Sintomas ng depresyon sa mga ina na mahalagang malaman ng mga taong nakapaligid sa kaniya upang agad na malunasan at hindi na lumala pa.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sintomas ng depresyon sa mga ina
- 4D’s: Sintomas ng depresyon
- Paano maiiwasan ang depresyon?
Sintomas ng depresyon sa mga ina
Sa ginanap na “Break the Stigma” event, na bahagi ng mental health awareness campaign ng Upjohn, ang off-patent division ng Pfizer ay nabigyan ng pagkakataon ang theAsianparent Philippines na makapanayam sina Riyan Portuguez isang psychologist at Dr. Robert Buenaventura, isang psychiatrist.
Ang interview ay tungkol sa mga sintomas ng depresyon na mapapansin sa mga bagong silang na ina. Ito ay napakahalagang malaman ng mga taong nasa paligid niya upang ito ay agad na malunasan at hindi na lumala pa.
Baby blues vs postpartum depression
Ayon kay Dr. Robert Buenaventura, isang psychiatrist, normal lang na makakaranas ng baby blues o temporary depression ang mga bagong panganak na ina.
Subalit dapat umnao ito ay agad na nawawala sa loob ng 2-3 araw. Sapagkat kung ito ay hindi nawala o mas nag-improve sa susunod na mga araw, ito ay senyales na kailangan ng mabigyan ng atensyon ang ina lalo na ang mental health niya.
Pahayag ni Dr. Buenaventura,
“Normal postpartum blues should last usually 2-3 days dapat sa 2nd at 3rd day nag-iimprove na siya. Pero kung after 3 days lumalala ang symptoms then iyon na ang critical na period. That’s when the mom should be referred to a psychiatrist.”
Kagaya nga ng sinabi kanina ang baby blues ay tumatagal lamang ilang araw o ilang linggo pagkatapos manganganak. Narito ang mga sintomas at palatandaan ng baby blues.
- Anxiety
- Mood swings
- Lungkot
- Pagiging iritable
- Pagiging overwhelmed
- Pag-iyak
- Wala masyadong konsentrasyon
- May problema sa pagkain
- Hirap makatulong
Sintomas ng depresyon sa mga ina. | Larawan mula sa iStock
4D’s: Sintomas ng depresyon (postpartum depression)
Para naman kay Riyan Portuguez, isang psychologist, mahalaga na malaman ng bawat isa sa atin ang sintomas ng depresyon. Lalo na sa mga bagong silang na ina na madalas ng nakakaranas ng post-partum depression; na maaaring mauwi sa post-partum psychosis kung mapabayaan. Ang isang paraan umano para matandaan ang sintomas ng depresyon ay sa pamamagitan ng paggamit ng sumusunod na 4D’s.
1st D ay ang Distress.
Ayon kay Portuguez, ang distress ay matutukoy kung ang indibidwal ay nakakaranas ng negative feelings na nakakaapekto sa kaniyang sarili o kaya naman sa mga taong na nasa paligid niya.
Para kay Dr. Buenaventura sa mga babaeng bagong panganak ang mga sintomas nito ay ang pagiging malungkot at matamlay. Pati na ang kawalan ng interaction ng ina sa kaniyang baby.
2nd D ay Dysfunctional
Ang sumunod na D ay ang pagiging dysfunctional na tumutukoy sa significant change ng behavior ng isang tao. Ito ay kapag tumigil na siyang gawin ang mga dati niyang ginagawa o hindi na siya nakikisalamuha sa mga taong nasa paligid niya.
Tulad na lamang ng wala siyang ganang kumain, hindi siya makatulog ng maayos at mas gusto niyang mag-isa na kung saan minsan mapapansin na umiiyak na lamang siya bigla.
3rd D ay Deviance
Ayon kay Portuguez, ang deviance ay mapapansin sa isang tao kapag nagiging unusual ang behavior niya. Sa mga ina ito ay mapapansin sa pamamagitan ng paraan kung paano niya inaalagaan o kung paano siya nagkakaroon ng interaction sa kaniyang baby.
“This is the mom asking about the baby, kumusta ang ang baby? Ano ang feeling ng baby? Gusto niyang i-hug ‘yong baby.
Gusto niyang makita ‘yong baby. Then that’s a good sign. Pero kung parang very apathetic ‘yong mom towards the baby, ‘yong hindi niya kinakumusta.
Then wala siyang attempt na i-breastfeed o i-bottle feed ‘yong baby so that’s very critical. Very withdrawn siya.”
Ito ang pagbibigay halimbawa ni Dr. Buenaventura sa nasabing sintomas ng depresyon.
4th D ay Danger
Ang huling D ayon kay Portuguez ay ang dangerousness o kapag makikitang gumagawa ng possible harm ang isang tao sa kaniyang sarili o sa mga taong nasa paligid niya.
Dagdag ni Portuguez, ang 4D’s umano ang pinakamadaling paraan para matukoy kung nakakaranas ng depresyon ang isang tao. Ang sinumang nagpapakita ng 2 o 3 sa mga ito ay dapat ng makipag-usap sa isang psychiatrist o psychologist na makakatulong para maibsan ang kaniyang sintomas at maiwasan pa ang paglala nito.
Sapagkat ika ng mga eksperto ay mabuti ng maging preventive kaysa maging curative. Lalo na sa mga kondisyon na tulad ng depresyon na madalas na nagiging dahilan upang kitilin ng isang tao ang sarili niyang buhay.
BASAHIN:
5 epekto ng depresyon ng nanay sa anak
Mom confession: “Naalala ko pa ang nakakahiyang nangyari sa ‘kin noong may prenatal depression ako.”
STUDY: Postpartum depression, maaaring tumagal ng 3 years pagkatapos manganak
Iba pang sintomas ng postpartum depression:
Sintomas ng depresyon. | Larawan mula sa iStock
Hindi lahat pare-pareho ang sintomas ng depresyon sa mga inang may postpartum depression. Ang postpartum depression ay katulad lamang ng mga sintomas ng depresyon subalit maaari may kasama itong:
- Madalas na pag-iyak.
- Nakakaramdam ng galit.
- Tinataboy ang mga mahal niya sa buhay at ayaw makipag-usap o makita sila.
- Tila walang pakiramdam at walang koneksyon sa kaniyang baby.
- Nag-aalala na baka masaktan ang kaniyang baby (ng asawa, kapamilya o kaibigan niya).
- Nakakaramdam ng pagka-guilty dahil inaakala niya na hindi siya mabuting ina at kinukuwestiyon niya ang kakahayan niyang alagaan ang kaniyang baby.
- Nahihirapan sa pagtulog.
- Hirap makagawa ng desisyon.
- Nababawasan na ng interes sa mga bagay na na-eenjoy dati.
- Nawawalan ng pag-asa.
Kagaya nga ng binanggit kanina maaaring mauri sa postpartum psychosis ang postpartum depression. Subalit isa lamang itong rare conditon o hindi pangkaraniwan.
Kadalasan itong nagde-develop isang linggo matapos manganak. Ang mga sensyales at sintomas nito ay mas malala. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod.
- Pagkalito at disorientation
- May obsessive thoughs tungkol sa kaniyang baby
- Hallucinations at delesions
- Sleep disturbances
- May sobrang enerhiya at agitation
- Paranoia
- May pagtatangkang saktan ang sarili o kaniyang baby
Ang postpartum psychosis ayon sa Mayo Clinic, ay maaaring humantong sa mga life-threatening thoughts o behavior na nagre-require ng agapang paggamot.
Paano maiiwasan ang depresyon?
Huwag mahiyang humingi ng tulong sa mga propesyunal. | Larawan mula sa iStock
May mga paraan umano ayon sa Mayo Clinic upang maiwasan ang depresyon. Kung ikaw ay may history umano ng depresyon – lalo na ng postpartum depression – sabihin agad ito sa iyong doktor kung ikaw ay nagpaplanong magbuntis ulit o kapag nalaman mong ika’y buntis.
- Habang buntis, ang iyong doktor ay imo-monitor ka upang makita ang sintomas ng depresyon. Maaari rin kasing magkaroon ka ng prenatal depression. Ang iyong doktor ay maaari magbigay sa ‘yo ng depression-screening questionnaire habang ikaw ay buntis at pagkatapos mong manganak. Ang mild na depresyon ay kadalsan nama-manage ng mga support groups, counseling at iba pang therapy. May ilan din pagkakataon na irerekomunda ng doktor ang pag-inom ng antidepressants kahit habang ikaw ay nagbubuntis.
- Pagkatapos mong manganak, ang iyong doktor ay maaaring irekumenda na ang pagkakaroon ng early postpartum checkup. Upang makita ang mga sintomas ng depresyon o postpartum depression. Kapag mas maaga itong na-detect, mas maaga rin ang pagsisimula ng iyong treatment para rito. Kung ikaw ay may history na ng postpartum depression, maaari ring irekumenda ng iyong doktor ang pag-inom ng antidepressant treatment o kaya naman psychotherapy sa oras na ikaw ay manganak.
Mahirap ang magkaroon ng depresyon mommy, pero tandaan na hindi ka nag-iisa at malalampasan mo ito. Huwag kang mahihiyang humingi ng tulong sa iyong asawa, pamilya, kaibigan o sa iyong doktor. Tandaan na mahirap man ito ay marami ang susuporta sa iyong pagdadaanan.
Source:
Quizlet, Mayo Clinic, Center for Disease Control and Prevention
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!