Isa sa mga unang pagsubok na nararanasan ng mga magulang ay kapag walang-tigil ang pag-iyak ng sanggol. Nagdadala ito ng puyat at pagod sa nag-aalaga pero higit sa lahat, pag-aalala sa kalagayan ni baby. Huwag masyadong mabahala, mommy, dahil kadalasan, baby colic ang sanhi nito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang colic at posibleng sanhi nito?
- Mga sintomas ng baby colic
- Mga paraan para maibsan ang baby colic
Maraming pwedeng dahilan ng pag-iyak ng mga newborn. Maaring dahil sa gutom, marumi aang diaper o baka gusto lang nilang maramdaman ang yakap ng kaniyang ina.
Pero kung pinadede mo na, pinalitan ang diaper at kinarga pero ayaw pa ring tumigil ng pag-iyak ni baby, baka mayroon siyang colic o tinatawag din na kabag.
Ano nga ba ang colic at ano ay mga posibleng sanhi nito?
Baby colic at sanhi nito
Sa matatanda, ang colic ay ang pananakit ng tiyan o intestinal area na tumitindi habang tumatagal. Maari itong mangyari ng regular sa loob ng ilang linggo o buwan.
Sa mga sanggol naman, inilalarawan ito ng matindi at hindi mapaliwanag na pag-iyak, na tumatagal ng ilang oras at umaabot ng ilang linggo o buwan.
Ayon kay Dr. Maria Belen Vitug-Sales, isang pediatrician at espesyalista sa gastroenterology mula sa Makati Medical Center, ang baby colic o kabag ay bahagi ng development ng isang sanggol.
Maaari itong magsimula sa ikalawang linggo pagkatapos ipanganak at magtatagal hanggang ika-5 buwan ni baby.
Dagdag pa ni Dr. Sales, ang pangunahing dahilan ng colic ay dahil hindi pa fully developed ang gut o digestive tract ng isang sanggol.
“It is acceptable for babies to have kabag until they are around 4-5 months, kasi hindi pa rin naman fully developed iyong gut nila.” aniya.
Paliwanag ng doktora, hindi pa developed ang tiyan ng isang sanggol kaya madali itong makakolekta ng hangin o gas. Maari niya itong makuha habang dumedede o kahit kapag umiiyak.
Ang ilang pang posibleng sanhi ng colic ay ang mga sumusunod:
- allergy sa pagkain o sa kanilang gatas
- sobra o kulang ang nadedede nila
- hindi napapa-burp ng maayos
- maaring may nakain ang nanay na nagdudulot ng gas
Mga sintomas ng colic
Ayon kay Dr. Sales, ang pangunahing sintomas ng colic ay ang matindi at mahabang pag-iyak ng sanggol. Maari itong tumagal ng ilang oras, at kadalasan, mapapansin mo na may oras ang ganitong klase ng pag-iyak.
“Iyong peak niya ay late in the afternoon o sa gabi. Kapag sa day time ok siya tapos biglang iiyak sa late afternoon o gabi, kabag iyan.” aniya.
Paano malalaman kung colic nga ang bumabagabag kay baby? Narito ang ilan pang mga sintomas:
- Umiiyak ng halos parehong oras araw-araw, madalas sa hapon o gabi.
- Karaniwang nakataas ang mga binti at paa at umaabot ang tuhod sa bandang dibdib.
- Nakatikom ang mga kamay na parang pasuntok.
- Madalas nakapikit o di kaya nama’y dilat na dilat ang mga mata, nakakunot ang noo at pinipigil ang paghinga minsan.
- Maaring namumula ang kanilang mukha habang umiiyak
- Hindi tuluy-tuloy ang pagtulog at pagkain, dahil sa biglang pag-iyak ng malakas.
Dagdag pa ni Dr. Sales, kadalasang tumitindi ang mga sintomas ng colic sa ika-3 buwan ni baby pero kusa naman itong nawawala o tumitigil pagdating niya ng 5 buwan. “Kasi pagdating ng 5 months, the baby’s digestive system improves already and slowly gets better.” aniya.
photo: shutterstock
Mga pwedeng gawin para maibsan ang colic
Paniniwala ng doktora, hangga’t dumedede ng maayos at nadaragdagan naman ang timbang ni baby, hindi kailangang gamutin ang colic.
“Yes, it is safe to say that there’s no need to cure the colic. If the baby is not bothered by it, if it’s not causing pain, then leave it. The important thing is that the baby is feeding well and the baby is growing.”
Pero bilang magulang, hindi natin maiwasang mag-alala tuwing naririnig ang matinding pag-iyak ng ating anak. Gusto nating may gawin para matulungan silang maibsan ang pagkabalisa nila.
Narito ang ilang paraan na pwede mong subukan para mapakalma ang isang baby na may colic:
Padighayin ng madalas ang sanggol.
Para matulungang makalabas ang hangin sa tiyan ni baby, huwag kalimutang padighayin siya pagkatapos niya dumede. Ayon kay Dr. Sales, may iba-ibang paraan para padighayin ang iyong sanggol.
“You can put the baby over your shoulder, you can put the baby in your arm, or you can even put it on your lap para lang malabas iyong hangin. Then that one will soothe the baby.”
Padapain si baby.
Subukang ibahin ang posisyon ng iyong anak. Padapain siya sa kama (kung kaya na ni baby) o sa iyong kandungan. Maari mo ring himasin ang kaniyang likod habang nakadapa para matulungang lumabas ang hanging mula sa kaniyang katawan.
Hawakan, kargahin o yakapin.
Malaki ang tulong nang maagap na pagbibigay-pansin sa pag-iyak ng sanggol. Hawakan, at yakapin, kausapin o kantahan pa, para makatulong na kumalma ang iritableng bata. Maaaring makatulong rin ang pag-iba ng posisyon ni baby para makalabas ang hangin mula sa tiyan.
Iwasan ang kapaligirang nakaka-stress at nakaka-overstimulate sa bata.
Hangga’t maaari, huwag nang tumanggap ng bisita o maraming tao sa hapon hanggang pagabi na. Pansinin kung ano ang nakakapag-overstimulate sa bata: malakas na TV, maraming taong nagkukuwentuhan, malakas na tugtog o musika, at iba pa.
Kung ikaw ay nagpapadede, tanungin sa doktor kung ano ang mga pagkaing dapat iwasan.
May mga pagkain kasing mas nakakapagpalala sa kabag at gas kay baby (at kay Mommy na rin) tulad ng cabbage at cauliflower, mga prutas na acidic at citrus, at mga pagkaing allergenic tulad ng dairy, soy, wheat, itlog, mani at iba pang nuts, at isda.
Gayundin, siguruhin na tama ang posisyon ni baby kapag nagdedede para hindi makapasok ang hangin sa kaniyang tiyan.
BASAHIN:
Iyak ng iyak dahil sa kabag? Subukan ang ilang home remedy para sa kabag ng sanggol
May tumutunog sa paghinga ng sanggol? Mga dahilan at posibleng gamot sa halak ng baby
15 bagay na hindi mo dapat gawin sa newborn baby
photo: dreamstime
Subukan ang swaddling.
Ibalot siya sa mainit-init na kumot (ilagay sa dryer o di kaya’y plantsahin nang sandali) at ibalot kay baby. Nakakatulong ang mainit-init na pakiramdam na mapakalma ang bata.
Gayundin, ang pressure mula sa sikip ng pagkakabalot (siguruhin lang na hindi ito makakasagabal sa paghinga niya) kay baby ay nakakatulong para makalabas ang hangin sa kaniyang tiyan.
Ilagay sa stroller o ilabas si baby.
Maaaring mas mailabas ang hangin sa tiyan kapag nagpalit ng posisyon o naiduyan si baby, at mabaling ang kaniyang atensyon sa ibang bagay kaya titigil siya sa pag-iyak.
Pagmasahe sa tiyan at baby bicycles
Ang dahan-dahang paghagod o pagmasahe sa tiyan ni baby. Maaring makatulong para makagalaw ang air bubbles sa tiyan at mailabas ng sanggol.
Pero kung gagamit ng oil sa pagmasahe kay baby, iwasan ang mga oil na maaring makairita sa maselang balat ng iyong anak.
Gayundin, habang nakahiga si baby, kunin ang kaniyang mga paa at dahan-dahang itaas sa kanyang tiyan at galawin ang mga ito na parang nagpipedal ng bisikleta. Subukan ang paraan na ito kapag medyo kalmado ang iyong anak at huwag sa kalagitnaan ng kaniyang pag-iyak.
Kung nakakadede naman ng maayos at nadaragdagan naman ang kaniyang timbang, hindi dapat masyadong mag-alala tungkol sa colic ni baby. “Basta ang importante sa atin, number 1 the baby is happy, hindi iyong the whole day umiiyak siya.” dagdag ni Dr. Sales.
Kung iyak pa rin ng iyak si baby matapos subukan ang mga paraan sa itaas, at kung tumatagal ng buong araw ang kaniyang pagkabalisa, oras na para kumonsulta sa pediatrician ng iyong anak.
Walang masama na humingi ng tulong o payo sa ibang tao, lalo kung nararamdaman na ang labis na pagkapagod at frustration dahil sa pag-iyak ni baby.
Kung nakakaramdam ka na ng matinding stress, ilagay si baby sa kaniyang kuna, siguruhing ligtas, at lumabas sandali (ipabantay muna sa iba, kung pwede) para huminga. Baka nararamdaman rin ng iyong anak ang iyong pagkabalisa, na nagiging dahilan ng kaniyang pag-iyak.
Sources:
Cohen-Silver, J., and S. Ratnapalan. “Management of Infantile Colic: A Review.”, Healthline, WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!