Nakakalungkot para sa mga ina ang makaranas ng miscarriage. Maraming iba’t ibang dahilan kung bakit ito nangyayari. Sa artikulong ito pag-usapan natin ang mga sanhi ng pagkalaglag ng bata at ano ang maaaring gawing hakbang upang ito ay maiwasan.
Sanhi ng pagkalaglag ng bata: Risk factor ng miscarriage
Isang pag-aaral ang isinagawa ng Norway sa pangunguna ni Maria Magnus, Norwegian Institute of Public Health, kung saan in-evaluate sa nasabing pag-aaral ang association o pagkakaugnay ng edad at pregnancy history ng isang babae sa risk o banta na makunan ito o malaglag ang bata sa sinapupunan.
Sa nasabing pag-aaral na nabanggit din ng Science Daily sa kanilang artikulo, mayroon umanong 421, 201 pregnancies sa loob ng study period.
Ang overall miscarriage rate umano sa mga ito ay umabot ng 12.8%. Ayon sa pag-aaral, ang mababa ang risk ng miscarriage o banta na makunan ang mga babaeng nasa edad 25-29 habang tumataas naman ang risk pagdating ng edad 30 taon. Umaabot ng 53% naman para sa mga babaeng 45 taong gulang o higit pa.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Daryl Wilkerson Jr.
Bukod pa rito, hindi lamang edad ng ina ang posibleng maging dahilan ng pagkalaglag ng bata. Kung nakaranas ng pregnancy complication noon si mommy, posibleng makaapekto ito sa panibago niyang pagbubuntis.
Halimbawa, kung nakaranas ng preterm delivery, cesarean section, o nagkaroon ng gestational diabetes si mommy sa nauna niyang mga pagbubuntis, mataas ang risk na makunan ito sa mga susunod na pagbubuntis.
Dagdag pa sa mga nabanggit ang mga sumusunod ay maaaring maging sanhi rin ng pagkalaglag ng bata ayon sa Mayo Clinic
- Kung nakunan ka na dati, posibleng muli kang makunan
- Paninigarilyo, pag-inom ng alak, at paggamit ng ipinagbabawal na gamot
- Kung ikaw ay underweight o overweight
Sintomas ng pagkalaglag ng bata
Ayon sa Mayo Clinic, karaniwang nangyayari ang miscarriage sa ika-12 linggo ng pagbubuntis. Ilan sa mga senyales at sintomas na nakunan ang isang babae ay ang pagdurugo sa ari o vaginal spotting o bleeding.
Maaari rin itong makaranas ng pananakit ng puson o abdominal cramps at pananakit ng lower back. Bukod pa rito, mapapansing mayroong fluid o tissue na lumalabas mula sa ari ng babae.
Kung sakali umanong makaranas na may lumabas na fetal tissue mula sa ari ng babae, ilagay ito sa malinis na container at dalahin sa iyong healthcare provider o sa ospital para masuri.
Dahilan ng pagkalaglag ng bata sa sinapupunan
May iba’t ibang posibleng dahilan ng pagkalaglag ng bata sa sinapupunan. Karaniwang hindi nade-develop nang maayos ang fetus kaya nakukunan ang ina.
Narito ang ilan sa mga dahilan ng pagkalaglag ng bata:
Larawan mula sa Pexels kuha ni Joao Paulo De Souza Oliveira
1. Problema sa genes o chromosomes
Nasa 50% ng miscarriage ang naiuugnay sa pagkakaroon ng labis o kulang na chromosomes, ayon sa Mayo Clinic. Kung nakaranas ng chromosome problems posibleng humantong ito sa pagkakaroon ng blighted ovum, kondisyon kung saan ay walang embryo na nabuo.
Puwede ring magresulta sa intrauterine fetal demise ang problema sa chromosomes. Sa kondisyong ito naman, nabuo ang embryo pero huminto itong ma-develop at namatay bago pa man magkaroon ng ano mang sintomas na nalaglag ang bata.
Dagdag pa rito, posible rin na makaranas ng molar pregnancy at partial molar pregnancy kung mayroong chromosomes problem. Sa molar pregnancy, ang parehong set ng chromosomes ay nanggaling sa tatay. Naiuugnay ito sa abnormal growth ng placental at karaniwang walang nagaganap na fetal development.
Ang partial molar pregnancy naman ay nangyayari kapag natira ang chromosomes ng nanay pero may dalawang set din ng chromosomes mula sa tatay. Naiuugnay naman ang kondisyong ito sa pagkakaroon ng abnormalities sa placenta at abnormal na fetus.
2. Health conditions ng nanay
Isa rin ang kalagayang pagkalusugan ng ina sa tinitingnan dahilan ng pagkalaglag ng bata. Tulad ng nakasaad sa pag-aaral na nabanggit ng Science Daily.
Ang pagkakaroon ng uncontrolled diabetes ng ina ay maaaring maging sanhi ng pagkalaglag ng bata. Bukod pa rito, posible ring maging sanhi ng pagkalaglag ng bata ang iba pang kondisyong pagkalusugan ng ina tulad ng mga sumusunod:
- Hormonal problems
- Sakit sa thyroid
- Problema sa matres o cervix
- impeksyon
Larawan mula sa Pexels kuha ni Glauber Torquato
Paano maiiwasan na makunan?
Hindi madaling iwasan na makunan. Mayroong ibang mga mommy na kahit anong ingat ay naranasan pa rin na malaglagan ng anak. Kung nakaranas ka ng miscarriage, mommy, tandaan na hindi mo ito kasalanan. Lalo na kung naging maingat ka naman sa iyong pagbubuntis.
Narito ang ilang maaaring gawin para mapababa ang risk na ikaw ay makunan:
- Panatilihin ang pagkakaroon ng healthy weight o sapat lang na timbang para sa iyo
- Iwasan ang pag-inom ng alak at paninigarilyo
- Uminom ng prenatal vitamins
- Magpakonsulta sa doktor at pumunta sa iyong prenatal care appointments.
- Mag-ehersisyo at kumain nang masusustansyang pagkain.
Sa pag-aalaga sa sarili habang ikaw ay buntis, naaalagaan mo rin ang iyong anak sa iyong sinapupunan.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!