masikip na diaper.
Para maiwasan ang pagkakaroon ng rashes sa pwetan ni baby dahil sa pagtatae, narito ang mga pwedeng gawin ni mommy sa paglilinis:
- Gumamit ng malambot na toilet paper o wet wipes.
- Iwasang gumamit ng wipes na may alcohol o pampabango.
- Tapikin lamang ang pwetan ni baby habang nililinis at huwag masiyadong pahirin.
- Kung may bidet sa bahay, gamitin ng moderate.
- Laging paliguan, kung maaari, si baby ng malinis at maligamgam na tubig.
- Gumamit ng vaseline, zinc cream, o barrier cream para sa namamagang pwetan kung inirekomenda ng doktor.
Mahalagang paalala
Hindi naman nakababahala ang ganitong klaseng sakit at maayos pa rin kahit nasa bahay lang. Ngunit dapat ay may gabay ng doktor. Ang parating iniiwasan ay ang ma-dehydrate ang bata na maaaring maging sanhi ng pagkamatay mas lalo na sa mga maliliit na sanggol.
Panatilihin ang malinis na kapaligiran sa loob ng bahay. Tandaan, ‘wag mag atubiling magpatingin sa doktor kung may napansing kakaiba sa iyong anak.
Isinalin sa Filipino nang mayroong pahintulot mula sa theAsianparent Singapore
Dagdag na impormasyon mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!